Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 90
Wala sa mga Nilikha at Di-nilikha ang Makakapalit sa Pagkakakilanlan ng Lumikha
Mula nang sinimulan Niya ang paglikha sa lahat ng bagay, nagsimulang mahayag at mabunyag ang kapangyarihan ng Diyos, dahil gumamit ang Diyos ng mga salita para likhain ang lahat ng bagay. Kahit sa ano pa mang paraan Niya nilikha ang mga iyon, ano man ang dahilan kung bakit Niya nilikha ang mga iyon, ang lahat ng bagay ay nalikha at nanindigan at umiral dahil sa mga salita ng Diyos; ito ang natatanging awtoridad ng Lumikha. Noong panahon bago lumitaw ang sangkatauhan sa mundo, ginamit ng Lumikha ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad para likhain ang lahat ng bagay para sa sangkatauhan, at ginamit ang Kanyang mga natatanging pamamaraan para ihanda ang angkop na kapaligiran para sa pamumuhay ng sangkatauhan. Lahat ng Kanyang ginawa ay paghahanda para sa sangkatauhan, na hindi maglalaon ay tatanggap ng Kanyang hininga. Ibig sabihin, noong panahon bago nilikha ang sangkatauhan, naipakita ang awtoridad ng Diyos sa lahat ng nilalang na iba sa sangkatauhan, sa mga bagay na kasing laki ng kalangitan, ng mga tanglaw, ng mga karagatan, at ng kalupaan, at doon sa maliliit na hayop at mga ibon, gayon din sa lahat ng uri ng mga insekto at mikroorganismo, kasama na ang mga iba’t ibang mikrobyo na hindi nakikita ng mata. Binigyan ng buhay ang bawat isa sa pamamagitan ng mga salita ng Lumikha, lumaganap ang bawat isa dahil sa mga salita ng Lumikha, at namuhay ang bawat isa sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha dahil sa Kanyang mga salita. Kahit na hindi nila natanggap ang hininga ng Lumikha, ipinakita pa rin nila ang buhay at kasiglahan na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha sa pamamagitan ng kanilang mga iba’t ibang anyo at mga kayarian; kahit na hindi sila nakatanggap ng abilidad na makapagsalita na ibinigay sa sangkatauhan ng Lumikha, nakatanggap ang bawat isa ng paraan ng paghahayag ng kanilang buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha, at naiiba sa wika ng tao. Ang awtoridad ng Lumikha ay hindi lamang nagbibigay ng kasiglahan ng buhay sa mga animo ay di-gumagalaw na mga materyal na bagay, para hindi sila kailanman maglaho, kundi nagbibigay rin ng likas na kaisipan sa bawat nabubuhay na manganak at magparami, para hindi sila maglalaho kailanman, at para, sa mga susunod na henerasyon, ipapasa nila ang ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha na mga batas at mga prinsipyo ng pananatiling buhay. Ang paraan kung paano ginagamit ng Lumikha ang Kanyang awtoridad ay hindi mahigpit na nakakapit sa malawak o malalim na pananaw, at hindi limitado sa anumang anyo; kaya Niyang pamahalaan ang pagtakbo ng sansinukob at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa buhay at kamatayan ng lahat ng bagay, at, higit pa rito, kaya Niyang patakbuhin ang lahat ng bagay para sila ay magsilbi sa Kanya; kaya Niyang pamahalaan ang lahat ng ginagawa ng mga kabundukan, ilog, at lawa, at pagharian ang lahat ng bagay na nakapaloob sa kanila, at, higit pa rito, ay kaya Niyang ibigay kung ano ang kailangan ng lahat ng bagay. Ito ang pagpapamalas ng natatanging awtoridad ng Lumikha sa lahat ng bagay bukod sa sangkatauhan. Ang naturang pagpapamalas ay hindi lamang panghabambuhay; ito ay hindi kailanman hihinto, o magpapahinga, at hindi ito mababago o masisira ng sinumang tao o bagay, ni madaragdagan o mababawasan ng sinumang tao o bagay—dahil walang makakapalit sa pagkakakilanlan ng Lumikha, at, samakatuwid, hindi mapapalitan ng anumang nilikha ang awtoridad ng Lumikha; hindi ito naaabot ng anumang di-nilikha. Halimbawa, ang mga mensahero at mga anghel ng Diyos. Hindi nila taglay ang kapangyarihan ng Diyos, mas lalong hindi nila taglay ang awtoridad ng Lumikha, at ang dahilan kung bakit hindi nila taglay ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay dahil hindi nila taglay ang diwa ng Lumikha. Ang mga di-nilikha, tulad ng mga mensahero at mga anghel ng Diyos, kahit na magagawa nila ang ilang bagay sa ngalan ng Diyos, hindi nila maaaring katawanin ang Diyos. Kahit na may ilang kapangyarihan sila na wala ang tao, hindi nila taglay ang awtoridad ng Diyos, hindi nila taglay ang awtoridad ng Diyos na likhain ang lahat ng bagay, na utusan ang lahat ng bagay, at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kaya hindi mapapalitan ng anumang di-nilikha ang pagiging natatangi ng Diyos, at, tulad nito, hindi mapapalitan ng anumang di-nilikha ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Sa Bibliya, may nabasa ka bang sinumang mensahero ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay? Bakit hindi inutusan ng Diyos ang sinuman sa Kanyang mga mensahero o mga anghel na likhain ang lahat ng bagay? Ito ay dahil hindi nila taglay ang awtoridad ng Diyos, at kaya wala silang abilidad na gamitin ang awtoridad ng Diyos. Tulad ng lahat ng nilalang, nasa ilalim silang lahat ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at nasa ilalim ng awtoridad ng Lumikha, at kaya sa parehong paraan, ang Lumikha rin ang kanilang Diyos at Pinakamataas na Pinuno. Sa bawat isa sa kanila—kung sila man ay marangal o hamak, may malaki o maliit na kapangyarihan—wala ni isa ang makakahigit sa awtoridad ng Lumikha, at kaya sa kanilang lahat, wala ni isa ang makakapalit sa pagkakakilanlan ng Lumikha. Kailanman ay hindi sila matatawag na Diyos, at kailanman ay hindi nila makakayang maging ang Lumikha. Ang mga ito ay di-nababagong mga katotohanan at realidad!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I