Mag-subscribe

Menu

Muling Tinukso ni Satanas si Job (Naglitawan Ang Mahapding mga Pigsa sa Buong Katawan ni Job)

a. Ang mga Salitang Binigkas ng Diyos

Job 2:3 At sinabi ni Jehova kay Satanas, Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job? Sapagka’t walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan: at siya’y namamalagi sa kaniyang pagtatapat, bagaman Ako’y kinilos mo laban sa kaniya, upang ilugmok siya ng walang kadahilanan.

Job 2:6 At sinabi ni Jehova kay Satanas, Narito, siya’y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kaniyang buhay.

b. Ang mga Salitang Binigkas ni Satanas

Job 2:4–5 At si Satanas ay sumagot kay Jehova, at nagsabi, Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kaniyang buhay. Nguni’t pagbuhatan Mo ngayon ng Iyong kamay, at galawin Mo ang kaniyang buto at ang kaniyang laman, at kaniyang susumpain Ka ng mukhaan.

c. Paano Kinakaharap ni Job ang Pagsubok

Job 2:9–10 Nang magkagayo’y sinabi ng kaniyang asawa sa kaniya, Namamalagi ka pa ba sa iyong pagtatapat? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka. Nguni’t sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama? Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job ng kaniyang mga labi.

Job 3:3 Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi.

Ang Pag-ibig ni Job sa Daan ng Diyos ay Nakahihigit sa Lahat

Itinala ng Kasulatan ang mga salita sa pagitan ng Diyos at ni Satanas sa mga sumusunod: “At sinabi ni Jehova kay Satanas, Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job? Sapagka’t walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan: at siya’y namamalagi sa kaniyang pagtatapat, bagaman Ako’y kinilos mo laban sa kaniya, upang ilugmok siya ng walang kadahilanan” (Job 2:3). Sa ganitong palitan, inuulit ng Diyos ang parehong tanong kay Satanas. Ito ay isang tanong na nagpapakita sa atin ng positibong pagsusuri ng Diyos na si Jehova sa ipinakita at isinabuhay ni Job sa unang pagsubok, at wala itong pinagkaiba sa pagsusuri ng Diyos kay Job bago pa man siya napasailalim sa panunukso ni Satanas. Ibig sabihin, bago pa man dumating ang tukso sa kanya, perpekto na si Job sa mga mata ng Diyos, at dahil dito, siya at ang kanyang pamilya ay pinangalagaan ng Diyos, at siya ay pinagpala. Karapat-dapat siyang pagpalain sa mga mata ng Diyos. Pagkatapos ng panunukso, hindi nagkasala ang mga labi ni Job dahil nawala sa kanya ang kanyang mga ari-arian at pati na rin ang kanyang mga anak, ngunit patuloy niyang pinuri ang pangalan ni Jehova. Pinuri siya ng Diyos dahil sa kanyang ginawa, at binigyan siya ng matataas na marka dahil sa kanyang tunay na asal. Sa mga mata ni Job, hindi sapat ang kanyang mga anak o ang kanyang mga ari-arian upang itakwil niya ang Diyos. Sa madaling salita, ang lugar ng Diyos sa kanyang puso ay hindi kayang palitan ng kanyang mga anak o anumang piraso ng ari-arian. Sa panahon ng unang tukso kay Job, ipinakita niya sa Diyos na walang kapantay ang kanyang pag-ibig para sa Kanya at ang kanyang pagmamahal sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang pagsubok na ito ay nagbigay kay Job ng karanasan na makatanggap ng gantimpala mula sa Diyos na si Jehova at matanggalan Niya ng ari-arian at mga anak.

Para kay Job, ito ay isang tunay na karanasan na naglinis sa kanyang kaluluwa. Ito ay isang pagbibinyag ng buhay na nakatupad sa kanyang pag-iral, at, higit pa rito, isa itong masaganang kapistahan na sumubok sa kanyang pagkamasunurin, at takot sa Diyos. Binago ng panunuksong ito ang katayuan ni Job mula sa pagiging isang mayamang tao, siya ay naging isang taong walang pag-aari, at ipinaranas din sa kanya ang pagmamalupit ni Satanas sa sangkatauhan. Hindi naging dahilan ang kanyang paghihikahos upang kapootan niya si Satanas, sa halip, sa mga mapang-alipustang gawain ni Satanas, nakita niya ang kapangitan at kasuklam-suklam na kalagayan ni Satanas, pati na rin ang poot at panghihimagsik ni Satanas sa Diyos, at mas hinikayat siya nito na habambuhay na panghawakan ang daan na may takot sa Diyos at iwasan ang kasamaan. Isinumpa niya na hindi niya kailanman tatalikuran ang Diyos at hindi niya kailanman tatalikuran ang daan ng Diyos dahil sa mga panlabas na kadahilanan gaya ng ari-arian, mga anak o mga kamag-anak, at hindi siya kailanman magiging alipin ni Satanas, ng ari-arian, o ng sinumang tao. Bukod sa Diyos na si Jehova, walang iba pang maaaring maging Panginoon o Diyos niya. Iyon ang mga hangarin ni Job. Sa kabilang banda, nakakuha rin si Job ng isang bagay sa tuksong ito: Nagkamit siya ng malaking kayamanan sa gitna ng mga pagsubok na ibinigay sa kanya ng Diyos.

Sa kanyang buhay sa mga nakaraang ilang dekada, pinagmasdan ni Job ang mga gawa ni Jehova at nakamit ang mga biyaya ng Diyos na si Jehova para sa kanya. Mga biyaya ang mga ito na nagdulot sa kanya ng labis na pagkabalisa at pagkakaroon ng utang na loob, dahil naniwala siya na wala pa siyang ginagawa para sa Diyos, ngunit pinamanahan na siya ng maraming biyaya at nagtamasa na ng napakaraming pagpapala. Dahil dito, madalas siyang nanalangin sa kanyang puso, umasa siya na makakabayad siya sa Diyos, umasa na mabibigyan siya ng pagkakataon na magpatotoo sa mga gawa at kadakilaan ng Diyos, at umaasa na susubukin ng Diyos ang kanyang pagkamasunurin, at, higit pa rito, magiging dalisay ang kanyang pananampalataya, hanggang sa sang-ayunan ng Diyos ang kanyang pagkamasunurin at pananampalataya. At nang dumating ang pagsubok kay Job, naniwala siya na narinig ng Diyos ang kanyang mga panalangin. Pinahalagahan ni Job ang pagkakataong ito nang higit pa sa anumang bagay, at dahil dito hindi siya nangahas na ipagsawalang bahala ito, dahil ang kanyang pinakadakilang hangarin sa buhay ay maaari nang maganap. Nangahulugang sa pagdating ng pagkakataong ito, ang kanyang pagsunod at takot sa Diyos ay maaaring malagay sa pagsubok, at maaaring maging dalisay. Bukod pa rito, nangahulugan ito na may pagkakataon na si Job na makuha ang pagsang-ayon ng Diyos, at sa gayon ay mas mapapalapit siya sa Diyos. Sa panahon ng pagsubok, ang ganitong pananampalataya at paghahangad ang lalong nagpa-igting ng pagiging perpekto niya, at nagpaunawa ng kalooban ng Diyos. Lalo ring nagpasalamat si Job sa mga pagpapala at biyaya ng Diyos, nagbuhos siya ng mas maraming papuri sa mga gawa ng Diyos sa kanyang puso, at siya ay mas nagkaroon ng takot at paggalang sa Diyos, at naghangad pa lalo ng pagiging kaibig-ibig, kadakilaan, at kabanalan ng Diyos. Sa oras na ito, kahit na si Job ay isa pa ring tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa masama sa paningin ng Diyos, dahil sa kanyang mga karanasan, lalong lumago ang kanyang pananampalataya at kaalaman: Nadagdagan ang kanyang pananampalataya, nagkaroon ng matatag na pinanghahawakan ang kanyang pagkamasunurin, at lalong lumalim ang kanyang takot sa Diyos. Kahit binago ng pagsubok na ito ang espiritu at buhay ni Job, hindi nito napasiya si Job, at hindi rin nito pinabagal ang kanyang pag-unlad. Kasabay ng kanyang pagtatantiya sa napakinabangan niya mula sa pagsubok na ito, at habang iniisip niya ang kanyang mga pagkukulang, tahimik siyang nanalangin, naghihintay sa pagdating ng susunod na pagsubok sa kanya, sapagkat naghahangad siya na tumaas pa ang kanyang pananampalataya, pagkamasunurin, at takot sa Diyos sa susunod na pagsubok ng Diyos.

Pinagmamasdan ng Diyos ang pinakamalalim na saloobin ng tao at lahat ng sinasabi at ginagawa ng tao. Nakarating sa pandinig ng Diyos na si Jehova ang mga saloobin ni Job, at dininig ng Diyos ang kanyang mga panalangin, at sa ganitong paraan dumating ang sumunod na pagsubok ng Diyos gaya ng inaasahan.

Sa Gitna ng Sukdulang Paghihirap, Tunay na Naunawaan ni Job ang Pangangalaga ng Diyos sa Sangkatauhan

Kasunod ng mga katanungan ng Diyos na si Jehova kay Satanas, palihim na nagsasaya si Satanas. Dahil alam niya na muli siyang pinahihintulutang lusubin ang isang tao na perpekto sa mga mata ng Diyos—na para kay Satanas ay isang bihirang pagkakataon. Nais ni Satanas na gamitin ang pagkakataong ito upang ganap na pahinain ang paniniwala ni Job, upang mawala ang kanyang pananampalataya sa Diyos at sa gayon ay hindi na siya matakot sa Diyos o magpuri sa pangalan ni Jehova. Magbibigay ito ng pagkakataon kay Satanas: Anuman ang lugar o oras, maaari nitong gawin si Job na isang laruang nauutusan niya. Itinago ni Satanas ang kanyang masasamang balak nang walang anumang bakas, ngunit hindi nito maaaring itago ang kanyang masamang kalikasan. Ang katunayang ito ay ipinapahiwatig sa sagot nito sa mga salita ng Diyos na si Jehova, gaya ng nakatala sa kasulatan: “At si Satanas ay sumagot kay Jehova, at nagsabi, Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kaniyang buhay. Nguni’t pagbuhatan Mo ngayon ng Iyong kamay, at galawin Mo ang kaniyang buto at ang kaniyang laman, at kaniyang susumpain Ka ng mukhaan” (Job 2:4–5). Imposibleng hindi makakuha ng mahalagang kaalaman at pakiramdam tungkol sa malisyosong katangian ni Satanas sa palitang ito sa pagitan ng Diyos at ni Satanas. Pagkarinig sa mga kamaliang ito ni Satanas, walang dudang magkakaroon ang lahat ng nagmamahal sa katotohanan at namumuhi sa kasamaan ng mas malaking galit sa kawalan ng dangal at kawalan ng kahihiyan ni Satanas, makakaramdam ng galit at pandidiri sa mga pagkakamali ni Satanas, at, kasabay nito, ay mag-aalok ng malalalim na dasal at masusugid na hiling para kay Job, mananalangin na makakamtan ng matuwid na taong ito ang pagiging perpekto, hihiling na ang taong ito na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ay habambuhay na mapagtagumpayan ang mga tukso ni Satanas, mabuhay sa liwanag, at mabuhay sa gitna ng patnubay at mga biyaya ng Diyos. Gayundin, ang mga ganitong tao ay hihiling na habambuhay na magpatuloy ang mga mabubuting ginagawa ni Job at magpalakas ng kalooban ng lahat ng mga tumatahak sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Bagama’t makikita ang malisyosong layunin ni Satanas sa pagpapahayag na ito, agad na pumayag ang Diyos sa “kahilingan” ni Satanas—ngunit nagbigay rin Siya ng isang kundisyon: “Siya’y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kaniyang buhay” (Job 2:6). Dahil sa pagkakataong ito, hiniling ni Satanas na maiunat nito ang kanyang kamay upang makapaminsala sa mga buto at laman ni Job, sinabi ng Diyos, “ingatan mo lamang ang kaniyang buhay.” Ang kahulugan ng mga salitang ito ay ibinigay Niya ang laman ni Job kay Satanas, ngunit ang buhay ni Job ay nasa Kanya pa ring mga kamay. Hindi maaaring kunin ni Satanas ang buhay ni Job, ngunit maliban dito, maaari nitong gamitin ang anumang pamamaraan laban kay Job.

Pagkatapos makuha ang pahintulot ng Diyos, mabilisang pumunta si Satanas kay Job at iniunat ang kamay nito upang magdala ng sakit sa balat ni Job, at lagyan ang buo niyang katawan ng mga namamagang pigsa, at naramdaman ni Job ang sakit sa kanyang balat. Pinuri ni Job ang pagiging kamangha-mangha at kabanalan ng Diyos na si Jehova, na mas lalong nagpasidhi ng kapangahasan ni Satanas. Dahil nakadama ito ng kaligayahan sa pamiminsala sa tao, iniunat ni Satanas ang kamay nito at kinayas ang laman ni Job, na naging dahilan upang magnana ang kanyang mga namamagang pigsa. Agad na naramdaman ni Job ang walang kapantay na sakit at paghihirap sa kanyang laman, at wala siyang magagawa kundi ang hilutin ang sarili niya mula ulo hanggang paa gamit ang kanyang mga kamay, na para bang mapapawi nito ang dagok na tinanggap ng kanyang espiritu na nanggaling sa sakit ng laman na ito. Naunawaan niya na nasa tabi niya ang Diyos na nagmamasid sa kanya, at ginawa niya ang kanyang makakaya upang magpakatatag. Minsan siyang lumuhod sa lupa, at nagsabi: “Tumitingin Ka sa loob ng puso ng tao, napagmamasdan Mo ang kanyang paghihirap. Bakit Ka nababahala sa kahinaan niya? Purihin ang pangalan ng Diyos na si Jehova.” Nakita ni Satanas ang matinding sakit na nararamdaman ni Job, pero hindi nito nakitang itinakwil ni Job ang pangalan ng Diyos na si Jehova. Dahil dito, buong pagmamadali itong nag-unat ng kamay upang saktan ang mga buto ni Job, desperado na baliin ang kanyang mga binti at braso. Sa isang iglap, nadama ni Job ang walang kapantay na paghihirap, na para bang pinunit ang kanyang laman mula sa kanyang mga buto, at unti-unting dinudurog ang kanyang mga buto. Ang pagdurusang ito ang dahilan kung bakit naisip niya na mas mabuti pa ang mamatay…. Umabot na sa hangganan ang kanyang kakayahang magtiis…. Nais niyang sumigaw, nais niyang pilasin ang balat sa kanyang katawan upang bawasan ang sakit—ngunit pinigilan niya ang kanyang pagsigaw, at hindi niya pinilas ang balat sa kanyang katawan, sapagkat hindi niya nais na makita ni Satanas ang kanyang kahinaan. At muli siyang lumuhod, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi niya nadama ang presensya ng Diyos na si Jehova. Alam ni Job na ang Diyos na si Jehova ay madalas na nasa kanyang harapan, likuran, at magkabilang panig. Ngunit sa panahon ng kanyang paghihirap, ang Diyos ay hindi kailanman tumingin. Tinakpan Niya ang Kanyang mukha at nagtago, dahil ang kahulugan ng Kanyang paglikha sa tao ay hindi upang pahirapan ang tao. Noong mga panahong ito, si Job ay umiiyak, at ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya upang pagtiisan ang pisikal na sakit. Sa kabila nito, hindi niya mapigilan ang sarili niya na magpasalamat sa Diyos: “Ang tao ay bumabagsak sa unang dagok, siya ay mahina at walang kapangyarihan, siya ay musmos at mangmang—bakit Mo nanaisin na maging mapag-alaga at mapagmahal sa kanya? Hinampas Mo ako, ngunit nasasaktan Kang gawin ito. Anong mayroon ang tao na karapat-dapat sa Iyong pag-aalaga at pag-aalala?” Umabot ang mga panalangin ni Job sa mga tainga ng Diyos, at ang Diyos ay tahimik, nanonood lamang nang walang imik…. Matapos subukan ang lahat ng pakana na nasa libro at hindi nagtagumpay, tahimik na umalis si Satanas, ngunit hindi dito natapos ang mga pagsubok ng Diyos kay Job. Dahil ang kapangyarihan ng Diyos na nahayag kay Job ay hindi naisapubliko, ang kuwento ni Job ay hindi nagtapos sa pag-atras ni Satanas. Sa pagpasok ng ibang mga tauhan, marami pang kamangha-manghang eksena ang paparating.

Ang Isa pang Paghahayag ni Job ng Takot sa Diyos at Pag-iwas sa Kasamaan ay ang Kanyang Pagpupuri sa Pangalan ng Diyos sa Lahat ng Bagay

Pinagdusahan ni Job ang pamiminsala ni Satanas, ngunit hindi pa rin niya itinakwil ang pangalan ng Diyos na si Jehova. Ang kanyang asawa ang unang nagpakita at umatake kay Job sa pamamagitan ng pagganap sa katauhan ni Satanas sa paraang makikita ng tao. Inilarawan ito sa orihinal na teksto nang ganito: “Nang magkagayo’y sinabi ng kaniyang asawa sa kaniya, Namamalagi ka pa ba sa iyong pagtatapat? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka” (Job 2:9). Ang mga salitang ito ang sinabi ni Satanas na nagbabalat-kayong tao. Ang mga ito ay mga umatake, bintang, pang-aakit, tukso, at paninirang-puri. Matapos mabigong saktan ang laman ni Job, tuluyang inatake ni Satanas ang katapatan ni Job, na gusto niyang gamitin upang isuko ni Job ang kanyang katapatan, talikuran ang Diyos, at hindi na magpatuloy sa pamumuhay. Tulad nito, Gusto ring gamitin ni Satanas ang mga salitang ito upang tuksuhin si Job: Kung itatakwil ni Job ang pangalan ni Jehova, hindi niya kailangang pagtiisan ang ganitong paghihirap. Maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa paghihirap ng laman. Noong ibinigay ng kanyang asawa ang payo nito, pinagsabihan siya ni Job, “Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Matagal nang alam ni Job ang mga salitang ito, ngunit pinatunayan ng pagkakataong ito ang katotohanan na alam nga ni Job ang mga ito.

Noong pinayuhan siya ng kanyang asawa na sumpain ang Diyos at mamatay na, ang ibig niyang sabihin ay: “Ganito ka tratuhin ng Diyos mo, bakit hindi mo Siya isumpa? Paano mo pa nagagawang mabuhay? Hindi patas sa iyo ang iyong Diyos, ngunit sinasabi mo pa rin na 'purihin ang pangalan ni Jehova.' Paano Niya nagagawang magdulot ng sakuna sa iyo samantalang pinupuri mo ang Kanyang pangalan? Magmadali ka at talikuran mo ang pangalan ng Diyos, at huwag ka nang sumunod sa Kanya. Sa ganitong paraan, matatapos ang mga problema mo.” Sa mga sandaling ito, nakita ang pagpapatotoo na ninais na makita ng Diyos kay Job. Walang karaniwang tao na makapagpapatotoo nang ganito, at hindi rin natin ito nababasa sa anumang mga kwento sa Biblia—ngunit nakita na ng Diyos ang mga ito bago pa man sinabi ni Job ang mga naturang mga salita. Gusto lamang gamitin ng Diyos ang pagkakataong ito upang pahintulutan si Job na patunayan sa lahat na Siya ay tama. Nahaharap sa payo ng kanyang asawa, hindi isinuko ni Job ang kanyang katapatan o kaya ay tumalikod sa Diyos, at sinabi rin niya ang sumusunod sa kanyang asawa: “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” May bigat ba ang mga salitang ito? Dito, mayroon lamang isang katotohanan na kayang magpatunay sa bigat ng mga salitang ito. Ang bigat ng mga salitang ito ay na pinagtibay ng Diyos ang mga ito sa Kanyang puso, ang mga ito ang ninais ng Diyos, ang mga ito ang ninais na marinig ng Diyos, at ang mga ito ang kalalabasang hinangad na makita ng Diyos. Ang mga salitang ito rin ang pinakamahalagang bahagi ng patotoo ni Job. Dito, napatunayan ang pagiging perpekto, pagkamatuwid, pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pag-iwas ni Job sa kasamaan. Ang kahalagahan ni Job ay nakasalalay sa kung paano, nang tuksuhin siya, at kahit noong puno ang kanyang buong katawan ng mga namamagang pigsa, noong pinagtiisan niya ang sukdulang paghihirap, at noong pinayuhan siya ng kanyang asawa at kamag-anak, nasabi pa rin niya ang ganoong mga salita. Sa madaling salita, sa kanyang puso, naniniwala siya na kahit ano pang tukso, o gaano man kabigat ang pagtitiis o paghihirap, kahit pa dumating ang kamatayan sa kanya, hindi siya tatalikod sa Diyos o tatanggi sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Samakatwid, nakikita mo na hawak ng Diyos ang pinakamahalagang lugar sa kanyang puso, at Diyos lamang ang nasa kanyang puso. Dahil dito, mababasa natin ang mga paglalarawan sa kanya sa mga Banal na Kasulatan bilang: Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job ng kaniyang mga labi. Siya ay hindi nagkasala sa kanyang mga labi, at maging sa kanyang puso, hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos. Hindi siya nagsabi ng masasakit na salita tungkol sa Diyos, at hindi rin siya nagkasala laban sa Diyos. Hindi lamang basta pinagpala ng kanyang bibig ang pangalan ng Diyos, ngunit sa kanyang puso ay pinuri rin niya ang pangalan ng Diyos; ang kanyang bibig at puso ay iisa. Ito ang tunay na Job na nakita ng Diyos, at ito ang tunay na dahilan kung bakit pinahalagahan ng Diyos si Job.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Inirekomendang pagbabasa:

Mag-iwan ng Tugon