Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Sa simula, nasa pahinga ang Diyos. Walang mga tao o anumang iba pa sa lupa noong panahong iyon, at hindi pa gumawa ang Diyos ng kahit anupamang gawain. Sinimulan lamang Niya ang Kanyang gawaing pamamahala sa sandaling umiral na ang sangkatauhan at pagkatapos maging tiwali ng sangkatauhan. Mula noong puntong iyon, hindi na Siya nagpahinga, at sa halip ay nagsimulang magpakaabala sa gitna ng sangkatauhan. Ang katiwalian ng sangkatauhan ang dahilan kung bakit nawalan ng pahinga ang Diyos, at dahil na din sa paghihimagsik ng arkanghel. Kung hindi tatalunin ng Diyos si Satanas at ililigtas ang naging tiwaling sangkatauhan, hindi Siya kailanman muling makakapasok sa pahinga. Habang nagkukulang sa pahinga ang tao, ganoon din ang Diyos, at kapag namahinga na Siyang muli, ganoon din ang gagawin ng mga tao. Ang pamumuhay sa pahinga ay nangangahulugan ng isang buhay na walang digmaan, walang dumi, at nang walang namamalaging kawalan ng katuwiran. Ibig sabihin, isa itong buhay na walang mga paggambala ni Satanas (ang salitang “Satanas” dito ay tumutukoy sa mga kaaway na puwersa) at katiwalian ni Satanas, at ni hindi rin ito madalas salakayin ng anumang puwersang sumasalungat sa Diyos. Isa itong buhay kung saan ang lahat ay sinusundan kung ano ang kauri nito at maaaring sumamba sa Panginoon ng sangnilikha, at kung saan ang langit at lupa ay ganap na payapa—ito ang ibig sabihin ng mga salitang “tahimik na buhay ng mga tao.” Kapag namahinga ang Diyos, hindi na magpapatuloy ang kawalan ng katuwiran sa mundo, ni hindi magkakaroon ng anumang karagdagang pagsalakay mula sa mga kaaway na puwersa, at papasok ang sangkatauhan sa isang bagong kinasasaklawan—hindi na isang sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas kundi isang sangkatauhang nailigtas matapos gawing tiwali ni Satanas. Ang araw ng pahinga ng sangkatauhan ay magiging araw din ng pahinga ng Diyos. Nawala ng Diyos ang Kanyang pahinga dahil sa kawalan ng kakayahan ng sangkatauhan na pumasok sa pahinga, hindi dahil sa hindi Niya nagawang magpahinga sa simula. Ang pagpasok sa pahinga ay hindi nangangahulugang ang lahat ay humihinto sa paggalaw o tumitigil sa pag-unlad, at hindi rin ito nangangahulugang humihinto sa paggawa ang Diyos o na humihintong mabuhay ang mga tao. Ang tanda ng pagpasok sa pahinga ay kapag nawasak na si Satanas, kapag naparusahan at napawi na ang mga masasamang taong nakiisa sa masasamang gawain nito, at kapag tumigil sa pag-iral ang lahat ng puwersang laban sa Diyos. Ang pagpasok ng Diyos sa pahinga ay nangangahulugang hindi na Niya isasakatuparan ang Kanyang ginagawang pagliligtas sa sangkatauhan. Ang pagpasok ng sangkatauhan sa pahinga ay nangangahulugan na ang buong sangkatauhan ay mabubuhay sa loob ng liwanag ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala, walang katiwalian ni Satanas, at walang magaganap na kawalan ng katuwiran. Sa ilalim ng pag-aaruga ng Diyos, mamumuhay nang normal ang sangkatauhan sa lupa. Kapag pumasok sa pahinga ang Diyos at ang sangkatauhan nang magkasama, nangangahulugan itong nailigtas na ang sangkatauhan at nawasak na si Satanas, at ganap nang natapos ang gawain ng Diyos sa tao. Hindi na magpapatuloy ang Diyos sa Kanyang gawain sa mga tao, at sila ay hindi na mamumuhay sa ilalim ng pamamahala ni Satanas. Samakatuwid, hindi na magiging abala ang Diyos, at ang mga tao ay hindi na palaging aligaga. Ang Diyos at ang sangkatauhan ay magkasabay na papasok sa pahinga. Babalik ang Diyos sa Kanyang orihinal na lugar, at babalik ang bawat tao sa kani-kanilang mga lugar. Ito ang mga hantungan kung saan maninirahan ang Diyos at ang mga tao sa sandaling matapos ang buong pamamahala ng Diyos. Ang Diyos ay may patutunguhang para sa Diyos, at ang sangkatauhan ay may patutunguhang para sa sangkatauhan. Habang nagpapahinga, magpapatuloy ang Diyos sa paggabay sa lahat ng mga tao sa kanilang mga buhay sa lupa, at habang nasa Kanyang liwanag, sasambahin nila ang nag-iisang tunay na Diyos sa langit. Hindi na mamumuhay ang Diyos kasama ng sangkatauhan, at hindi rin magagawang mamuhay ng mga tao kasama ng Diyos sa Kanyang patutunguhan. Hindi maaaring mamuhay sa loob ng parehong lugar ang Diyos at ang mga tao. Sa halip, kapwa sila may kanya-kanyang mga paraan ng pamumuhay. Ang Diyos ang Siyang gumagabay sa lahat ng sangkatauhan, at ang lahat ng sangkatauhan ay ang pagkikristal, o pagkakaroon ng tiyak na anyo ng pamamahala ng Diyos. Ang inaakay ay ang mga tao, at ang kanilang diwa ay hindi natutulad sa diwa ng Diyos. Ang “magpahinga” ay nangangahulugan ng pagbalik sa orihinal na lugar ng isang tao. Samakatuwid, kapag pumasok sa pahinga ang Diyos, nangangahulugan itong bumalik na Siya sa Kanyang orihinal na lugar. Hindi na Siya mamumuhay sa mundo o makakasama ng sangkatauhan upang makibahagi sa kanilang kagalakan at pagdurusa. Kapag pumasok sa pahinga ang mga tao, nangangahulugan itong sila ay naging tunay na mga bagay ng sangnilikha. Sasambahin nila ang Diyos mula sa lupa, at mamumuhay ng normal. Ang mga tao ay hindi na magiging masuwayin sa Diyos o lalaban sa Kanya, at magbabalik sa orihinal na buhay nina Adan at Eba. Ito ang magiging kani-kanilang buhay at hantungan ng Diyos at ng mga tao pagkatapos nilang pumasok sa pahinga. Ang pagkatalo ni Satanas ay isang hindi maiiwasang kahihinatnan ng digmaan sa pagitan nito at ng Diyos. Tulad nito, ang pagpasok ng Diyos sa pahinga pagkatapos ng Kanyang gawaing pamamahala at ang ganap na kaligtasan at pagpasok sa pahinga ng sangkatauhan ay mga hindi na rin maiiwasang kahihinatnan. Nasa lupa ang lugar ng pahingahan ng sangkatauhan, at nasa langit ang pahingahan ng Diyos. Bagama’t sinasamba ng mga tao ang Diyos sa pamamahinga, mamumuhay sila sa lupa, at bagama’t inaakay ng Diyos ang natitirang sangkatauhang sa pamamahinga, pamumunuan Niya sila mula sa langit, hindi mula sa lupa. Ang Diyos ay mananatiling Espiritu, habang mananatiling laman ang mga tao. Namamahinga ang Diyos at ang mga tao sa magkaibang paraan. Habang nagpapahinga ang Diyos, darating Siya at magpapakita sa gitna ng mga tao. Habang nagpapahinga ang mga tao, aakayin sila ng Diyos upang dumalaw sa langit, pati na rin upang ikasiya ang buhay doon. Matapos pumasok sa pahinga ang Diyos at ang sangkatauhan, hindi na iiral pa si Satanas. Gayundin, titigil na rin sa pag-iral ang mga makasalanang taong ito. Bago magpahinga ang Diyos at ang sangkatauhan, ang mga makasalanang tao na minsang umusig sa Diyos sa lupa, pati na rin ang mga kaaway na sumuway sa Kanya doon, ay nawasak na rin. Napuksa na sila ng malalaking kalamidad ng mga huling araw. Sa sandaling lubusang mapuksa ang mga makasalanang taong ito, hindi na kailanman muling mababatid ng lupa ang panliligalig ni Satanas. Doon lamang makakukuha ang sangkatauhan ng ganap na kaligtasan, at lubusang matatapos ang gawain ng Diyos. Ito ang mga paunang kinakailangan upang makapasok sa pahinga ang Diyos at ang sangkatauhan.
