Menu

Ano ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at ano ang mga uri ng pagpapamalas ng mga sumusunod sa Diyos

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Sa bawat kapanahunan, habang gumagawa sa mga tao, ipinagkakaloob ng Diyos ang ilang salita sa kanila at sinasabi sa kanila ang ilang katotohanan. Ang mga katotohanang ito ay nagsisilbing daan na dapat sundan ng mga tao, ang daan na dapat nilang lakaran, ang daan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na magkaroon ng takot sa Diyos at makaiwas sa kasamaan, at ang daan na dapat isagawa at sundan ng mga tao sa kanilang buhay at sa buong paglalakbay nila sa buhay. Ito ang mga dahilan kaya ipinapahayag ng Diyos ang mga pagbigkas na ito sa sangkatauhan. Ang mga salitang ito na nagmumula sa Diyos ay dapat sundin ng mga tao, at ang pagsunod sa mga ito ay pagtanggap ng buhay. Kung hindi susundin ng isang tao ang mga ito, hindi isasagawa ang mga ito, at hindi isasabuhay ang mga salita ng Diyos, hindi isinasagawa ng taong ito ang katotohanan. Bukod pa riyan, kung hindi isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, hindi sila natatakot sa Diyos at hindi nila iniiwasan ang kasamaan, ni hindi rin nila mapapalugod ang Diyos. Ang mga taong hindi kayang palugurin ang Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang papuri, at walang kahihinatnan ang gayong mga tao.

Hinango mula sa “Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Nagawa ni Jesus na tapusin ang tagubilin ng Diyos—ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan—dahil ibinigay Niya ang masusing pangangalaga sa kalooban ng Diyos, nang walang pansariling mga plano at pagsasaayos. Kaya, ganoon din, Siya ay kaniig ng Diyos—ang Diyos Mismo, na isang bagay na nauunawaan ninyong lahat nang napakaigi. (Ang totoo, Siya ang Diyos Mismo na pinatotohanan ng Diyos. Binabanggit Ko ito rito upang gamitin ang katunayan ni Jesus upang isalarawan ang usapin.) Nagawa Niyang ilagay ang plano ng pamamahala ng Diyos sa pinakasentro, at palaging nanalangin sa Ama sa langit at hinangad ang kalooban ng Ama sa langit. Nanalangin Siya at nagsabi: “Diyos Ama! Ganapin yaong Iyong kalooban, at kumilos hindi ayon sa Aking mga kagustuhan kundi ayon sa Iyong plano. Maaaring mahina ang tao, nguni’t bakit Ka dapat mag-alala para sa kanya? Paano magiging karapat-dapat ang tao sa Iyong pag-aalala, ang tao na tulad ng isang langgam sa Iyong kamay? Sa Aking puso, nais Ko lamang na tuparin ang Iyong kalooban, at nais Ko na Iyong magagawa ang nais Mong gawin sa Akin ayon sa Iyong sariling mga kagustuhan.” Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subali’t Siya ay wala ni bahagya mang intensyong talikuran ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya na sumulong kung saan Siya ay ipapako sa krus. Sa kahuli-hulihan, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakawala Siya sa mga gapos ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang mortalidad, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya. Siya ay nabuhay sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon, sa kabuuan nito ay palagi Niyang ginawa ang Kanyang makakaya upang tuparin ang kalooban ng Diyos ayon sa gawain ng Diyos sa panahong iyon, hindi kailanman isinasaalang-alang ang Kanyang pansariling pakinabang o kawalan, at palaging iniisip ang kalooban ng Diyos Ama. Kaya, matapos na Siya ay nabautismuhan, sinabi ng Diyos: “Ito ang sinisinta Kong Anak, na siya Kong lubos na kinalulugdan.” Dahil sa Kanyang serbisyo sa harap ng Diyos na ayon sa kalooban ng Diyos, inilagay ng Diyos ang mabigat na pasanin ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga balikat at pinahayo Siya upang tuparin ito, at Siya ay kwalipikado at nararapat na tumapos sa mahalagang gawaing ito. Sa kabuuan ng Kanyang buhay, tiniis Niya ang di-masusukat na pagdurusa para sa Diyos, at Siya ay tinukso ni Satanas nang di-mabilang na beses, nguni’t Siya ay hindi kailanman pinanghinaan ng loob. Binigyan Siya ng Diyos ng gayong napakalaking gawain dahil ang Diyos ay nagtitiwala sa Kanya, at nagmamahal sa Kanya, at kaya personal na sinabi ng Diyos: “Ito ang sinisinta Kong Anak, na siya Kong lubos na kinalulugdan.” Sa panahong iyon, si Jesus lamang ang maaaring tumupad sa tagubilin na ito, at ito ay isang praktikal na aspeto ng pagtatapos ng Diyos sa Kanyang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya.

Kung, katulad ni Jesus, may kakayahan kayo na masusing pangalagaan ang pasanin ng Diyos, at talikuran ang inyong laman, ipagkakatiwala sa inyo ng Diyos ang Kanyang mahahalagang gawain sa inyo, upang inyong matugunan ang mga kondisyon sa paglilingkod sa Diyos. Sa gayong mga pagkakataon lamang kayo mangangahas magsabi na inyong ginagawa ang kalooban ng Diyos at tinatapos ang Kanyang tagubilin, at doon lamang kayo mangangahas magsabi na kayo ay tunay na naglilingkod sa Diyos.

Hinango mula sa “Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ng kaharian ay ang mga sumusunod:

1. Dapat nilang tanggapin ang mga tagubilin ng Diyos, na ang ibig sabihin, dapat nilang tanggapin ang lahat ng salitang binigkas sa gawain ng Diyos sa mga huling araw.

2. Dapat silang pumasok sa pagsasanay ng kaharian.

3. Dapat nilang hangarin na antigin ng Diyos ang kanilang mga puso. Kapag ang iyong puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, at mayroon kang isang normal na espirituwal na buhay, mabubuhay ka sa dako ng kalayaan, na nangangahulugang mabubuhay ka sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng pag-ibig ng Diyos. Kapag ikaw ay nabubuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, saka ka lamang mapapabilang sa Diyos.

4. Dapat silang makamit ng Diyos.

5. Dapat silang maging isang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos sa lupa.

Ang limang puntong ito ay ang Aking mga tagubilin para sa inyo. Ang Aking mga salita ay binibigkas sa bayan ng Diyos, at kung ikaw ay hindi nakahanda na tanggapin ang mga tagubilin na ito, hindi Kita pipilitin—ngunit kung tunay mong tinatanggap ang mga iyon, magagawa mo ang kalooban ng Diyos. Sa kasalukuyan, sinisimulan ninyong tanggapin ang mga tagubilin ng Diyos, at hinahangad na maging mga tao ng kaharian at maabot ang mga pamantayang kinakailangan upang maging mga tao ng kaharian. Ito ang unang hakbang ng pagpasok. Kung nais mong ganap na gawin ang kalooban ng Diyos, dapat mong tanggapin ang limang tagubilin na ito, at kung magagawa mong matamo ang mga ito, magiging kaayon ka ng puso ng Diyos at tiyak na mahusay na mapapakinabangan ng Diyos.

Hinango mula sa “Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Para sa Diyos, kung ang tao man ay dakila o hamak, basta’t makikinig sila sa Kanya, makasusunod sa Kanyang mga tagubilin at sa Kanyang mga ipinagkakatiwala, at maaaring makipagtulungan sa Kanyang gawain, sa Kanyang kalooban, at sa Kanyang plano, upang matupad nang maayos ang Kanyang kalooban at ang Kanyang plano, ang asal na iyon kung gayon ay karapat-dapat sa Kanyang pag-alaala at pagtanggap ng Kanyang pagpapala. Pinahahalagahan ng Diyos ang ganitong mga tao, at tinatangi Niya ang kanilang mga gawa at ang kanilang pag-ibig at paggiliw para sa Kanya. Ito ang saloobin ng Diyos.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Yaong naglilingkod sa Diyos ay dapat maging mga kaniig ng Diyos, dapat ay nakalulugod sila sa Diyos, at may kakayahan ng sukdulang katapatan sa Diyos. Ikaw man ay kumikilos sa pribado o sa harap ng publiko, ikaw ay nakatatamo ng kagalakan ng Diyos sa harap ng Diyos, ikaw ay may kakayahang manindigan sa harap ng Diyos, at paano ka man tratuhin ng ibang mga tao, lagi mong tinatahak ang landas na dapat mong tahakin, at masusing pinangangalagaan ang pasanin ng Diyos. Tanging ganitong mga tao ang mga kaniig ng Diyos. Na nakakaya ng mga kaniig ng Diyos na direktang maglingkod sa Kanya ay dahil nabigyan na sila ng dakilang tagubilin ng Diyos, at pasanin ng Diyos, nagagawa nilang damahin ang puso ng Diyos bilang kanila, at dalhin ang pasanin ng Diyos bilang kanila, at hindi nila isinasaalang-alang ang kanilang mga layunin sa hinaharap: Kahit na wala silang mga layunin, at hindi sila makikinabang, sila ay palaging maniniwala sa Diyos nang may mapagmahal na puso. At dahil dito, ang ganitong uri ng tao ay kaniig ng Diyos. Ang mga kaniig ng Diyos ay Kanya ring mga pinagkakatiwalaan; ang mga pinagkakatiwalaan lamang ng Diyos ang magagawang makibahagi sa Kanyang pagkabalisa, at sa Kanyang mga saloobin, at bagaman ang kanilang laman ay makirot at mahina, natitiis nila ang kirot at tinatalikdan yaong kanilang kasiyahan upang mapasaya ang Diyos. Nagbibigay ang Diyos ng mas maraming pasanin sa gayong mga tao, at kung ano ang nais gawin ng Diyos ay pinatutunayan ng ganoong patotoo ng mga tao. Sa gayon, nakalulugod ang mga taong ito sa Diyos, sila ay mga lingkod ng Diyos na kaayon ng Kanyang sariling puso, at ang mga tao lamang na tulad nito ang maaaring mamuno kasama ng Diyos.

Hinango mula sa “Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang naranasan at nakita ninyo ay higit pa sa mga santo at propeta mula sa lahat ng kapanahunan, ngunit kaya ba ninyong magbigay ng patotoo na higit pa sa mga salita ng mga dating santo at propetang ito? Ang ipinagkaloob Ko sa inyo ngayon ay higit pa kay Moises at higit pa kay David, kung kaya’t hinihiling Ko na ang inyong patotoo ay malampasan ang kay Moises at ang inyong mga salita ay maging higit pa kay David. Sandaang beses ang Aking ibinibigay sa inyo—kaya’t hinihiling Ko rin sa inyo na katumbas noon ang ibalik sa Akin. Dapat ninyong malaman na Ako ang nagkakaloob ng buhay sa sangkatauhan, at kayo ang tumatanggap ng buhay mula sa Akin at dapat magpatotoo sa Akin. Ito ang inyong tungkulin na Aking ipinapadala sa inyo at nararapat ninyong gawin para sa Akin. Ipinagkaloob Ko na sa inyo ang lahat ng Aking kaluwalhatian, ipinagkaloob Ko sa inyo ang buhay na hindi kailanman natanggap ng hinirang na bayan, ang mga Israelita. Kung tutuusin, dapat kayong magpatotoo sa Akin at italaga ang inyong kabataan at ialay ang inyong buhay sa Akin. Ang sinumang pagkalooban Ko ng Aking kaluwalhatian ay dapat na magpatotoo sa Akin at mag-alay ng kanilang buhay para sa Akin. Matagal Ko na itong naitadhana. Mapalad kayo na ipinagkakaloob Ko ang Aking kaluwalhatian sa inyo, at ang inyong tungkulin ay magpatotoo sa Aking kaluwalhatian. Kung maniniwala kayo sa Akin upang magtamo lamang ng mga pagpapala, walang gaanong magiging kabuluhan ang Aking gawain, at hindi ninyo maisasakatuparan ang inyong tungkulin. Ang nakita lamang ng mga Israelita ay ang Aking awa, pag-ibig, at kadakilaan, at ang nasaksihan lamang ng mga Judio ay ang Aking tiyaga at pagtubos. Kaunting-kaunti lamang ang nakita nila sa gawain ng Aking Espiritu; sa puntong ang naunawaan nila ay pawang katiting lang ng narinig at nakita ninyo. Nahigitan ng nakita ninyo maging ang mga pinunong saserdote sa gitna nila. Ang mga katotohanan na inyong naunawaan ngayon ay higit sa kanila; ang nakita ninyo ngayon ay higit pa sa nakita noong Kapanahunan ng Kautusan, pati na rin sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang naranasan ninyo ay higit pa maging sa naranasan nina Moises at Elias. Sapagkat ang naunawaan lamang ng mga Israelita ay ang batas ni Jehova, at ang nakita nila ay ang likuran lamang ni Jehova; ang naunawaan lamang ng mga Judio ay ang pagtubos ni Jesus, ang natangap nila ay ang biyaya lamang na ipinagkaloob ni Jesus, at ang nakita nila ay ang larawan lamang ni Jesus sa loob ng tahanan ng mga Judio. Ang nakikita ninyo ngayon ay ang kaluwalhatian ni Jehova, ang pagtubos ni Jesus, at ang lahat ng Aking mga gawa sa araw na ito. Gayundin, narinig na ninyo ang mga salita ng Aking Espiritu, pinahalagahan ang Aking karunungan, nasaksihan ang Aking kamanghaan, at natutunan ang Aking disposisyon. Nasabi Ko na rin sa inyo ang lahat ng Aking plano ng pamamahala. Ang nasaksihan ninyo ay hindi lamang isang mapagmahal at maawaing Diyos, kundi isang Diyos na puspos ng katuwiran. Nakita na ninyo ang Aking nakamamanghang gawain at nalaman ninyong puno Ako ng kamahalan at poot. Higit pa rito, batid ninyong minsan na Akong nagdala ng Aking nag-aalab na poot sa sambahayan ng Israel, at ngayon, nakarating na ito sa inyo. Higit pa ang nauunawaan ninyo sa Aking mga misteryo sa langit kaysa kina Isaias at Juan; higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking pagiging kaibig-ibig at pagiging kagalang-galang kaysa sa lahat ng banal ng mga nakaraang kapanahunan. Ang natanggap ninyo ay hindi lamang ang Aking katotohanan, ang Aking daan, at ang Aking buhay, kundi isang pangitain at pahayag na higit pa kaysa kay Juan. Naunawaan ninyo ang higit na maraming misteryo, at nasaksihan na rin ang Aking tunay na mukha; higit pa ang natanggap ninyo sa Aking paghatol at higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking matuwid na disposisyon. Kung kaya, kahit na ipinanganak kayo sa mga huling araw, ang inyong pang-unawa ay sa nauna at nakalipas, at naranasan na rin ninyo ang mga bagay sa kasalukuyan, at ang lahat ng ito ay personal Kong ginawa. Hindi labis ang hinihingi Ko sa inyo, sapagkat napakarami Ko nang naibigay sa inyo, at marami na ang nakita ninyo sa Akin. Samakatuwid, hinihiling Ko sa inyong magpatotoo para sa Akin sa mga banal ng mga nagdaang kapanahunan, at ito lamang ang nais ng Aking puso.

Hinango mula sa “Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagkamasunurin ngayon, ang iyong pag-ibig at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pag-ibig, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ibigay sa Akin ang tanging kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagkamasunurin. Dapat mong malaman na ang patotoo ng Aking paggapi kay Satanas ay nakasalalay sa katapatan at pagkamasunurin ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananampalataya sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging masunurin hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka magpapatotoo sa Akin? Papaano ka magiging tapat at masunurin sa Akin? Itinatalaga mo ba ang iyong buong katapatan sa iyong tungkulin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo? Kinakastigo kita upang ikaw ay magpatotoo sa Akin, at maging tapat at masunurin sa Akin. Higit pa rito, ang pagkastigo sa kasalukuyan ay upang ilantad ang susunod na hakbang ng Aking gawain at upang pahintulutang sumulong nang walang hadlang ang gawain. Kaya itinatagubilin Ko sa iyo na maging matalino at huwag tratuhin ang iyong buhay o ang kahalagahan ng iyong pag-iral na parang walang kabuluhang buhangin. Malalaman mo bang tiyak kung ano ang darating na gawain Ko? Alam mo ba kung paano Ako gagawa sa mga darating na araw at kung paano malalantad ang Aking gawain? Dapat mong malaman ang kabuluhan ng iyong karanasan sa Aking gawain, at bukod pa rito, ang kabuluhan ng iyong pananampalataya sa Akin. Marami na Akong nagawa; paano Ako susuko sa kalagitnaan ayon sa iyong palagay? Malawak na ang gawaing nagampanan Ko; paano Ko iyon mawawasak? Sa katunayan, naparito Ako upang wakasan ang kapanahunang ito. Ito ay totoo, ngunit higit pa rito, dapat mong malaman na magsisimula Ako ng isang bagong kapanahunan, upang magsimula ng bagong gawain, at, higit sa lahat, upang palaganapin ang ebanghelyo ng kaharian. Kaya dapat mong malaman na ang gawain ngayon ay para lamang simulan ang isang kapanahunan, at upang ilatag ang pundasyon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa panahong darating at sa pagwawakas sa kapanahunan sa hinaharap. Ang Aking gawain ay hindi kasing pangkaraniwan tulad ng iniisip mo, hindi rin ito kasing walang halaga o walang kahulugan gaya ng pinaniniwalaan mo. Samakatuwid, dapat Ko pa ring sabihin sa iyo: Dapat mong ibigay ang iyong buhay sa Aking gawain, at bukod dito, dapat mong italaga ang iyong sarili sa Aking kaluwalhatian. Matagal Ko nang hinahangad na magpatotoo ka sa Akin, at higit Kong hinahangad na palaganapin mo ang Aking ebanghelyo. Dapat mong maunawaan kung ano ang nasa Aking puso.

Hinango mula sa “Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Bagama’t ang inyong pananampalataya ay lubhang taos-puso, walang sinuman sa inyo ang may kakayahang ikuwento Ako nang buung-buo, walang sinumang makapagbigay ng buong patotoo sa lahat ng katotohanang nakikita ninyo. Pag-isipan ninyo ito: Ngayon, karamihan sa inyo ay pabaya sa inyong mga tungkulin, sa halip ay hinahangad ninyo ang laman, binibigyang-kasiyahan ang laman, at nagpapasasa sa pagpapakasaya sa laman. Kakaunti ang taglay ninyong katotohanan. Kung gayon, paano ninyo mapapatotohanan ang lahat ng nakita ninyo? Tiwala ba kayo talaga na maaari kayong maging mga saksi Ko? Kung dumating ang isang araw na hindi mo mapatotohanan ang lahat ng nakita mo ngayon, nawalan ka na ng silbi bilang isang nilalang, at mawawalan na ng anumang kahulugan ang iyong buhay. Hindi ka magiging karapat-dapat na maging tao. Masasabi pa na hindi ka magiging tao! Napakalaki ng nagawa Kong gawain sa inyo, ngunit dahil wala kang natututuhan sa kasalukuyan, wala kang kamalayan sa anuman, at hindi ka epektibo sa iyong mga pagsusumikap, kapag panahon na para palawakin Ko ang Aking gawain, tititig ka lamang sa kawalan, walang imik at lubos na walang-silbi. Hindi ka ba nito gagawing makasalanan habampanahon? Pagdating ng panahong iyon, hindi mo ba madarama ang pinakamatinding pagsisisi? Hindi ka ba malulungkot? Hindi Ko ginagawa ang lahat ng Aking gawain ngayon nang dahil sa katamaran at pagkainip, kundi upang maglatag ng isang pundasyon para sa Aking gawain sa hinaharap. Hindi naman sa wala na Akong patutunguhan at kailangan Kong makabuo ng isang bagay na bago. Dapat mong maunawaan ang gawaing ginagawa Ko; hindi ito isang bagay na ginagawa ng isang batang naglalaro sa kalye, kundi isang gawaing ginagawa bilang kinatawan ng Aking Ama. Dapat ninyong malaman na hindi Ako Mismo ang gumagawa ng lahat ng ito; sa halip, kinakatawan Ko ang Aking Ama. Samantala, ang inyong papel ay ang sumunod nang mahigpit, tumalima, magbago, at magpatotoo. Ang dapat ninyong maunawaan ay kung bakit kayo dapat maniwala sa Akin; ito ang pinakamahalagang tanong na dapat maunawaan ng bawat isa sa inyo. Ang Aking Ama, alang-alang sa Kanyang kaluwalhatian, ay itinadhana kayong lahat para sa Akin mula sa sandaling nilikha Niya ang mundo. Para iyon sa kapakanan ng Aking gawain, at para sa kapakanan ng Kanyang kaluwalhatian, kaya Niya kayo itinadhana. Dahil sa Aking Ama kaya kayo naniniwala sa Akin; dahil sa pagtatadhana ng Aking Ama kaya ninyo Ako sinusunod. Wala sa mga ito ang nagmula sa sarili ninyong pagpapasiya. Ang mas mahalaga pa ay nauunawaan ninyo na kayo ang siyang ipinagkaloob sa Akin ng Aking Ama para magpatotoo sa Akin. Dahil ipinagkaloob Niya kayo sa Akin, dapat kayong sumunod sa mga daan na ipinagkakaloob Ko sa inyo, gayundin sa mga daan at sa mga salitang itinuturo Ko sa inyo, sapagkat tungkulin ninyong sumunod sa Aking mga daan. Ito ang orihinal na layunin ng inyong pananampalataya sa Akin. Samakatuwid, sinasabi Ko sa inyo ito: Kayo ay mga tao lamang na ipinagkaloob ng Aking Ama sa Akin upang sumunod sa Aking mga daan. Gayunman, naniniwala lamang kayo sa Akin; hindi kayo sa Akin sapagkat hindi kayo nanggaling sa pamilyang Israelita, at sa halip ay kauri kayo ng sinaunang ahas. Ang hinihiling Ko lamang na gawin ninyo ay magpatotoo para sa Akin, ngunit ngayon ay kailangan kayong lumakad sa Aking mga daan. Lahat ng ito ay para sa kapakanan ng patotoo sa hinaharap. Kung magiging mga tao lamang kayo na nakikinig sa Aking mga daan, hindi kayo magkakaroon ng halaga, at ang kabuluhan ng pagkakaloob sa inyo ng Aking Ama sa Akin ay mawawala. Ang pilit Kong sinasabi sa inyo ay ito: Dapat kayong lumakad sa Aking mga daan.

Hinango mula sa “Ano ang Pagkaunawa Mo sa Diyos?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang dahilan kung bakit nagagawang magbigay ng umaalingawngaw na patotoo sa Kanya yaong mga taong tunay na nagpapatotoo sa Diyos ay dahil ang kanilang patotoo ay nakasandig sa pundasyon ng tunay na kabatiran at tunay na paghahangad para sa Diyos. Ang ganoong patotoo ay hindi inihahandog sa isang bugso ng damdamin, ngunit ayon sa kanilang kabatiran sa Diyos at sa Kanyang disposisyon. Sapagkat nakilala na nila ang Diyos, sa pakiramdam nila ay tiyak na dapat silang magpatotoo sa Diyos, at magsilbi sa lahat ng naghahangad sa Diyos na makilala ang Diyos, at magkaroon ng kamalayan sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos at sa Kanyang pagiging totoo. Tulad ng pag-ibig ng mga tao sa Diyos, ang kanilang patotoo ay kusang-loob, ito ay tunay, at may tunay na kabuluhan at halaga. Hindi ito pasibo o hungkag at walang-kabuluhan. Ang dahilan kung bakit ang mga umiibig lamang sa Diyos ang may lalong higit na halaga at kahulugan sa kanilang mga buhay, at sila lamang ang tunay na naniniwala sa Diyos, ay dahil nagagawa ng mga taong ito na mamuhay sa liwanag ng Diyos at nagagawang mamuhay para sa gawain at pamamahala ng Diyos. Ito ay dahil hindi sila namumuhay sa kadiliman, kundi namumuhay sa liwanag; hindi sila namumuhay nang walang-kahulugang mga buhay, bagkus ay mga buhay na pinagpala ng Diyos. Tanging ang mga taong nagmamahal sa Diyos ang nagagawang magpatotoo sa Diyos, sila lamang ang mga saksi ng Diyos, sila lamang ang pinagpala ng Diyos, at tanging sila ang nagagawang tumanggap ng mga pangako ng Diyos. Yaong mga nagmamahal sa Diyos ay mga kapalagayang-loob ng Diyos, sila ang mga tao na minamahal ng Diyos, at matatamasa nila ang mga pagpapala kasama ang Diyos. Tanging ang mga taong tulad nito ang mabubuhay hanggang sa kawalang-hanggan, at sila lamang ang mabubuhay magpakailanman sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos. Ang Diyos ay para mahalin ng tao, at karapat-dapat Siya sa pagmamahal ng lahat ng tao, ngunit hindi lahat ng tao ay may kakayahang mahalin ang Diyos, at hindi lahat ng tao ay makakayang magpatotoo sa Diyos at humawak ng kapangyarihan kasama ang Diyos. Dahil nagagawa nilang magpatotoo sa Diyos, at maglaan ng lahat ng kanilang mga pagsisikap sa gawain ng Diyos, ang mga taong tunay na umiibig sa Diyos ay maaaring maglakad saanman sa ilalim ng mga kalangitan nang walang sinumang mangangahas na labanan sila, at makakaya nilang gamitin ang kapangyarihan sa lupa at pamunuan ang lahat ng tao ng Diyos. Nagsasama-sama ang mga taong ito mula sa iba’t ibang dako ng mundo. Nagsasalita sila ng iba’t ibang wika at may iba’t ibang kulay ng balat, ngunit ang kanilang pag-iral ay may magkatulad na kahulugan; lahat sila ay may pusong nagmamahal sa Diyos, lahat sila ay nagtataglay ng magkatulad na patotoo, at may magkakatulad na kapasyahan, at magkatulad na mithiin. Makapaglalakad nang malaya sa buong mundo ang mga umiibig sa Diyos, at makapaglalakbay sa buong sansinukob ang mga taong nagpapatotoo sa Diyos. Minamahal ng Diyos ang mga taong ito, pinagpapala sila ng Diyos, at mabubuhay sila magpakailanman sa Kanyang liwanag.

Hinango mula sa “Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Opisyal nang sinimulan ng Diyos ngayon ang pagperpekto sa mga tao. Upang maperpekto, kailangang sumailalim ng mga tao sa paghahayag, paghatol, at pagkastigo ng Kanyang mga salita, at kailangan nilang maranasan ang mga pagsubok at pagpipino ng Kanyang mga salita (kagaya ng pagsubok sa mga taga-serbisyo), at kailangan nilang matagalan ang pagsubok ng kamatayan. Ang ibig sabihin nito ay na sa gitna ng paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, ang mga tunay na sumusunod sa kalooban ng Diyos ay nagagawang magpapuri sa Diyos mula sa kaibuturan ng kanilang puso, at lubusang sundin ang Diyos at talikuran ang kanilang mga sarili, samakatuwid ay iniibig ang Diyos nang may pusong taimtim, lubos na nakatuon, at dalisay; gayon ang isang perpektong tao, at ito ang mismong gawain na nilalayong isagawa ng Diyos, at ang gawain na Kanyang isasakatuparan.

Hinango mula sa “Tungkol sa mga Hakbang ng Gawain ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ngayon, dapat mong mabatid kung paano malupig, at kung paano kumikilos ang mga tao matapos silang malupig. Maaari mong sabihin na nalupig ka na, ngunit makakasunod ka ba hanggang kamatayan? Kailangan mong magawang sumunod hanggang sa kahuli-hulihan mayroon mang anumang mga maaasam, at hindi ka dapat mawalan ng pananampalataya sa Diyos anuman ang sitwasyon. Sa huli, kailangan mong matamo ang dalawang aspeto ng patotoo: ang patotoo ni Job—pagsunod hanggang kamatayan; at ang patotoo ni Pedro—ang sukdulang pagmamahal sa Diyos. Sa isang banda, kailangan mong maging kagaya ni Job: nawala ang lahat ng kanyang ari-arian, at pinahirapan ng sakit ng katawan, subalit hindi niya tinalikuran ang pangalan ni Jehova. Ito ang patotoo ni Job. Nagawang mahalin ni Pedro ang Diyos hanggang kamatayan. Noong siya ay ipako sa krus at hinarap ang kanyang kamatayan, minahal pa rin niya ang Diyos; hindi niya inisip ang sarili niyang mga inaasam o hinangad ang magagandang pag-asa o maluluhong saloobin, at hinangad lamang niyang mahalin ang Diyos at sundin ang lahat ng plano ng Diyos. Iyan ang batayan na kailangan mong makamtan bago ka maituring na nagpatotoo, bago ka maging isang tao na nagawang perpekto matapos na malupig.

Hinango mula sa “Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Panlulupig (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ngayon, muli nating bisitahin ang kuwento tungkol sa arka ni Noe. Isa ba itong malaki o maliit na pangyayari? Isa lamang ba itong ordinaryong kuwento tungkol sa isang matandang lalaking bumuo ng isang arka noong araw? (Hindi.) Si Noe ay isang tao na siyang, sa lahat ng tao, ang pinakanararapat tularan, ang may takot sa Diyos, sinunod ang Diyos, at kinumpleto ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos; pinuri siya ng Diyos, at dapat siyang maging isang huwaran para sa mga sumusunod sa Diyos ngayon. At ano ang pinakanatatangi tungkol sa kanya? Iisa lamang ang saloobin niya sa mga salita ng Diyos: ang makinig at tumanggap, tumanggap at sumunod, at sumunod hanggang kamatayan. Dahil sa saloobing ito, na pinakanatatangi sa lahat, nakamit niya ang papuri ng Diyos. Pagdating sa mga salita ng Diyos, hindi lang katiting ang kanyang ginawang pagsisikap, hindi niya basta-basta tinapos ang gawain nang hindi nag-iisip, at hindi niya pinag-aralan, sinuri, nilabanan, o tinanggihan ang mga ito sa kanyang isipan at pagkatapos ay kinalimutan na; sa halip, nakinig siya nang taimtim, tinanggap ang mga ito, nang paunti-unti, nang buong puso, at pagkatapos ay pinagnilayan kung paano tutuparin ang mga salita ng Diyos, paano isasagawa ang mga ito, paano gagawin ang mga ito ayon sa orihinal na layon, nang hindi binabaluktot ang mga ito. At habang pinagninilayan niya ang mga salita ng Diyos, lihim niyang sinabi sa kanyang sarili, “Ito ang mga salita ng Diyos, ito ay mga tagubilin ng Diyos, atas ng Diyos, may tungkulin ako, kailangan kong sumunod, hindi ko maaaring laktawan ang anumang mga detalye, hindi ako maaaring sumalungat sa anumang paraan sa mga hinihiling ng Diyos, ni maaari kong laktawan ang alinman sa mga detalye ng sinabi Niya, o kung hindi ay hindi ako angkop na tawaging tao, hindi ako magiging karapat-dapat sa atas ng Diyos, at hindi magiging karapat-dapat sa Kanyang pagdakila. Kung hindi ko maisasakatuparan ang lahat ng sinabi at ipinagkatiwala sa akin ng Diyos, maiiwan ako na maraming pinagsisisihan; higit pa riyan, malalaman kong hindi ako karapat-dapat sa atas ng Diyos at sa Kanyang pagdakila sa akin, at mawawalan ako ng mukha para muling humarap sa Lumikha.” Lahat ng naisip at napagbulayan ni Noe sa kanyang puso, bawat pananaw at saloobin niya, ang lahat ng ito ang tumukoy kung paano niya nagawang isagawa ang mga salita ng Diyos, at gawing realidad ang mga salita ng Diyos, isakatuparan ang mga salita ng Diyos, upang matupad ang mga iyon sa pamamagitan niya at maging isang realidad sa pamamagitan niya, at upang hindi mauwi ang mga ito sa wala. Makikita sa lahat ng inisip, sa lahat ng ideyang umusbong sa kanyang puso, at sa kanyang saloobin sa Diyos, na si Noe ay karapat-dapat sa atas ng Diyos, siya ay isang taong pinagkatiwalaan ng Diyos, at isang taong pinili ng Diyos. Minamasdan ng Diyos ang bawat salita at gawa ng tao, tinitingnan Niya ang kanilang mga iniisip at ideya. Sa paningin ng Diyos, ang makapag-isip si Noe na tulad nito, hindi Siya nagkamali ng pinili. Ipinakita ni Noe na karapat-dapat siyang tumanggap ng atas ng Diyos, karapat-dapat na tumanggap ng pagtitiwala ng Diyos, nagawa niyang kumpletuhin ang atas ng Diyos: Siya lamang ang pinili sa buong sangkatauhan.

Hinango mula sa “Pangatlong Suplemento: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Diyos (II)” sa Paglalantad sa mga Anticristo

Noong unang dinanas ni Job ang kanyang mga pagsubok, kinuha sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian at lahat ng kanyang anak, subalit hindi ito nagbunga ng pagbagsak o pagsabi ng anumang kasalanan laban sa Diyos. Napagtagumpayan niya ang mga panunukso ni Satanas, at napagtagumpayan niya ang kanyang materyal na ari-arian, mga anak, at ang pagsubok ng pagkawala ng lahat ng kanyang makamundong ari-arian, na ang ibig sabihin ay nagawa niyang sumunod sa Diyos habang kinukuha Niya ang mga bagay mula sa kanya at nagawa niyang magbigay ng pasasalamat at papuri sa Diyos dahil sa Kanyang ginawa. Ganito ang asal ni Job sa panahon ng unang panunukso ni Satanas, at ganito rin ang patotoo ni Job sa panahon ng unang pagsubok ng Diyos. Sa ikalawang pagsubok, iniunat ni Satanas ang kamay nito upang pahirapan si Job, at kahit na naranasan ni Job ang mas matindi pang sakit kaysa sa naranasan niya noon, sapat na ang kanyang patotoo upang mamangha ang mga tao. Ginamit niya ang katatagan ng kanyang loob, pananalig, at pagkamasunurin sa Diyos, pati na rin ang kanyang takot sa Diyos, upang muling matalo si Satanas, at muling sinang-ayunan at pinaboran ng Diyos ang kanyang asal at patotoo. Sa panahon ng panunuksong ito, ginamit ni Job ang kanyang tunay na asal upang ipahayag kay Satanas na hindi kayang baguhin ng sakit ng laman ang kanyang pananampalataya at pagsunod sa Diyos o alisin ang kanyang debosyon at takot sa Diyos; hindi niya tatalikuran ang Diyos o isusuko ang kanyang pagiging perpekto at matuwid dahil nahaharap siya sa kamatayan. Dahil sa determinasyon ni Job naging duwag si Satanas, dahil sa kanyang pananampalataya natakot at nanginig si Satanas, dahil sa pwersa ng kanyang pakikipaglaban kay Satanas sa kanilang laban na buhay o kamatayan ang maaaring kahinatnan, nagkaroon ng malalim na galit at hinagpis si Satanas, dahil sa kanyang pagiging perpekto at matuwid, wala nang magagawa sa kanya si Satanas, kung kaya’t tinalikuran ni Satanas ang pag-atake sa kanya at binitiwan ang mga paratang nito laban kay Job sa harap ng Diyos na si Jehova. Nangahulugan ito na napagtagumpayan ni Job ang mundo, napagtagumpayan niya ang laman, napagtagumpayan niya si Satanas, at napagtagumpayan niya ang kamatayan. Siya ay isang taong ganap at lubos na pag-aari ng Diyos. Sa panahon ng dalawang pagsubok na ito, naging matatag si Job sa kanyang patotoo, at tunay na isinabuhay ang kanyang pagiging perpekto at matuwid, at pinalawak ang saklaw ng mga prinsipyo niya sa pamumuhay nang may takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Matapos maranasan ang dalawang pagsubok na ito, nagkaroon si Job ng mas mayamang karanasan, at dahil sa karanasang ito, naging mas magulang at mas marunong siya, naging mas malakas siya, nagkaroon siya ng mas matibay na paniniwala, at mas nagtiwala siya sa pagiging tama at pagiging karapat-dapat ng katapatang pinanghahawakan niya. Binigyan si Job ng pagsubok ng Diyos na si Jehova ng malalim na pagkaunawa at kamalayan sa pagmamalasakit ng Diyos sa tao, at ipinaramdam sa kanya ang kahalagahan ng pag-ibig ng Diyos, at magmula noon ay naidagdag ang pagsasaalang-alang at pag-ibig para sa Diyos sa kanyang takot sa Diyos. Ang mga pagsubok ng Diyos na si Jehova ay hindi naglayo kay Job mula sa Kanya, at bagkus ay mas inilapit pa ng mga ito ang kanyang puso sa Diyos. Nang umabot sa sukdulan ang sakit sa laman na tiniis ni Job, ang pag-aalalang nadama niya mula sa Diyos na si Jehova ay nagtulak sa kanya na sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan. Ang ganitong asal ay hindi matagal na pinagplanuhan, ngunit isang natural na pahayag ng pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos mula sa loob ng kanyang puso, ito ay isang likas na pahayag na nagmula sa kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos. Ibig sabihin, dahil kinasuklaman niya ang kanyang sarili, at hindi niya nais, at hindi niya matitiis na pahirapan ang Diyos, umabot ang kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa punto na hindi na niya iniisip ang kanyang sarili. Sa oras na ito, itinaas ni Job ang kanyang matagal nang pagsamba, pananabik at malasakit sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Kasabay nito, itinaas din niya ang kanyang pananampalataya, pagsunod, at takot sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Hindi niya hinayaan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang bagay na magdudulot ng pinsala sa Diyos, hindi niya pinahintulutan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang asal na makakasakit sa Diyos, at hindi niya pinayagan ang kanyang sarili na magdala ng anumang dalamhati, pighati, o kahit na kalungkutan sa Diyos dahil sa sarili niyang mga kadahilanan. Sa paningin ng Diyos, bagama’t si Job ay ang dati pa ring Job, ang kanyang pananampalataya, pagsunod, at takot sa Diyos ay nagdala ng ganap na kaluguran at kasiyahan sa Diyos. Noong oras na ito, nakamit ni Job ang pagiging perpekto na inasahan ng Diyos na makakamit niya, siya ay naging isang tao na tunay ngang karapat-dapat tawaging “perpekto at matuwid” sa paningin ng Diyos. Ang kanyang mga matuwid na gawa ang nagbigay sa kanya ng tagumpay laban kay Satanas at nagpatibay ng kanyang patotoo sa Diyos. Gayundin, ang kanyang mga matuwid na gawa ay ginawa siyang perpekto, at nagbigay-daan sa pagtaas ng halaga ng kanyang buhay at pangingibabaw nito nang higit pa sa dati, at naging dahilan upang siya ay maging ang kauna-unahang tao na hindi na kailanman aatakihin at tutuksuhin ni Satanas. Dahil si Job ay matuwid, siya ay pinaratangan at tinukso ni Satanas; dahil si Job ay matuwid, siya ay ibinigay kay Satanas; at dahil si Job ay matuwid, napagtagumpayan at tinalo niya si Satanas, at siya ay nanindigan sa kanyang patotoo. Simula noon si Job ang naging kauna-unahang tao na hindi na kailanman muling ibibigay kay Satanas, talagang humarap siya sa trono ng Diyos, at namuhay sa liwanag, sa ilalim ng mga pagpapala ng Diyos nang walang pagmamanman o paninira ni Satanas…. Siya ay naging isang tunay na tao sa paningin ng Diyos, siya ay napalaya …

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Noong siya ay kinakastigo ng Diyos, nanalangin si Pedro, “O Diyos! Ang aking laman ay masuwayin, at kinakastigo Mo ako at hinahatulan ako. Ako ay nagagalak sa Iyong pagkastigo at paghatol, at kahit hindi Mo ako nais, sa Iyong paghatol ay nakikita ko ang Iyong banal at matuwid na disposisyon. Kapag hinahatulan Mo ako, upang makita ng iba ang Iyong matuwid na disposisyon sa Iyong paghatol, ako ay nasisiyahan. Kung maipapahayag nito ang Iyong disposisyon at mapahihintulutan ang Iyong matuwid na disposisyon na makita ng lahat ng nilalang, at kung gagawin nitong mas dalisay ang aking pagmamahal sa Iyo, upang maging kawangis ko ang isang matuwid, ang paghatol Mo ay mabuti, sapagkat gayon ang Iyong mapagpalang kalooban. Batid ko na puno pa rin ako ng panghihimagsik, at na ako ay hindi pa rin nararapat na lumapit sa harap Mo. Nais kong ako ay mas hatulan Mo pa, sa pamamagitan man ng isang malupit na kapaligiran o matitinding kapighatian. Anuman ang ginagawa Mo, para sa akin ito ay napakahalaga. Ang Iyong pag-ibig ay napakalalim, at handa akong ilagay ang aking sarili sa Iyong pagsasaayos nang walang munti mang pagdaing.” Ito ang kaalaman ni Pedro pagkatapos niyang maranasan ang gawain ng Diyos, at ito rin ay isang patotoo sa kanyang pag-ibig sa Diyos. … Noong malapit na siyang mamatay, matapos siyang gawing perpekto, sinabi ni Pedro, “O Diyos! Kung ako ay mabubuhay ng ilan pang mga taon, nais kong magkaroon ng mas higit na dalisay at higit na malalim na pag-ibig sa Iyo.” Noong siya ay ipapako na sa krus, nanalangin siya sa kanyang puso, “O Diyos! Ang Iyong panahon ay dumating na ngayon, ang panahong Iyong inihanda para sa akin ay dumating na. Ako ay dapat na maipako sa krus para sa Iyo, dapat akong magpatotoo nito sa Iyo, at umaasa ako na ang aking pag-ibig ay makatutugon sa Iyong mga pamantayan, at na ito ay mas higit pang magiging dalisay. Ngayon, ang mamatay para sa Iyo, at maipako sa krus para sa Iyo, ay nagbibigay kaginhawahan at katiyakan sa akin, sapagkat wala nang higit pang kasiya-siya sa akin kaysa sa mapako sa krus para sa Iyo at matugunan ang Iyong mga nais, at maibigay ang aking sarili sa Iyo, maialay ang aking buhay sa Iyo. O Diyos! Ikaw ay lubhang kaibig-ibig! Kung pahihintulutan Mo akong mabuhay, lalo pa akong magiging handang ibigin Ka. Habang ako ay nabubuhay, iibigin Kita. Nais kong ibigin Ka pa nang higit na malalim. Hinahatulan Mo ako, at kinakastigo at sinusubukan dahil ako ay hindi matuwid, dahil ako ay nagkasala. At ang Iyong matuwid na disposisyon ay nagiging higit na maliwanag sa akin. Ito ay isang pagpapala sa akin, sapagkat nagagawa kong ibigin Ka nang higit na malalim, at handa akong ibigin Ka sa ganitong paraan kahit na hindi Mo ako iniibig. Handa akong makita ang Iyong matuwid na disposisyon, sapagkat mas nagkakaroon ako ng kakayahan upang isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Nararamdaman ko na ang pamumuhay ko ngayon ay higit na may kabuluhan, sapagkat ipinapako ako sa krus para sa Iyong kapakanan, at makabuluhan ang mamatay para sa Iyo. Gayon pa man hindi pa rin ako nakakaramdam ng kasiyahan, sapagkat lubhang kakaunti ang nalalaman ko tungkol sa Iyo, batid ko na hindi ko ganap na matutupad ang Iyong mga nais, at kakaunti lamang ang napagbayaran ko sa Iyo. Sa aking buhay, hindi ko nakayang ibigay ang buong sarili ko sa Iyo. Malayo pa ako roon. Habang lumilingon ako sa sandaling ito, nararamdaman ko ang lubhang pagkakautang ko sa Iyo, at ang sandaling ito lamang ang mayroon ako upang makabawi sa lahat ng pagkakamali ko at lahat ng pag-ibig na hindi ko naibalik sa Iyo.”

Hinango mula sa “Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon