Ang mga pagkakaiba sa pagitan ng gawain ng mga taong ginagamit ng Diyos at ng gawain ng mga pinuno ng mga relihiyon
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Walang sinuman ang may kakayahang mamuhay nang mag-isa maliban sa kanila na binigyan ng natatanging tagubilin at paggabay ng Banal na Espiritu, sapagkat kinakailangan nila ang ministeryo at pagpapastol nilang mga ginamit ng Diyos. Kaya, sa bawat kapanahunan nagbabangon ang Diyos ng iba’t ibang tao na abalang nagmamadali sa pagpapastol sa mga iglesia para sa kapakanan ng Kanyang gawain. Na ang ibig sabihin, ang gawain ng Diyos ay dapat gampanan sa pamamagitan nilang Kanyang kinalulugdan at sinasang-ayunan; dapat gamitin ng Banal na Espiritu ang bahagi sa loob nila na karapat-dapat gamitin para makagawa ang Banal na Espiritu, at ginawa silang angkop para gamitin ng Diyos sa pamamagitan ng pagperpekto sa kanila ng Banal na Espiritu. Sapagkat ang kakayahan ng tao na makaunawa ay labis na kapos, dapat siyang maipastol ng mga taong kinakasangkapan ng Diyos; kagaya ito ng paggamit ng Diyos kay Moises, kung kanino Siya nakatagpo ng marami na angkop sa paggamit noong panahong iyon, at na Kanyang ginamit upang gampanan ang gawain ng Diyos sa yugtong iyon. Sa yugtong ito, ginagamit ng Diyos ang isang tao habang sinasamantala ang bahagi niya na maaaring gamitin ng Banal na Espiritu para makagawa, at ang Banal na Espiritu ay ginagabayan siya at kasabay nito’y ginagawang perpekto ang natitirang bahagi na hindi magagamit.
Ang gawain na ginagampanan niyang ginagamit ng Diyos ay ang makipagtulungan sa gawain ni Cristo o ng Banal na Espiritu. Ang taong ito ay itinataas ng Diyos sa gitna ng mga tao, siya ay naroon upang pangunahan ang lahat ng hinirang ng Diyos, at siya ay itinataas din ng Diyos upang gampanan ang gawain ng pagtutulungan ng tao. Kasama ang isang gaya nito, na nagagawang gampanan ang pagtutulungan ng tao, mas marami pa sa mga kinakailangan ng Diyos mula sa tao at sa gawaing kailangang gampanan ng Banal na Espiritu sa gitna ng tao ay matatamo sa pamamagitan niya. Ang isa pang paraan ng pagsasabi nito ay kagaya nito: Ang layunin ng Diyos sa paggamit sa taong ito ay upang lalong maunawaan ng lahat yaong mga sumusunod sa Diyos ang kalooban ng Diyos, at makamit ang higit pa sa mga kinakailangan ng Diyos. Sapagkat ang mga tao ay walang kakayahan na tuwirang maunawaan ang mga salita ng Diyos o ang kalooban ng Diyos, itinaas ng Diyos ang isang tao na sanay nang gumanap sa gayong gawain. Ang taong ito na ginagamit ng Diyos ay maaari ring ilarawan bilang isang paraan kung saan ginagabayan ng Diyos ang mga tao, o bilang “tagasalin” na nakikipagtalastasan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Kaya’t ang gayong tao ay hindi kagaya ninuman sa kanila na gumagawa sa sambahayan ng Diyos o na Kanyang mga apostol. Kagaya nila, maaaring sabihin na siya ay naglilingkod sa Diyos, ngunit sa diwa ng kanyang gawain at sa likod ng paggamit sa kanya ng Diyos ay malaki ang pagkakaiba niya mula sa ibang mga manggagawa at mga apostol. Kung ang pag-uusapan ay ang diwa ng kanyang gawain at ang nasa likod ng paggamit sa kanya, ang tao na ginagamit ng Diyos ay itinataas Niya, inihahanda ng Diyos para sa gawain ng Diyos, at siya ay nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos Mismo. Walang sinumang tao ang maaaring gumawa ng kanyang gawain para sa kanya—ito ay pakikipagtulungan ng tao na kailangang-kailangang kaagapay ng banal na gawain. Samantala, ang gawaing ginagampanan ng ibang mga manggagawa o mga apostol ay paghahatid at pagsasakatuparan lamang ng maraming aspeto ng mga pagsasaayos para sa mga iglesia sa bawat panahon, o kaya nama’y gawain ng ilang payak na pantustos ng buhay upang mapanatili ang buhay-iglesia. Ang mga manggagawa at mga apostol na ito ay hindi hinirang ng Diyos, lalong hindi