Ang likas na katangian at mga bunga ng problema sa pagkilala lamang sa Diyos nang hindi kinikilala ang katotohanan
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sinumang hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, sinumang hindi naniniwala sa nakikitang Diyos o sa gawain at mga salita Niya, bagkus ay sumasamba sa di-nakikitang Diyos sa langit—ay isang taong walang Diyos sa kanyang puso. Mapanghimagsik at lumalaban sa Diyos ang gayong mga tao. Salat sila sa pagkatao at katwiran, lalo na sa katotohanan. Higit dito, para sa mga taong ito, lalong hindi mapaniniwalaan ang nakikita at nahahawakang Diyos, ngunit itinuturing nila na kapani-paniwala at nakapagpapasaya nang higit sa lahat ang di-nakikita at di-nahahawakang Diyos. Hindi ang aktwal na katotohanan o ang tunay na diwa ng buhay ang hinahangad nila; lalong hindi ang kalooban ng Diyos. Sa halip, hinahangad nila ang kasabikan. Alinmang mga bagay na makakayang magbigay ng kakayahang tuparin ang mga sarili nilang mga pagnanasa ay walang alinlangang ang pinaniniwalaan at itinataguyod nila. Naniniwala lamang sila sa Diyos upang matugunan ang sarili nilang mga pagnanasa, hindi upang hangarin ang katotohanan. Hindi ba mga tagagawa ng masama ang gayong mga tao? Labis ang kanilang tiwala sa sarili, at hinding-hindi sila naniniwala na wawasakin ng Diyos sa langit ang gayong “mabubuting tao” na tulad nila. Sa halip, naniniwala sila na tutulutan sila ng Diyos na manatili at, bukod dito, malakihan silang gagantimpalaan dahil sa nagawang maraming bagay para sa Diyos at naipakitang di-kakaunting “katapatan” sa Kanya. Kung hahangarin din nila ang nakikitang Diyos, sa sandaling hindi matugunan ang kanilang mga pagnanasa, agad silang gaganti sa Diyos o magwawala. Ipinakikita nila ang mga sarili bilang kasuklam-suklam na mga tuta na naghahangad lamang matugunan ang mga sarili nilang pagnanasa; hindi sila mga taong may dangal na nagtataguyod ng katotohanan. Ang gayong mga tao ay ang tinatawag na mga buktot na sumusunod kay Cristo. Yaong mga taong hindi naghahangad ng katotohanan ay hindi makakayang maniwala kahit pa sa katotohanan, at lalong hindi magagawang mahiwatigan ang kalalabasan sa hinaharap ng sangkatauhan, dahil hindi sila naniniwala sa anumang gawain o mga salita ng nakikitang Diyos—at kabilang dito ang hindi magawang maniwala sa hantungan ng sangkatauhan sa hinaharap. Samakatuwid, kahit sinusundan pa nila ang nakikitang Diyos, gumagawa pa rin sila ng masama at hinding-hindi hinahangad ang katotohanan, o isinasagawa ang katotohanang hinihingi Ko. Sa kataliwasan, ang mga taong wawasakin ay yaong hindi naniniwala na sila ay wawasakin. Lahat sila ay naniniwala na napakatalino nila, at kanilang iniisip na sila mismo ang mga taong nagsasagawa sa katotohanan. Itinuturing nila bilang katotohanan ang kanilang masamang pag-uugali at sa gayon ay itinatangi ito. Labis ang tiwala sa sarili ng mga gayong buktot na tao; itinuturing nilang doktrina ang katotohanan at itinuturing ang masasamang kilos nila bilang katotohanan, ngunit sa katapusan, makakaya lamang nilang anihin kung ano ang kanilang naihasik. Mas may tiwala sa sarili at di-masupil na kayabangan ang mga tao, mas hindi nila magagawang matamo ang katotohanan; mas naniniwala ang mga tao sa Diyos sa langit, mas nilalabanan nila ang Diyos. Ang mga taong ito ang siyang parurusahan. Bago pumasok sa pamamahinga ang sangkatauhan, matutukoy kung parurusahan ba o gagantimpalaan ang bawat uri ng tao ayon sa kung hinangad ba nila ang katotohanan, kung kilala ba nila ang Diyos, at kung maaari ba silang magpasakop sa nakikitang Diyos. Salat sa katotohanan yaong mga nagsagawa ng paglilingkod sa nakikitang Diyos, subalit hindi Siya nakikilala o nagpapasakop sa Kanya. Tagagawa ng kasamaan ang gayong mga tao, at walang alinlangang magiging mga pakay ng kaparusahan ang mga tagagawa ng kasamaan; higit pa rito, parurusahan sila ayon sa kanilang buktot na pag-uugali. Ang Diyos ay para sa mga tao na paniwalaan, at karapat-dapat din Siya sa kanilang pagtalima. Ang mga taong hindi naniniwala sa Diyos at hindi nagagawang magpasakop sa Diyos ay yaong mga may pananampalataya lamang sa malabo at di-nakikitang Diyos. Kung hindi pa rin magagawang maniwala ng mga taong ito sa nakikitang Diyos sa oras na natapos ang gawain Niya ng panlulupig, at magpapatuloy sa pagiging masuwayin at lumalaban sa Diyos na nakikita sa katawang-tao, walang alinlangan na itong “mga tagasunod ng malabong Diyos” na ito, sa huli, ay magiging mga pakay ng pagwasak. Katulad din ito ng ilan sa inyo—sinumang kumikilala sa salita sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi maisagawa ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, sa huli ay magiging pakay ng pag-aalis at pagwasak. Bukod dito, sinuman ang pasalitang kumikilala sa nakikitang Diyos, kumakain at umiinom ng katotohanang ipinapahayag Niya habang hinahangad din ang malabo at di-nakikitang Diyos, ay higit sa malamang na wawasakin sa hinaharap. Wala sa mga taong ito ang magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga na darating makaraang natapos na ang gawain ng Diyos, o makakaya ng isang tao na katulad ng gayong mga tao na manatili sa oras na iyon ng pamamahinga.
Hinango mula sa “Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ngayon, nakatira Ako sa lupa, at namumuhay Ako sa piling ng mga tao. Dinaranas ng mga tao ang Aking gawain, at sinusubaybayan ang Aking mga pagbigkas, at kasabay nito Aking ipinagkakaloob ang lahat ng katotohanan sa bawat isa sa Aking mga tagasunod upang sila ay maaaring tumanggap ng buhay mula sa Akin at sa gayon ay magkaroon ng landas na kanilang matatahak. Sapagkat Ako ang Diyos, Tagapagbigay ng buhay. Sa loob ng maraming taon ng Aking gawain, ang tao ay nakatanggap ng marami, at nagtakwil ng marami, ngunit sinasabi Ko pa rin na sila’y hindi totoong naniniwala sa Akin. Sapagkat ang tao ay kinikilala lamang na Ako ang Diyos gamit ang kanilang mga labi, ngunit sumasalungat sa mga katotohanang sinasabi Ko, at, dagdag dito, ay hindi isinasagawa ang mga katotohanang kinakailangan Ko mula sa kanila. Ibig sabihin, kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang katotohanan; kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang buhay; kinikilala lamang ng mga tao ang pangalan ng Diyos, ngunit hindi ang Kanyang diwa. Kinasusuklaman Ko sila dahil sa kanilang sigasig, sapagkat gumagamit lamang sila ng mga salitang masarap pakinggan upang linlangin Ako; wala sa kanila ang tunay na sumasamba sa Akin. Taglay ng inyong pananalita ang tukso ng ahas; higit pa, sukdulan itong mapagmataas, mistulang proklamasyon ng arkanghel. Dagdag dito, gula-gulanit at punit sa isang kahiya-hiyang antas ang inyong mga gawa; masakit sa pandinig ang inyong mga walang-habas na kagustuhan at mga mapagnasang layunin. Kayong lahat ay naging mga gamu-gamo sa Aking bahay, mga bagay na dapat itapon nang may pagkamuhi. Dahil walang sinuman sa inyo ang nagmamahal sa katotohanan; bagkus, hinahangad ninyo ang biyaya, ang makaakyat sa langit, ang masaksihan ang kagila-gilalas na pangitain ni Cristo na ginagamit ang Kanyang kapangyarihan sa lupa. Ngunit naisip ba ninyo kahit kailan kung papaanong ang katulad ninyong napakatiwali, at walang kaalaman kung ano ang Diyos, ay magiging karapat-dapat na sumunod sa Diyos? Papaano kayo makakaakyat sa langit? Papaano kayo magiging karapat-dapat makasaksi ng mga tagpong mariringal, mga tagpong walang katulad sa kanilang ningning?
Hinango mula sa “Marami ang Tinatawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahihirang” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang inyong mga ikinilos sa Aking presensiya sa loob ng maraming taon ay nagbigay sa Akin ng kasagutan na wala pang naging katulad sa nagdaan, at ang tanong sa sagot na ito ay: “Ano ang saloobin ng tao sa harap ng katotohanan at sa tunay na Diyos?” Ang mga pagsisikap na ibinuhos Ko sa tao ay nagpapatunay ng Aking diwa ng pagmamahal sa tao, at ang lahat ng ginawa ng tao sa Aking presensiya ay nagpapatunay ng kanyang diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at pagsalungat sa Akin. Sa lahat ng panahon, Ako ay nag-aalala sa lahat ng sumusunod sa Akin, ngunit walang panahon na ang mga taong sumunod sa Akin ay nakayanang tumanggap ng Aking mga salita; maging ang Aking mga mungkahi ay hindi nila natatanggap. Ito ang nagpapalungkot sa Akin nang higit sa lahat. Walang sinuman ang kayang makaunawa sa Akin at, higit pa rito, walang sinumang nakatanggap sa Akin, kahit pa ang Aking saloobin ay matapat at ang Aking mga salita ay malumanay. Sinusubukan ng bawat isa na gawin ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa kanila alinsunod sa kanilang sariling mga ideya; hindi nila inaalam ang Aking mga layunin, at lalong hindi nila itinatanong kung ano ang hinihingi Ko sa kanila. Sinasabi pa rin nilang naglilingkod sila nang tapat sa Akin, habang silang lahat ay naghihimagsik laban sa Akin. Marami ang naniniwala na ang mga katotohanan na hindi katanggap-tanggap sa kanila o hindi nila kayang isagawa ay hindi mga katotohanan. Sa ganitong uri ng mga tao, ang Aking mga katotohanan ay nagiging bagay na pinasisinungalingan at isinasaisang-tabi. Kasabay nito, kinikilala Ako ng mga tao bilang Diyos sa salita, ngunit naniniwala din sila na Ako ay isang tagalabas na hindi ang katotohanan, ang daan, o ang buhay. Walang nakaaalam sa katotohanang ito: Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman. Ako ang tagapagbigay ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan. Ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda ng pagkilala o pagtanggap ng sangkatauhan, kundi ng mismong diwa ng mga salita. Kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang makatatanggap ng Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatuwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik, nagpapabulaan, o lubos na nanglalait sa Aking mga salita, ang Aking paninindigan ay ito lamang: Hayaan ang panahon at katunayan na maging saksi Ko at magpakita na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang ipakita ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at iyon ang dapat na maipagkaloob sa tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layunin sa Aking mga salita, at ang mga hindi tumanggap ng kaligtasan dahil sa Aking mga salita, ay ang mga taong nakondena ng Aking mga salita at, bukod dito, nawalan ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman malilihis ang Aking tungkod sa kanila.
Hinango mula sa “Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Nagawa na ng Diyos ang lahat ng gawaing ito, at naranasan na ito ng mga tao, at namalas na ng sarili nilang mga mata ang lahat ng hakbang na ito ng gawain ng Diyos. Paano man ito tingnan ng mga tao, ang gawaing isinakatuparan ng Diyos at ang mga salitang binibigkas Niya ay hindi makukuwestyon ng tao, at hindi dapat pag-alinlanganan ng tao. Gaano man ka-ordinaryo at kanormal ang katawang laman na ito, gaano man ito hindi kamangha-mangha sa paningin ng mga tao, dapat pa rin nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan. Sinasabi ng ilan, “Dahil masyadong hamak at ordinaryo ang Iyong laman, dahil ang pagkatao Mo ay talagang walang kakayahang maghikayat ng pagsunod o paghanga sa amin, at hindi makapagbibigay ng anumang mas malaking pakinabang sa amin, dapat Ka naming ituring na isang ordinaryong tao.” Ano ang palagay ninyo sa gayong pananaw? Sinasabi ng iba, “Dahil ang ilan sa mga bagay na ginawa Mo ay hindi nakakumbinsi sa amin, nagbigay sa amin ng mga kuru-kuro, at hindi namin maunawaan, at dahil nagsabi Ka ng ilang bagay na hindi katanggap-tanggap sa amin, hindi Ka maaaring kumatawan sa Diyos sa langit—kung kaya’t dapat Ka naming labanan hanggang sa pinakahuli. Kung hihilingin Mo sa aming ipalaganap ang ebanghelyo, hindi namin gagawin iyon, kung hihilingin Mo sa aming gampanan ang aming tungkulin, hindi namin gagawin iyon, at kung hihilingin Mo sa aming tanggapin ang Iyong mga salita bilang ang buhay at katotohanan, hindi namin gagawin iyon. Lalabanan namin ang Iyong pagkatao hanggang sa pinakahuli—tingnan natin kung ano ang magagawa Mo sa amin.” Sa mga puso ng mga taong ito na talagang hindi tumatanggap ng katotohanan, may isang libo—sampung libo—na dahilan para tanggihan itatwa ang gawain ng Diyos, para itanggi na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, para itatwa ang Kanyang katawang laman. Ngunit may isang bagay na maaaring hindi gaanong malinaw sa kanila: Gaano man karaming dahilan ang mayroon sila, kung hindi nila tinatanggap ang mga katotohanang ito, sila ay hindi maliligtas. Kung hindi mo tinatanggap ang Aking pagkatao o ang gawain ng Diyos, at hindi mo kinikilala ang mga salita ng Diyos na ito, ayos lang iyon—ngunit kung hindi mo tinatanggap ang mga salitang ito bilang ang katotohanan at isinasagawa ang mga ito, buong tapat na sinasabi Ko sa iyo: Hinding-hindi ka maliligtas, ni makakalagpas sa pintuan ng kaharian ng langit kailanman. Sapagkat kung iniwasan mo ang mga salita ng Diyos na ito, ang mga katotohanang ito, at ang taong ito na gumagawa, ang Cristong ito, kung gayon, gaano man karaming doktrina ang nauunawaan mo, o gaano man karaming gawain ang nagawa mo, wala kang matatanggap; isa ka lang piraso ng basura. Hindi mahalaga kung kaninong prinsipyo ang sinusunod mo sa pagtupad sa iyong tungkulin, kung kaninong pangalan ang sinusunod mo sa paniniwala mo sa Diyos, ikaw ay hindi maliligtas. At kung hindi ka maliligtas, anong mga pagpapala ang matatanggap mo? May ilang taong nakikipagkompetensya sa Diyos ng langit, ang ilan ay nakikipagkompetensya sa Diyos na nasa lupa, ang ilan ay tumututol sa mga salita ng Diyos, at ang ilan ay tumututol sa katotohanan—subalit hindi sila kailanman tumututol sa sarili nilang destinasyon. Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? Ang masasamang taong ito ay kamuhi-muhi, bawat isa sa kanila ay masama. Lahat sila ay mga hindi mananampalataya, mga mapagsamantala, mga taong walang kahihiyan, at ito ang diwa ng mga anticristo.
Hinango mula sa “Ginagawa Lamang Nila ang Kanilang Tungkulin upang Maitangi ang Kanilang mga Sarili at Magatungan ang Kanilang Sariling Mga Kapakanan at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Kapakanan ng Bahay ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Kapakanang Iyon Kapalit ng Personal na Kaluwalhatian (VI)” sa Paglalantad sa mga Anticristo
Ang inyong katapatan ay sa salita lamang, ang inyong kaalaman ay intelektuwal at haka-haka lamang, ang inyong mga pagpapagal ay alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala ng langit, kaya nga paano kayo kailangang manampalataya? Kahit ngayon, nagbibingi-bingihan pa rin kayo sa bawat isang salita ng katotohanan. Hindi ninyo alam kung ano ang Diyos, hindi ninyo alam kung ano si Cristo, hindi ninyo alam kung paano magpitagan kay Jehova, hindi ninyo alam kung paano pumasok sa gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ninyo alam kung paano makatukoy sa pagitan ng gawain ng Diyos Mismo at ng mga panlilinlang ng tao. Ang alam mo lamang ay husgahan ang anumang salita ng katotohanang ipinahayag ng Diyos na hindi naaayon sa iyong sariling mga kaisipan. Nasaan ang iyong kapakumbabaan? Nasaan ang iyong pagsunod? Nasaan ang iyong katapatan? Nasaan ang iyong hangaring hanapin ang katotohanan? Nasaan ang iyong pagpipitagan sa Diyos? Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na nasa kategorya ng mga pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tanggapin ang mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang isasailalim sa walang-hanggang pagkalipol. Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at gagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapakawala ng tunay na landas at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mayabang. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayon kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng paghatol. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mayabang, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang iba. Lahat kayo ay dapat magkaroon ng katinuan at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Biblia, at sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag kang masyadong magmalaki. Sa kaunting pagpipitagang taglay mo sa puso mo para sa Diyos, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagbubulayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga iyon o hindi, at kung ang mga iyon ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malinlang. Hindi ba kaawa-awa naman iyon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos?
Hinango mula sa “Kapag Namasdan Mo na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo yaong mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinabi ni Cristo, at mga ligaw sa guni-guni yaong mga hindi tinatanggap ang daan ng buhay na dinala ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na magpakailanmang kamumuhian ng Diyos yaong mga taong hindi tinatanggap si Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pasukan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makalalampas sa Kanya. Walang sinuman ang maaaring gawing perpekto ng Diyos kundi sa pamamagitan ni Cristo lamang. Naniniwala ka sa Diyos, at sa gayon dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at sundin ang Kanyang daan. Hindi mo maaaring isipin lamang ang magkamit ng mga pagpapala habang wala kang kakayahang tumanggap ng katotohanan at walang kakayahang tumanggap ng paglalaan ng buhay. Darating si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan ng buhay lahat yaong mga tunay na naniniwala sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at ang pagpasok sa bago ang Kanyang gawain, at ito ang landas na dapat tahakin ng yaong lahat ng mga papasok sa bagong kapanahunan. Kung wala kang kakayahang kilalanin Siya, at sa halip pinarurusahan, nilalapastangan, o inuusig din Siya, kung gayon nakatadhana kang masunog nang walang-hanggan at hindi kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa. Kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo tatanggapin ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang ganting matatanggap ng yaong mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo na kapag nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tatanggihan mo nang may paghamak si Cristo ng mga huling araw, wala nang sinuman ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan alang-alang sa iyo. Higit pa rito, simula sa araw na ito at sa mga susunod pa hindi ka magkakaroon ng isa pang pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukin mo pang tubusin ang sarili mo, hindi mo muling mapagmamasdan ang mukha ng Diyos. Sapagkat hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang mahinang nilalang ang tinatanggihan mo nang may paghamak, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang magagawa mo, kundi isang karumal-dumal na krimen. Kaya naman pinapayuhan Ko ang lahat na huwag ilabas ang mga pangil ninyo sa harap ng katotohanan, o gumawa ng bulagsak na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala kundi ang katotohanan ang makapagpapahintulot na muli kang isilang at mapagmasdang muli ang mukha ng Diyos.
Hinango mula sa “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao