Menu

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 99 Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 99
00:00/ 00:00

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 99

00:00
00:00

Tanging ang Diyos, na May Pagkakakilanlan ng Lumikha, ang Nagtataglay ng Natatanging Awtoridad

Ang espesyal na pagkakakilanlan ni Satanas ay nagsanhi na sa maraming tao na magpakita ng matinding interes sa mga pagpapamalas nito sa iba’t ibang aspeto. Marami pa ngang mga hangal na tao ang naniniwala na, tulad ng Diyos, nagtataglay rin si Satanas ng awtoridad, dahil may kakayahan si Satanas na magpakita ng mga himala, at may kakayahang gumawa ng mga bagay na imposible sa sangkatauhan. At kaya, bukod sa pagsamba sa Diyos, naglalaan din ang sangkatauhan ng lugar sa kanyang puso para kay Satanas, at sinasamba pa si Satanas bilang Diyos. Parehong kaawa-awa at kasuklam-suklam ang mga taong ito. Kaawa-awa sila dahil sa kanilang kamangmangan, at kasuklam-suklam dahil sa kanilang maling pananampalataya at likas na masamang diwa. Sa puntong ito, pakiramdam Ko ay kailangang ipaalam sa inyo kung ano ang awtoridad, ano ang isinasagisag nito, at kung ano ang kinakatawan nito. Sa pangkalahatang pananalita, ang Diyos Mismo ay awtoridad, isinasagisag ng Kanyang awtoridad ang kataas-taasang kapangyarihan at diwa ng Diyos, at ang awtoridad ng Diyos Mismo ay kumakatawan sa katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos. Yamang ito ang sitwasyon, nangangahas ba si Satanas na sabihin na ito mismo ay Diyos? Nangangahas ba si Satanas na sabihin na ito ang lumikha ng lahat ng bagay, at humahawak ng kataas-taasang kapangyarihang maghari sa lahat ng bagay? Siyempre hindi! Dahil wala itong kakayahan na likhain ang lahat ng bagay; hanggang ngayon, hindi kailanman ito nakagawa ng anumang bagay na nilikha ng Diyos, at hindi kailanman nakalikha ng anumang bagay na may buhay. Dahil wala itong awtoridad ng Diyos, hindi ito kailanman maaaring magtaglay ng katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos, at ito ay nalalaman sa pamamagitan ng diwa nito. Mayroon ba itong kaparehong kapangyarihan tulad ng sa Diyos? Siyempre wala! Ano ang tawag natin sa mga kilos ni Satanas, at sa mga himalang ipinakikita ni Satanas? Kapangyarihan ba ito? Maaari ba itong matawag na awtoridad? Siyempre hindi! Pinamamahalaan ni Satanas ang agos ng kasamaan, at sinisira, pinipinsala, at ginagambala ang bawat aspeto ng gawain ng Diyos. Sa nakaraang ilang libong taon, bukod sa pagtiwali at pang-aabuso sa sangkatauhan, at pang-aakit at panlilinlang sa tao sa kasamaan, at sa pagtanggi sa Diyos para maglakad ang tao patungo sa lambak ng anino ng kamatayan, nakagawa na ba ng anumang bagay si Satanas na karapat-dapat sa kahit katiting na pag-alala, papuri, o pagtatangi ng tao? Kung nagtaglay ng awtoridad at kapangyarihan si Satanas, magagawang tiwali kaya nito ang sangkatauhan? Kung nagtaglay ng awtoridad at kapangyarihan si Satanas, mapipinsala kaya nito ang sangkatauhan? Kung nagtaglay ng kapangyarihan at awtoridad si Satanas, matatalikuran kaya ng sangkatauhan ang Diyos at mapapaharap na sa kamatayan? Yamang walang awtoridad at kapangyarihan si Satanas, ano ang maaari nating pagtibayin tungkol sa diwa ng lahat ng ginagawa nito? Mayroong mga nagpapakahulugan sa lahat ng ginagawa ni Satanas bilang panlilinlang lamang, ngunit naniniwala Ako na hindi masyadong naaangkop ang gayong pakahulugan. Ang masasama ba nitong gawa ng katiwalian sa sangkatauhan ay panlilinlang lamang? Ang masamang kapangyarihan na ginamit ni Satanas para abusuhin si Job, at ang mabagsik na pagnanasa nito na abusuhin at lamunin siya, ay hindi makakamit ng panlilinlang lamang. Sa pagbabalik-tanaw, sa isang iglap, ang mga kawan at mga bakahan ni Job, na nakakalat nang malayo at malawak sa buong kaburulan at kabundukan, ay nawala; sa isang iglap, nawala ang malaking kayamanan ni Job. Kaya ba iyong makamit ng panlilinlang lamang? Ang kalikasan ng lahat ng ginagawa ni Satanas ay tumutugon at akma sa mga negatibong termino gaya ng para maminsala, para manggambala, para manira, para manakit, kasamaan, paghahangad ng masama, at kadiliman, at kaya ang pangyayari ng lahat ng hindi matuwid at masama ay mahigpit na nakadikit sa mga gawa ni Satanas, at hindi maihihiwalay sa masamang diwa ni Satanas. Kahit gaano pa “kalakas” si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang sumunod sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, at gumawa para sa sangkatauhan, at pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang hangarin ng kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at ang salungatin ang Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Mag-iwan ng Tugon