sila matatawag na mga ginagamit ng Banal na Espiritu. Sila ay pinipili mula sa mga iglesia at, pagkatapos silang sanayin at linangin sa loob ng ilang panahon, silang mga angkop ay pinananatili, habang iyong mga hindi angkop ay pinababalik kung saan sila nanggaling. Sapagkat ang mga taong ito ay pinili mula sa mga iglesia, ipinakikita ng ilan ang kanilang totoong mga kulay pagkatapos maging mga pinuno, at ang ilan ay gumagawa pa nga ng maraming masasamang bagay at naaalis sa bandang huli. Ang taong ginagamit ng Diyos, sa kabilang dako, ay siyang inihanda ng Diyos, at siyang nagtataglay ng partikular na kakayahan, at mayroong pagkatao. Maaga siyang naihanda at nagawang perpekto ng Banal na Espiritu, at ganap na pinangunahan ng Banal na Espiritu, at, lalo na pagdating sa kanyang gawain, siya ay tinagubilinan at inutusan ng Banal na Espiritu—bilang resulta, walang paglihis sa landas ng pangunguna sa mga hinirang ng Diyos, sapagkat tiyak na pananagutan ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, at ginagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain sa lahat ng pagkakataon.
mula sa “Tungkol sa Pagkasangkapan ng Diyos sa Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga taong sumusunod sa kanila sa loob ng mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensyahan ng ilan sa kanilang katauhan. Nakatuon sila sa mga kaloob, kakayahan, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay-pansin sa higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalim at di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang malalalim na doktrinang ito ay hindi matatamo). Hindi sila nagtutuon sa mga pagbabago sa disposisyon ng mga tao, kundi sa halip ay sa pagsasanay sa mga tao na mangaral at gumawa, na nakakaragdag sa kaalaman ng mga tao at sa kanilang saganang mga relihiyosong doktrina. Hindi sila nagtutuon sa kung gaano nagbago ang disposisyon ng mga tao ni kung gaano nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Hindi sila nagmamalasakit sa diwa ng mga tao, at lalo nang hindi nila sinusubukang alamin ang normal at abnormal na mga kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga kuru-kuro ng mga tao, ni hindi nila ibinubunyag ang kanilang mga kuru-kuro, lalong hindi nila tinatabasan ang mga tao sa kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga sumusunod sa kanila ay naglilingkod gamit ang kanilang mga kaloob, at ang tanging inilalabas nila ay mga relihiyosong kuru-kuro at mga teoryang teolohikal, na hindi makatotohanan at ganap na hindi nagbibigay-buhay sa mga tao. Sa katunayan, ang diwa ng kanilang gawain ay pangangalaga sa talento, pangangalaga sa isang tao na walang kahit ano tungo sa pagtatapos sa seminaryo na taglay ang maraming talento na paglaon ay humahayo upang gumawa at mamuno.
Hinango mula sa “Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Masdan mo ang mga pinuno ng bawat denominasyon—lahat sila’y mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Biblia nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling imahinasyon. Lahat sila’y umaasa sa mga kaloob at pag-aaral sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila’y wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kung sa bagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang pakana. Ginagamit nila ang mga ito para dalhin ang mga tao sa harapan nila at linlangin sila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang kanilang mga pinuno. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila’y nagsasabing, “Kailangang konsultahin namin ang aming pinuno tungkol sa aming pananampalataya.” Isang tao ang daanan ng kanilang pananampalataya sa Diyos; hindi ba problema iyan? Nagiging ano na kung gayon ang mga pinunong iyan? Hindi ba sila nagiging mga Fariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan?
Hinango mula sa “Tanging ang Paghahabol sa Katotohanan ang Tunay na Paniniwala sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi mo Siya kailanman sinunod, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makasusunod ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapanghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Dinadakila nila ang mga sarili nila bago ang iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko?
Hinango mula sa “Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Hindi ba maraming taong kumokontra sa Diyos at humahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu dahil hindi nila alam ang iba’t iba at malawak na gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, dahil napakaliit ng taglay nilang kaalaman at doktrina para sukatin ang gawain ng Banal na Espiritu? Bagama’t mababaw ang mga karanasan ng gayong mga tao, mayabang at likas silang mapagpalayaw at hinahamak nila ang gawain ng Banal na Espiritu, binabalewala ang mga pagdidisiplina ng Banal na Espiritu at, bukod pa riyan, ginagamit nila ang kanilang mga walang-kuwentang lumang argumento upang “pagtibayin” ang gawain ng Banal na Espiritu. Nagkukunwari din sila, at lubos na kumbinsido sa sarili nilang natutuhan at kaalaman, at kumbinsido na nakakapaglakbay sila sa buong mundo. Hindi ba kinasusuklaman at inaayawan ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at hindi ba sila aalisin pagsapit ng bagong kapanahunan? Hindi ba mga kasuklam-suklam na taong mangmang at kulang sa kaalaman yaong mga humaharap sa Diyos at lantaran Siyang kinokontra, na nagpapakita lamang kung gaano sila katalino? Sa taglay nilang kaunting kaalaman tungkol sa Biblia, sinisikap nilang magwala sa “akademya” ng mundo; taglay ang isang mababaw na doktrina para turuan ang mga tao, sinusubukan nilang baligtarin ang gawain ng Banal na Espiritu at tinatangkang paikutin ito sa sarili nilang proseso ng pag-iisip. Dahil hindi nila alam ang mangyayari, sinusubukan nilang masdan sa isang sulyap ang 6,000 taon ng gawain ng Diyos. Walang anumang katinuan ang mga taong ito na dapat banggitin! Sa katunayan, kapag mas maraming kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, mas mabagal silang manghusga sa Kanyang gawain. Bukod pa riyan, katiting lamang ang binabanggit nilang kaalaman nila tungkol sa gawain ng Diyos ngayon, ngunit hindi sila padalus-dalos sa kanilang mga paghusga. Kapag mas kakaunti ang alam ng mga tao tungkol sa Diyos, mas mayabang sila at labis ang tiwala nila sa sarili at mas walang-pakundangan nilang ipinapahayag ang katauhan ng Diyos—subalit ang binabanggit nila ay teorya lamang, at wala silang ibinibigay na tunay na katibayan. Walang anumang halaga ang gayong mga tao. Yaong mga itinuturing na laro ang gawain ng Banal na Espiritu ay mga bobo! Yaong mga hindi maingat kapag nakakatagpo sila ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, na walang-tigil magsalita, mabilis humusga, malayang hinahayaan ang kanilang pag-uugali na tanggihan ang pagiging tama ng gawain ng Banal na Espiritu, at iniinsulto at nilalapastangan din ito—hindi ba mangmang ang gayon kawalang-galang ng mga tao ba tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu? Bukod pa riyan, hindi ba sila mga taong mayayabang, likas na mapagmataas at pasaway? Kahit dumating ang araw na tanggapin ng gayong mga tao ang bagong gawain ng Banal na Espiritu, hindi pa rin sila palalampasin ng Diyos. Hindi lamang nila hinahamak yaong mga gumagawa para sa Diyos, kundi nilalapastangan din nila ang Diyos Mismo. Ang gayong desperadong mga tao ay hindi patatawarin, sa kapanahunang ito man o sa darating na kapanahunan, at mapapahamak sila sa impiyerno magpakailanman! Ang gayong walang-galang at maluhong mga tao ay nagkukunwaring naniniwala sa Diyos, at kapag mas maraming taong ganito, mas malamang na suwayin nila ang mga atas administratibo ng Diyos. Hindi ba tumatahak sa landas na ito ang lahat ng mayabang na talagang hindi mapigil, at hindi pa sumunod kahit kanino kailanman? Hindi ba nila kinokontra ang Diyos bawat araw, ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma?
Hinango mula sa “Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao