Ano ang tunay na patotoo at ang patotoo ba ng isang tao ay tunay kung sila ay nagtatamasa lamang ng biyaya ng Diyos
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang pagbabahagi ng isang matunog na patotoo para sa Diyos una sa lahat ay may kaugnayan sa kung mayroon o wala kang pagkaunawa sa praktikal na Diyos, at kung nagagawa mong magpasakop o hindi sa harap ng taong ito na hindi lamang karaniwan, kundi normal, at magpasakop kahit hanggang kamatayan. Kung ikaw, sa pamamagitan ng pagpapasakop na ito, ay tunay na nagpapatotoo para sa Diyos, ibig sabihin niyan ay naangkin ka ng Diyos. Kung makakapagpasakop ka hanggang kamatayan, at sa Kanyang harapan, wala ka nang mga reklamo, hindi ka nanghuhusga, hindi ka naninirang-puri, wala kang anumang mga kuru-kuro, at wala kang anumang mga lihim na motibo, sa ganitong paraan ay magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pagpapasakop sa harap ng isang karaniwang tao na hinahamak ng tao, at nagagawang magpasakop hanggang kamatayan nang walang anumang mga kuru-kuro—ito ay tunay na patotoo. Ang realidad na kinakailangan ng Diyos na pasukin ng mga tao ay na nagagawa mong sundin ang Kanyang mga salita, isagawa ang mga ito, yumuko sa harap ng praktikal na Diyos at alamin ang sarili mong katiwalian, buksan ang iyong puso sa Kanyang harapan, at, sa bandang huli, maangkin Niya sa pamamagitan ng mga salita Niyang ito. Nagtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos kapag nilulupig ka ng mga pahayag na ito at nahihikayat kang lubos na sumunod sa Kanya; sa pamamagitan nito, hinihiya Niya si Satanas at kinukumpleto ang Kanyang gawain. Kapag wala kang anumang mga kuru-kuro tungkol sa pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, kapag nakapanindigan ka sa pagsubok na ito—mahusay mong naibahagi ang patotoong ito. Kung dumating ang araw na magkaroon ka ng lubos na pagkaunawa sa praktikal na Diyos at kaya mong magpasakop hanggang kamatayan kagaya ni Pedro, maaangkin ka ng Diyos at magagawa ka Niyang perpekto. Aumang ginagawa ng Diyos na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro ay isang pagsubok para sa iyo. Kung ang gawain ng Diyos ay nakaayon sa iyong mga kuru-kuro, hindi ka na kailangang magdusa o mapino. Ito ay dahil sa ang Kanyang gawain ay napaka-praktikal at hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro kaya kailangan mong pakawalan ang mga kuru-kurong iyon. Kaya nga ito ay isang pagsubok para sa iyo. Dahil sa pagiging praktikal ng Diyos kaya lahat ng tao ay nasa gitna ng mga pagsubok; ang Kanyang gawain ay praktikal, hindi higit sa karaniwan. Sa pamamagitan ng lubos na pag-unawa sa Kanyang praktikal na mga salita at Kanyang praktikal na mga pahayag nang walang anumang mga kuru-kuro, at sa tunay na pagmamahal sa Kanya lalo pang lumalago ang Kanyang gawain, maaangkin ka Niya. Ang grupo ng mga tao na maaangkin ng Diyos ay yaong mga nakakikilala sa Diyos; ibig sabihin, yaong mga nakakaalam sa Kanyang pagiging praktikal. Bukod pa riyan, sila yaong mga nagagawang magpasakop sa praktikal na gawain ng Diyos.
Hinango mula sa “Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ano ba talaga ang tunay na patotoo? Ang patotoong binabanggit dito ay may dalawang bahagi: Ang isa ay patotoo ng pagkalupig, at ang isa pa ay patotoo na nagawa na siyang perpekto (na, natural, ay magiging patotoo kasunod ng malalaking pagsubok at kapighatian sa hinaharap). Sa madaling salita, kung kaya mong manindigan sa oras ng mga kapighatian at pagsubok, napagtiisan mo na ang pangalawang hakbang ng patotoo. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang unang hakbang ng patotoo: magawang manindigan sa bawat pagkakataon ng mga pagsubok ng pagkastigo at paghatol. Ito ang patotoo na nalupig na ang isang tao. Iyon ay dahil ngayon ang panahon ng paglupig. (Dapat mong malaman na ngayon ang panahon ng gawain ng Diyos sa lupa; ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa una sa lahat ay lupigin ang grupo ng mga taong ito sa lupa na sumusunod sa Kanya kahit sa paghatol at pagkastigo.) Kung may kakayahan ka o wala na magpatotoo na nalupig ka na ay nakasalalay hindi lamang sa kung nakakasunod ka hanggang sa pinakahuli, kundi, ang mas mahalaga, kung kaya mo, habang dinaranas mo ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos, na tunay na maunawaan ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at kung tunay mong nahihiwatigan ang lahat ng gawaing ito. Hindi ka makakalusot sa pagsunod lamang hanggang sa huli. Kailangan ay handa kang sumuko sa panahon ng bawat pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, may kakayahan kang tunay na maunawaan ang bawat hakbang ng gawaing nararanasan mo, at kailangan mong magtamo ng kaalaman, at pagsunod sa disposisyon ng Diyos. Ito ang huling patotoo na nalupig ka na, na ipinababahagi sa iyo. Ang patotoo na nalupig ka na ay tumutukoy una sa lahat sa iyong kaalaman tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang mahalaga, ang hakbang na ito ng patotoo ay sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Hindi mahalaga kung ano ang iyong ginagawa o sinasabi sa harap ng mga tao sa mundo o yaong mga may kapangyarihan; ang pinakamahalaga sa lahat ay kung nagagawa mong sundin ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos at lahat ng Kanyang gawain. Kung gayon, ang hakbang na ito ng patotoo ay patungkol kay Satanas at sa lahat ng kaaway ng Diyos—ang mga demonyo at palaaway na hindi naniniwala na ang Diyos ay magkakatawang-tao sa ikalawang pagkakataon at darating upang gumawa ng mas dakilang gawain, at bukod pa roon, hindi naniniwala sa katotohanan ng pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Sa madaling salita, patungkol ito sa lahat ng anticristo—lahat ng kaaway na hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos.
…………
Ang huling hakbang ng patotoo ay ang patotoo kung nagawa kang perpekto o hindi—na ang ibig sabihin, dahil naunawaan mo na ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao, nag-aangkin ka ng kaalaman tungkol sa Diyos at nakatitiyak ka tungkol sa Kanya, isinasabuhay mo ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos, at nagagawa ang mga kundisyong hinihiling sa iyo ng Diyos—ang estilo ni Pedro at pananampalataya ni Job—kaya nakakasunod ka hanggang kamatayan, naibibigay mo nang lubusan ang iyong sarili sa Kanya, at sa huli ay nakakamtan ang larawan ng isang taong tumutugon sa pamantayan, na ibig sabihin ay ang larawan ng isang taong nalupig na at nagawang perpekto matapos danasin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ito ang pangwakas na patotoo—ito ang patotoong dapat ibahagi ng isang taong nagawang perpekto sa huli. Ito ang dalawang hakbang ng patotoo na dapat mong ibahagi, at magkaugnay ang mga ito, bawat isa ay kailangang-kailangan. Ngunit may isang bagay na kailangan mong malaman: Ang patotoong kinakailangan ko sa iyo ngayon ay hindi patungkol sa mga tao sa mundo, ni hindi sa sinumang indibiduwal, kundi tungkol sa hinihiling Ko sa iyo. Nasusukat ito sa kung napapalugod mo Ako, at kung nagagawa mong lubos na tugunan ang mga pamantayan ng Aking mga hinihiling sa bawat isa sa inyo. Ito ang dapat ninyong maunawaan.
Hinango mula sa “Pagsasagawa (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ngayon, dapat mong mabatid kung paano malupig, at kung paano kumikilos ang mga tao matapos silang malupig. Maaari mong sabihin na nalupig ka na, ngunit makakasunod ka ba hanggang kamatayan? Kailangan mong magawang sumunod hanggang sa kahuli-hulihan mayroon mang anumang mga maaasam, at hindi ka dapat mawalan ng pananampalataya sa Diyos anuman ang sitwasyon. Sa huli, kailangan mong matamo ang dalawang aspeto ng patotoo: ang patotoo ni Job—pagsunod hanggang kamatayan; at ang patotoo ni Pedro—ang sukdulang pagmamahal sa Diyos. Sa isang banda, kailangan mong maging kagaya ni Job: nawala ang lahat ng kanyang ari-arian, at pinahirapan ng sakit ng katawan, subalit hindi niya tinalikuran ang pangalan ni Jehova. Ito ang patotoo ni Job. Nagawang mahalin ni Pedro ang Diyos hanggang kamatayan. Noong siya ay ipako sa krus at hinarap ang kanyang kamatayan, minahal pa rin niya ang Diyos; hindi niya inisip ang sarili niyang mga inaasam o hinangad ang magagandang pag-asa o maluluhong saloobin, at hinangad lamang niyang mahalin ang Diyos at sundin ang lahat ng plano ng Diyos. Iyan ang batayan na kailangan mong makamtan bago ka maituring na nagpatotoo, bago ka maging isang tao na nagawang perpekto matapos na malupig.
Hinango mula sa “Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Panlulupig (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sumasailalim ka sa mga pagsubok kay Job, at kasabay nito ay sumasailalim ka sa mga pagsubok kay Pedro. Noong sinubok si Job, tumayo siyang saksi, at sa huli, ipinakita sa Kanya si Jehova. Pagkatapos niyang tumayong saksi, saka lamang siya naging karapat-dapat na makita ang mukha ng Diyos. Bakit sinabing: “Nagtatago Ako mula sa lupain ng karumihan ngunit ipinakikita Ko ang Aking Sarili sa banal na kaharian”? Ibig sabihin niyan ay kapag ikaw ay banal at tumatayong saksi, saka ka lamang magkakaroon ng dangal na makita ang mukha ng Diyos. Kung hindi ka makatayong saksi para sa Kanya, wala kang dangal para makita ang Kanyang mukha. Kung aatras ka o magrereklamo laban sa Diyos sa harap ng mga pagpipino, sa gayon ay bigo kang tumayong saksi para sa Kanya at pinagtatawanan ka ni Satanas, hindi mo makakamtan ang pagpapakita ng Diyos. Kung katulad ka ni Job, na sa gitna ng mga pagsubok ay isinumpa ang kanyang sariling laman at hindi nagreklamo laban sa Diyos, at nagawang kamuhian ang kanyang sariling laman nang hindi nagrereklamo o nagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga salita, tatayo kang saksi. Kapag sumasailalim ka sa mga pagpipino kahit paano at kaya mo pa ring maging katulad ni Job, na lubos na masunurin sa harap ng Diyos at walang ibang mga kinakailangan sa Kanya o sarili mong mga kuru-kuro, magpapakita sa iyo ang Diyos. Ngayon ay hindi nagpapakita sa iyo ang Diyos dahil napakarami mong sariling mga kuru-kuro, personal na pagkiling, makasariling ideya, indibiduwal na pangangailangan at interes ng laman, at hindi ka karapat-dapat na makita ang Kanyang mukha. Kung makikita mo ang Diyos, susukatin mo Siya sa pamamagitan ng iyong sariling mga kuru-kuro, at dahil doon, ipapako mo Siya sa krus. Kung maraming bagay ang sumasapit sa iyo na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro ngunit nagagawa mong isantabi ang mga iyon at magtamo ng kaalaman tungkol sa mga kilos ng Diyos mula sa mga bagay na ito, at kung sa gitna ng mga pagpipino ay ipinapakita mo ang iyong pusong nagmamahal sa Diyos, ito ay pagtayong saksi. Kung mapayapa ang iyong tahanan, natatamasa mo ang mga kaginhawahan ng laman, walang umuusig sa iyo, at sinusunod ka ng iyong mga kapatid sa iglesia, maipapakita mo ba ang iyong pusong nagmamahal sa Diyos? Mapipino ka ba ng sitwasyong ito? Makikita ang iyong pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan lamang ng pagpipino, at magagawa kang perpekto sa pamamagitan lamang ng mga bagay na nangyayari na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro. Sa pamamagitan ng maraming salungat at negatibong bagay, at paggamit ng lahat ng uri ng pagpapakita ni Satanas—mga kilos nito, mga paratang, mga paggambala at panlilinlang—malinaw na ipinapakita ng Diyos sa iyo ang nakakatakot na mukha ni Satanas, at sa gayo’y ginagawang perpekto ang iyong kakayahang makilala si Satanas, upang kamuhian mo si Satanas at talikuran ito.
Hinango mula sa “Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kapag pumarito ang Diyos, dapat matamasa ng mga tao ang Kanyang kamahalan at Kanyang poot. Gayunman, gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, pumarito Siya para iligtas at gawing perpekto ang sangkatauhan. Bilang mga nilalang, dapat tuparin ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang tuparin, at tumayong saksi para sa Diyos sa gitna ng pagpipino. Sa bawat pagsubok dapat nilang panindigan ang pagpapatotoong dapat nilang gawin, at gawin iyon nang lubhang matunog para sa Diyos. Ang isang taong gumagawa nito ay isang mananagumpay. Paano ka man pinuhin ng Diyos, nananatili kang puno ng tiwala at hindi nawawalan ng tiwala sa Kanya. Ginagawa mo ang dapat gawin ng tao. Ito ang hinihiling ng Diyos sa tao, at dapat magawa ng puso ng tao na lubos na bumalik at bumaling sa Kanya sa bawat sandaling lumilipas. Ito ay isang mananagumpay. Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga “mananagumpay” ay yaong mga nagagawa pang tumayong saksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay tumatayong saksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang “mananagumpay.” Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ang landas na ito ay totoo, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos Mismo ay naparito sa lupa upang gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung masusundan mo pa rin Siya anuman ang Kanyang gawin, magpasya man Siya ng isang hindi kaaya-ayang kahihinatnan para sa iyo sa pinakadulo, ito ay pagpapanatili ng iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos ay nangangahulugan ng pagpapanatili ng isang pusong taos sa harap ng Diyos. Para sa sangkatauhan, ang katapatan ay kadalisayan, at ang kakayahang maging taos sa Diyos ay pagpapanatili ng kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahagi, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat mong talikdan ang laman, talikdan mo ang laman. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka natataranta; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok naninindigan ka. Ito ang katapatan sa Diyos.
Hinango mula sa “Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Nakikita ngayon ng tao na kung may biyaya, pag-ibig, at awa lamang ng Diyos, wala siyang kakayahan na tunay na makilala ang sarili niya, at lalong hindi niya kayang malaman ang diwa ng tao. Sa pamamagitan lamang kapwa ng pagpipino at paghatol ng Diyos, at sa proseso ng pagpipino mismo, maaaring malaman ng tao ang kanyang mga kakulangan, at malaman na wala siyang anuman. Kaya, ang pagmamahal ng tao sa Diyos ay itinayo sa pundasyon ng pagpipino at paghatol ng Diyos. Kung tinatamasa mo lamang ang biyaya ng Diyos, ang pagkakaroon ng isang mapayapang buhay-pamilya o mga materyal na pagpapala, hindi mo pa natatamo ang Diyos, at ang iyong paniniwala sa Diyos ay hindi maituturing na matagumpay. Isinagawa na ng Diyos ang isang yugto ng gawain ng biyaya sa katawang-tao, at ipinagkaloob na ang mga materyal na pagpapala sa tao, ngunit ang tao ay hindi magagawang perpekto gamit lamang ang biyaya, pag-ibig, at awa. Sa mga karanasan ng tao nararanasan niya ang kaunting pag-ibig ng Diyos at nakikita ang pag-ibig at awa ng Diyos, ngunit sa pagdanas sa loob ng kaunting panahon, nakikita niya na ang biyaya ng Diyos at ang Kanyang pag-ibig at awa ay walang kakayahang gawing perpekto ang tao, walang kakayahang ihayag yaong tiwali sa kalooban ng tao, ni hindi nito nagagawang alisin sa tao ang kanyang tiwaling disposisyon, o gawing perpekto ang kanyang pagmamahal at pananampalataya. Ang gawain ng biyaya ng Diyos ay ang gawain ng isang panahon, at hindi makakaasa ang tao sa pagtatamasa sa biyaya ng Diyos upang makilala ang Diyos.
Hinango mula sa “Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Hindi magagawang perpekto ng Diyos ang mga tao kung nagtatamasa lamang sila ng Kanyang biyaya. Nasisiyahan ang ilan kapag may kapayapaan at kasiyahan ang laman nila, kapag madali at walang kagipitan o kasawian ang buhay nila, kapag namumuhay ang buong pamilya nila nang nagkakaisa, nang walang pagtatalo o sigalot—at maaari pang paniwalaan nilang pagpapala ito ng Diyos. Sa katotohanan, biyaya lamang ito ng Diyos. Hindi kayo dapat masiyahan sa pagtamasa lamang ng biyaya ng Diyos. Masyadong mababa ang ganitong pag-iisip. Kahit na araw-araw mong binabasa ang mga salita ng Diyos, at araw-araw kang nananalangin, at nakararamdam ang espiritu mo ng labis na kasiyahan at talagang payapa, kung sa huli ay wala ka nang masasabi sa kaalaman mo sa Diyos at sa gawain Niya, at walang naranasan, at kahit na gaano man karaming salita ng Diyos ang nakain at nainom mo na, kung espirituwal na kapayapaan at kasiyahan lamang ang nararamdaman mo, at na matamis na walang kaparis ang salita ng Diyos, na para bang hindi mo ito matatamasa nang sapat, ngunit wala kang kahit na ano pa mang praktikal na karanasan sa mga salita ng Diyos at ganap na salat sa realidad ng mga salita Niya, ano ang makakamit mo mula sa ganitong pananampalataya sa Diyos? Kung hindi mo kayang isabuhay ang pinakadiwa ng mga salita ng Diyos, ang pagkain at pag-inom mo ng mga salitang ito at ang mga panalangin mo ay walang iba kundi relihiyosong paniniwala. Hindi magagawang perpekto at hindi makakamit ng Diyos ang ganitong mga tao.
Hinango mula sa “Ang mga Pangako sa Yaong mga Nagawang Perpekto” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagsunod nila, sa pamamagitan ng pagkain, pag-inom, at pagtamasa nila sa mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagdurusa at pagpipino sa mga buhay nila. Tanging sa pamamagitan ng ganitong pananampalataya maaaring magbago ang mga disposisyon ng mga tao, at saka lamang nila maaaring taglayin ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Ang pagiging hindi nalulugod sa pamumuhay sa gitna ng biyaya ng Diyos, ang aktibong pananabik at paghahanap sa katotohanan, at paghahangad na makamit ng Diyos—ito ang kahulugan ng sadyang pagsunod sa Diyos at ito ang mismong uri ng pananampalatayang nais Niya. Ang mga taong walang ibang ginagawa kundi tamasahin ang biyaya ng Diyos ay hindi maaaring gawing perpekto o mabago, at paimbabaw lahat ang pagsunod, pagkamaka-Diyos, pagmamahal, at pagtitiis nila. Hindi magagawang tunay na makilala ang Diyos ng yaong mga nagtatamasa lamang ng biyaya ng Diyos, at kahit makilala nila ang Diyos, paimbabaw lamang ang kaalaman nila, at sinasabi nila ang mga bagay na tulad ng “mahal ng Diyos ang tao,” o “mahabagin ang Diyos sa tao.” Hindi nito kinakatawan ang buhay ng tao, at hindi ipinapakitang tunay na nakikilala ng mga tao ang Diyos. Kung kapag pinipino sila ng mga salita ng Diyos, o dumarating sa kanila ang mga pagsubok Niya, ay hindi nagagawang sumunod ng mga tao sa Diyos—kung, sa halip, ay nagiging mapagduda sila, at bumabagsak—hindi sila masunurin ni katiting.
Hinango mula sa “Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Sumunod sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Umaasa ka na ang iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahabol ang mga bagay na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling matataas na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw nga ay walang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahabol sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay mga hayop? Ang mga patay ba na walang mga espiritu ay lumalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting trabaho lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa iyong mga kaisipan na masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung hindi mo kayang matamo ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? Ang iyong hinahabol ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahabol sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tamang daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga naniniwala sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tamang daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang pag-aari. Payag ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano nga ba ang kahalagahan ng mga gayong tao na nabubuhay? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi ka naghahabol ng anumang layunin; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas nang ganito, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tamang daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahabol.
Hinango mula sa “Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ngayon nauunawaan ba ninyo kung ano ang paniniwala sa Diyos? Nangangahulugan ba ang paniniwala sa Diyos ng pagkakita ng mga tanda at mga kababalaghan? Nangangahulugan ba ito ng pag-akyat sa langit? Hindi madali kahit bahagya ang paniniwala sa Diyos. Dapat maalis ang gayong mga relihiyosong pagsasagawa ng pagtataguyod sa paglunas sa mga maysakit at pagpapatalsik sa mga demonyo, ang pagtutuon sa mga tanda at kababalaghan, pagnanasa sa higit pang biyaya, kapayapaan at kagalakan ng Diyos, paghahabol ng mga pagkakataon at mga kaginhawahan ng laman—pawang relihiyosong gawi ang mga ito, at malabong uri ng paniniwala ang mga ganoong relihiyosong gawi. Ano ang tunay na paniniwala sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang buhay realidad at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang paniniwala sa Diyos ay upang sumunod ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at gampanan ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos. Dapat mong kamtin ang isang pagkakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos, sa kung gaano karapat-dapat ang Diyos sa paggalang, sa kung paano, sa Kanyang mga nilikha, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas at ginagawa silang perpekto—ito ang mga pinakamahalagang dapat taglayin ng iyong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos sa pangunahin ay ang paglipat mula sa isang pamumuhay ng laman tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos; mula sa pamumuhay na nakapaloob sa katiwalian tungo sa pamumuhay na nakapaloob sa buhay ng mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng sakop ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, ito ay ang nakakayanang makamit ang pagkamasunurin sa Diyos at hindi ang pagkamasunurin sa laman, ito ay pagpapahintulot sa Diyos na makamit ang iyong buong puso, pagpapahintulot sa Diyos na gawin kang perpekto, at pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tiwaling mala-satanas na disposisyon. Pangunahin ang paniniwala sa Diyos upang ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay mangyaring mahayag sa iyo, nang sa gayon maaari mong gawin ang kalooban ng Diyos, at tuparin ang plano ng Diyos, at magawang patotohanan ang Diyos sa harap ni Satanas. Ang paniniwala sa Diyos ay hindi dapat umikot sa pagnanais na makita ang mga tanda at mga kababalaghan, o hindi ito dapat alang-alang sa iyong personal na laman. Tungkol ito dapat sa pagtataguyod sa pagkilala sa Diyos, at kakayahang sumunod sa Diyos, at, tulad ni Pedro, sumunod sa Kanya hanggang kamatayan. Ito ang mga pangunahing layunin ng paniniwala sa Diyos. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay upang makilala ang Diyos at upang ikalugod Niya. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo ng higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkaraan lamang nito makasusunod ka sa Diyos. Tanging kung may pagkakilala ka sa Diyos na magagawa mong ibigin Siya, at ito ang layuning dapat taglayin ng tao sa kanyang paniniwala sa Diyos. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, palagi mong sinusubukang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, mali kung gayon ang pananaw ng ganitong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang buhay realidad. Makakamit lamang ang layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mula sa Kanyang bibig at pagsasakatuparan ng mga iyon sa iyong sariling kalooban. Sa paniniwala sa Diyos, dapat magpunyagi ang tao na magawang perpekto ng Diyos, ang makayanang magpasakop sa Diyos, at para sa ganap na pagkamasunurin sa Diyos. Kung masusunod mo ang Diyos nang hindi dumaraing, isaisip ang mga ninanais ng Diyos, kamtin ang tayog ni Pedro, at taglayin ang pamamaraan ni Pedro na sinabi ng Diyos, diyan mo matatamo ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos, at ito ang magpapahiwatig na nakamtan ka na ng Diyos.
Hinango mula sa “Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagkamasunurin ngayon, ang iyong pag-ibig at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pag-ibig, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ibigay sa Akin ang tanging kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagkamasunurin. Dapat mong malaman na ang patotoo ng Aking paggapi kay Satanas ay nakasalalay sa katapatan at pagkamasunurin ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananampalataya sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging masunurin hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka magpapatotoo sa Akin? Papaano ka magiging tapat at masunurin sa Akin? Itinatalaga mo ba ang iyong buong katapatan sa iyong tungkulin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo? Kinakastigo kita upang ikaw ay magpatotoo sa Akin, at maging tapat at masunurin sa Akin. Higit pa rito, ang pagkastigo sa kasalukuyan ay upang ilantad ang susunod na hakbang ng Aking gawain at upang pahintulutang sumulong nang walang hadlang ang gawain. Kaya itinatagubilin Ko sa iyo na maging matalino at huwag tratuhin ang iyong buhay o ang kahalagahan ng iyong pag-iral na parang walang kabuluhang buhangin. Malalaman mo bang tiyak kung ano ang darating na gawain Ko? Alam mo ba kung paano Ako gagawa sa mga darating na araw at kung paano malalantad ang Aking gawain? Dapat mong malaman ang kabuluhan ng iyong karanasan sa Aking gawain, at bukod pa rito, ang kabuluhan ng iyong pananampalataya sa Akin. Marami na Akong nagawa; paano Ako susuko sa kalagitnaan ayon sa iyong palagay? Malawak na ang gawaing nagampanan Ko; paano Ko iyon mawawasak? Sa katunayan, naparito Ako upang wakasan ang kapanahunang ito. Ito ay totoo, ngunit higit pa rito, dapat mong malaman na magsisimula Ako ng isang bagong kapanahunan, upang magsimula ng bagong gawain, at, higit sa lahat, upang palaganapin ang ebanghelyo ng kaharian. Kaya dapat mong malaman na ang gawain ngayon ay para lamang simulan ang isang kapanahunan, at upang ilatag ang pundasyon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa panahong darating at sa pagwawakas sa kapanahunan sa hinaharap. Ang Aking gawain ay hindi kasing pangkaraniwan tulad ng iniisip mo, hindi rin ito kasing walang halaga o walang kahulugan gaya ng pinaniniwalaan mo. Samakatuwid, dapat Ko pa ring sabihin sa iyo: Dapat mong ibigay ang iyong buhay sa Aking gawain, at bukod dito, dapat mong italaga ang iyong sarili sa Aking kaluwalhatian. Matagal Ko nang hinahangad na magpatotoo ka sa Akin, at higit Kong hinahangad na palaganapin mo ang Aking ebanghelyo. Dapat mong maunawaan kung ano ang nasa Aking puso.
Hinango mula sa “Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao