Menu

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 76 Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 76
00:00/ 00:00

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 76

00:00
00:00

Kapag nagagawa mong tunay na pahalagahan ang mga kaisipan at saloobin ng Diyos tungo sa sangkatauhan, kapag tunay mong nauunawaan ang mga emosyon at malasakit ng Diyos para sa bawat nilalang, mauunawaan mo ang debosyon at ang pagmamahal na ginugol sa bawat isa sa mga taong nilikha ng Lumikha. Kapag nangyari ito, gagamitin mo ang dalawang salita upang isalarawan ang pag-ibig ng Diyos. Ano ang dalawang salitang iyon? Sinasabi ng ilang tao na “di-makasarili,” at ang ilang tao ay sinasabing “mapagkawanggawa.” Sa dalawang ito, ang “mapagkawanggawa” ang salitang pinaka-di-naaangkop upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos. Isang salita ito na ginagamit ng mga tao upang ilarawan ang isang taong may magandang kalooban o malawak na pag-iisip. Kinasusuklaman Ko ang salitang ito, sapagkat tumutukoy ito sa pamumudmod ng kawanggawa kahit kanino, nang walang itinatangi, nang walang pagsasaalang-alang para sa prinsipyo. Ito ay isang masyadong madamdaming pagkahilig, na karaniwan sa mga taong hangal at nalilito. Kapag ang salitang ito ay ginamit upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos, mayroong di-maiiwasan na isang kalapastanganang kahulugan. Mayroon Ako ritong dalawang salita na mas angkop na naglalarawan sa pag-ibig ng Diyos. Ano ang mga ito? Ang una ay ang “napakalaki.” Hindi ba lubos na nakaaantig ang salitang ito? Ang ikalawa ay ang “napakalawak.” Mayroong tunay na kahulugan sa likod ng mga salitang ito na Aking ginamit upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos. Kapag inintindi nang literal, ang “napakalaki” ay naglalarawan sa laki o kapasidad, ngunit gaano man kalaki ang bagay na iyon, isang bagay ito na mahahawakan at makikita ng mga tao. Dahil umiiral ito—hindi ito isang bagay na malabo, bagkus ay isang bagay na makapagbibigay sa mga tao ng mga ideya sa medyo tumpak at praktikal na paraan. Tingnan mo man ito mula sa pananaw na may dalawa o tatlong dimensyon, hindi mo kailangang isipin ang pag-iral nito, sapagkat ito ay isang bagay na talagang umiiral sa tunay na paraan. Bagaman ang paggamit ng salitang, “napakalaki,” upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos ay tila pagsukat sa Kanyang pag-ibig, ibinibigay rin nito ang damdamin na hindi nasusukat ang Kanyang pag-ibig. Sinasabi Ko na ang pag-ibig ng Diyos ay masusukat sapagkat hindi hungkag ang Kanyang pag-ibig, at hindi rin ito isang alamat. Sa halip, isang bagay ito na pinaghahati-hatian ng lahat ng bagay sa ilalim ng pamumuno ng Diyos, isang bagay na tinatamasa ng lahat ng nilalang sa magkakaibang antas at mula sa iba’t ibang pananaw. Bagaman hindi ito nakikita o nahahawakan ng mga tao, ang dinadala ng pag-ibig na ito ang panustos at buhay sa lahat ng bagay habang ito ay ibinubunyag, nang unti-unti, habang sila ay nabubuhay, at nabibilang sila at nagpapatotoo sa pag-ibig ng Diyos na tinatamasa nila sa bawat isang sandali. Sinasabi Ko na ang pag-ibig ng Diyos ay hindi masusukat sapagkat ang hiwaga ng pagtutustos at pangangalaga ng Diyos sa lahat ng bagay ay isang bagay na mahirap para sa mga tao na maarok, kagaya ng mga kaisipan ng Diyos para sa lahat ng bagay, at lalo na yaong para sa sangkatauhan. Ibig sabihin, walang sinuman ang nakaaalam sa dugo at mga luha na ibinuhos ng Lumikha para sa sangkatauhan. Walang sinuman ang makaiintindi, walang sinuman ang makauunawa sa lalim o bigat ng pag-ibig na mayroon ang Lumikha para sa sangkatauhan na nilikha Niya gamit ang Kanyang sariling mga kamay. Ang paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos bilang napakalaki ay upang tulungan ang mga tao na pahalagahan at maunawaan ang laki nito at ang katotohanan ng pag-iral nito. Ito rin ay upang mas malalim na maiintindihan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng salitang “Lumikha,” at nang ang mga tao ay makapagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng katawagang, “paglikha.” Ano ang madalas na inilalarawan ng salitang “napakalawak”? Ito ay karaniwang ginagamit upang ilarawan ang karagatan o ang sansinukob, halimbawa: “ang napakalawak na sansinukob,” o “ang napakalawak na karagatan.” Ang kalawakan at ang tahimik na kalaliman ng sansinukob ay lampas sa pagkaunawa ng tao; isang bagay ito na nakabibihag sa imahinasyon ng tao, isang bagay na lubos nilang hinahangaan. Ang hiwaga at kalaliman nito ay abot-tanaw, ngunit hindi maaabot. Kapag iniisip mo ang karagatan, iniisip mo ang kalaliman nito—mukha itong walang hangganan, at nararamdaman mo ang kahiwagaan at ang napakalaking kapasidad nito na magtaglay ng mga bagay. Ito ang dahilan kung bakit ginamit Ko ang salitang “napakalawak” upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos, upang tulungan ang mga taong madama kung gaano ito kahalaga, na madama ang malalim na kagandahan ng Kanyang pag-ibig, at na ang kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at napakalawak. Ginamit Ko ang salitang ito upang tulungan ang mga tao na madama ang kabanalan ng Kanyang pag-ibig, at ang dignidad at ang pagiging-di-malalabag ng Diyos na naihahayag sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig. Ngayon sa tingin ba ninyo ang “napakalawak” ay isang angkop na salita para sa paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos? Maaabot ba ng pag-ibig ng Diyos ang dalawang salitang ito, “napakalaki” at “napakalawak”? Talagang-talaga! Sa wikang pantao, ang dalawang salita lang na ito ang naaangkop kahit papaano, at medyo malapit sa paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos. Hindi ba ganoon sa palagay ninyo? Kung ipasalarawan Ko sa inyo ang pag-ibig ng Diyos, gagamitin ba ninyo ang dalawang salitang ito? Malamang na hindi ninyo gagamitin, sapagkat ang inyong pagkaunawa at pagpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos ay limitado sa pananaw na may dalawang dimensyon, at hindi pa umaabot sa taas ng may tatlong dimensyong distansya. Kaya kung ipasalarawan Ko sa inyo ang pag-ibig ng Diyos, madarama ninyo na kulang kayo sa mga salita o marahil pa nga ay hindi kayo makapagsalita. Ang dalawang salita na Aking tinalakay sa araw na ito ay maaaring mahirap para sa inyo na maunawaan, o marahil ay hindi lang kayo sumasang-ayon. Ipinapakita lang nito na ang inyong pagpapahalaga at pagkaunawa sa pag-ibig ng Diyos ay mababaw at limitado sa isang makitid na saklaw. Nasabi Ko na noon na ang Diyos ay di-makasarili; natatandaan ninyo ang salitang ito, “di-makasarili.” Maaari bang ang pag-ibig ng Diyos ay mailalarawan lang bilang di-makasarili? Hindi ba ito isang napakakitid na saklaw? Dapat na pagnilayan pa ninyo ang usaping ito, nang magkamit kayo ng isang bagay mula rito.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Mag-iwan ng Tugon