Ang paglapit ng katapusan ng lahat ng mga bagay ay nagpapahiwatig ng pagkabuo ng gawain ng Diyos, pati na rin ng pagtatapos ng pag-unlad ng sangkatauhan. Nangangahulugan ito na ang mga tao, bilang ginawang tiwali ni Satanas, ay darating na sa huling yugto ng kanilang pag-unlad, at ang pagpapalaganap ng lahi ng mga inapo nina Adan at Eba ay natapos na. Nangangahulugan din na ang ganitong sangkatauhan, na naging tiwali dahil kay Satanas, ay hindi posibleng patuloy na umunlad. Sina Adan at Eba na makikita sa simula ay hindi naging tiwali, subalit sina Adan at Eba na itinaboy mula sa Hardin ng Eden ay ginawang tiwali ni Satanas. Kapag pumasok sa pahinga ang Diyos at ang mga tao nang magkasama, sina Adan at Eba—na itinaboy mula sa Hardin ng Eden—at ang mga inapo nila ay darating na sa wakas sa isang pagtatapos. Ang sangkatauhan ng hinaharap ay binubuo pa rin ng mga inapo nina Adan at Eba, ngunit sila ay hindi mamumuhay sa ilalim ng pamamahala ni Satanas. Sa halip, sila ay magiging ang mga taong iniligtas at ginawang dalisay. Ito ay magiging isang sangkatauhan na hinatulan at kinastigo na, at isa na banal. Ang mga taong ito ay hindi magiging katulad ng orihinal na lahi ng tao. Halos maaaring sabihin na magiging ganap na iba ang kanilang uri mula kina Adan at Eba sa simula. Napili ang mga taong ito mula sa lahat ng mga ginawang tiwali ni Satanas, at sila ang sa huli na siyang mga tumayo nang matatag sa panahon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos; sila ang huling natitirang pangkat ng mga tao sa gitna ng tiwaling sangkatauhan. Tanging ang mga taong ito ang magagawang makapasok sa huling pahinga kasama ng Diyos. Ang mga nagagawang tumayo nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—sa panahon ng huling gawain ng paglilinis—ang siyang makakapasok sa pangwakas na pahinga sa tabi ng Diyos. Samakatuwid, nakatakas na sa impluwensya ni Satanas ang lahat ng mga pumasok sa pahinga at nakuha na sila ng Diyos pagkatapos sumailalim sa Kanyang huling gawain ng paglilinis. Ang mga taong ito, na sa wakas ay natamo na ng Diyos, ay papasok sa huling pahinga. Ang mahalagang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay upang linisin ang sangkatauhan at upang ihanda sila para sa kanilang huling pahinga. Kung walang ganitong paglilinis, wala sa sangkatauhan ang maaaring maiuri sa magkakaibang mga kategorya ayon sa uri, o pumasok sa pahinga. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa pahinga. Tanging ang paglilinis ng Diyos ang magtatanggal ng kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang magdadala sa liwanag sa mga masuwaying bahagi ng sangkatauhan, naghihiwalay sa mga maaaring maligtas mula sa mga hindi maaari, at ang mga mananatili mula sa mga hindi. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na kalagayan ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, uumpisahan nila ang kanilang araw ng pahinga, at mabuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga makasalanan, hindi matuwid na mga tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila. Minsan din silang nagbigay ng paglilingkod sa Diyos. Subalit, pagdating ng huling araw, aalisin at wawasakin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang pagsuway at kawalang kakayahang matubos. Hindi sila kailanman muling iiral sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Maging mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, wawasakin ang lahat ng mga masama at lahat ng mga hindi pa naililigtas sa sandaling ang banal na nasa sangkatauhan ay pumasok na sa pahinga. Para naman sa mga masasamang espiritu at tao na ito, o ang espiritu ng matuwid na mga tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang kapanahunan, sa huli, ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mawawasak, at ang lahat ng mga matuwid ay makaliligtas. Kung makatatanggap ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan sa batayan ng gawain ng huling kapanahunan. Sa halip, tinutukoy ito sa pamamagitan ng kung sila man ay lumaban o hindi o kaya ay naging masuwayin tungo sa Diyos. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi nakapagtamo ng kaligtasan, walang alinlangan, ay mapagtutuunan ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maaaring mailigtas ay tiyak na mapagtutuunan din ng kaparusahan. Ang mga tao ay nauuri ayon sa kabutihan o kasamaan, at hindi sa pamamagitan ng kung anong kapanahunan sila nabuhay. Kapag naayos na batay sa uri, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan. Sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti makaraan Niyang matapos ang pagsasakatuparan ng gawain Niya ng panlulupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mga mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya sa kalagitnaan nila. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain. Hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkatapos ng Kanyang Gawain at pagkatapos ay agarang mag-uumpisa na atupagin ang pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti. Ang buong layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito sa gawain Niya ang pinakamahalaga. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang pamamahala. Kung hindi winasak ng Diyos ang kasamaan, at sa halip ay pinayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa pahinga ang bawat tao, at hindi madadala ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan sa isang mas mabuting lugar. Hindi tapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na banal ang kabuuan ng sangkatauhan. Sa ganitong paraan lamang magagawang mamuhay ng Diyos sa mapayapang pamamahinga.
Sa panahong ito, hindi pa rin nagagawang bitiwan ng mga tao ang mga bagay ng laman; hindi nila maisuko ang pagtatamasa ng laman, ng mundo, salapi, o ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Matamlay na nagpapatuloy ang karamihan ng mga tao sa kanilang mga hangarin. Ang totoo, hindi talaga kinukupkop ang Diyos sa puso ng mga taong ito; higit pang masahol, hindi sila takot sa Diyos. Wala silang Diyos sa kanilang mga puso, at kaya hindi nila mahiwatigan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at higit na mababa ang kakayahan nilang maniwala sa mga salitang binibigkas Niya. Labis sa laman ang gayong mga tao; sa anupaman, napakalalim na ng kanilang pagkatiwali at salat sila sa anumang katotohanan. Higit pa rito, hindi sila naniniwalang makakaya ng Diyos na magkatawang-tao. Sinumang hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, sinumang hindi naniniwala sa nakikitang Diyos o sa gawain at mga salita Niya, bagkus ay sumasamba sa di-nakikitang Diyos sa langit—ay isang taong walang Diyos sa kanyang puso. Mapanghimagsik at lumalaban sa Diyos ang gayong mga tao. Salat sila sa pagkatao at katwiran, lalo na sa katotohanan. Higit dito, para sa mga taong ito, lalong hindi mapaniniwalaan ang nakikita at nahahawakang Diyos, ngunit itinuturing nila na kapani-paniwala at nakapagpapasaya nang higit sa lahat ang di-nakikita at di-nahahawakang Diyos. Hindi ang aktwal na katotohanan o ang tunay na diwa ng buhay ang hinahangad nila; lalong hindi ang kalooban ng Diyos. Sa halip, hinahangad nila ang kasabikan. Alinmang mga bagay na makakayang magbigay ng kakayahang tuparin ang mga sarili nilang mga pagnanasa ay walang alinlangang ang pinaniniwalaan at itinataguyod nila. Naniniwala lamang sila sa Diyos upang matugunan ang sarili nilang mga pagnanasa, hindi upang hangarin ang katotohanan. Hindi ba mga tagagawa ng masama ang gayong mga tao? Labis ang kanilang tiwala sa sarili, at hinding-hindi sila naniniwala na wawasakin ng Diyos sa langit ang gayong “mabubuting tao” na tulad nila. Sa halip, naniniwala sila na tutulutan sila ng Diyos na manatili at, bukod dito, malakihan silang gagantimpalaan dahil sa nagawang maraming bagay para sa Diyos at naipakitang di-kakaunting “katapatan” sa Kanya. Kung hahangarin din nila ang nakikitang Diyos, sa sandaling hindi matugunan ang kanilang mga pagnanasa, agad silang gaganti sa Diyos o magwawala. Ipinakikita nila ang mga sarili bilang kasuklam-suklam na mga tuta na naghahangad lamang matugunan ang mga sarili nilang pagnanasa; hindi sila mga taong may dangal na nagtataguyod ng katotohanan. Ang gayong mga tao ay ang tinatawag na mga buktot na sumusunod kay Cristo. Yaong mga taong hindi naghahangad ng katotohanan ay hindi makakayang maniwala kahit pa sa katotohanan, at lalong hindi magagawang mahiwatigan ang kalalabasan sa hinaharap ng sangkatauhan, dahil hindi sila naniniwala sa anumang gawain o mga salita ng nakikitang Diyos—at kabilang dito ang hindi magawang maniwala sa hantungan ng sangkatauhan sa hinaharap. Samakatuwid, kahit sinusundan pa nila ang nakikitang Diyos, gumagawa pa rin sila ng masama at hinding-hindi hinahangad ang katotohanan, o isinasagawa ang katotohanang hinihingi Ko. Sa kataliwasan, ang mga taong wawasakin ay yaong hindi naniniwala na sila ay wawasakin. Lahat sila ay naniniwala na napakatalino nila, at kanilang iniisip na sila mismo ang mga taong nagsasagawa sa katotohanan. Itinuturing nila bilang katotohanan ang kanilang masamang pag-uugali at sa gayon ay itinatangi ito. Labis ang tiwala sa sarili ng mga gayong buktot na tao; itinuturing nilang doktrina ang katotohanan at itinuturing ang masasamang kilos nila bilang katotohanan, ngunit sa katapusan, makakaya lamang nilang anihin kung ano ang kanilang naihasik. Mas may tiwala sa sarili at di-masupil na kayabangan ang mga tao, mas hindi nila magagawang matamo ang katotohanan; mas naniniwala ang mga tao sa Diyos sa langit, mas nilalabanan nila ang Diyos. Ang mga taong ito ang siyang parurusahan. Bago pumasok sa pamamahinga ang sangkatauhan, matutukoy kung parurusahan ba o gagantimpalaan ang bawat uri ng tao ayon sa kung hinangad ba nila ang katotohanan, kung kilala ba nila ang Diyos, at kung maaari ba silang magpasakop sa nakikitang Diyos. Salat sa katotohanan yaong mga nagsagawa ng paglilingkod sa nakikitang Diyos, subalit hindi Siya nakikilala o nagpapasakop sa Kanya. Tagagawa ng kasamaan ang gayong mga tao, at walang alinlangang magiging mga pakay ng kaparusahan ang mga tagagawa ng kasamaan; higit pa rito, parurusahan sila ayon sa kanilang buktot na pag-uugali. Ang Diyos ay para sa mga tao na paniwalaan, at karapat-dapat din Siya sa kanilang pagtalima. Ang mga taong hindi naniniwala sa Diyos at hindi nagagawang magpasakop sa Diyos ay yaong mga may pananampalataya lamang sa malabo at di-nakikitang Diyos. Kung hindi pa rin magagawang maniwala ng mga taong ito sa nakikitang Diyos sa oras na natapos ang gawain Niya ng panlulupig, at magpapatuloy sa pagiging masuwayin at lumalaban sa Diyos na nakikita sa katawang-tao, walang alinlangan na itong “mga tagasunod ng malabong Diyos” na ito, sa huli, ay magiging mga pakay ng pagwasak. Katulad din ito ng ilan sa inyo—sinumang kumikilala sa salita sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi maisagawa ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, sa huli ay magiging pakay ng pag-aalis at pagwasak. Bukod dito, sinuman ang pasalitang kumikilala sa nakikitang Diyos, kumakain at umiinom ng katotohanang ipinapahayag Niya habang hinahangad din ang malabo at di-nakikitang Diyos, ay higit sa malamang na wawasakin sa hinaharap. Wala sa mga taong ito ang magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga na darating makaraang natapos na ang gawain ng Diyos, o makakaya ng isang tao na katulad ng gayong mga tao na manatili sa oras na iyon ng pamamahinga. Ang malademonyong mga tao ay yaong mga hindi isinasagawa ang katotohanan; paglaban at pagsuway sa Diyos ang diwa nila, at wala silang bahagya mang layon na magpasakop sa Kanya. Wawasakin ang lahat ng gayong tao. Nakasalalay sa iyong diwa, hindi sa iyong kaanyuan o kung paano ka magsalita o umasal paminsan-minsan, kung taglay mo ang katotohanan o kung lumalaban ka sa Diyos. Natutukoy sa diwa ng tao kung siya ba ay wawasakin o hindi; pinagpapasyahan ito ayon sa diwang inihahayag ng asal ng isang tao at ang pagtataguyod ng isang tao sa katotohanan. Sa mga taong magkakatulad sa isa’t isa sa kanilang gawain, at gumagawa ng magkakasingdaming gawain, yaong mga mabubuti ang pantaong diwa at nagtataglay ng katotohanan ay ang mga taong tutulutang manatili, habang yaong masasama ang pantaong diwa at sumusuway sa nakikitang Diyos ay yaong mga magiging pakay ng pagkawasak. Ang lahat ng gawain o mga salita ng Diyos na kaugnay sa hantungan ng sangkatauhan ay angkop na iwawasto sa mga tao ayon sa diwa ng bawat isa; walang magaganap na bahagya mang kamalian, at walang magagawang isa mang pagkakamali. Tuwing gumagawa lamang ng gawain ang mga tao na nahahaluan ito ng damdamin at kahulugan. Pinakaangkop ang gawaing ginagawa ng Diyos; lubusan Siyang hindi naglalabas ng mga maling paratang laban sa sinumang nilalang. Maraming tao sa kasalukuyan ang hindi nagagawang mahiwatigan ang hantungan ng sangkatauhan sa hinaharap at hindi naniniwala sa mga salitang binibigkas Ko. Lahat ng yaong hindi naniniwala, gayundin ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ay mga demonyo!
Sa panahong ito, yaong mga naghahangad at yaong mga hindi naghahangad ay dalawang ganap na magkaibang uri ng mga tao, na may labis na magkaiba ring mga hantungan. Yaong mga nagtataguyod sa kaalaman ng katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan ang mga siyang pagdadalhan ng Diyos ng kaligtasan. Yaong mga hindi nababatid ang tunay na daan ay mga demonyo at kaaway; mga inapo sila ng arkanghel at magiging mga pakay ng pagwasak. Kahit yaong mga maka-Diyos na tagapaniwala ng isang malabong Diyos—hindi ba’t mga demonyo rin sila? Ang mga taong nagtataglay ng mabubuting budhi ngunit hindi tinatanggap ang tunay na daan ay mga demonyo; paglaban sa Diyos ang kanilang diwa. Yaong mga hindi tinatanggap ang tunay na daan ay yaong mga lumalaban sa Diyos, at kahit nagtitiis ng maraming hirap ang gayong mga tao, wawasakin pa rin sila. Yaong mga mabigat sa kalooban na talikdan ang mundo, na hindi matiis na mawalay sa kanilang mga magulang, at hindi makatiis na alisin sa kanilang mga sarili ang mga pagtatamasa sa laman ay masuwayin sa Diyos, at magiging mga pakay ng pagkawasak. Sinumang hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ay malademonyo at, higit pa rito, wawasakin sila. Yaong mga may pananampalataya ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, yaong mga hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao, at yaong mga hinding-hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay magiging mga pakay din ng pagwasak. Lahat yaong mga pahihintulutang manatili ay mga taong nagdaan na sa pagdurusa ng pagpipino at matatag na nanindigan; mga tao itong tunay na tiniis ang mga pagsubok. Sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, sinumang hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao—nasa loob man sila o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong masuwayin sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga umaangkin na may pananampalataya, subalit salat sa katotohanan? Hindi ba sila yaong mga naghahangad na matamo lamang ang mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo para sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at nag-uukol ng budhi at pagmamahal sa kanila, ngunit sa pangyayaring ito, hindi ka ba nag-aabot ng mabubuting layon kay Satanas? Hindi ka ba nakikisama sa mga demonyo? Kung hindi pa rin magawa ng mga tao sa mga araw na ito na makita ang kaibhan ng mabuti at masama, at patuloy na bulag na maging mapagmahal at maawain nang walang anumang layon na hangarin ang kalooban ng Diyos o magawang kupkupin bilang kanila sa anumang paraan ang mga layunin ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga katapusan. Kaaway ng Diyos ang sinumang hindi naniniwala sa Diyos sa katawang-tao. Kung nakapag-uukol ka ng budhi at pagmamahal sa isang kaaway, hindi ka ba salat sa kahulugan ng pagiging matuwid? Kung bumabagay ka sa mga yaong kinamumuhian Ko at hindi Ko sinasang-ayunan, at nag-uukol pa rin ng pagmamahal o pansariling damdamin sa kanila, hindi ka ba masuwayin sa gayon? Hindi mo ba sinasadyang labanan ang Diyos? Nagtataglay ba ng katotohanan ang gayong tao? Kung nag-uukol ng budhi ang mga tao patungkol sa mga kaaway, pagmamahal sa mga demonyo, at habag kay Satanas, hindi ba nila sinasadyang gambalain ang gawain ng Diyos sa gayon? Yaong mga tao na naniniwala lamang kay Jesus at hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, gayundin yaong mga pasalitang inaangkin na naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ngunit gumagawa ng masama, ay pawang anticristo, kahit hindi pa banggitin yaong mga hindi man lamang naniniwala sa Diyos. Magiging mga pakay ng pagwasak ang lahat ng taong ito. Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao upang hatulan ang ibang mga tao; matuwid yaong ang asal ay mabuti, habang buktot yaong ang asal ay karumal-dumal. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba o hindi sa Kanya ang kanilang diwa; matuwid na tao ang nagpapasakop sa Diyos, samantalang ang hindi nagpapasakop ay kaaway at isang buktot na tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at kung tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa upang magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang mga tao na gumamit ng maiinam na salita upang magkamit ng mabuting hantungan. Maling naniniwala ang lahat na natutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao pagkaraang mamasdan ang kanilang pag-uugali o pagkaraang makinig sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais samantalahin ito upang linlangin ang Diyos na gawaran sila ng isang panandaliang pagtatangi. Sa hinaharap, ang mga taong makaliligtas sa isang kalagayan ng pamamahinga ay napagtiisan na ang lahat ng araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na rin para sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tinupad na ang kanilang mga tungkulin at kusa nang nagpasakop sa Diyos. Yaong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na gawin ang paglilingkod na kasama ang balak na iwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pahihintulutang manatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pag-aayos ng mga kalalabasan ng bawat tao; hindi Siya basta gumagawa ng mga kapasiyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, o gumagawa Siya ng mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang tagal ng panahon. Lubos na hindi siya magiging maluwag hinggil sa buktot na asal ng isang tao dahil sa nakaraang paglilingkod nito sa Kanya, o hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil sa minsanang gugulin para sa Diyos. Walang sinuman ang makaiiwas sa paghihiganti para sa kanilang kabuktutan, at walang sinuman ang mapagtatakpan ang kanilang masamang pag-uugali at sa gayon ay makaiiwas sa mga paghihirap ng pagkawasak. Kung totoong matutupad ng mga tao ang sarili nilang tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggang matapat sila sa Diyos at hindi hinahangad ang mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga biyaya o nagdurusa sa kasawian. Kung matapat sa Diyos ang mga tao kapag nakikita nila ang mga biyaya, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi nila nakikita ang anumang mga biyaya, at kung, sa huli, ay hindi pa rin nila nagagawang magpatotoo para sa Diyos o tuparin ang mga tungkuling kasalukuyang hawak nila, magiging mga pakay pa rin sila ng pagkawasak kahit pa dati na silang nakapagbigay ng matapat na paglilingkod sa Diyos. Sa madaling salita, hindi maaaring makaligtas hanggang sa kawalang-hanggan ang mga taong buktot, o makapapasok sa pamamahinga; tanging ang mga matuwid ang mga panginoon ng pamamahinga. Sa sandaling nasa tamang landas ang sangkatauhan, ang mga tao ay magkakaroon ng normal na buhay ng tao. Gagawin nilang lahat ang kani-kaniyang mga tungkulin at magiging ganap na matapat sa Diyos. Lubos nilang lalagasin ang kanilang pagsuway at ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at mabubuhay sila para sa Diyos at dahil sa Diyos, nang walang pagsuway at paglaban. Magagawa nilang lahat na ganap na magpasakop sa Diyos. Ito ang magiging buhay ng Diyos at ng sangkatauhan; ito ang magiging buhay ng kaharian, at magiging isang buhay ito ng pamamahinga.
