Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay
Sa katotohanan, ang gawaing ginagawa ngayon ay upang talikdan ng mga tao si Satanas, ang kanilang sinaunang ninuno. Lahat ng paghatol sa pamamagitan ng salita ay naglalayong ilantad ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at bigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumatagos sa puso ng mga tao. Bawat paghatol ay tuwirang nakakaapekto sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang mga puso para kanilang mapakawalan ang lahat ng bagay na iyon at nang sa gayon ay makilala ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, makilala ang karunungan at pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos, at makilala rin ang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas. Habang lalong tumatanggap ang sangkatauhan ng ganitong uri ng pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang paggising sa espiritu ng mga taong ito na napakatiwali at lubhang nalinlang ang mithiin ng ganitong uri ng paghatol. Ang tao ay walang espiritu, ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi nalalamang siya ay nakikipagtunggali sa bangin ng kamatayan; paano niya malalaman na siya ay namumuhay sa loob nitong masamang impiyerno sa lupa? Paano niya malalaman na itong nabubulok na bangkay niya, sa pamamagitan ng katiwalian ni Satanas, ay nahulog tungo sa Hades ng kamatayan? Paano niya malalaman na ang lahat sa lupa ay matagal nang nawasak na hindi na maaayos ng sangkatauhan? At paano niya malalaman na ang Lumikha ay dumating sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga tiwaling tao na maaari Niyang iligtas? Kahit pagkatapos maranasan ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang mapurol na kamalayan ay bahagya pa ring napupukaw at halos hindi tumutugon. Ang sangkatauhan ay nagpakasama-sama! At bagama’t ang ganitong uri ng paghatol ay tulad ng mabagsik na yelong ulan na nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong pinakamalaking pakinabang sa tao. Kung hindi sa paghatol sa mga tao na gaya nito, hindi magkakaroon ng bunga at magiging ganap na imposible na iligtas ang mga tao mula sa bangin ng paghihirap. Kung hindi sa gawaing ito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na nalubog sa pinakamalalim na kalaliman ng pagkabulok ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang buong lakas, paghatol sa inyo nang buong lakas, at saka lamang magiging posible na gisingin ang mga nanlalamig ninyong puso.
Ang inyong laman, ang inyong maluluhong pagnanais, ang inyong pagkagahaman, at ang inyong pagnanasa ay malalim na nakaugat sa inyo. Ang mga bagay na ito ay napakadalas na pumipigil sa inyong mga puso kaya kayo ay walang kapangyarihang iwaksi ang pamatok ng piyudal at nagpapasamang mga kaisipan na iyon. Hindi kayo naghahangad na baguhin ang inyong kasalukuyang sitwasyon, ni takasan ang impluwensiya ng kadiliman. Kayo ay nakatali lamang sa mga bagay na iyon. Kahit alam ninyo na ang buhay na ito ay napakasakit at ang mundong ito ng mga tao ay napakadilim, magkagayon man, wala ni isa man sa inyo ang may tapang na baguhin ang inyong buhay. Nananabik lamang kayong takasan ang mga realidad ng buhay na ito, makamit ang pangingibabaw ng kaluluwa, at mamuhay sa isang mapayapa, masaya, at mistulang langit na kapaligiran. Hindi kayo handang magtiis ng mga kahirapan upang baguhin ang inyong kasalukuyang buhay; ni hindi kayo handang magsaliksik sa loob ng paghatol at pagkastigo na ito para sa buhay na dapat ninyong pasukin. Sa halip, nangangarap kayo ng lubos na di-makatotohanang mga pangarap tungkol sa magandang mundong iyon sa kabilang buhay. Ang buhay na inyong pinananabikan ay iyong maaari ninyong makamit na walang pagod nang hindi nagdurusa ng anumang pasakit. Iyan ay ganap na di-makatotohanan! Dahil ang inyong inaasahan ay hindi ang mamuhay ng isang makabuluhang buhay sa laman at matamo ang katotohanan habambuhay, iyan ay, ang mabuhay para sa katotohanan at tumayo para sa katarungan. Hindi ito ang itinuturing ninyo na isang maningning at nakasisilaw na buhay. Nadarama ninyong ito ay hindi magiging isang kaakit-akit o makabuluhang buhay. Sa pananaw ninyo, ang mamuhay ng gayong buhay ay magiging parang kawalan ng katarungan! Kahit na tanggapin ninyo ang pagkastigong ito ngayon, gayunpaman ang inyong pinagsisikapan ay hindi ang matamo ang katotohanan o ipamuhay ang katotohanan sa kasalukuyan, bagkus ay ang magsimulang mamuhay nang masaya sa kabilang buhay kalaunan. Hindi kayo naghahanap sa katotohanan, ni hindi kayo naninindigan para sa katotohanan, at tiyak na hindi kayo nabubuhay para sa katotohanan. Hindi ninyo pinagsisikapan ang pagpasok ngayon, sa halip ay puno ang inyong mga iniisip ng tungkol sa bukas at ng kung ano ang mangyayari balang araw: Nakatingin kayo sa asul na papawirin, umiiyak ng mapapait na luha, at umaasang madadala sa langit balang araw. Hindi ba ninyo alam na ang paraan ninyo ng pag-iisip ay malayo sa realidad? Lagi ninyong iniisip na ang Tagapagligtas na may walang-hanggang kabaitan at habag ay walang dudang darating balang araw upang isama ka Niya, ikaw na nagtiis ng kahirapan at pagdurusa sa mundong ito, at Siya ay maghihiganti para sa iyo na nabiktima at naapi. Hindi ka ba puno ng kasalanan? Ikaw lamang ba ang nagdusa sa mundong ito? Ikaw mismo ay nahulog sa nasasakupan ni Satanas at nagdusa—kailangan ka pa rin ba talagang ipaghiganti ng Diyos? Sila na mga hindi kayang tumugon sa mga hinihingi ng Diyos—hindi ba’t kaaway silang lahat ng Diyos? Sila na hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao—hindi ba sila ang anticristo? Ano ang kabuluhan ng iyong mabubuting gawa? Mapapalitan ba ng mga ito ang isang pusong sumasamba sa Diyos? Hindi ka makakatanggap ng mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan lamang ng paggawa ng ilang mabubuting gawa, at hindi maghihiganti ang Diyos para sa mga kamaliang laban sa iyo dahil lamang sa ikaw ay nabiktima o naapi. Sila na mga naniniwala sa Diyos gayunman ay hindi kilala ang Diyos, ngunit gumagawa ng mabubuting gawa—hindi ba’t kinastigo rin silang lahat? Naniniwala ka lamang sa Diyos, gusto mo lamang na itama at ipaghiganti ng Diyos ang mga kamalian laban sa iyo, at nais mo na ipagkaloob ng Diyos sa iyo ang araw mo, ang araw kung kailan ay maitataas mo na sa wakas ang iyong noo. Ngunit tumatanggi kang pag-ukulan ng pansin ang katotohanan at ni hindi ka nauuhaw na isabuhay ang katotohanan. Lalong hindi mo kayang takasan ang mahirap at hungkag na buhay na ito. Sa halip, habang ipinamumuhay ang iyong buhay sa laman at ang iyong buhay ng kasalanan, umaasa ka sa Diyos na itama ang iyong mga hinaing at alisin ang kalabuan sa iyong buhay. Ngunit posible ba ito? Kung taglay mo ang katotohanan, makakasunod ka sa Diyos. Kung mayroon kang pagsasabuhay, maaari kang maging isang pagpapamalas ng salita ng Diyos. Kung mayroon kang buhay, maaari kang magtamasa ng pagpapala ng Diyos. Sila na nagtataglay ng katotohanan ay maaaring magtamasa ng pagpapala ng Diyos. Tinitiyak ng Diyos ang pagtutuwid para sa kanila na nagmamahal sa Kanya nang taos-puso at nagtitiis ng mga kahirapan at mga pagdurusa, ngunit hindi para doon sa mga nagmamahal lamang sa kanilang mga sarili at nabihag sa mga panlilinlang ni Satanas. Paano magkakaroon ng kabutihan sa kanila na hindi umiibig sa katotohanan? Paano magkakaroon ng katuwiran sa kanila na umiibig lamang sa laman? Hindi ba’t ang katuwiran at kabutihan ay parehong binabanggit lamang kaugnay ng katotohanan? Hindi ba’t nakalaan ang mga iyon para sa kanila na buong-pusong nagmamahal sa Diyos? Sila na hindi umiibig sa katotohanan at mga nabubulok na bangkay lamang—hindi ba ang lahat ng taong ito ay nagkakandili ng kasamaan? Sila na walang kakayahang ipamuhay ang katotohanan—hindi ba’t lahat sila ay kaaway ng katotohanan? At ano naman kayo?
Kung matatakasan mo ang mga impluwensyang ito ng kadiliman at maihihiwalay ang iyong sarili mula sa maruruming bagay na iyon, kung kaya mong maging banal, kung gayon ay magtatamo ka ng katotohanan. Hindi naman sa ang kalikasan mo ay nagbago, kundi nakakaya mong isabuhay ang katotohanan at nakakaya mong talikdan ang laman. Ito ang katangiang iyon na taglay ng mga nalinis na. Ang pangunahing layunin ng gawain ng panlulupig ay linisin ang sangkatauhan upang matamo ng tao ang katotohanan, dahil kakatiting ang katotohanang nauunawaan ng tao! Ang paggawa ng gawain ng panlulupig sa mga taong tulad nito ay may pinakamalalim na kabuluhan. Kayong lahat ay nahulog sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman at labis na nasaktan. Ang layunin ng gawaing ito, kung gayon, ay bigyang-kakayahan kayo na makilala ang kalikasan ng tao at sa pamamagitan noon ay maipamuhay ang katotohanan. Ang magawang perpekto ay isang bagay na dapat tanggapin ng lahat ng nilalang. Kung ang gawain ng yugtong ito ay kinapapalooban lamang ng pagpeperpekto sa mga tao, kung gayon maaari itong magawa sa Britain, o sa America, o sa Israel; maaari itong magawa sa mga tao ng anumang bansa. Ngunit ang gawain ng panlulupig ay namimili. Ang unang hakbang ng gawain ng panlulupig ay panandalian lamang; higit pa rito, ito ay gagamitin upang hiyain si Satanas at lupigin ang buong sansinukob. Ito ang panimulang gawain ng panlulupig. Maaaring sabihin na sinumang nilalang na naniniwala sa Diyos ay magagawang perpekto dahil ang maging perpekto ay isang bagay na makakamit lamang pagkatapos ng mahabang-panahong pagbabago. Ngunit ang malupig ay iba. Ang ispesimen at modelo na lulupigin ay dapat na siyang pinakanahuhuli sa lahat, namumuhay sa pinakamalalim na kadiliman; sila dapat ang pinakamababa, ang pinakaayaw na kumilala sa Diyos, at ang pinakasuwail sa Diyos. Ito mismo ang uri ng tao na makakapagpatotoo sa pagkalupig. Ang pangunahing layunin ng gawain ng panlulupig ay talunin si Satanas, habang ang pangunahing layunin ng pagpeperpekto sa mga tao ay ang magtamo ng mga tao. Ito ay upang bigyang-kakayahan ang mga tao na magkaroon ng patotoo pagkatapos na malupig na ang gawain ng panlulupig na ito ay isinagawa dito, sa mga taong katulad ninyo. Ang layunin ay upang magpatotoo ang mga tao pagkatapos na malupig. Ang nalupig na mga taong ito ay gagamitin upang makamit ang layunin ng pagpapahiya kay Satanas. Kaya, ano ang pangunahing paraan ng paglupig? Pagkastigo, paghatol, pagsumpa, at pagbubunyag—gamit ang matuwid na disposisyon upang lupigin ang mga tao nang sa gayon sila ay lubusang mapapaniwala dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang gamitin ang realidad at awtoridad ng salita upang lupigin ang mga tao at lubusan silang mapaniwala—ito ang kahulugan ng pagkalupig. Sila na nagawa nang perpekto ay hindi lamang kayang magsagawa ng pagsunod pagkatapos na malupig, kundi nakakaya rin nilang magkaroon ng kaalaman sa gawain ng paghatol, baguhin ang kanilang disposisyon, at kilalanin ang Diyos. Nararanasan nila ang landas ng pagmamahal sa Diyos, at napupuspos ng katotohanan. Natututuhan nila kung paano danasin ang gawain ng Diyos, kayanin na magdusa para sa Diyos, at magkaroon ng kanilang sariling mga kalooban. Ang mga nagawang perpekto ay sila na may taglay na tunay na pagkaunawa ng katotohanan, salamat sa pagkakaranas ng salita ng Diyos. Ang mga nalupig ay sila na nakakaalam ng katotohanan ngunit hindi pa natatanggap ang tunay na kahulugan ng katotohanan. Pagkatapos malupig, sila ay sumusunod, ngunit ang lahat ng kanilang pagsunod ay bunga ng paghatol na kanilang tinanggap. Sila ay lubos na walang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng maraming katotohanan. Kinikilala nila ang katotohanan sa kanilang pagsasalita, ngunit hindi pa nila napasok ang katotohanan; nauunawaan nila ang katotohanan, ngunit hindi pa nila naranasan ang katotohanan. Ang isinasagawa sa kanila na ginagawang perpekto ay kinapapalooban ng mga pagkastigo at mga paghatol, kasama ang pagkakaloob ng buhay. Ang isang tao na nagpapahalaga sa pagpasok sa katotohanan ay isang tao na gagawing perpekto. Ang pagkakaiba sa pagitan ng mga gagawing perpekto at ng mga lulupigin ay nakasalalay sa pagpasok nila sa katotohanan. Silang mga nagawang perpekto ay nakakaunawa sa katotohanan, nakapasok sa katotohanan, at ipinamumuhay ang katotohanan; sila na hindi nakakaunawa sa katotohanan at hindi pumapasok sa katotohanan, ibig sabihin, sila na hindi ipinamumuhay ang katotohanan, ay mga tao na hindi maaaring magawang perpekto. Kung nakakaya ngayon ng mga taong tulad nito na sumunod nang ganap, kung gayon sila ay nalupig. Kung ang nalupig ay hindi naghahanap sa katotohanan—kung sumusunod sila ngunit hindi ipinamumuhay ang katotohanan, kung nakikita nila at naririnig ang katotohanan ngunit hindi pinahahalagahan ang pamumuhay ng katotohanan—kung gayon ay hindi sila maaaring magawang perpekto. Ang mga taong gagawing perpekto ay nagsasagawa ng katotohanan ayon sa mga hinihingi ng Diyos sa landas tungo sa pagkaperpekto. Sa pamamagitan nito, tinutupad nila ang kalooban ng Diyos, at sila ay nagagawang perpekto. Sinumang sumusunod hanggang sa wakas bago matapos ang gawain ng panlulupig ay isang nalupig, ngunit hindi masasabing siya ay ginawang perpekto. “Ang mga nagawang perpekto” ay tumutukoy sa kanila na kayang magsumikap para sa katotohanan at makamit ng Diyos pagkatapos ng gawain ng panlulupig. Tumutukoy ito sa kanila na tumatayong matatag sa kapighatian at isinasabuhay ang katotohanan makalipas ang pagtatapos ng gawain ng panlulupig. Ang pagkakaiba ng pagkalupig mula sa pagiging nagawang perpekto ay pagkakaiba sa mga hakbang ng paggawa at pagkakaiba sa antas ng pag-unawa at pagpasok ng mga tao sa katotohanan. Silang lahat na wala sa landas tungo sa pagpeperpekto, ibig sabihin sila na hindi nagtataglay ng katotohanan, sa kahuli-hulihan ay maaalis pa rin. Tanging sila lamang na may angking katotohanan at ipinamumuhay ang katotohanan ang maaaring ganap na makamit ng Diyos. Ibig sabihin, sila na nagsasabuhay ng larawan ni Pedro ay ang mga nagawang perpekto, samantalang lahat ng iba ay mga nalupig. Ang isinasagawa sa kanilang lahat na nilulupig ay binubuo lamang ng mga pagsumpa, pagkastigo, at pagpapakita ng poot, at ang dumarating sa kanila ay katuwiran at mga sumpa. Ang paggawa sa gayong tao ay ang magbunyag nang walang seremonya o paggalang—ang magbunyag ng tiwaling disposisyon sa kalooban nila nang sa gayon ay makilala nila ito sa kanilang sarili at lubusang mapapaniwala. Sa sandaling ang tao ay nagiging ganap na masunurin, ang gawain ng panlulupig ay nagtatapos. Kahit na ang karamihan sa mga tao ay hindi pa rin naghahangad na maunawaan ang katotohanan, ang gawain ng paglupig ay matatapos.
Mayroong mga pamantayang kailangang maabot kung ikaw ay gagawing perpekto. Sa pamamagitan ng iyong paninindigan, ng iyong pagtitiis, at ng iyong konsensya, at sa pamamagitan ng iyong pagsisikap, makakaya mong maranasan ang buhay at tuparin ang kalooban ng Diyos. Ito ang iyong pagpasok, at ang mga ito ang mga kinakailangan sa landas tungo sa pagpeperpekto. Ang gawain ng pagpeperpekto ay maaaring magawa sa lahat ng tao. Ang sinumang naghahangad sa Diyos ay maaaring maperpekto at mayroong pagkakataon at mga kwalipikasyon na maperpekto. Walang tiyak na panuntunan dito. Ang pangunahing batayan kung mapeperpekto ang isang tao ay kung ano ang kanyang pinagsisikapan. Ang mga tao na umiibig sa katotohanan at nagagawang ipamuhay ang katotohanan ay tiyak na may kakayahang maperpekto. Ang mga tao na hindi umiibig sa katotohanan ay hindi pinupuri ng Diyos; sila ay hindi nagtataglay ng buhay na hinihingi ng Diyos, at hindi sila mapeperpekto. Ang gawain ng pagperpekto ay para lamang sa pagkakamit ng mga tao at hindi bahagi ng gawain ng pakikipaglaban kay Satanas; ang gawain ng paglupig ay para lamang sa pakikipaglaban kay Satanas, na nangangahulugang paggamit ng paglupig sa tao upang talunin si Satanas. Ang gawain ng paglupig ay ang pangunahing gawain, ang pinakabagong gawain, gawain na hindi pa kailanman nagawa sa lahat ng kapanahunan. Maaaring sabihin na ang pangunahing layunin ng yugtong ito ng gawain ay ang lupigin ang lahat ng tao nang sa gayon ay magapi si Satanas. Ang gawain ng pagperpekto ng mga tao—ito ay hindi bagong gawain. Ang diwa ng layunin ng lahat ng gawain habang gumagawa ang Diyos sa katawang-tao ay ang paglupig ng tao. Ito ay gaya ng sa Kapanahunan ng Biyaya kung kailan ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus ang pangunahing gawain. Ang “pagkamit sa mga tao” ay karagdagan sa gawain habang nasa katawang-tao at ginawa lamang pagkatapos ng pagpapapako sa krus. Nang dumating si Jesus at ginawa ang Kanyang gawain, ang Kanyang pangunahing layunin ay ang gamitin ang Kanyang pagkapako upang daigin ang pagkabihag sa kamatayan at Hades, daigin ang impluwensya ni Satanas—na ibig sabihin ay talunin si Satanas. Pagkatapos lamang ng pagkapako ni Jesus lumakad si Pedro, nang paisa-isang hakbang, sa landas tungo sa pagpeperpekto. Siyempre kasama si Pedro sa mga sumunod kay Jesus habang gumagawa si Jesus, ngunit hindi siya naperpekto sa panahong iyon. Bagkus, noong natapos ni Jesus ang Kanyang gawain unti-unting naunawaan ni Pedro ang katotohanan at pagkatapos ay naging perpekto. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay dumarating sa lupa upang tapusin lamang ang isang pangunahin at mahalagang yugto ng gawain sa loob ng maikling panahon, hindi upang mamuhay nang matagal kasama ng mga tao sa lupa na may layunin na gawin silang perpekto. Hindi Niya ginagawa ang gawaing iyan. Hindi Siya naghihintay sa sandali kung kailan ang tao ay ganap nang naperpekto para tapusin ang Kanyang gawain. Hindi iyan ang layunin at kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Dumating lamang Siya para gawin ang pagliligtas ng sangkatauhan sa maikling panahon, hindi para gawin ang pangmatagalang gawain ng pagpeperpekto sa sangkatauhan. Ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay kumakatawan at may kakayahang magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Maaari itong matapos sa loob ng maikling panahon. Ngunit ang pagpeperpekto sa sangkatauhan ay nangangailangan ng pagtataas sa tao sa isang tiyak na antas; ang gawaing ito ay nangangailangan ng mahabang panahon. Ang gawaing ito ay kailangang gawin ng Espiritu ng Diyos, ngunit ito ay ginagawa sa saligan ng katotohanan na sinabi sa panahon ng gawain habang nasa katawang-tao. Isinasagawa rin ito sa pamamagitan ng pagtataguyod Niya ng mga apostol upang gumawa ng pangmatagalang gawain ng pag-aakay para makamit ang Kanyang layuning pagpeperpekto sa sangkatauhan. Hindi ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawaing ito. Nagsasalita lamang Siya tungkol sa daan ng buhay upang makaunawa ang mga tao, at binibigyan lamang Niya ang sangkatauhan ng katotohanan, sa halip na patuloy na samahan ang tao sa pagsasagawa ng katotohanan, dahil iyan ay hindi kasama sa Kanyang ministeryo. Kung gayon, hindi Niya sasamahan ang tao hanggang sa araw na ang tao ay ganap nang nauunawaan ang katotohanan at ganap nang natatamo ang katotohanan. Ang Kanyang gawain habang nasa katawang-tao ay natatapos kapag ang tao ay pormal nang pumapasok sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos at kapag ang tao ay tumatahak patungo sa tamang landas ng pagiging pinerpekto. Siyempre, ito rin ay kapag lubusan na Niyang natalo si Satanas at nadaig ang mundo. Hindi Niya pinakikialaman kung ang tao ay nakapasok na sa wakas sa katotohanan sa sandaling iyon, ni hindi Niya pinakikialaman kung ang buhay ng tao ay dakila o kaaba-aba. Wala riyan ang dapat Niyang pamahalaan habang nasa katawang-tao; walang anuman dito ang kasama sa ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa sandaling matapos Niya ang Kanyang hinahangad na gawin, tatapusin Niya ang Kanyang gawain habang nasa katawang-tao. Kaya, ang gawain na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang gawain lamang na hindi maaaring gawin nang tuwiran ng Espiritu ng Diyos. Higit pa rito, ito ang pangmadaliang gawain ng pagliligtas, hindi isang pangmatagalang gawain na isasakatuparan Niya sa lupa.
Ang pagpapataas sa inyong kakayahan ay hindi nakapaloob sa kinasasaklawan ng Aking gawain. Hinihingi Ko lamang sa inyo na gawin ito dahil ang inyong kakayahan ay napakababa. Ang totoo, hindi ito bahagi ng gawain ng pagpeperpekto; bagkus, ito ay dagdag na gawaing ginagawa sa inyo. Ang gawaing tinatapos sa inyo ngayon ay ginagawa ayon sa kung ano ang inyong kailangan. Ito ay pang-isahan at hindi isang landas na dapat pasukin ng bawat isa na pineperpekto. Dahil ang inyong kakayahan ay mas mababa kaysa sinuman na pinerpekto noon, kapag ginawa sa inyo ang gawaing ito ay mayroong napakaraming hadlang. Ako ay kasama ninyo na gumagawa ng dagdag na gawaing ito dahil ang mga nilalayon ng pagpeperpekto ay iba. Nangangahulugan ito na kapag dumarating ang Diyos sa lupa, nananatili Siya sa loob ng Kanyang tamang nasasakupan at tinutupad ang Kanyang gawain, at hindi nag-aabala sa iba pang hindi kaugnay na mga bagay. Hindi Siya nakikialam sa mga usaping pampamilya o nakikibahagi sa mga buhay ng mga tao. Siya ay lubos na walang pakialam sa karaniwang mga bagay na tulad nito; hindi bahagi ng Kanyang ministeryo ang mga ito. Ngunit ang inyong kakayahan ay lubhang higit na mababa kaysa Aking hiningi—tunay ngang lubos na ang pagkakaiba ng mga ito—kaya nagdudulot ito ng matitinding balakid sa gawain. Higit pa rito, ang gawaing ito ay dapat na magawa sa mga tao dito sa lupain ng China. Kayo ay lubhang kulang sa pinag-aralan kaya wala Akong ibang magagawa bukod sa hingin na kayo ay mag-aral. Nasabi Ko na sa inyo na ito ay dagdag na gawain, ngunit isang bagay rin ito na dapat ninyong makamit, isang bagay na tutulong sa inyo na maging perpekto. Sa katunayan, ang lahat ng bagay na dapat ay likas na taglay ninyo ay ang edukasyon, pangunahing kaalaman tungkol sa pansariling pag-uugali, at pangunahing kaalaman tungkol sa buhay; hindi Ako dapat nagsasalita sa inyo tungkol sa mga bagay na ito. Ngunit dahil wala kayo ng mga bagay na ito, wala Akong magagawa kundi ang tuparin ang gawain ng pagkintal ng mga bagay na ito sa inyo pagkatapos ninyong maipanganak sa daigdig. Kahit na nagtataglay kayo ng maraming kuru-kuro tungkol sa Akin, hinihingi Ko pa rin ito sa inyo—hinihingi Ko pa rin na iangat ninyo ang inyong kakayahan. Hindi Ko hinahangad na pumarito at gawin ang gawaing ito, dahil ang Aking gawain ay upang lupigin lamang kayo, upang matamo lamang ang inyong ganap na paniniwala sa pamamagitan ng paghatol sa inyo, nang sa gayon ay maituro ang daan ng buhay na dapat ninyong pasukin. Sa ibang pananalita, kung gaano kataas ang pinag-aralan ninyo at kung gaano ang kaalaman ninyo tungkol sa buhay ay walang-pasubaling walang kinalaman sa Akin kung hindi lamang sa katunayan na kailangan Kong lupigin kayo ng Aking salita. Ang lahat ng ito ay idinaragdag upang tiyakin ang mga bunga mula sa gawain ng panlulupig ay natamo at para sa inyong pagpeperpekto pagkatapos nito. Hindi ito bahagi ng gawain ng panlulupig. Dahil kayo ay may mabababang kakayahan, at kayo ay tamad at pabaya, hangal at mabagal ang pag-iisip, matigas at tatanga-tanga—dahil kayo ay masyadong abnormal—Aking hinihingi na inyo munang iangat ang inyong kakayahan. Ang sinumang nagnanais na gawing perpekto ay dapat na makatugon sa ilang pamantayan. Upang gawing perpekto, dapat ay mayroong malinaw at mahinahong isipan at handang mamuhay ng makabuluhang buhay. Kung ikaw ay isang tao na hindi nagnanais mamuhay ng isang hungkag na buhay, isang tao na naghahangad ng katotohanan, isang tao na masigasig sa lahat ng kanyang ginagawa, at isang tao na may katangi-tanging normal na pagkatao, kung gayon ay naaabot mo ang mga kondisyon para maperpekto.
Ang gawaing ito na isinasakatuparan sa inyo ay isinasagawa ayon sa kung anong gawain ang kailangang magawa. Matapos ang paglupig sa mga taong ito, isang pangkat ng mga tao ang gagawing perpekto. Samakatuwid, karamihan sa gawain sa kasalukuyan ay bilang paghahanda rin para sa layunin ng pagpeperpekto sa inyo, dahil maraming nagugutom sa katotohanan ang maaaring maperpekto. Kung ang gawain ng paglupig ay isasakatuparan sa inyo at pagkatapos ay wala nang karagdagan pang gawain ang isasagawa, kung gayon, maaari kayang mangyari na ang ilang nananabik sa katotohanan ay hindi ito makakamit? Ang kasalukuyang gawain ay naglalayong magbukas ng isang landas para sa pagpeperpekto sa mga tao kalaunan. Bagama’t ang Aking gawain ay paglupig lamang, ang daan ng buhay na Aking sinabi ay bilang paghahanda pa rin para sa pagpeperpekto sa mga tao kalaunan. Ang gawain pagkatapos ng paglupig ay nakasentro sa pagpeperpekto sa mga tao, at ang paglupig ay ginagawa upang maglagay ng saligan para sa pagpeperpekto. Ang tao ay maaari lamang maperpekto matapos na malupig. Sa ngayon, ang pangunahing gawain ay ang manlupig; kalaunan, sila na mga naghahanap ng at nananabik sa katotohanan ay mapeperpekto. Ang maperpekto ay kinapapalooban ng mga aktibong aspeto ng pagpasok ng mga tao: Mayroon ka bang pusong mapagmahal sa Diyos? Ano ang naging lalim ng iyong karanasan habang lumalakad ka sa landas na ito? Gaano kadalisay ang iyong pag-ibig sa Diyos? Gaano katumpak ang iyong pagsasagawa ng katotohanan? Upang maperpekto, dapat ay magkaroon ng pangunahing kaalaman tungkol sa lahat ng aspeto ng pagkatao. Ito ay pinakaunang kinakailangan. Ang lahat ng hindi naperpekto matapos na malupig ay nagiging gamit-pangserbisyo at sa kahuli-hulihan ay itatapon pa rin sa lawa ng apoy at asupre at mahuhulog pa rin sa walang-hanggang kalaliman dahil ang inyong disposisyon ay hindi nabago at kayo ay pag-aari pa rin ni Satanas. Kung ang isang tao ay kulang sa mga kondisyon para sa pagpeperpekto, kung gayon siya ay walang-silbi—siya ay basura, isang kagamitan, isang bagay na hindi makakatagal sa pagsubok ng apoy! Gaano kalaki ang iyong pag-ibig sa Diyos sa ngayon? Gaano kalaki ang iyong pagkamuhi sa iyong sarili? Gaano talaga kalalim ang iyong pagkakilala kay Satanas? Napagtibay na ba ninyo ang inyong kapasyahan? Ang buhay ba ninyong saklaw ng inyong pagkatao ay napamamahalaang mabuti? Nabago na ba ang inyong buhay? Namumuhay ba kayo ng isang bagong buhay? Nabago na ba ang pananaw ninyo sa buhay? Kung ang mga bagay na ito ay hindi nabago, hindi ka mapeperpekto kahit na hindi ka umatras; bagkus, ikaw ay nalupig lamang. Kapag panahon na para subukin ka, magkukulang ka sa katotohanan, ang iyong pagkatao ay hindi magiging normal, at ikaw ay magiging kasing baba ng ng isang hayop na tagapasan. Ang tanging nakamit mo ay ang pagiging nalupig lamang—kayo ay magiging isa lamang bagay na nalupig Ko. Gaya ng isang asno na sa sandaling nakaranas ng palo ng amo ay nagiging matatakutin at natatakot na kumilos sa tuwing nakikita ang amo nito, ikaw ay magiging isang nasupil na asno. Kung ang isang tao ay kulang sa mga positibong aspetong iyon at sa halip ay walang kibo at takot, mahiyain at may alinlangan sa lahat ng bagay, hindi kayang kumilala ng anumang bagay nang malinaw, hindi kayang tanggapin ang katotohanan, wala pa ring landas para sa pagsasagawa, at higit doon ay walang pusong mapagmahal sa Diyos—kung ang isang tao ay walang pagkaunawa kung paano mahalin ang Diyos, kung paano mamuhay ng makabuluhang buhay, o kung paano maging isang tunay na tao—paano makasasaksi sa Diyos ang tao na tulad nito? Ipapakita lamang nito na ang iyong buhay ay maliit lamang ang halaga at ikaw ay isa lamang nasupil na asno. Ikaw ay lulupigin, ngunit nangangahulugan lamang iyan na ikaw ay nagtatwa sa malaking pulang dragon at tumangging magpasakop dito; ibig sabihin nito ay naniniwala ka na mayroong Diyos, nais mong sumunod sa lahat ng plano ng Diyos, at wala kang mga hinaing. Ngunit sa mga positibong aspeto, kaya mo bang isabuhay ang salita ng Diyos at ipamalas ang Diyos? Kung wala ka ng anuman sa mga aspetong ito, ito’y nangangahulugang ikaw ay hindi nakamit ng Diyos, at ikaw ay isang nasupil na asno lamang. Walang anumang kaibig-ibig sa iyo, at ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa sa kalooban mo. Ang iyong pagkatao ay kulang na kulang; imposible para sa Diyos na gamitin ka. Kailangan mong masang-ayunan ng Diyos at maging isandaang beses na mas mabuti kaysa sa di-naniniwalang mga hayop at lumalakad na patay—ang mga nakakaabot lamang sa antas na ito ang marapat na maperpekto. Tanging sa pagkakaroon lamang ng pagkatao at konsensiya magiging angkop na gamitin ng Diyos ang isang tao. Maituturing ka lamang na isang tao kung ikaw ay naperpekto na. Tanging ang mga taong naperpekto na ang namumuhay ng makabuluhang mga buhay. Tanging ang mga taong tulad nito ang maaaring magpatotoo nang mas mataginting sa Diyos.