Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Disposisyon ng Diyos at Kung Ano ang Mayroon Siya at Ano Siya | Sipi 258

589 2020-12-27

Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gampanan ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon. Mula nang umiral ang tao, iyon na ang ginagawa ng Diyos, pinamamahalaan ang sansinukob, pinangangasiwaan ang mga panuntunan ng pagbabago para sa lahat ng bagay at kung paano gagalaw ang mga ito. Tulad ng lahat ng bagay, tahimik at hindi alam ng tao na pinalulusog siya ng tamis at ulan at hamog mula sa Diyos; tulad ng lahat ng bagay, hindi alam ng tao na nabubuhay siya sa ilalim ng pangangasiwa ng kamay ng Diyos. Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay.

Habang tahimik na sumasapit ang gabi, walang malay ang tao, dahil hindi mahiwatigan ng kanyang puso kung paano sumasapit ang dilim, ni kung saan ito nagmumula. Habang tahimik na lumilipas ang gabi, sinasalubong ng tao ang liwanag ng araw, ngunit tungkol sa kung saan nagmula ang liwanag, at kung paano nito naitaboy na ang dilim ng gabi, mas hindi ito alam ng tao, at lalong wala siyang malay riyan. Ang paulit-ulit na pagsasalitan ng araw at gabi ay dinadala ang tao mula sa isang panahon tungo sa isa pa, mula sa isang konteksto ng kasaysayan tungo sa sumunod, habang tinitiyak din na ang gawain ng Diyos sa bawat panahon at ang Kanyang plano para sa bawat kapanahunan ay isinasagawa. Naraanan na ng tao ang mga panahong ito na kasama ang Diyos, ngunit hindi niya alam na ang Diyos ang namumuno sa tadhana ng lahat ng bagay at buhay na nilalang, ni kung paano pinangangasiwaan at pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay. Naging mailap ito sa tao noon pa man hanggang ngayon. Bakit? Hindi dahil tagung-tago ang mga gawa ng Diyos, ni dahil kailangan pang maisakatuparan ang Kanyang plano, kundi dahil napakalayo ng puso’t espiritu ng tao sa Diyos, hanggang sa puntong patuloy pa ring nagsisilbi ang tao kay Satanas kahit sinusunod niya ang Diyos—at hindi pa rin niya alam iyon. Walang sinumang aktibong naghahanap sa mga yapak at pagpapakita ng Diyos, at walang sinumang handang mabuhay sa pangangalaga at pagkalinga ng Diyos. Sa halip, nais nilang umasa sa paninira ni Satanas, ang diyablo, para makaangkop sa mundong ito, at sa mga patakaran ng buhay na sinusunod ng masamang sangkatauhan. Sa puntong ito, ang puso’t espiritu ng tao ay naging parangal na niya kay Satanas at siyang bumubuhay rito. Higit pa rito, ang puso’t espiritu ng tao ay naging lugar na kung saan si Satanas ay makakapanirahan at naging akmang palaruan niya ito. Sa gayon hindi alam ng tao na nawawala ang kanyang pag-unawa sa mga prinsipyo ng pagiging tao, at ang halaga at kahulugan ng pag-iral ng tao. Ang mga batas ng Diyos at ang tipan sa pagitan ng Diyos at ng tao ay unti-unting naglalaho sa puso ng tao, at tumitigil siya sa paghahanap o pakikinig sa Diyos. Sa paglipas ng panahon, hindi na nauunawaan ng tao kung bakit siya nilikha ng Diyos, ni hindi niya nauunawaan ang mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos. Sa gayo’y nagsisimula ang tao na labanan ang mga batas at atas ng Diyos, at nagiging manhid ang kanyang puso’t espiritu…. Nawawala sa Diyos ang tao na orihinal Niyang nilikha, at nawawala sa tao ang ugat na orihinal niyang taglay: Ito ang pighati ng sangkatauhang ito. Sa katunayan, mula sa pinakasimula hanggang ngayon, nagsaayos na ng isang trahedya ang Diyos para sa sangkatauhan, kung saan ang tao ay kapwa bida at biktima. At walang makasagot kung sino ang direktor ng trahedyang ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao

Mag-iwan ng Tugon