Ang gawaing ginawa ni Pablo ay ipinakita sa harap ng tao, ngunit kung gaano kadalisay noon ang kanyang pagmamahal sa Diyos at gaano niya minahal ang Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso—ang mga bagay na ito ay hindi nakikita ng tao. Namamasdan lamang ng tao ang gawaing kanyang ginawa, kung saan nalalaman ng tao na tiyak na siya ay kinasangkapan ng Banal na Espiritu, kaya nga iniisip ng tao na mas mabuti si Pablo kaysa kay Pedro, na mas dakila ang kanyang gawain, sapagkat nagawa niyang tustusan ang mga iglesia. Umasa lamang si Pedro sa kanyang mga personal na karanasan at iilang tao lamang ang natamo sa kanyang panaka-nakang gawain. Mula sa kanya iilan lamang ang di-gaanong kilalang mga sulat, ngunit sino ang nakakaalam kung gaano kadakila ang kanyang pagmamahal sa Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso? Araw-araw, gumawa si Pablo para sa Diyos: Basta’t may gawaing gagawin, ginawa niya iyon. Nadama niya na sa ganitong paraan ay magkakamit siya ng korona, at mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, subalit hindi siya naghanap ng mga paraan para baguhin ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang gawain. Anuman sa buhay ni Pedro na hindi nagbigay-kasiyahan sa naisin ng Diyos ay nakaligalig sa kanya. Kung hindi iyon nakalugod sa naisin ng Diyos, nakadama siya ng taos na pagsisisi, at naghanap ng angkop na paraan para mapagsikapan niyang mapalugod ang puso ng Diyos. Kahit sa pinakamaliit at pinaka-walang-kabuluhang mga aspeto ng kanyang buhay, kusa pa rin niyang pinalugod ang naisin ng Diyos. Gayon din siya katindi pagdating sa kanyang dating disposisyon, laging mahigpit sa kanyang mga hinihingi sa kanyang sarili upang sumulong nang mas malalim sa katotohanan. Hinangad lamang ni Pablo ang mababaw na reputasyon at katayuan. Hinangad niyang ipagyabang ang kanyang sarili sa harap ng tao, at hindi naghangad na sumulong nang mas malalim sa kanyang pagpasok sa buhay. Ang kanyang pinahalagahan ay ang doktrina, hindi ang realidad. Sabi ng ilang tao, “Napakaraming ginawa ni Pablo para sa Diyos, bakit hindi siya naalaala ng Diyos? Gumawa lamang si Pedro ng kaunting gawain para sa Diyos, at hindi malaki ang iniambag sa mga iglesia, kaya bakit siya ginawang perpekto?” Minahal ni Pedro ang Diyos kahit paano, na siyang kinailangan ng Diyos; ang gayong mga tao lamang ang may patotoo. At ano naman ang kay Pablo? Gaano minahal ni Pablo ang Diyos? Alam mo ba? Para saan ba ginawa ang gawain ni Pablo? At para saan ginawa ang gawain ni Pedro? Hindi gaanong marami ang ginawang gawain ni Pedro, ngunit alam mo ba kung ano ang nasa kaibuturan ng kanyang puso? Ang gawain ni Pablo ay ukol sa pagtustos sa mga iglesia, at sa suporta ng mga iglesia. Ang naranasan ni Pedro ay mga pagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay; naranasan niyang mahalin ang Diyos. Ngayong alam mo na ang mga pagkakaiba sa kanilang mga kakanyahan, makikita mo kung sino, sa bandang huli, ang tunay na naniwala sa Diyos, at sino ang hindi tunay na naniwala sa Diyos. Ang isa sa kanila ay tunay na nagmahal sa Diyos, at ang isa pa ay hindi tunay na nagmahal sa Diyos; ang isa ay sumailalim sa mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at ang isa pa ay hindi; ang isa ay mapagpakumbabang naglingkod, at hindi madaling napansin ng mga tao, at ang isa pa ay sinamba ng mga tao, at naging dakila sa paningin nila; ang isa ay naghangad ng kabanalan, at ang isa pa ay hindi, at bagama’t hindi siya marumi, hindi siya nag-angkin ng isang dalisay na pagmamahal; ang isa ay nag-angkin ng totoong pagkatao, at ang isa pa ay hindi; ang isa ay nag-angkin ng katinuan ng isang nilalang ng Diyos, at ang isa pa ay hindi. Gayon ang mga pagkakaiba sa mga kakanyahan nina Pablo at Pedro. Ang landas na tinahak ni Pedro ay ang landas ng tagumpay, na siya ring landas ng pagkakamit ng pagbawi sa normal na pagkatao at pagbawi sa tungkulin ng isang nilalang ng Diyos. Kinakatawan ni Pedro ang lahat ng taong tagumpay. Ang landas na tinahak ni Pablo ay ang landas ng kabiguan, at kinakatawan niya ang lahat ng nagpapasakop lamang at ginugugol ang kanilang sarili nang paimbabaw, at hindi tunay na nagmamahal sa Diyos. Kinakatawan ni Pablo ang lahat ng hindi nagtataglay ng katotohanan. Sa kanyang paniniwala sa Diyos, hinangad ni Pedro na bigyang-kasiyahan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hinangad na sundin ang lahat ng nagmula sa Diyos. Wala ni katiting na reklamo, nagawa niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol, gayundin ang pagpipino, kapighatian at kakulangan sa kanyang buhay, at walang isa man dito na maaaring magpabago sa kanyang pagmamahal sa Diyos. Hindi ba ito ang sukdulang pagmamahal sa Diyos? Hindi ba ito ang katuparan ng tungkulin ng isang nilalang ng Diyos? Sa pagkastigo man, paghatol, o kapighatian, lagi kang may kakayahang maging masunurin hanggang kamatayan, at ito ang dapat makamit ng isang nilalang ng Diyos, ito ang kadalisayan ng pagmamahal sa Diyos. Kung makakamtan ng tao ang ganito, siya ay isang angkop na nilalang ng Diyos, at wala nang ibang mas nagbibigay-kasiyahan sa naisin ng Lumikha. Ipagpalagay nang nakakagawa ka para sa Diyos, subalit hindi ka sumusunod sa Diyos, at hindi mo kayang tunay na mahalin ang Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo lamang hindi natupad ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos, kundi ikukondena ka rin ng Diyos, dahil ikaw ay isang taong hindi nagtataglay ng katotohanan, na walang kakayahang sumunod sa Diyos, at suwail sa Diyos. Pinahahalagahan mo lamang ang paggawa para sa Diyos, at hindi mo pinahahalagahan ang pagsasagawa ng katotohanan o pagkilala sa iyong sarili. Hindi mo nauunawaan o nakikilala ang Lumikha, at hindi mo sinusunod o minamahal ang Lumikha. Ikaw ay isang taong likas na suwail sa Diyos, kaya nga ang gayong mga tao ay hindi minamahal ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao