Ano ang Talagang Ibig Sabihin ng Panginoong Jesus Nang Sinabi Niya sa Krus na “Naganap Na”?
Pinaniniwalaan ng mga Kristiyano na no’ng sinabi ng Panginoong Jesus sa krus na “Naganap na,” sinasabi Niya na ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay nakumpleto na. Kaya nakasisiguro ang lahat na sa pagbabalik ng Panginoon, wala na Siyang gagawin pang gawain ng pagliligtas, kundi ay iaakyat na lang Niya ang lahat ng mananampalataya sa kalangitan para makilala ang Panginoon, dalhin tayo sa langit, at ’yon na ’yon. Ito’y isang bagay na matatag na pinaniniwalaan ng mga mananampalataya ng Panginoon. Kaya napakaraming laging nakatingin sa kalangitan, patamad na naghihintay na diretso silang dalhin ng Panginoon sa Kanyang kaharian. Pero ngayon, ang malalaking sakuna ay dumating na at karamihan ay hindi pa nakikita ang pagparito ng Panginoon, kaya humihina ang kanilang pananampalataya, at pinanghihinaan sila ng loob. Ang ilan nga ay may mga pagdududa pa: Totoo ba talaga ang pangako ng Panginoon? Paparito ba Siya, o hindi? Sa totoo, palihim na bumalik ang Panginoong Jesus bilang ang Anak ng tao matagal na panahon na ang nakalilipas, nagpapahayag ng maraming katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos. Pero karamihan ng mga tao ay ’di sinusubukang pakinggan ang tinig ng Diyos o hinahangad na marinig ang mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at buong panahong ipinagpapalagay nila na paparito ang Panginoon sakay ng isang ulap para dalhin sila sa langit, kaya napapalampas nila ang pagkakataong salubungin ang Panginoon. Magiging panghabambuhay na panghihinayang iyon. Maaaring may malapit na kaugnayan ito sa kung paano binibigyang kahulugan ng mga tao ang mga salita ng Panginoong Jesus sa krus: “Naganap na.”
Simulan natin dito. Bakit iniisip ng napakaraming mananampalataya na ang pagsasabi ng Panginoong Jesus na “Naganap na” ay nangangahulugang tapos na ang gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan? May anumang biblikal na batayan ba ito? Kinumpirma ba ito ng Banal na Espiritu? Kahit minsan ba’y sinabi ng Panginoon na hindi na Siya gagawa ng anumang gawain para iligtas ang sangkatauhan? Pinatotohanan ba ng Banal na Espiritu na ang mga salitang ito ay tumutukoy sa pagkumpleto ng Diyos sa Kanyang gawain ng pagliligtas? May kasiguruhan nating masasabing: Hindi. Kung gayon, bakit tinutukoy ng lahat ang mga salitang ito mula sa Panginoong Jesus bilang kahulugan na ang gawain ng pagliligtas ng Diyos ay ganap na kumpleto na noon? Medyo kakatwa iyon, hindi ba? Ang pag-unawa sa mga salita ng Diyos ay hindi madali. Sinasabi sa 2 Pedro 1:20, “Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag.” Napakalubha ng mga kahihinatnan ng pagbibigay ng sarili mong kahulugan sa Kasulatan. Isipin n’yo ang mga Fariseo—personal nilang binigyang kahulugan ang mga propesiya tungkol sa Mesias, at bilang resulta, pumarito ang Mesias, at nakita nilang hindi umaakma ang Panginoong Jesus sa kanilang mga interpretasyon. Kaya kinondena nila ang Kanyang gawain at ipinapako pa nga Siya sa krus. Humarap sila sa mga napakalubhang kinahinatnan. Direktang humantong ito sa pagkakasumpa sa kanila ng Panginoong Jesus. Isinumpa sila!