Labis na makasarili yaong mga nagkakaladkad tungong simbahan sa kanilang mga anak at kamag-anak na lubusang hindi naniniwala, at nagpapakita lamang sila ng kabaitan. Nakatuon lamang ang mga taong ito sa pagiging mapagmahal, naniniwala man sila o hindi o kung kalooban man ito ng Diyos. Dinadala ng ilan ang kanilang esposa sa harap ng Diyos, o kinakaladkad ang kanilang mga magulang sa harap ng Diyos, at sumasang-ayon man sa kanila o hindi ang Banal na Espiritu o gumagawa sa kanila, walang taros silang nagpapatuloy sa “pag-ampon ng matatalinong tao” para sa Diyos. Anong pakinabang ang maaaring makamit mula sa pagpapaabot ng kabaitan sa mga hindi mananampalatayang ito? Kahit na nagsusumikap sila, na walang presensya ng Banal na Espiritu, na sundan ang Diyos, hindi pa rin sila maililigtas tulad ng maaaring paniwala ng tao. Yaong mga makakayang tumanggap ng kaligtasan sa totoo ay hindi ganoon kadaling matamo. Lubos na walang kakayahan na magawang ganap ang mga tao na hindi sumailalim sa gawain at mga pagsubok ng Banal na Espiritu, at hindi nagawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Samakatuwid, mula sa sandaling simulan nilang sundan sa turing ang Diyos, salat sa presensya ng Banal na Espiritu ang mga taong iyon. Dala ng kanilang mga kalagayan at tunay na katayuan, hindi sila magagawang ganap nang gayon-gayon lamang. Sa gayon, nagpapasya ang Banal na Espiritu na huwag gumugol ng gaanong sigla sa kanila, o nagkakaloob Siya ng anumang kaliwanagan o ginagabayan sila sa anumang paraan; pinahihintulutan lamang Niya silang makisunod, at ilalahad sa huli ang mga kalalabasan nila—sapat na ito. Ang sigasig at mga layunin ng sangkatauhan ay mula kay Satanas, at hindi makakaya ng mga bagay na ito sa anumang paraan na gawing ganap ang gawain ng Banal na Espiritu. Anupaman ang mga tao, dapat silang magtaglay ng gawain ng Banal na Espiritu. Maaari bang gawing ganap ng mga tao ang mga tao? Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga layon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang layon ba nila ay hindi upang matupad ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanasa? Tunay bang ibig nilang kumilos alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Tunay nga bang kumikilos sila alang-alang sa gawain ng Diyos? Ang layon ba nila ay tuparin ang tungkulin ng isang nilikhang nilalang? Yaong mga hindi nagagawang matamo ang presensya ng Banal na Espiritu mula noong sandaling nagsimula silang maniwala sa Diyos ay hindi kailanman makakayang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu; naitalaga na ang mga taong ito bilang mga pakay na wawasakin. Gaano man kalaki ang pagmamahal na mayroon ang isang tao para sa kanila, hindi nito makakayang halinhan ang gawain ng Banal na Espiritu. Kumakatawan ang sigasig at pagmamahal ng mga tao sa mga layunin ng tao, ngunit hindi maaaring kumatawan ang mga ito sa mga layunin ng Diyos, at o hindi maaaring ipanghalili sa gawain ng Diyos. Kahit na ipinaabot ng isang tao ang pinakamalaking posibleng dami ng pagmamahal o awa sa mga tao na naniniwala sa turing sa Diyos at nagpapanggap na sumusunod sa Kanya nang hindi nalalaman kung ano ang tunay na kahulugan ng maniwala sa Diyos, hindi pa rin nila matatamo ang simpatya ng Diyos, o makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kahit na mahina ang kakayahan ng mga tao na taos-pusong sinusundan ang Diyos at hindi magawang maunawaan ang maraming katotohanan, makakaya pa rin nila na paminsan-minsang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu; gayunman, yaong mga may bahagyang mahusay na kakayahan, ngunit hindi taos-pusong naniniwala, ay hindi basta makakamit ang presensya ng Banal na Espiritu. Walang lubos na posibilidad para sa kaligtasan ng gayong mga tao. Kahit binabasa nila ang mga salita ng Diyos o paminsan-minsang pinakikinggan ang mga pangaral, o kahit inaawit ang mga papuri sa Diyos, sa huli ay hindi nila magagawang makaligtas hanggang sa oras ng pamamahinga. Masugid mang naghahangad ang mga tao ay hindi natutukoy sa pamamagitan ng kung paano sila hinahatulan ng iba o kung paano sila tinitingnan ng mga tao sa kanilang paligid, ngunit sa pamamagitan ng kung gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanila at kung natamo na nila ang presensya ng Banal na Espiritu. Bukod dito, nakabatay ito sa kung magbabago ba ang kanilang mga disposisyon at sa nakamit na ba nila ang anumang kaalaman sa Diyos matapos sumailalim sa gawain ng Banal na Espiritu sa loob ng isang tiyak na panahon. Kung gumagawa ang Banal na Espiritu sa isang tao, unti-unting magbabago ang disposisyon ng taong ito, at unti-unting lalagong higit na dalisay ang pananaw niya sa paniniwala sa Diyos. Gaano man katagal sinusundan ng mga tao ang Diyos, hangga’t nagbago sila, nangangahulugan itong gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Kung hindi pa sila nagbago, nangangahulugan itong hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Magbigay man ang mga taong ito ng ilang paglilingkod, ang nagtutulak sa kanilang gawin ito ay ang isang mithiin na magtamo ng magandang kapalaran. Hindi makakayang pumalit ng paminsan-minsang paggawa ng paglilingkod sa pagdanas sa pagbabago sa kanilang mga disposisyon. Sa huli, wawasakin pa rin sila, dahil hindi na kakailanganin sa kaharian ang mga tagapagsilbi, o hindi na rin kakailanganin para sa sinumang hindi nagbago ang disposisyon upang magbigay ng serbisyo sa mga taong nagawang perpekto na at matatapat sa Diyos. Yaong mga salitang sinabi sa nakaraan, “Kapag naniniwala ang isang tao sa Panginoon, ngumingiti ang kapalaran sa buong pamilya ng isang tao,” ay angkop para sa Kapanahunan ng Biyaya, ngunit walang kaugnayan sa hantungan ng sangkatauhan. Naaangkop lamang ang mga ito para sa isang yugto noong Kapanahunan ng Biyaya. Nakatuon ang pahiwatig ng mga salitang iyon sa biyayang pangkapayapaan at panlupa na tinamasa ng mga tao; hindi nangangahulugan ang mga ito na ang buong pamilya ng isang tao na naniniwala sa Panginoon ay maililigtas, o hindi nangangahulugan ang mga ito na kapag natatamo ng isang tao ang magandang kapalaran, makakaya ring madala sa pamamahinga ang buong pamilya niya. Tumatanggap man ng mga pagpapala ang isang tao o nagdurusa sa kasawian ay natutukoy ayon sa diwa ng isang tao, at hindi ayon sa anumang karaniwang diwang maaaring ibahagi ng isang tao sa iba. Wala na nga lamang puwang sa kaharian ang ganoong uring kasabihan o panuntunan. Kung sa huli ay magagawang makaligtas ng isang tao, ito ay dahil natugunan niya ang mga hinihingi ng Diyos, at kung sa huli ay hindi niya magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga, ito ay dahil naging masuwayin siya sa Diyos at hindi natugunan ang mga hinihingi ng Diyos. May angkop na hantungan ang lahat. Natutukoy ang mga hantungang ito ayon sa diwa ng bawat tao, at ganap na walang kinalaman sa ibang mga tao. Ang buktot na pag-uugali ng isang bata ay hindi maililipat sa kanyang mga magulang, o hindi maibabahagi sa mga magulang ang pagkamatuwid ng isang bata. Hindi maililipat sa kanyang mga anak ang buktot na pag-uugali ng isang magulang, o hindi maibabahagi sa kanyang mga anak ang pagkamatuwid ng isang magulang. Pinapasan ng lahat ang kani-kaniyang mga kasalanan, at tinatamasa ng lahat ang kani-kaniyang kapalaran. Walang sinuman ang maaaring maging panghalili sa isa pang tao; ito ang pagiging matuwid. Sa pananaw ng tao, kung magtatamo ng magandang kapalaran ang mga magulang, kung gayon ay dapat magawa rin ito ng kanilang mga anak, at kung gagawa ng masama ang mga anak, dapat magsisi ang kanilang mga magulang para sa mga kasalanang iyon. Isa itong pananaw ng tao at isang paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay; hindi ito pananaw ng Diyos. Natutukoy ang kalalabasan ng lahat ayon sa diwang nagmumula sa kanilang asal, at palagi itong angkop na natutukoy. Walang sinumang makapapasan sa mga kasalanan ng iba; higit pa, walang sinumang makatatanggap ng kaparusahan na nauukol sa iba. Ito ay lubos. Ang mapagmahal na pag-aaruga ng isang magulang sa kanyang mga anak ay hindi nagpapahiwatig na makakaya niyang gampanan ang mga gawang matuwid sa halip ng kanyang mga anak, o ang masunuring pagkamagiliw ng isang anak sa kanyang mga magulang ay nangangahulugang makakaya niyang gampanan ang mga gawang matuwid sa halip ng kanyang mga magulang. Ito ang tunay na pakahulugan ng mga salitang, “Kung gayon ay magkakaroon ng dalawa sa larangan; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan. Maggigiling sa kiskisan ang dalawang babae; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan.” Hindi madadala ng mga tao sa pamamahinga ang mga anak nilang gumagawa ng masama batay sa malalim nilang pagmamahal sa kanila, o hindi madadala ng sinuman sa pamamahinga ang kanyang asawa batay sa matuwid nilang asal. Isa itong administratibong panuntunan; hindi maaaring magkaroon ng mga pagtatangi para sa sinuman. Sa huli, ang mga gumagawa ng pagkamatuwid ay mga gumagawa ng pagkamatuwid, at ang mga tagagawa ng masama ay mga tagagawa ng masama. Tutulutang makaligtas sa kalaunan ang mga matuwid, samantalang wawasakin ang mga tagagawa ng masama. Ang mga banal ay mga banal; hindi sila madumi. Ang madudumi ay madudumi, at walang isa mang bahagi nila ang banal. Ang mga taong wawasakin ay ang lahat ng mga buktot, at ang mga makaliligtas ay ang lahat ng mga matuwid—kahit pa gumaganap ng mga matuwid na gawa ang mga anak ng mga buktot, at kahit pa gumagawa ng masasamang gawa ang mga magulang ng mga matuwid. Walang ugnayan sa pagitan ng isang naniniwalang esposo at ng hindi naniniwalang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga naniniwalang anak at mga di-naniniwalang magulang; ganap na hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, may pisikal na mga kamag-anak ang isang tao, ngunit sa sandaling pumasok sa pamamahinga ang isang tao, wala na siyang anumang pisikal na mga kamag-anak na masasabi. Yaong mga gumagawa ng kanilang tungkulin ay mga kaaway ng mga yaong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin; yaong mga nagmamahal sa Diyos at yaong mga napopoot sa Kanya ay magkasalungat sa isa’t isa. Yaong mga papasok sa pamamahinga at yaong mga nawasak na ay dalawang di-magkaayong uri ng mga nilalang. Ang mga nilalang na tumutupad sa kanilang mga tungkulin ay magagawang makaligtas, habang yaong mga hindi tumutupad sa kanilang mga tungkulin ay magiging mga pakay ng pagkawasak; higit pa rito, magtatagal ito hanggang sa kawalang-hanggan. Minamahal mo ba ang iyong esposo upang matupad ang tungkulin mo bilang isang nilikhang nilalang? Minamahal mo ba ang iyong esposa upang tuparin ang tungkulin mo bilang isang nilikhang nilalang? Masunurin ka ba sa mga magulang mong hindi naniniwala upang tuparin ang tungkulin mo bilang isang nilikhang nilalang? Tama ba o mali ang pananaw ng tao hinggil sa paniniwala sa Diyos? Bakit ka naniniwala sa Diyos? Ano ang nais mong makamit? Paano mo minamahal ang Diyos? Yaong mga hindi makatupad sa kanilang mga tungkulin bilang mga nilikhang nilalang, at hindi makagawa ng sagarang pagsisikap, ay magiging mga pakay ng pagkawasak. May mga pisikal na ugnayang umiiral sa pagitan ng mga tao ng ngayon, gayundin ang mga pagkakaugnay sa dugo, ngunit sa hinaharap, babasagin ang lahat ng ito. Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga di-mananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa. Yaong mga nasa pamamahinga ay maniniwala na may Diyos at magpapasakop sa Diyos, samantalang yaong mga masuwayin sa Diyos ay pawang mawawasak. Hindi na iiral sa lupa ang mga pamilya; paano pa magkakaroon ng mga magulang o mga anak o mga ugnayan ng mag-asawa? Ang mismong hindi pagkakatugma ng paniniwala at kawalang-paniniwala ay lubos na papatid sa gayong mga pisikal na ugnayan!
Sa una ay walang mga pamilya sa sangkatauhan; isang lalaki at isang babae lamang ang umiiral—dalawang magkaibang uri ng mga tao. Walang mga bansa, lalong walang mga pamilya, ngunit bunga ng pagkatiwali ng sangkatauhan, binuo ng lahat ng uri ng mga tao ang kanilang mga sarili sa isahang mga angkan, na di naglaon ay umunlad sa mga bansa at mga nasyon. Kabilang sa mga bansa at nasyong ito ang maliliit na isahang pamilya, at sa ganitong paraan, naikalat ang lahat ng uri ng mga tao sa iba’t ibang lahi batay sa mga pagkakaiba sa wika at mga hangganan. Ang totoo, gaano karaming lahi man mayroon sa daigdig, may iisang ninuno lamang ang sangkatauhan. Sa simula, may dalawang uri lamang ng mga tao, at ang dalawang uring ito ay mga lalaki at mga babae. Gayunman, dahil sa pagsulong ng gawain ng Diyos, sa kilos ng kasaysayan, at sa mga pagbabagong pang-heograpiya, bumuo sa iba’t ibang antas ang dalawang uri ng mga taong ito ng higit pang iba’t ibang uri ng mga tao. Sa batayan, gaano man karaming mga lahi ang maaaring bumuo sa sangkatauhan, likha pa rin ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan. Sa anupamang mga lahi nabibilang ang mga tao, silang lahat ay mga nilalang Niya; mga inapo silang lahat nina Adan at Eba. Bagama’t hindi sila ginawa ng mga kamay ng Diyos, mga inapo sila nina Adan at Eba, na nilikha mismo ng Diyos. Sa aling uri man ng pagkatao nabibilang ang mga tao, silang lahat ay mga nilalang Niya; yamang nabibilang sila sa sangkatauhan, na nilikha ng Diyos, ang kanilang hantungan ay yaong dapat taglayin ng sangkatauhan, at hinati-hati sila ayon sa mga panuntunang nagbubuo sa mga tao. Ibig sabihin, ang lahat ng tagagawa ng masama at ang lahat ng matuwid, pagkaraan ng lahat, ay mga nilalang. Wawasakin sa huli ang mga nilalang na gumagawa ng masama, at makaliligtas ang mga nilalang na ginagampanan ang mga matuwid na gawa. Ito ang pinakaangkop na pagsasaayos para sa dalawang uri ng mga nilalang na ito. Dahil sa kanilang pagsuway, hindi maitatatwa ng mga tagagawa ng masama na bagama’t mga likha sila ng Diyos, inagaw na sila ni Satanas, at samakatuwid ay hindi maililigtas. Batay sa katunayang makaliligtas sila, ang mga nilalang na umaasal nang matuwid sa kanilang mga sarili, ay hindi makapagtatatwang nilikha sila ng Diyos subalit tumanggap na ng kaligtasan matapos magawa nang tiwali ni Satanas. Ang mga tagagawa ng masama ay mga nilalang na masuwayin sa Diyos; mga nilalang sila na hindi maililigtas at lubusan nang binihag ni Satanas. Mga tao rin ang mga taong gumagawa ng masama; mga tao silang nagawa nang tiwali sa kasukdulan, at hindi maililigtas. Dahil sila ay mga nilalang din, nagawa na ring tiwali ang mga taong matuwid ang asal, ngunit mga tao silang handang kumalas sa kanilang mga tiwaling disposisyon at nagkaroon na ng kakayahang magpasakop sa Diyos. Hindi umaapaw sa pagkamatuwid ang mga taong matuwid ang asal; bagkus, nakatanggap na sila ng kaligtasan at nakakalas na sa kanilang mga tiwaling disposisyon; makapagpapasakop sila sa Diyos. Magiging matatag sila sa katapusan, bagama’t hindi iyan pagsasabi na hindi sila kailanman nagawang tiwali ni Satanas. Pagkaraang matapos ang gawain ng Diyos, magkakaroon ng mga wawasakin at mga makaliligtas sa lahat ng mga nilikha Niya. Isa itong hindi maiiwasang tunguhin sa gawain ng pamamahala Niya; walang sinumang makapagtatatwa nito. Hindi tutulutang makaligtas ang mga tagagawa ng masama; tiyak na makaliligtas yaong mga nagpapasakop at sumusunod sa Diyos hanggang sa katapusan. Yayamang ang gawaing ito ay ang pamamahala sa sangkatauhan, magkakaroon ng mga mananatili at mga aalisin. Ito ang iba’t ibang kalalabasan para sa iba’t ibang uri ng mga tao, at ang mga ito ang pinakaangkop na mga pagsasaayos para sa mga nilikha ng Diyos. Ang panghuling pagsasaayos ng Diyos para sa sangkatauhan ay ang hatiin sila sa pamamagitan ng pagsira sa mga pamilya, pagdurog sa mga bansa, at pagbasag sa mga pambansang hangganan sa isang pagsasaayos na walang mga pamilya o mga pambansang hangganan, dahil ang mga tao, sa ano’t anuman, ay nagmula sa iisang ninuno at mga nilikha ng Diyos. Sa madaling salita, ang mga nilalang na gumagawa ng masama ay wawasaking lahat, at ang mga nilalang na sumusunod sa Diyos ay makaliligtas. Sa ganitong paraan, wala nang magiging mga pamilya, walang mga bansa, at lalong walang mga bansa sa paparating na oras ng pamamahinga; magiging pinakabanal na uri ng sangkatauhan ang ganitong uri ng sangkatauhan. Nilikha sa simula sina Adan at Eba upang makapag-aruga ang sangkatauhan sa lahat ng mga bagay sa lupa; ang mga tao ang unang mga dalubhasa ng lahat ng mga bagay. Ang hangarin ni Jehova sa paglalang sa mga tao ay upang matulutan silang umiral sa lupa at upang mag-aruga sa lahat ng mga bagay dito, dahil hindi nagawang tiwali sa simula ang sangkatauhan at walang kakayahang gumawa ng masama. Gayunman, pagkaraang maging tiwali ang mga tao, hindi na sila ang mga tagapag-alaga ng lahat ng mga bagay. Ang layunin ng pagliligtas ng Diyos ay upang maipanumbalik ang tungkuling ito ng sangkatauhan, upang maipanumbalik ang unang katwiran at ang unang pagkamasunurin ng sangkatauhan; ang sangkatauhan sa pamamahinga ang magiging mismong pagkakatawan ng bungang inaasahan ng Diyos na matatamo sa gawain Niya ng pagliligtas. Bagama’t hindi na ito magiging isang buhay na tulad ng sa Hardin ng Eden, magiging ganoon din ang diwa ng mga ito; ang sangkatauhan ay hindi na lamang magiging ang nauna nilang di-natiwaling sarili, bagkus ay isang sangkatauhang naging tiwali at pagkaraan ay tumanggap ng kaligtasan. Sa huli, ang mga taong ito na tumanggap na ng kaligtasan (iyan ay, pagkaraang tapos na ang gawain ng Diyos) ay papasok sa pamamahinga. Gayundin, ang mga kahihinatnan ng mga yaong naparusahan na ay ganap ding mahahayag sa katapusan, at wawasakin lamang sila pagkaraang natapos na ang gawain ng Diyos. Sa madaling salita, pagkaraang natapos na ang gawain Niya, ilalantad lahat yaong mga tagagawa ng masama at yaong mga nailigtas na, dahil ang gawain ng paglalantad ng lahat ng mga uri ng mga tao (tagagawa man sila ng masama o kabilang sa yaong mga iniligtas) ay isasakatuparan sa lahat nang sabay-sabay. Aalisin ang mga tagagawa ng masama, at ihahayag nang sabay-sabay yaong mga pinahihintulutang manatili. Samakatuwid, ihahayag nang sabay-sabay ang kahihinatnan ng lahat ng mga uri ng mga tao. Hindi pahihintulutan ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao na nadalhan na ng kaligtasan na pumasok sa pamamahinga bago isaisantabi ang mga tagagawa ng masama at hatulan o parusahan sila nang paunti-unti; hindi iyan magiging kaayon sa mga katunayan. Kapag winasak ang mga tagagawa ng masama at pumasok sa pamamahinga yaong mga maaaring makaligtas, magiging ganap ang gawain ng Diyos sa buong sansinukob. Hindi magkakaroon ng ayos ng pagkauna sa yaong mga tumatanggap ng mga pagpapala at yaong mga nagdurusa sa kasawian; mabubuhay kailanman yaong mga tumatanggap ng mga pagpapala, samantalang mamamatay sa kawalang-hanggan yaong mga nagdurusa sa kasawian. Tatapusin nang sabay-sabay ang dalawang hakbang na ito ng gawain. Mismong dahil sa pag-iral ng masusuwaying tao kaya mahahayag ang pagkamatuwid ng mga nagpapasakop, at ito ay mismong dahil may mga tumanggap na ng mga pagpapala na mahahayag ang kasawiang dinanas ng mga tagagawa ng masama dahil sa buktot nilang pag-uugali. Kung hindi inilantad ng Diyos ang mga tagagawa ng masama, ang mga taong taimtim na nagpapasakop sa Diyos ay hindi kailanman makikita ang araw; kung hindi dinala ng Diyos sa isang angkop na hantungan yaong mga nagpapasakop sa Kanya, hindi magagawang tanggapin ng mga masuwayin sa Diyos ang nararapat nilang ganti. Ito ang pamamaraan ng gawain ng Diyos. Kung hindi Niya isinakatuparan ang gawaing ito ng pagpaparusa sa masama at pagbibigay-pala sa mabuti, hindi kailanman magagawa ng mga nilalang Niya na makapasok sa kani-kanilang mga hantungan. Sa sandaling pumasok sa pamamahinga ang sangkatauhan, nawasak na ang mga tagagawa ng masama at mapupunta sa tamang landas ang lahat ng sangkatauhan; makakasama ng lahat ng uri ng mga tao ang kanilang kauri alinsunod sa mga tungkulin na dapat nilang isakatuparan. Tanging ito ang magiging araw ng pamamahinga ng sangkatauhan, ito ang walang pagsalang magiging tunguhin para sa pagpapaunlad ng sangkatauhan, at tanging kapag nakapasok sa pamamahinga ang sangkatauhan maaabot ang pagtatapos ng dakila at huling mga tagumpay ng Diyos; ito ang magiging pangwakas na bahagi ng gawain Niya. Ang gawaing ito ang tatapos sa lahat ng bulok na buhay ng laman ng sangkatauhan, gayundin ang buhay ng tiwaling sangkatauhan. Simula roon, papasok ang mga tao sa isang bagong kinasasaklawan. Bagama’t namumuhay sa laman ang lahat ng tao, may mga makabuluhang kaibhan sa pagitan ng diwa ng buhay at sa buhay ng tiwaling sangkatauhan. Nagkakaiba rin ang kabuluhan ng pag-iral at ng pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Bagama’t hindi ito ang magiging buhay ng isang bagong uri ng tao, masasabi na buhay ito ng isang sangkatauhang tumanggap ng kaligtasan, at isang buhay na rin na kung saan nabawi na ang pagkatao at katwiran. Mga tao itong minsan nang naging masuwayin sa Diyos, na nalupig na ng Diyos at pagkaraan ay iniligtas Niya; mga tao itong nagbigay-kahihiyan sa Diyos at pagkaraan ay nagpatotoo sa Kanya. Ang kanilang pag-iral, pagkaraang sumasailalim at makaligtas sa Kanyang pagsusulit, ay ang pinakamakahulugang pag-iral; mga tao silang nagpatotoo sa Diyos sa harap ni Satanas, at mga tao na akmang mabuhay. Yaong mga wawasakin ay ang mga hindi makayang magpatotoo sa Diyos at hindi akmang patuloy na mabuhay. Magiging bunga ng buktot nilang pag-uugali ang kanilang pagkawasak, at ang gayong pagpuksa ang pinakamainam na hantungan para sa kanila. Sa hinaharap, kapag pumasok ang sangkatauhan sa marikit na dako, mawawala na ang mga ugnayan sa pagitan ng mag-asawa, sa pagitan ng ama at anak na babae, o sa pagitan ng ina at anak na lalaki na inaakala ng mga tao na kanilang matatagpuan. Sa oras na iyon, susundan ng bawat tao ang sarili niyang uri, at ang mga pamilya ay nabasag na. Dahil sa ganap na pagkabigo, hindi na muling gagambalain ni Satanas ang sangkatauhan, at hindi na magkakaroon ng mga tiwaling satanikong disposisyon ang mga tao. Nawasak na yaong mga masusuwaying tao, at tanging ang mga tao na nagpapasakop ang mananatili. Sa gayon, kakaunting pamilya ang buong makaliligtas; paano makapagpapatuloy sa pag-iral ang mga pisikal na ugnayan? Lubos na ipagbabawal ang dating buhay sa laman ng sangkatauhan; paano makaiiral, kung gayon, ang mga pisikal na ugnayan sa pagitan ng mga tao? Kung walang mga tiwaling satanikong disposisyon, ang buhay ng tao ay hindi na magiging ang lumang buhay ng nakaraan, bagkus ay isang bagong buhay. Mawawalan ng mga anak ang mga magulang, at mawawalan ng mga magulang ang mga anak. Mawawalan ng esposa ang mga esposo, at mawawalan ng esposa ang mga esposo. Kasalukuyang umiiral ang mga pisikal na ugnayan sa pagitan ng mga tao, ngunit hindi na iiral ang mga ito sa sandaling pumasok sa pamamahinga ang lahat. Tanging ang ganitong uri ng sangkatauhan ang magtataglay ng pagkamatuwid at kabanalan; tanging ang ganitong uri ng sangkatauhan ang makasasamba sa Diyos.
Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at inilagay sila sa lupa, at inakay Niya sila magmula noon. Sila ay iniligtas Niya pagkaraan at nagsilbi bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan. Sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang unang wangis. Ito ang gawaing sinangkutan Niya sa simula pa lamang—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa una nitong larawan at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipanunumbalik ang unang wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng sangnilikha. Naiwala ng sangkatauhan ang puso nilang may takot sa Diyos gayundin ang tungkuling nasa pananagutan ng mga nilalang ng Diyos matapos gawing tiwali ni Satanas, kaya’t naging isang kaaway na masuwayin sa Diyos. Namuhay pagkaraan ang sangkatauhan sa ilalim ng nasasakupan ni Satanas at sinunod ang mga utos ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi nagawang pagwagian ang kanilang natatakot na pagpipitagan. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit totoong tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng katayuan sa kanilang mga puso, na ang ibig sabihin ay nawalan Siya ng kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatuwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang una nilang wangis at tanggalan ang sangkatauhan ng kanilang tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niyang iligtas sila mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipanunumbalik ang una nilang wangis at tungkulin, at sa wakas, ay mapanunumbalik ang kaharian Niya. Ang pangwakas na pagwasak ng yaong mga anak ng pagsuway ay isasakatuparan din upang tulutan ang mga tao na higit na mahusay na sambahin ang Diyos at mamuhay sa lupa nang higit na maayos. Sapagkat nilikha ng Diyos ang mga tao, gagawin Niyang sambahin Siya nila; sapagkat ninanais Niyang maipanumbalik ang unang tungkulin ng sangkatauhan, ganap Niya itong ipapanumbalik, at nang walang pagbabawas ng bisa. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagpapasamba at pagpapasakop sa Kanya ng mga tao; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na mapahamak ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na sasanhiin ng Diyos na maipamalagi sa mga tao ang lahat-lahat ng tungkol sa Kanya nang walang pagtutol mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sasamba sa Kanya, yaong ganap na magpapasakop sa Kanya at magpapakita ng luwalhati Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ng kaharian Niya. Kung hindi wawasakin ng Diyos yaong mga kaaway na masuwayin sa Kanya, hindi Niya magagawang matamo ang ganap Niyang luwalhati, o hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang mga ito ang magiging mga pananda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng mga dakilang katuparan Niya: upang lubos na wasakin yaong mga kabilang sa sangkatauhan na masuwayin sa Kanya, at upang dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap. Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, natamo na ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang-hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng yaong mga sumasalungat sa Kanya ay mapapahamak sa lahat ng kawalang-hanggan. Ipanunumbalik nito ang una Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; ipanunumbalik nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng mga bagay, at ipanunumbalik din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng mga bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga sagisag ng ganap Niyang tagumpay. Mula roon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang-hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang-hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dungis at pagsuway sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat-lahat ng nasa daigdig na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong dinalhan Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.
Kung nararamdaman mo pa rin ang pananamlay ng espiritu kahit pa nagbabasa ka ng Bibliya araw-araw, ano ang maaari mong gawin? I-click Ang Salita ng Diyos Ngayong Araw o i-enjoy ang sumusunod na nauugnay na nilalaman.