Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 419

978 2021-07-31

Wala nang mas mahalagang hakbang sa pagpasok sa mga salita ng Diyos kaysa sa pagpapatahimik sa puso mo sa Kanyang presensya. Isang aral ito na kailangang-kailangang pasukin ng lahat ng tao sa kasalukuyan. Ang mga landas sa pagpasok sa pagpapatahimik sa puso mo sa harap ng Diyos ay ang mga sumusunod:

1. Ilayo mo ang puso mo sa mga bagay na walang kinalaman sa iyo. Pumayapa sa harap ng Diyos, at ituon ang iyong buong pansin sa pagdarasal sa Diyos.

2. Habang payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, kainin, inumin, at tamasahin ang mga salita ng Diyos.

3. Pagmunihan at pagbulayan ang pag-ibig ng Diyos at pagnilayan ang gawain ng Diyos sa puso mo.

Una, magsimula sa aspeto ng pagdarasal. Tumutok sa pagdarasal at sa itinakdang mga oras. Gaano ka man kagipit sa oras, o gaano ka man kaabala sa trabaho, o anuman ang dumating sa iyo, manalangin araw-araw nang normal, at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang normal. Hangga’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos, anuman ang iyong kapaligiran, masisiyahan nang husto ang iyong espiritu, at hindi ka gagambalain ng mga tao, pangyayari, o bagay sa iyong paligid. Kapag malimit mong binubulay-bulay ang Diyos sa puso mo, hindi ka magagambala ng nangyayari sa labas. Ito ang kahulugan ng pagkakaroon ng tayog. Magsimula sa pagdarasal: Ang pagdarasal nang tahimik sa harap ng Diyos ay napakamabunga. Pagkatapos noon, kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, hanapin ang liwanag sa mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagninilay sa mga ito, hanapin ang landas ng pagsasagawa, alamin ang layunin ng Diyos sa pagbigkas ng Kanyang mga salita, at unawain ang mga ito nang walang paglihis. Karaniwan, dapat ay normal para sa iyo ang mapalapit sa Diyos sa puso mo, na pagbulayan ang pag-ibig ng Diyos at pagnilayan ang mga salita ng Diyos, nang hindi nagagambala ng mga nangyayari sa labas. Kapag nagkamit na ang puso mo ng kaunting kapayapaan, makakapag-isip-isip ka nang tahimik at, sa iyong kalooban, mapagbubulay-bulayan mo ang pag-ibig ng Diyos at tunay kang mapapalapit sa Kanya, anuman ang iyong kapaligiran, hanggang sa huli ay marating mo ang punto kung saan nag-uumapaw ang papuri sa puso mo, at mas mabuti pa iyan kaysa pagdarasal. Pagkatapos ay magtataglay ka ng isang tiyak na tayog. Kung matatamo mo ang mga kalagayang inilarawan sa itaas, magiging patunay iyan na tunay na payapa ang puso mo sa harap ng Diyos. Ito ang unang mahalagang leksyon. Pagkatapos mapayapa ang mga tao sa harap ng Diyos, saka lamang sila maaantig ng Banal na Espiritu, at maliliwanagan at pagliliwanagin ng Banal na Espiritu, at saka lamang nila tunay na makakaniig ang Diyos, at mauunawaan ang kalooban ng Diyos at ang patnubay ng Banal na Espiritu. Sa gayon ay nakapasok na sila sa tamang landas sa kanilang espirituwal na buhay. Kapag lumalim na nang kaunti ang pagsasanay nilang mabuhay sa harap ng Diyos, at nagagawa nilang talikdan ang kanilang sarili, kasuklaman ang kanilang sarili, at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, tunay na payapa ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Ang magawang kasuklaman ang sarili, isumpa ang sarili, at talikdan ang sarili ang epektong nakamit ng gawain ng Diyos, at hindi ito magagawang mag-isa ng mga tao. Sa gayon, ang pagsasagawa na patahimikin ang puso ng isang tao sa harap ng Diyos ay isang leksyon na dapat pasukin kaagad ng mga tao. Para sa ilang tao, karaniwan ay hindi lamang sila hindi mapayapa sa harap ng Diyos, kundi hindi pa nila mapatahimik ang kanilang puso sa harap ng Diyos kahit habang nagdarasal. Kulang na kulang ito sa mga pamantayan ng Diyos! Kung hindi mapayapa ang puso mo sa harap ng Diyos, maaantig ka ba ng Banal na Espiritu? Kung hindi ka mapayapa sa harap ng Diyos, malamang na magambala ka kapag may dumaan, o kapag nag-uusap ang iba, at maaaring mapalayo ang isipan mo kapag may ginagawa ang iba, kaya hindi ka nabubuhay sa presensya ng Diyos. Kung talagang payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, hindi ka magagambala ng anumang nangyayari sa mundo sa labas, o maaabala ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Kung may pagpasok ka rito, ang mga negatibong kalagayang iyon at lahat ng negatibong bagay—mga pagkaintindi ng tao, pilosopiya para sa pamumuhay, abnormal na ugnayan sa mga tao, at mga ideya at kaisipan, at iba pa—ay natural na maglalaho. Dahil palagi mong pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, at palagi mong inilalapit ang puso mo sa Diyos at lagi kang abala sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, ang mga negatibong bagay na iyon ay mawawala sa iyo nang hindi mo namamalayan. Kapag abala ka sa mga bago at positibong bagay, mawawalan ng puwang ang mga negatibo at lumang bagay, kaya huwag mong pansinin ang mga negatibong bagay na iyon. Hindi mo kailangang sikaping pigilan ang mga ito. Dapat kang magtuon sa pagiging payapa sa harap ng Diyos, kumain, uminom, at tamasahin ang mga salita ng Diyos hangga’t kaya mo, umawit ng mga himno ng papuri sa Diyos hangga’t kaya mo, at bigyan ng pagkakataon ang Diyos na gawaan ka, dahil gusto ng Diyos ngayon na personal na gawing perpekto ang sangkatauhan, at gusto Niyang matamo ang puso mo; inaantig ng Kanyang Espiritu ang puso mo at kung, sa pagsunod sa patnubay ng Banal na Espiritu, nabubuhay ka sa presensya ng Diyos, mapapalugod mo ang Diyos. Kung papansinin mo ang pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos at higit kang makikibahagi tungkol sa katotohanan upang magtamo ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, maglalahong lahat yaong mga relihiyosong pagkaintindi at ang iyong pagmamagaling at pagpapahalaga sa sarili, at malalaman mo kung paano gugulin ang sarili mo para sa Diyos, paano mahalin ang Diyos, at paano palugurin ang Diyos. At hindi mo mamamalayan, yaong mga bagay na walang kinalaman sa Diyos ay lubusang mapaparam mula sa iyong kamalayan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagpapatahimik sa Puso Mo sa Harap ng Diyos

Mag-iwan ng Tugon