Menu

Ang Biblia ay isang talaan lamang ng dalawang yugto ng gawain ng Diyos na ang Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya; hindi ito isang talaan ng kabuuan ng gawain ng Diyos

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“At mayroon ding iba’t ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanlibutan ay hindi magkakasya ang mga aklat na susulatin” (Juan 21:25).

“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi Siya magsasalita ng mula sa Kaniyang sarili; kundi ang anumang bagay na Kaniyang marinig, ang mga ito ang Kaniyang sasalitain: at Kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).

biblia-hindi-kabuuan-gawain-Diyos

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Anong uri ng libro ang Biblia? Ang Lumang Tipan ay ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang Lumang Tipan ng Biblia ay nagtatala ng lahat ng gawain ni Jehova noong Kapanahunan ng Kautusan at ng Kanyang gawain ng paglikha. Ang lahat ng ito ay nagtatala ng gawain na tinapos ni Jehova, at sa huli ay nagtatapos sa mga salaysay ng gawain ni Jehova sa Aklat ni Malakias. Ang Lumang Tipan ay nagtatala ng dalawang bahagi ng gawain na tinapos ng Diyos: Ang isa ay ang gawain ng paglikha, at ang isa ay pag-aatas ng mga kautusan. Ito ay parehong gawain na ginawa ni Jehova. Ang Kapanahunan ng Kautusan ay kumakatawan sa gawain sa ilalim ng pangalan ng Diyos na si Jehova; ito ay kabuuan ng mga gawain na pangunahing ipinatupad sa ilalim ng pangalan ni Jehova. Sa gayon, ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jehova, at ang Bagong Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jesus, gawain na pangunahing ipinatupad sa ilalim ng pangalan ni Jesus. Ang kahalagahan ng pangalan ni Jesus at ang karamihan sa gawain na Kanyang ginawa ay nakatala sa Bagong Tipan. Sa panahon ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan, itinatag ni Jehova ang templo at altar sa Israel, ginabayan Niya ang buhay ng mga Israelita sa daigdig, na nagpapatunay na sila ang Kanyang bayang pinili, ang unang grupo ng mga tao na Kanyang pinili sa daigdig at naghahangad sa Kanyang puso, ang unang grupo na personal Niyang pinamunuan. Ang labindalawang lipi ng Israel ay ang mga unang pinili ni Jehova, at dahil dito, Siya ay palagiang kumilos sa kanila, hanggang sa katapusan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang ikalawang yugto ng gawain ay ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ng Bagong Tipan, at ito ay isinagawa sa mga Judio, sa isa sa labindalawang tribo ng Israel. Ang saklaw ng gawaing ito ay mas maliit dahil si Jesus ay Diyos na naging tao. Si Jesus ay gumawa lamang sa buong lupain ng Judea, at gumawa lamang ng gawain sa loob ng tatlo-at-kalahating taon; sa gayon, malayong malagpasan ng mga nakatala sa Bagong Tipan ang bilang ng gawain na nakatala sa Lumang Tipan.

Hinango mula sa “Tungkol sa Biblia (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Biblia ay isang aklat ng kasaysayan. Siyempre, ito rin ay naglalaman ng ilan sa mga sinabi ng mga propeta na mangyayari sa hinaharap, at siyempre, ang mga ito ay hindi kabilang sa kasaysayan. Ang Biblia ay kinabibilangan ng ilang bahagi—hindi lamang propesiya, o gawain lamang ni Jehova, o mga sulat lamang ni Pablo. Kailangan mong malaman kung gaano karami ang mga bahaging nakalangkap sa Biblia. Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng Genesis, Exodus…, at mayroon ding mga aklat ng propesiya na isinulat ng mga propeta. Sa huli, ang Lumang Tipan ay nagtatapos sa Aklat ni Malakias. Itinatala nito ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, na pinamunuan ni Jehova. Mula sa Genesis hanggang sa Aklat ni Malakias, ito ay isang komprehensibong tala ng lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Sinasabi nito na ang Lumang Tipan ay tala ng lahat ng karanasan ng tao na ginabayan ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na ginamit ni Jehova ay nagwika ng mga propesiya para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at sinabi ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang lahat ng mga taong ito na ginamit ng Diyos ay binigyan ni Jehova ng Espiritu ng propesiya. Nakita nila ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig nila ang Kanyang tinig, at dahil dito, sila’y nabigyan Niya ng inspirasyon at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay paghahayag ng tinig ni Jehova, ang pagpapahayag ng propesiya ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon upang magabayan ang mga tao sa pamamagitan ng Espiritu. Hindi Siya nagkatawang-tao, at hindi nakita ng mga tao ang Kanyang mukha. Kung kaya’t, gumamit Siya ang maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at angkan ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila ay isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang ipakita sa iba. Ginamit ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang sabihin ang gawain ng hinaharap o ang gawain na gagawin pa sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagiging kamangha-mangha at ang karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay medyo naiiba sa ibang mga aklat ng Biblia. Ang mga ito ay mga salitang binigkas o isinulat ng mga nabigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nakakita ng mga pangitain o tinig mula kay Jehova. Maliban sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay binubuo ng mga talaan na ginawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi maipanghahalili sa mga sinabi ng mga propeta na ginamit ni Jehova, kung paanong ang Genesis at Exodus ay hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago pa maisagawa ang gawain, samantalang ang ibang aklat ay isinulat pagkatapos nito, na siya namang kayang gawin ng mga tao. Ang mga propeta ng panahong iyon ay binigyang-inspirasyon ni Jehova at nagsabi ng ilang propesiya, marami silang binigkas na mga salita, at nagbigay sila ng propesiya tungkol sa mga bagay ng Kapanahunan ng Biyaya, pati na rin ang pagkawasak ng mundo sa mga huling araw—ang gawain na binalak gawin ni Jehova. Nakatala sa lahat ng mga natitirang aklat ang ginawa ni Jehova sa Israel. Dahil dito, kapag binabasa mo ang Biblia, ang binabasa mo higit sa lahat ay kung ano ang ginawa ni Jehova sa Israel. Pangunahing nakatala sa Lumang Tipan ng Biblia ang gawain ni Jehova ng paggabay sa Israel, ang paggamit Niya kay Moises upang gabayan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, na nag-alis ng mga kadena ng Paraon sa kanila, at nagdala sa kanila sa ilang, matapos noon ay pumasok sila sa Canaan at ang lahat ng sumunod dito ay tungkol sa kanilang buhay sa Canaan. Ang lahat bukod dito ay mga tala ng gawain ni Jehova sa buong Israel. Ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, ito ang gawaing ginawa ni Jehova sa lupain kung saan nilikha Niya sina Adan at Eba. Mula nang opisyal na sinimulan ng Diyos na pamunuan ang mga tao sa daigdig pagkaraan ni Noe, ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain sa Israel. At bakit walang nakatala na kahit anong gawain sa labas ng Israel? Dahil ang lupain ng Israel ay ang duyan ng sangkatauhan. Sa simula, walang ibang bansa maliban sa Israel, at si Jehova ay hindi gumawa sa anupamang lugar. Sa ganitong paraan, ang nakasulat sa Lumang Tipan ng Biblia ay pulos gawain ng Diyos sa Israel noong panahong iyon. Ang mga salitang binigkas ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … ang kanilang mga salita ay nagbanggit ng iba pa Niyang mga gawain sa daigdig, binanggit ng mga ito ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, ang lahat ng iba pa ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova noong panahong iyon.

Ang gawain ng paglikha ay nangyari bago nagkaroon ng sangkatauhan, ngunit dumating lamang ang Aklat ng Genesis matapos magkaroon ng sangkatauhan; ito ay isang aklat na isinulat ni Moises noong Kapanahunan ng Kautusan. Ito ay tulad ng mga bagay na nangyayari sa inyo ngayon: Pagkatapos nilang mangyari, isinusulat ninyo ang mga ito upang ipakita sa mga tao sa hinaharap, at para sa mga tao sa hinaharap, ang inyong mga naitala ay bagay na nangyari noong nakalipas na panahon—ito’y kasaysayan lamang. Ang mga bagay na naitala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, at ang nakatala sa Bagong Tipan ay gawain ni Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya; itinala ng mga ito ang gawain na tinapos ng Diyos sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan, at dahil dito, ang Lumang Tipan ay isang makasaysayang libro, habang ang Bagong Tipan ay bunga ng gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Nang magsimula ang bagong gawain, naluma na rin ang Lumang Tipan—at dahil dito, ang Bagong Tipan ay isa ring makasaysayang libro. Siyempre, ang Bagong Tipan ay hindi kasing-sistematiko ng Lumang Tipan, at hindi nagtatala ng kasindaming mga bagay. Ang lahat ng mga salitang binigkas ni Jehova ay nakatala sa Lumang Tipan ng Biblia, samantalang ilan lamang sa mga salita ni Jesus ang nakatala sa Apat na Ebanghelyo. Tunay ngang marami ring ginawa si Jesus, ngunit hindi ito naitala nang detalyado. Mas kaunti ang naitala sa Bagong Tipan dahil sa kung gaano karami ang nagawa ni Jesus; ang dami ng Kanyang gawain sa loob ng tatlo-at-kalahating taon sa daigdig at ang gawain ng mga apostol ay higit na kakaunti kaysa sa gawain ni Jehova. At sa gayon, mas kaunti ang mga aklat sa Bagong Tipan kaysa sa Lumang Tipan.

Hinango mula sa “Tungkol sa Biblia (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Biblia ay tinatawag din na Luma at Bagong Tipan. Alam ba ninyo kung ano ang tinutukoy ng “tipan”? Ang “tipan” sa Lumang Tipan ay mula sa kasunduan ni Jehova sa bayan ng Israel nang patayin Niya ang mga taga-Egipto at iligtas ang mga Israelita mula sa Faraon. Siyempre pa, ang patunay ng kasunduang ito ay ang dugo ng tupa na ipinahid sa itaas ng mga pintuan, na sa pamamagitan nito’y nagtatag ang Diyos ng kasunduan sa tao, kung saan sinabi na ang lahat ng may dugo ng tupa sa itaas at mga gilid ng pintuan ay mga Israelita, sila ang hinirang na bayan ng Diyos, at silang lahat ay ililigtas ni Jehova (sapagkat papatayin na ni Jehova noon ang lahat ng panganay na anak ng Egipto at panganay na mga tupa at baka). Ang kasunduang ito ay may dalawang antas ng kahulugan. Walang tao o mga alagang hayop ng Egipto ang ililigtas ni Jehova; papatayin Niya ang lahat ng kanilang panganay na anak at panganay na mga tupa at baka. Kaya, sa maraming aklat ng propesiya inihula na ang mga taga-Egipto ay matinding kakastiguhin bilang resulta ng kasunduan ni Jehova. Ito ang unang antas ng kahulugan ng kasunduan. Pinatay ni Jehova ang mga panganay na anak ng Egipto at ang lahat ng panganay na alagang hayop, at iniligtas Niya ang lahat ng Israelita, na nangangahulugang ang lahat ng tao sa lupain ng Israel ay itinangi ni Jehova, at ang lahat ay maliligtas; ninais Niyang gumawa ng pangmatagalang gawain sa kanila, at itinatag ang kasunduan sa kanila gamit ang dugo ng tupa. Simula noon, hindi papatayin ni Jehova ang mga Israelita, at sinabi na sila ang Kanyang mga hinirang magpakailanman. Mula sa labindalawang tribo ng Israel, sisimulan Niya ang Kanyang gawain sa buong Kapanahunan ng Kautusan, ilalatag Niya ang lahat ng Kanyang batas sa mga Israelita, at pipili mula sa kanila ng mga propeta at mga hukom, at sila ang magiging sentro ng Kanyang gawain. Nakipagkasundo si Jehova sa kanila: Malibang magbago ang kapanahunan, Siya ay gagawa lamang sa gitna ng mga hinirang. Ang kasunduan ni Jehova ay hindi nababago, dahil ito ay isinakatuparan sa dugo, at itinatag sa Kanyang hinirang na bayan. Higit pa rito, pumili Siya ng naaangkop na saklaw at layon na dapat pagmulan ng Kanyang gawain para sa buong kapanahunan, at sa gayon nakita ng mga tao ang kasunduan na lalong mahalaga. Ito ang ikalawang antas ng kahulugan ng kasunduan. Maliban sa Genesis, na nauna pa sa pagtatatag ng kasunduan, itinatala ng lahat ng iba pang mga aklat sa Lumang Tipan ang gawain ng Diyos sa gitna ng mga Israelita pagkatapos ng pagtatatag ng kasunduan. Siyempre, may mga paminsan-minsang salaysay tungkol sa mga Gentil, ngunit sa pangkalahatan, ang Lumang Tipan ay nagsasaad ng gawain ng Diyos sa Israel. Dahil sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita, ang mga aklat na isinulat sa Kapanahunan ng Kautusan ay tinatawag na Lumang Tipan. Ang mga ito ay ipinangalan mula sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita.

Ang Bagong Tipan ay ipinangalan mula sa pagdanak ng dugo ni Jesus sa krus at sa Kanyang kasunduan sa lahat ng naniniwala sa Kanya. Ang kasunduan ni Jesus ay ito: Ang mga tao ay kailangan lamang maniwala sa Kanya upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan dahil sa pagdanak ng Kanyang dugo, at sa gayon ay maliligtas sila, at isisilang muli sa pamamagitan Niya, at hindi na magiging mga makasalanan; ang mga tao ay kailangan lamang maniwala sa Kanya upang matanggap ang Kanyang biyaya, at hindi magdusa sa impiyerno pagkatapos nilang mamatay. Ang lahat ng aklat na isinulat noong Kapanahunan ng Biyaya ay dumating pagkatapos ng kasunduang ito, at lahat ng ito ay isinasaad ang gawain at mga pagbigkas na nakapaloob dito. Hindi lumalagpas ang mga ito sa pagliligtas ng pagkapako sa krus ng Panginoong Jesus o sa kasunduan; itong lahat ay mga aklat na isinulat ng mga kapatid sa Panginoon na nagkaroon ng mga karanasan. Kaya, ang mga aklat na ito ay ipinangalan din mula sa isang kasunduan: Tinatawag silang ang Bagong Tipan. Ang dalawang tipan na ito ay sinasaklaw lamang ang Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya, at walang kaugnayan sa huling kapanahunan.

Hinango mula sa “Tungkol sa Biblia (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Maraming tao ang naniniwala na ang pag-unawa at kakayahang magpakahulugan sa Biblia ay tulad ng pagkasumpong sa tunay na daan—ngunit sa katunayan, ganoon ba talaga kasimple ang mga bagay-bagay? Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Biblia: na ito’y walang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang patotoo sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at hindi nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa mga minimithi ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Biblia na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at gawain ni Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo—hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na nakalipas ay gumagawa sa mga ito na kasaysayan, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi magpapatungkol sa kasalukuyan. Sapagkat ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! At kaya, kung iyo lamang nauunawaan ang Biblia, at walang nauunawaan sa gawain na nilalayong isakatuparan ngayon ng Diyos, at kung naniniwala ka sa Diyos nguni’t hindi hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos. Kung binabasa mo ang Biblia upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa buong kalangitan at kalupaan, kung gayon ay hindi ka naniniwala sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil naniniwala ka sa Diyos, at hinahangad ang buhay, dahil hinahangad mo ang pagkakilala sa Diyos, at hindi hinahangad ang mga walang-buhay na titik at doktrina, o ang pagkaunawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos ngayon, at dapat hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo maaari mong mabasa ang Biblia—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ang isa sa mga yaon na naniniwala sa Diyos, at pinakamainam na hanapin mo ang kalooban ng Diyos sa ngayon. Sa pagbabasa ng Biblia, ang pinakamauunawaan mo ay kaunti ng kasaysayan ng Israel, matututuhan mo ang tungkol sa mga buhay nina Abraham, David, at Moises, iyong malalaman kung paano nila sinamba si Jehova, kung paano sinunog ni Jehova yaong mga kumalaban sa Kanya, at kung paano Siya nangusap sa mga tao ng kapanahunang iyon. Malalaman mo lamang ang tungkol sa gawain ng Diyos sa nakaraan. Ang mga talaan ng Biblia ay may kaugnayan sa kung paano ang unang mga tao ng Israel ay sumamba sa Diyos at nabuhay sa ilalim ng gabay ni Jehova. Dahil ang mga Israelita ay siyang hinirang na mga tao ng Diyos, sa Lumang Tipan makikita mo ang katapatan ng lahat ng tao ng Israel kay Jehova, kung paanong ang lahat niyaong sumunod kay Jehova ay inalagaan at pinagpala Niya, matututuhan mo na noong gumawa ang Diyos sa Israel Siya ay puno ng awa at pagmamahal, gayundin ay nagtataglay ng tumutupok na apoy, at ang lahat ng Israelita, mula sa aba hanggang sa makapangyarihan, ay sumamba kay Jehova, at sa gayon ang buong bansa ay pinagpala ng Diyos. Ganoon ang kasaysayan ng Israel na naitala sa Lumang Tipan.

Hinango mula sa “Tungkol sa Biblia (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kung nais mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sumunod ang mga Israelita sa landas ni Jehova, dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung nais mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang mga gawain sa mga huling araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos ng kasalukuyan, at pumasok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito sa Biblia. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang mga hinirang sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na wala pang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Sa gayon, ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa nang mas nakahihigit, mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas na ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga propesiya na ibinigay ng mga propeta, na ito ay bago at kahanga-hangang gawain na hindi sakop ng mga propesiya, at mas bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi makikita o kaya ay magawang akalain ng mga tao. Paanong ang Biblia ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino sana ang maaaring makapagtala ng bawat isang bahagi ng gawain ngayon, nang walang makakaligtaan, nang hindi pa nangyayari? Sino sana ang maaaring makapagtala nitong mas makapangyarihan, mas may karunungang gawain na sumasalungat sa kinaugalian na nasa lumang inaamag na libro? Ang gawain sa kasalukuyan ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, kailangan mong lisanin ang Biblia, dapat mong lagpasan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Biblia. Saka ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at saka ka lamang makakapasok sa bagong kaharian at sa bagong gawain.

Hinango mula sa “Tungkol sa Biblia (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon