Ang Pang-araw-araw na Pagkain at Inuming Inihahanda ng Diyos Para sa Sangkatauhan (Unang Bahagi)
Ngayon-ngayon lang, pinag-usapan natin ang tungkol sa isang bahagi ng kapaligiran sa kabuuan, iyon ay, ang mga kundisyong kinakailangan para sa kaligtasan ng buhay ng tao, na inihanda ng Diyos nang nilikha Niya ang mundo. Pinag-usapan natin ang tungkol sa limang bagay, limang elemento ng kapaligiran. May malapit na kaugnayan ang ating susunod na paksa sa pisikal na buhay ng bawa’t tao, at mas angkop ito sa buhay na iyon at isang mas malaking katuparan ng kinakailangan nitong mga kundisyon kaysa sa nakaraang lima. Samakatuwid nga, ito ang pagkaing kinakain ng mga tao. Nilikha ng Diyos ang tao at inilagay siya sa isang angkop na kapaligirang paninirahan; pagkatapos, kinailangan ng tao ang pagkain at tubig. Nagkaroon ang tao ng ganitong pangangailangan, kaya gumawa ang Diyos ng naaangkop na mga paghahanda para sa kanya. Samakatuwid, ang bawa’t hakbang ng gawain ng Diyos at ang bawa’t bagay na ginagawa Niya ay hindi hungkag na mga salitang binibigkas, bagkus ay tunay, praktikal na pagkilos na isinasagawa. Hindi ba’t kailangang-kailangan ang pagkain sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao? Mas mahalaga ba ang pagkain kaysa sa hangin? Magkasinghalaga ang mga ito. Kapwa mga kinakailangang kundisyon at mga substansiya para sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan at para mapangalagaan ang pagpapatuloy ng buhay ng tao. Alin ang mas mahalaga—hangin, o tubig? Temperatura, o pagkain? Magkakasinghalaga ang mga ito. Hindi maaaring mamili ang mga tao sa mga ito sapagka’t hindi maaaring mawala sa kanila ang anuman sa mga ito. Isa itong tunay, praktikal na usapin, hindi isa sa iyong mga pagpili sa pagitan ng mga bagay-bagay. Hindi mo alam, nguni’t alam ng Diyos. Kapag nakakakita ka ng pagkain, iniisip mong, “Hindi ko kayang walang pagkain!” Subali’t pagkatapos na pagkatapos kang likhain, alam mo ba noon na kailangan mo ng pagkain? Hindi mo alam, nguni’t alam ng Diyos. Noon lang nagutom ka at nakakita ng bunga sa mga puno at butil sa lupa para iyong kainin na iyong napagtantong kailangan mo ng pagkain. Noon lang nauhaw ka at nakakita ng bukal ng tubig—noon lang uminom ka na iyong napagtantong kailangan mo ng tubig. Patiuna nang inihanda ng Diyos ang tubig para sa sangkatauhan. Ang pagkain, hindi mahalaga kung ang isang tao ay kumakain sa isang araw nang tatlo o dalawang beses, o maging higit pa, ay, sa madaling sabi, isang bagay na hindi maaaring mawala sa mga tao sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Isa ito sa mga bagay na kailangan upang mapanatili ang normal, nagpapatuloy na kaligtasan ng buhay ng katawan ng tao. Kung gayon, saan nagmumula ang karamihan sa mga pagkain? Una, nagmumula ito sa lupa. Patiuna nang inihanda ng Diyos ang lupa para sa sangkatauhan, at angkop ito para sa kaligtasan ng buhay ng maraming uri ng mga halaman, hindi lamang mga puno o damo. Inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan ang mga buto ng lahat ng uri ng mga butil at mga buto ng iba’t iba pang pagkain, at binigyan Niya ang sangkatauhan ng angkop na lupa at lupain para tamnan, at sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nakakukuha ng pagkain ang sangkatauhan. Ano ang iba’t ibang uri ng pagkain? Marahil ay alam na ninyo. Una, nariyan ang iba’t ibang butil. Ano ang iba’t ibang uri ng butil na mayroon? Trigo, dawang foxtail, dawang malagkit, dawang proso, at iba pang uri ng tinalupang butil. Ang mga binutil, gayundin, ay mayroong lahat ng uri, na may sari-saring klase mula sa timog hanggang sa hilaga: sebada, trigo, obena, bakwit, at iba pa. Iba’t ibang uri ang naaangkop na linangin sa iba’t ibang rehiyon. Mayroon ding iba’t ibang uri ng bigas. Ang timog ay mayroong sarili nitong sari-saring klase, na mas mahahabang butil at angkop sa mga tao mula sa timog dahil ang klima ay mas mainit doon, kailangan nilang kumain ng mga klase na gaya ng bigas na indica, na hindi masyadong malagkit. Hindi maaaring maging masyadong malagkit ang kanilang bigas kundi ay mawawalan sila ng gana at hindi masisikmura ito. Mas malagkit ang kinakaing bigas ng mga taga-Hilaga, sapagka’t ang hilaga ay laging malamig, dapat kumain ang mga tao roon ng mas malagkit na mga pagkain. Sunod, mayroon ding maraming klase ng patani, na tumutubo sa ibabaw ng lupa, at laman-lupang mga gulay na tumutubo sa ilalim ng lupa, gaya ng mga patatas, kamote, gabi, at marami pang iba. Tumutubo ang mga patatas sa hilaga, kung saan napakaganda ng kalidad ng mga ito. Kapag walang makaing butil ang mga tao, ang mga patatas, bilang isang pangunahing pagkain, ay maaari silang mapanatili na kumakain nang tatlong beses sa isang araw. Maaari ring maging reserbang pagkain ang mga patatas. Hindi kasing-ganda ng mga patatas ang mga kamote pagdating sa kalidad, nguni’t maaari pa ring magamit ang mga ito bilang pangunahing pagkain upang makumpleto ang tatlong pang-araw-araw na pagkain. Kapag mahirap makakuha ng mga butil, maiiwasan ng mga tao ang gutom sa pamamagitan ng mga kamote. Ang gabi, na kadalasang kinakain ng mga tao sa timog, ay maaari ring gamitin sa parehong paraan, at maaari ring magsilbing pangunahing pagkain. Iyan ang maraming iba’t ibang pananim, na kinakailangang mga bahagi ng pang-araw-araw na pagkain at inumin ng mga tao. Gumagamit ang mga tao ng iba’t ibang butil upang gumawa ng tinapay, siopao, noodles, kanin, bihong gawa sa bigas, at iba pang mga bagay. Saganang ipinagkaloob na ng Diyos ang iba’t ibang uri ng mga butil na ito sa sangkatauhan. Kung bakit mayroong napakaraming sari-saring klase ay isang bagay na may kaugnayan sa kalooban ng Diyos: Naaangkop ang mga ito na palaguin sa iba’t ibang lupa at klima ng hilaga, timog, silangan, at kanluran; habang tumutugon ang iba’t iba nitong komposisyon at nilalaman sa iba’t ibang komposisyon at nilalaman ng katawan ng tao. Tanging sa pagkain ng mga butil na ito mapananatili ng mga tao ang iba’t ibang sustansiya at substansiyang kinakailangan ng kanilang mga katawan. Magkaiba ang pagkaing hilaga at pagkaing timog, nguni’t mas marami ang pagkakatulad ng mga ito kaysa sa pagkakaiba. Kapwa kayang masapatan ang regular na mga pangangailangan ng katawan ng tao at suportahan ang normal na kaligtasan ng buhay nito. Kaya, napakarami ng uring ibinubunga sa bawa’t rehiyon dahil kailangan ng pisikal na katawan ng mga tao ang ibinibigay ng iba’t ibang pagkaing ito—kailangan nilang matustusan ng iba’t ibang pagkaing ito na pinalago mula sa lupa upang mapanatili ang normal na pag-iral ng katawan, na maaari silang magkaroon ng normal na buhay ng tao. Sa madaling sabi, naging napakamapagsaalang-alang ang Diyos sa sangkatauhan. Hindi pare-pareho ang iba’t ibang pagkaing ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao—sa kabaligtaran, napakalawak ng saklaw ng mga ito. Kung gusto ng mga tao na kumain ng mga binutil, makakakain sila ng mga binutil. Mas gusto ng ilang tao ang kanin kaysa sa trigo, at, kapag ayaw ng trigo, makakakain sila ng kanin. Mayroong lahat ng uri ng bigas—mahabang butil, maliit na butil—at kaya ng bawa’t isa na mapasiyahan ang mga panlasa ng mga tao. Samakatuwid, kung kumain ang mga tao ng mga butil na ito—hanggang hindi sila masyadong mapili sa kanilang pagkain—hindi sila magkukulang sa nutrisyon at siguradong mamumuhay nang malusog hanggang sila ay mamatay. Iyon ang ideyang nasa isip ng Diyos nang pinagkalooban Niya ng pagkain ang sangkatauhan. Hindi maaaring wala ng mga bagay na ito ang katawan ng tao—hindi ba iyon ang realidad? Mga praktikal itong problema na hindi kayang lutasin ng mga tao nang mag-isa, nguni’t nakahanda ang Diyos para sa kanila: Pinag-isipan Niya ang mga ito nang patiuna at gumawa ng mga paghahanda para sa sangkatauhan.
Subali’t hindi lang iyon ang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan—binigyan Niya rin ng mga gulay ang sangkatauhan! Kapag kumakain ka ng kanin, kung iyon lang ang kinakain mo, at wala nang iba pa, maaaring magkulang sa nutrisyon. Sa kabilang banda, kung magprito ka ng kaunting gulay o maghalo ng ensalada upang kaining kasama ng mga pagkain, natural na masasapatan ng mga bitamina sa mga gulay at ng iba’t ibang tig-kakaunting mga elemento at iba pang sustansiya ng mga ito ang mga pangangailangan ng katawan. At makakakain din ang mga tao ng kaunting prutas tuwing meryenda. Minsan, kailangan ng mga tao ng mas maraming likido o iba pang sustansiya o iba’t ibang lasa, at nariyan ang mga prutas at gulay upang tugunan ang mga pangangailangang ito. Dahil magkakaiba ang mga lupa at klima sa hilaga, timog, silangan at kanluran, sari-saring klase ng mga prutas at gulay ang ibinubunga ng mga ito. Dahil ang klima sa timog ay masyadong mainit, karamihan sa mga prutas at gulay roon ay pampalamig na uri, na, matapos makain, ay kayang balansehin ang lamig at init sa katawan ng tao. Sa kabaligtaran, mayroong mas kakaunting klase ng mga gulay at prutas sa hilaga, nguni’t sapat pa rin upang tamasahin ng mga taga-roon. Gayunpaman, dahil sa mga pag-unlad sa lipunan nitong nakaraang mga taon at sa tinatawag na panlipunang pagsulong, pati na rin ang mga pagpapabuti sa komunikasyon at transportasyon na nag-uugnay sa hilaga, timog, silangan, at kanluran, nakakakain na rin ang mga tao sa hilaga ng ilang prutas at gulay mula sa timog, o mga produktong panrehiyon mula sa timog, at magagawa nila iyon sa lahat ng apat na panahon ng taon. Bagaman kaya nitong mapasiyahan ang gana sa pagkain at materyal na mga pagnanasa ng mga tao, sumasailalim ang kanilang mga katawan sa iba-ibang antas ng pinsala nang hindi sinasadya. Ito ay dahil, sa mga pagkaing inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan, mayroong mga pagkain at mga prutas at mga gulay na ukol sa mga tao sa timog, at mayroon ding mga pagkain at mga prutas at mga gulay na ukol sa mga tao sa hilaga. Ibig sabihin, kung ipinanganak ka sa timog, angkop para sa iyo ang pagkain ng mga bagay mula sa timog. Partikular na inihanda ng Diyos ang mga pagkain at mga prutas at mga gulay na ito dahil may partikular na klima ang timog. Ang hilaga ay mayroong pagkain na kailangan para sa mga katawan ng mga tao sa hilaga. Subali’t dahil may matakaw na gana sa pagkain ang mga tao, di-namamalayang pinahintulutan na nila ang kanilang mga sarili na magpadala sa daloy ng bagong mga panlipunang kalakaran, at wala silang kamalay-malay na lumalabag sa mga batas na ito. Kahit na pakiramdam ng mga tao ay mas mabuti ang kanilang mga buhay kaysa sa nakalipas, nagdudulot ang ganitong uri ng panlipunang pagsulong ng natatagong kapinsalaan sa mga katawan ng mas dumarami pang bilang ng mga tao. Hindi ito ang gustong makita ng Diyos, at hindi ito ang nilayon Niya nang ibinigay Niya sa sangkatauhan ang mga pagkain, mga prutas, at mga gulay na ito. Ang mga tao mismo ang naging sanhi ng kasalukuyang sitwasyon sa pamamagitan ng paglabag sa mga batas ng Diyos.
Bukod pa man sa lahat ng iyon, tunay na mayaman sa kasaganaan ang yamang ibinigay na ng Diyos sa sangkatauhan, at may sariling lokal na produkto ang bawa’t lugar. Halimbawa, mayaman ang ilang lugar sa pulang mga datiles (na kilala rin bilang mga dyudyube), mayaman ang iba sa mga nogales, at mayaman naman ang iba sa mga mani o iba pang uri ng mga nuwes. Nagbibigay ang lahat ng materyal na bagay na ito ng mga sustansiyang kailangan ng katawan ng tao. Subali’t nagtutustos ang Diyos sa sangkatauhan ng mga bagay sa tamang dami at sa tamang oras, ayon sa panahon at petsa ng taon. Nag-iimbot ang sangkatauhan ng pisikal na mga kasiyahan at matakaw, na ginagawang madali na labagin at pinsalain ang likas na mga batas ng paglago ng tao na Kanyang itinatag nang nilikha Niya ang sangkatauhan. Kunin natin bilang halimbawa ang seresa. Nahihinog ang mga ito sa bandang Hunyo. Sa ilalim ng normal na mga kalagayan, pagsapit ng Agosto, wala nang natitirang seresa. Mapananatiling sariwa ang mga seresa sa loob lamang ng dalawang buwan, nguni’t, gamit ang siyentipikong mga pamamaraan, kaya na ngayon ng mga tao na pahabain ang panahong iyon sa labindalawang buwan, kahit hanggang sa panahon ng mga seresa sa susunod na taon. Nangangahulugan ito na may mga seresa sa buong taon. Normal ba ang kababalaghang ito? (Hindi.) Kung gayon ay kailan ang pinakamagandang panahon upang kumain ng mga seresa? Iyon ay ang panahon mula Hunyo hanggang Agosto. Pagkalipas ng panahong ito, kahit gaano kasariwa mo pinananatili ang mga seresa, hindi pareho ang kanilang lasa, at hindi rin nagbibigay ang mga ito ng kung ano ang kinakailangan ng katawan ng tao. Sa oras na lumipas na ang petsa ng pagkasira, kahit anong mga kemikal ang iyong gamitin, hindi mo mapupuspos ang mga ito ng lahat ng mayroon ito kapag pinalago nang natural. Dagdag pa rito, isang bagay ang pinsala na dulot ng mga kemikal sa mga tao na walang sinuman ang makalulutas o makapagbabago, anuman ang subukan nila. Kaya, ano ang dinadala ng kasalukuyang ekonomiya ng pamilihan sa mga tao? Tila mas mabuti ang mga buhay ng mga tao, naging napakadali ng transportasyon sa pagitan ng mga rehiyon, at nakakakain ang mga tao ng lahat ng klase ng mga prutas sa anuman sa apat na panahon ng taon. Palaging nakakakain ang mga tao sa hilaga ng mga saging, pati na rin ng anumang masasarap na panrehiyong pagkain, prutas, o iba pang pagkaing mula sa timog. Subali’t hindi ito ang buhay na nais ibigay ng Diyos sa sangkatauhan. Maaaring magdala ng ilang benepisyo sa buhay ng mga tao ang ganitong klase ng ekonomiya ng pamilihan, nguni’t makapagdadala rin ito ng pinsala. Dahil sa kasaganaan sa pamilihan, maraming tao ang kumakain nang hindi nag-iisip tungkol sa kung ano ang inilalagay nila sa kanilang mga bibig. Nilalabag ng pag-uugaling ito ang mga batas ng kalikasan, at nakapipinsala ito sa kalusugan ng mga tao. Kaya, hindi nakapagdudulot ang ekonomiya ng pamilihan ng tunay na kasiyahan sa mga tao. Tingnan ninyo mismo. Hindi ba ibinebenta ang mga ubas sa pamilihan sa lahat ng apat na panahon ng taon? Sa katunayan, nananatili lamang na sariwa ang mga ubas sa loob ng napakaikling panahon matapos pitasin ang mga ito. Kung itago mo ang mga ito hanggang sa susunod na Hunyo, matatawag pa bang ubas ang mga ito? O mas mabuti bang tawaging “basura” ang mga ito? Hindi lamang sa kulang ang mga ito ng substansiya ng isang sariwang ubas—mas marami ring kemikal ang mga ito. Matapos ang isang taon, hindi na sariwa ang mga ito, at matagal nang nawala ang mga sustansiyang mayroon ito dati. Kapag kumakain ang mga tao ng ubas, ganito ang kanilang pakiramdam: “Napakasuwerte natin! Makakakain ba tayo ng mga ubas sa panahong ito tatlumpung taon ang nakalilipas? Hindi maaari, kahit na gusto mo! Kay-inam ng buhay ngayon!” Kasiyahan ba talaga ito? Kung interesado, makapagsasagawa ng sariling pananaliksik tungkol sa inimbak na mga ubas gamit ang kemikal at tingnan lang kung ano ang bumubuo sa mga ito at kung ang mga substansiyang ito ay makabubuti ba sa mga tao. Sa Kapanahunan ng Kautusan, habang naglalakbay ang mga Israelita matapos lisanin ang Ehipto, binigyan sila ng Diyos ng pugo at mana. Subali’t pinahintulutan ba ng Diyos ang mga tao na imbakin ang mga pagkaing ito? Maikli ang pananaw ng ilan sa kanila at, takot na wala na sa susunod na araw, kaya’t nagtatago sila nang kaunti para makain kalaunan. Ano ang nangyari pagkatapos? Nang sumunod na araw, bulok na ito. Hindi hinahayaan ng Diyos na magtabi ka nang kaunti man, sapagka’t nagsagawa na Siya ng mga paghahandang tumitiyak na hindi ka magugutom. Subali’t walang ganoong pagtitiwala ang sangkatauhan, ni mayroon silang tunay na pananampalataya sa Diyos. Palagi nilang nais na bigyan ng puwang ang kanilang mga sarili upang magmaniobra, at hindi kailanman nakikita ang lahat ng malasakit at pag-iisip sa likod ng mga paghahanda ng Diyos para sa sangkatauhan. Hindi nila nararamdaman ito, kaya’t hindi nila ganap na mailagak ang kanilang pananampalataya sa Diyos, palaging nag-iisip na: “Hindi maaasahan ang mga pagkilos ng Diyos! Sino ang nakaaalam kung ibibigay ba sa atin ng Diyos kung ano ang kailangan natin o kung kailan Niya ibibigay ito sa atin! Kung gutom na gutom na ako at hindi nagbibigay ang Diyos, hindi ba’t mamamatay ako sa gutom? Hindi ba ako magkukulang sa nutrisyon?” Tingnan kung gaano karupok ang pagtitiwala ng tao!
Ang mga butil, mga prutas at mga gulay, at ang lahat ng uri ng mga nuwes—lahat ng ito ay mga pagkaing walang karne. Nagtataglay ang mga ito ng sapat na mga sustansiya upang masapatan ang mga pangangailangan ng katawan ng tao, bagaman mga pagkaing walang karne ang mga ito. Gayunpaman, hindi sinabi ng Diyos na: “Ito lang ang mga pagkaing ibibigay Ko sa sangkatauhan. Hayaan silang kainin ang mga bagay na ito lamang!” Hindi tumigil ang Diyos doon, bagkus ay nagpatuloy upang maghanda para sa sangkatauhan ng marami pang pagkain na lalo pang mas masasarap. Ano ang mga pagkaing ito? Ito ang iba’t ibang uri ng karne at isda na nakikita at nakakain ng karamihan sa inyo. Naghanda Siya para sa tao ng maraming-maraming uri ng karne at isda. Nabubuhay sa tubig ang mga isda, at ang karne ng isda ng tubig ay iba sa substansiya ng karne ng mga hayop na naninirahan sa lupa, at makapagbibigay ang mga ito ng iba’t ibang sustansiya sa tao. May mga katangian din ang isda na makapagsasaayos ng lamig at init sa katawan ng tao, na lubos na kapaki-pakinabang sa tao. Nguni’t hindi dapat kainin nang sobra-sobra ang masasarap na pagkain. Tulad ng nasabi Ko na, ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang tamang dami sa tamang oras, upang maayos na matamasa ng mga tao ang Kanyang pagkakaloob sa normal na paraan at alinsunod sa panahon at oras. Ngayon, anong uri ng mga pagkain ang kabilang sa kategorya ng manukan? Manok, pugo, kalapati, at marami pang iba. Maraming tao ang kumakain rin ng itik at gansa. Bagaman ibinigay na ng Diyos ang lahat ng uring ito ng karne, gumawa Siya ng ilang kahilingan sa Kanyang hinirang na mga tao at naglagay ng tiyak na mga limitasyon sa kanilang diyeta noong Kapanahunan ng Kautusan. Sa kasalukuyan, ayon sa indibiduwal na panlasa at personal na pagpapakahulugan ang mga limitasyong ito. Nagbibigay ang iba’t ibang karneng ito ng magkakaibang sustansiya sa katawan ng tao, pinapalitang muli ang protina at iron, pinagyayaman ang dugo, pinatitibay ang mga kalamnan at ang mga buto, at pinalalakas ang katawan. Paano man lutuin at kainin ng mga tao ang mga ito, makatutulong ang mga karneng ito na mapabuti ang lasa ng kanilang pagkain at mapalakas ang kanilang gana, habang pinasisiyahan din ang kanilang mga sikmura. Ang pinakamahalaga, kayang tustusan ng mga pagkaing ito ang pang-araw-araw na pangangailangan sa nutrisyon ng katawang ng tao. Ito ang pagsasaalang-alang ng Diyos nang inihanda Niya ang pagkain para sa sangkatauhan. May mga gulay, may karne—hindi ba ito kasaganaan? Subali’t dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang intensyon ng Diyos nang inihanda Niya ang lahat ng pagkain para sa sangkatauhan. Ito ba ay upang magpakalabis ang sangkatauhan sa mga pagkaing ito? Ano ang nangyayari kapag nasadlak ang tao sa pagtatangkang mapasiyahan ang materyal na mga pagnanasang ito? Hindi ba siya nagiging sobra sa kain? Hindi ba nagpapahirap sa katawan ng tao sa maraming paraan ang labis na pagkain? (Oo.) Iyon ang dahilan kung bakit binabaha-bahagi ng Diyos ang tamang dami sa tamang oras at pinatatamasa sa mga tao ang iba’t ibang pagkain alinsunod sa iba’t ibang takdang oras at panahon. Halimbawa, matapos ang napakainit na tag-init, naiipon ng mga tao ang sobrang init sa kanilang mga katawan, pati na rin ang patohenikong pagkatuyo at pamamasa. Kapag dumating ang taglagas, maraming uri ng prutas ang nahihinog, at kapag kumain ang mga tao ng mga prutas na ito, napaaalis ang pamamasa sa kanilang mga katawan. Sa panahong ito, lumaki na ring malalakas ang mga baka at tupa, kaya ito ay kung kailan dapat kumain ang mga tao ng mas maraming karne bilang pagkain. Sa pagkain ng iba’t ibang uri ng karne, nagkakamit ng enerhiya at init ang mga katawan ng mga tao upang tulungan silang makayanan ang lamig ng taglamig, at bilang resulta ay nakakayanan nilang malampasan ang taglamig nang ligtas at malusog. Nang may buong ingat at katiyakan, kinokontrol at isinasaayos ng Diyos kung ano ang ibibigay sa sangkatauhan, at kung kailan; at kung kailan Niya palalaguin, pabubungahin, at pahihinugin ang iba’t ibang bagay. Nauugnay ito sa “Paano inihahanda ng Diyos ang pagkaing kailangan ng tao sa pang-araw-araw niyang pamumuhay.” Bukod sa maraming uri ng pagkain, nagbibigay rin ang Diyos sa sangkatauhan ng mga pinagmumulan ng tubig. Matapos kumain, kailangan pa rin ng mga tao na uminom ng tubig. Sapat na ba ang prutas lang? Hindi mabubuhay ang mga tao sa prutas lang, at bukod pa rito, walang prutas sa ilang panahon. Kung gayon, paano malulutas ang problema ng sangkatauhan sa tubig? Nalutas na ito ng Diyos sa pamamagitan ng paghahanda ng maraming pinagmumulan ng tubig sa ibabaw at sa ilalim ng lupa, kabilang ang mga lawa, mga ilog, at mga bukal. Maiinuman ang mga pinagmumulan ng tubig na ito hangga’t walang kontaminasyon, at hangga’t hindi pa ito namanipula o napinsala ng mga tao. Sa madaling salita, pagdating sa mga pinagmumulan ng pagkain na nagpapanatili sa buhay ng pisikal na mga katawan ng sangkatauhan, nagsagawa na ang Diyos ng napakatiyak, napakatumpak, at napaka-angkop na mga paghahanda, upang maging mayaman at masagana ang buhay ng mga tao at hindi nagkukulang ng kahit ano. Isang bagay ito na nararamdaman at nakikita ng mga tao.
Dagdag pa rito, nilikha ng Diyos kasama ng lahat ng bagay ang ilang halaman, mga hayop, at iba’t ibang halamang-gamot na partikular na iniukol upang magpagaling ng mga pinsala o gamutin ang mga karamdaman sa katawan ng tao. Ano ang dapat gawin ng isang tao, halimbawa, kung mapaso sila, o aksidenteng mabanlian ng mainit na likido ang kanilang mga sarili? Maaari bang banlawan na lamang ng tubig ang paso? Maaari mo bang balutin na lamang ito ng kahit anong piraso ng tela? Kung gawin iyon, maaaring mapuno ng nana o maimpeksiyon ang sugat. Kung magkalagnat ang isang tao, halimbawa, o magkasipon; masaktan habang nagtatrabaho; magkaroon ng sakit sa tiyan mula sa pagkain ng maling bagay; o magkaroon ng mga karamdamang dulot ng uri ng pamumuhay o emosyonal na mga isyu, kabilang ang mga karamdaman sa ugat, sikolohikal na mga kundisyon, o mga sakit sa mga lamang-loob, mayroong kaukulang mga halaman na nagpapagaling sa kanilang mga kundisyon. May mga halaman na nagpapabuti ng daloy ng dugo at nag-aalis ng mga pagbara, nagpapaginhawa sa kirot, pumipigil sa pagdurugo, nagbibigay ng pampamanhid, tumutulong sa paghilom ng balat at ibinabalik ito sa normal na kundisyon, at nagpapangalat sa di-dumadaloy na dugo at nag-aalis ng mga lason mula sa katawan—sa madaling sabi, may mga gamit ang mga halamang ito sa pang-araw-araw na buhay. Magagamit ng mga tao ang mga ito, at inihanda na ng Diyos ang mga ito para sa katawan ng tao sakaling kailanganin. Pinahintulutan ng Diyos na matuklasan ng tao ang ilan sa mga ito nang di-sinasadya, habang natuklasan ang iba ng mga taong hinirang ng Diyos na gawin iyon, o bilang resulta ng espesyal na mga kababalaghang isinaayos Niya. Kasunod ng pagkakatuklas sa mga halamang ito, ipapasa ng sangkatauhan ang mga ito, at maraming tao ang makaaalam tungkol sa mga ito. Samakatuwid ay may halaga at kahulugan ang paglikha ng Diyos sa mga halamang ito. Bilang buod, mula sa Diyos ang lahat ng bagay na ito, Kanyang inihanda at itinanim nang likhain Niya ang kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan. Kinakailangan ang mga ito. Mas masinsinan ba ang pag-iisip ng Diyos kaysa sa sangkatauhan? Kapag nakikita mo ang lahat ng nagawa na ng Diyos, nararamdaman mo ba ang praktikal na panig ng Diyos? Gumagawa nang palihim ang Diyos. Nilikha na ng Diyos ang lahat ng ito noong hindi pa dumarating ang tao sa mundong ito, noong wala pa Siyang pakikipag-ugnayan sa sangkatauhan. Ginawa ang lahat nang isinasaisip ang sangkatauhan, para sa kapakanan ng pag-iral ng sangkatauhan at nang may pag-iisip para sa kaligtasan ng kanilang buhay, upang maaaring mamuhay ang sangkatauhan nang masaya sa mayaman at masaganang materyal na mundong ito na inihanda ng Diyos para sa kanila, malaya mula sa pag-aalala tungkol sa pagkain o sa mga damit, hindi nagkukulang ng kahit na ano. Sa gayong kapaligiran, nakapagpapatuloy ang sangkatauhan na magparami at manatiling buhay.
Sa lahat ng gawa ng Diyos, malaki at maliit, mayroon bang walang halaga o kahulugan? Lahat ng ginagawa Niya ay may halaga at kahulugan. Simulan natin ang ating talakayan sa isang karaniwang paksa. Madalas na tinatanong ng mga tao: Ano ang nauna, ang manok o ang itlog? (Ang manok.) Naunang dumating ang manok, sigurado iyan! Bakit naunang dumating ang manok? Bakit hindi maaaring ang itlog ang naunang dumating? Hindi ba’t napipisa mula sa itlog ang manok? Matapos ang dalawampu’t isang araw, lumalabas ang manok mula sa itlog, at ang manok na iyon kalaunan ay nangingitlog nang marami pa, at marami pang manok ang lumalabas mula sa mga itlog na iyon. Kung gayon, ang manok ba o ang itlog ang naunang dumating? Isinagot ninyo ang “manok” nang may ganap na kasiguraduhan. Subali’t bakit ito ang inyong sagot? (Sinasabi ng Bibliya na nilikha ng Diyos ang mga ibon at mga hayop.) Kaya, ayon sa Bibliya ang sagot ninyo. Subali’t nais Kong sabihin ninyo ang tungkol sa inyong sariling pagkaunawa, upang makita Ko kung mayroon ba kayong anumang praktikal na kaalaman sa mga pagkilos ng Diyos. Ngayon, sigurado ba kayo sa inyong sagot, o hindi? (Nilikha ng Diyos ang manok, pagkatapos ay binigyan ito ng kakayahan na magparami, na nangangahulugan ng kakayahang maglimlim ng mga itlog.) Waring tama ang paliwanag na ito. Ang manok ang unang dumating, at sumunod ang itlog. Ito ay sigurado. Hindi ito isang napakalalim na hiwaga, nguni’t itinuturing itong ganoon ng mga tao sa mundo at sinusubukang lutasin ito gamit ang mga teoryang pilosopiko, nang hindi sumasapit kailanman sa isang konklusyon. Ito ay katulad lang ng kapag hindi alam ng mga tao na nilikha sila ng Diyos. Hindi nila alam ang pangunahing prinsipyong ito, ni mayroon silang maliwanag na ideya kung ang itlog o ang manok ba ang dapat na nauna. Hindi nila alam kung alin ang dapat na nauna, kaya hindi nila kailanman nahahanap ang kasagutan. Natural lang na ang manok ang nauna. Kung ang itlog ang nauna bago ang manok, iyon ay magiging abnormal! Napakasimpleng bagay nito—siguradong naunang dumating ang manok. Hindi ito isang tanong na nangangailangan ng makabagong kaalaman. Nilikha ng Diyos ang lahat, nang may intensyon na dapat itong tamasahin ng tao. Kapag may manok na, natural na susunod ang itlog. Hindi ba ito isang nakahandang solusyon? Kung ang itlog ang unang nilikha, hindi ba kakailanganin din nito ang manok upang malimliman ito? Higit na mas madaling solusyon ang direktang paglikha ng manok. Sa ganitong paraan, makapangingitlog ang manok at malimliman ang mga sisiw sa loob, at maaaring magkaroon ang mga tao ng manok upang kainin. Kay dali! Ang paraan ng paggawa ng Diyos sa mga bagay ay maayos at malinis, at talagang hindi magulo. Saan ba nanggagaling ang itlog? Nanggagaling ito sa manok. Walang itlog kung wala ang manok. Isang bagay na may buhay ang nilikha ng Diyos! Balintuna at katawa-tawa ang sangkatauhan, palaging nasasalabid sa gayon kasimpleng mga bagay, at nagtatapos sa isang bungkos ng kakatwang mga kamalian. Masyadong parang bata ang tao! Ang kaugnayan sa pagitan ng itlog at ng manok ay malinaw: Naunang dumating ang manok. Ito ang pinakatumpak na paliwanag, ang pinakatumpak na paraan upang maunawaan ito, at ang pinakatumpak na sagot. Tama ito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VIII