Kaya nang sabihin ng Panginoong Jesus sa krus na “Naganap na,” anong ibig Niyang sabihin? Ang pag-unawa nito ay nangangailangan ng maingat na pag-iisip sa mga biblikal na propesiya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon sa mga huling araw, lalo na ang mga bagay na personal na sinabi ng Panginoong Jesus na gagawin Niya, at ang Kanyang mga parabula tungkol sa kaharian ng langit. Ang mga bagay na ito ay direktang nakaugnay sa Kanyang gawain sa mga huling araw. Kailangan nating magkaroon ng pangunahing pag-unawa sa mga propesiya’t parabulang ito para maunawaan nang tama kung ano talaga ang sinasabi ng Panginoong Jesus nang sabihin Niya ito sa krus. Kahit na hindi natin ito lubos na nauunawan, hindi iyon dahilan para ipagpalagay na ang ibig Niyang sabihin ay ganap nang tapos ang gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Isa itong ’di makatwirang katawa-tawang paniniwala. Sa katunayan, kung seryoso nating bibigyan ng konsiderasyon ang mga propesiya at parabula ng Panginoong Jesus para sa kaharian ng langit, puwede tayong magkamit ng pangunahing pagkaunawa sa kaharian at sa gawain ng Panginoon sa Kanyang pagbabalik. Pagkatapos hindi na natin mamamali ang pakahulugan ng Kanyang pahayag na, “Naganap na.” Ipinropesiya ng Panginoong Jesus: “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan” (Juan 16:12–13). “Kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagka’t hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Ang nagtatakuwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48). “Sapagka’t ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol. … At binigyan Niya Siya ng kapamahalaang makahatol, sapagka’t Siya’y Anak ng tao” (Juan 5:22, 27). At sinasabi sa 1 Pedro: “Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos” (1 Pedro 4:17). Nakikita natin sa Pahayag: “Narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito” (Pahayag 5:5). “Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7). Gumamit din ng maraming parabula ang Panginoong Jesus para ilarawan ang kaharian ng langit, tulad ng “Tulad din naman ang kaharian ng langit sa isang lambat, na inihulog sa dagat, na nakahuli ng sari-saring isda: Na, nang mapuno, ay hinila nila sa pampang; at sila’y nagsiupo, at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, datapuwa’t itinapon ang masasama. Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan: lalabas ang mga anghel, at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid, At sila’y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin” (Mateo 13:47–50). Makikita natin mula sa mga propesiya at parabulang ito na sinabi ng Panginoong Jesus na marami Siyang gagawing gawain pagbalik Niya. Pero ang pinakaimportanteng bahagi nito ay ang pagpapahayag ng katotohanan at paggawa ng gawain ng paghatol. Aakayin nito ang mga tao na makapasok sa lahat ng katotohanan at pagkatapos ay aayusin ang lahat ayon sa kanilang uri. ’Yong mga maaaring gawing perpekto ay magiging perpekto, at ’yong dapat maalis ay maaalis. Ganap nitong matutupad ang lahat ng sinabi ng Panginoong Jesus tungkol sa kaharian. Isipin n’yo ang trigo at mga damo, ang lambat, ang matatalino at mga hangal na dalaga, ang tupa at mga kambing, ang mabubuti at masasamang tagapaglingkod. Ihihiwalay ng gawain ng paghatol simula sa sambahayan ng Diyos ang trigo mula sa mga damo, ang mabuti mula sa masasamang tagapaglingkod, ’yong mga nagmamahal sa katotohanan mula sa mga naghahangad lang ng kaginhawaan. Dadaluhan ng matatalinong dalaga ang handaan ng kasal ng Cordero at gagawing perpekto ng Diyos. At ’yong mga hangal na birhen? Malulugmok sila sa mga sakuna, tumatangis at nagngangalit ang kanilang mga ngipin dahil hindi sila nakinig sa tinig ng Diyos. Ito ang gawain ng paghatol, para ayusin ang lahat ayon sa kanilang uri, ginagantimpalaan ang mabuti at pinarurusahan ang masama, at ganap nitong isasakatuparan ang propesiyang ito sa Pahayag: “Ang liko, ay magpakaliko pa: at ang marumi, ay magpakarumi pa: at ang matuwid, ay magpakatuwid pa: at ang banal, ay magpakabanal pa” (Pahayag 22:11). “Narito, Ako’y madaling pumaparito; at ang Aking gantimpala ay nasa Akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa’t isa ayon sa kaniyang gawa” (Pahayag 22:12). Kapag talagang nauunawaan natin ang mga propesiya ng Panginoong Jesus, makikita natin na ang pagparito ng Panginoon sa mga huling araw ay para ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng paghatol, ibinubukod ang lahat ayon sa kanilang uri at pinagpapasyahan ang kanilang kahihinatnan. Kung gayon, puwede ba talaga nating sabihin na no’ng sinabi ng Panginoong Jesus sa krus na “Naganap na,” sinasabi Niyang ang gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan ay tapos na? Patuloy ba tayong hangal na titingin sa kalangitan, hinihintay na pumarito ang Panginoong Jesus sakay ng isang ulap at dalhin tayo sa kalangitan para makilala Siya? Kaswal pa rin ba nating kokondenahin ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos nang Siya’y gumawa sa mga huling araw? Walang pakundangan ba nating itatanggi na ang Panginoon ay nagbalik sa katawang-tao bilang ang Anak ng tao para gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw? Ang malalaking sakuna ay dumating na, at maraming relihiyosong tao ang naliligaw pa rin sa kanilang pangarap na babalik ang Panginoon, iniisip na hindi Niya sila palalayasin. Oras na para magising. Kung hindi sila matatauhan, sa sandaling ang mga sakuna’y tapos na at ang Makapangyarihang Diyos ay lantarang nagpapakita sa lahat ng tao, gagawing panibago ng Diyos ang langit at lupa, at lahat ng tao sa relihiyosong mundo ay tataghoy at magngangalit ang kanilang mga ngipin. Isasakatuparan nito ang propesiyang ito sa Pahayag: “Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa Kaniya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kaniya” (Pahayag 1:7).
Marami ang tiyak na magtatanong kung ano talagang ibig sabihin ng Panginoong Jesus nang sinabi niya sa krus na “Naganap na.” Sa totoo lang, napakasimple nito. Ang mga salita ng Panginoong Jesus ay palaging napakapraktikal, kaya nang sinabi Niya ito, siguradong ang tinutukoy Niya ay ang Kanyang gawain ng pagtubos. Pero ipinagpipilitan ng mga tao na intindihin ang mga praktikal na salitang ito mula sa Panginoon bilang tungkol sa gawain ng Diyos para iligtas ang tao, pero ito’y lubos na ’di makatwiran, dahil bahagya lang natapos ng Diyos ang Kanyang gawain para iligtas ang sangkatauhan. Nariyan pa rin ang pinakakritikal na hakbang—ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Bakit mo paninindigan na ang “Naganap na” ay nangangahulugan na ang lahat ng gawain ng pagliligtas ng Diyos ay tapos na? Hindi ba’t medyo kakatwa iyon at ’di makatwiran? Unang una, bakit ba ipinako sa krus ang Panginoong Jesus? Ano ang talagang nagawa Niya sa pamamagitan nito? Ano ang naging kinalabasan? Alam ito ng lahat ng mananampalataya, dahil napakalinaw itong nakadokumentado sa Biblia. Pumarito ang Panginoong Jesus para tubusin ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagkakapako sa krus, ang Panginoong Jesus ay nagsilbing handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, kinukuha ang kasalanan ng bawat isa para hindi na kailangang makondena ng mga tao at malagay sa kamatayan sa ilalim ng kautusan. Tapos, mapapatawad ang mga kasalanan ng mga tao basta’t naniwala sila sa Panginoon, at nagdasal at nangumpisal sa Kanya, at magtatamasa ng kamangha-manghang biyaya mula sa Diyos. Iyon ay kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya, at ito ang nakamit ng gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus. Kahit na ang ating mga kasalanan ay napatawad sa pamamagitan ng ating pananampalataya, walang sinuman ang makatatanggi na hindi pa rin natin maiwasang magkasala sa lahat ng oras. Namumuhay tayo sa paulit-ulit na pagkakasala, pangungumpisal, at pagkakasalang muli. Hindi naman talaga tayo nakatakas sa kasalanan. Anong ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito na mayroon pa rin tayong makasalanang kalikasan, at mayroon tayong mga satanikong disposisyon, kaya hindi natin maaayos ang problema ng patuloy na pagkakasala matapos na mapatawad ang ating mga kasalanan. Iniiwan nitong tuliro ang lahat ng mananampalataya—isa itong bagay na napakasakit. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal” (Levitico 11:45). Ang Diyos ay matuwid at banal, kaya hindi Siya maaaring makita ng sinumang hindi dalisay. Kaya paanong ang mga taong palaging nagkakasala at nilalabanan ang Diyos ay magiging karapat-dapat sa pagpasok sa kaharian ng Diyos? Bilang hindi pa tuluyang natatakasan ng mga tao ang kasalanan at nadadalisay, maaari bang matapos na talaga ang gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan? Ang kaligtasan ng Diyos ay magiging ganap na kaligtasan—hindi Siya kailanman susuko sa kalagitnaan ng Kanyang gawain. ’Yan ang dahilan kung bakit maraming beses na ipinropesiya ng Panginoong Jesus ang Kanyang pagbabalik. Siya’y nagbalik sa mga huling araw, medyo matagal-tagal na, bilang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao. Nagpahayag ng mga katotohanan ang Makapangyarihang Diyos para gawin ang gawain ng paghatol sa pundasyon ng gawain ng pagtubos ng Panginoon. Ito’y para linisin ang sangkatauhan sa ating mga tiwaling disposisyon nang sa gayo’y mapalaya tayo sa mga kadena ng kasalanan. Ito’y para ganap tayong iligtas mula sa mga puwersa ni Satanas at sa wakas ay dalhin tayo sa kaharian ng Diyos. Saka lang matatapos ang gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan kapag ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay natapos na.
Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay” (Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).
“Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay” (“Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).
“Ang mahalagang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay upang linisin ang sangkatauhan at upang ihanda sila para sa kanilang huling pahinga. Kung walang ganitong paglilinis, wala sa sangkatauhan ang maaaring maiuri sa magkakaibang mga kategorya ayon sa uri, o pumasok sa pahinga. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa pahinga. Tanging ang paglilinis ng Diyos ang magtatanggal ng kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang magdadala sa liwanag sa mga masuwaying bahagi ng sangkatauhan, naghihiwalay sa mga maaaring maligtas mula sa mga hindi maaari, at ang mga mananatili mula sa mga hindi. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na kalagayan ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, uumpisahan nila ang kanilang araw ng pahinga, at mabuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga makasalanan, hindi matuwid na mga tao. … Ang buong layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito sa gawain Niya ang pinakamahalaga. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang pamamahala” (“Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).
Napakalinaw ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus ay para lang patawarin ang mga kasalanan ng tao. Ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ang ganap na naglilinis at nagliligtas sa sangkatauhan. Hinahatulan at inilalantad ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang rebelbe’t laban sa Diyos na kalikasan at diwa ng tao, hinahayaan tayong malaman ang sarili nating satanikong disposisyon at katiwalian. Ipinapakita nito sa atin na punong-puno tayo ng mga satanikong disposisyon, tulad ng pagmamataas, katusuhan, at kasamaan nang wala ni katiting na wangis ng tao. Ito ang tanging paraan para makita ng mga tao ang katotohanan kung gaano kalala sila ginawang tiwali ni Satanas, kaya totoong kinamumuhian nila ang kanilang sarili at nagkakaroon ng tunay na pagsisisi, tapos ay nagsisisi sa Diyos. Tapos ay nakikita nila kung gaano kahalaga ang katotohanan at nagsisimulang magtuon sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagpasok sa katotohanang realidad. Hinahayaan sila nitong unti-unting alisin ang kanilang tiwaling disposisyon at simulang baguhin ang kanilang disposisyon sa buhay, at sa huli ay magagawang tunay na magpasakop at matakot sa Diyos, at mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Ganito ganap na mapapalayas ng mga tao ang mga puwersa ni Satanas at lubos na maliligtas ng Diyos, tapos ay mapoprotektahan sila ng Diyos at malalagpasan ang malalaking sakuna sa mga huling araw, at makakapasok sa magandang destinasyong inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan. Isinasakatuparan nito ang propesiya sa Pahayag 21:3–6. “At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at Siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging mga bayan Niya, at ang Diyos din ay sasa kanila, at magiging Diyos nila: At papahirin Niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na. At yaong nakaluklok sa luklukan ay nagsabi, Narito, ginagawa Kong bago ang lahat ng mga bagay. At sinabi Niya, Isulat mo: sapagka’t ang mga salitang ito ay tapat at tunay. At sinabi Niya sa akin, Nagawa na. Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay Aking paiinuming walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay.” Dito, sinasabi ng Diyos na “Nagawa na.” Ibang-iba ito sa sinabi ng Panginoong Jesus sa krus na: “Naganap na.” Magkakaibang konteksto ang mga ito, magkakaibang mundo. No’ng sinabi ng Panginoong Jesus sa krus na “Naganap na,” ang tinutukoy Niya ay ang pagkumpleto ng Kanyang gawain ng pagtubos. Ang mga salitang “Nagawa na” sa Aklat ng Pahayag ay ang pagtukoy ng Diyos sa ganap na pagkumpleto ng Kanyang gawain para iligtas ang sangkatauhan, kapag ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, Siya ay titira sa kanila, at sila ang magiging tao ng Kanyang kaharian, kung saan wala nang mga luha, kamatayan, o pagdurusa. Ito ang tanging palatandaan ng Diyos sa pagkumpleto ng Kanyang gawain ng pagliligtas.
Sa puntong ito, dapat ay malinaw na sa lahat na ang pagsasabing ang mga salita ng Panginoong Jesus sa krus ay nangangahulugang tapos na ang gawain ng pagliligtas ng Diyos ay lubos na salungat sa realidad ng gawain ng Diyos at pawang kuru-kuro ng tao. Isa itong maling pakahulugan sa mga salita ng Panginoon na mapanlinlang at nakaliligaw, at hindi natin masasabi kung ilang tao ang nilupaypay nito. ’Yong mga pikit-matang kumakapit dito, naghihintay lang na biglang magpakita ang Panginoon sakay ng isang ulap para sila’y madala sa kaharian, habang tinatanggihang siyasatin ang maraming katotohanang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos, ay ganap na mapapalampas ang kanilang pagkakataong makilala ang Panginoon. At siyempre, hindi nila kailanman matatakasan ang kasalanan at lubos na maliligtas. Tapos ang habambuhay na pananampalataya ay mababalewala, at tiyak na mahuhulog sila sa mga sakuna at aalisin ng Diyos.
Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Yaong mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno yaong mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung sinusubukan mo lamang na hawakan ang nakaraan, sinusubukan lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka nila maaakay para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Napagyayaman lamang ng mga banal na kasulatang binabasa mo ang dila mo at hindi ng mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi sa mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo ng pagmumuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba pinagtatanto ka nito sa mga hiwagang sumasaloob? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi kailanman makakamit ang buhay” (“Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).