Menu

Ang Diyos ay Nagkatawang Tao Bible Verse

Basahin ang mga talatang ito upang malaman ang mga hiwaga ng Ang Diyos ay Nagkatawang Tao, tulad ng kung ano ang pagkakatawang-tao, kung ano ang kakanyahan ng pagkakatawang-tao, at kung paano maunawaan na si Cristo ang katotohanan, daan, at buhay. Sa gayon, makakahanap ka ng paraan upang makamit ang katotohanan, makawala sa kasalanan, at makapasok sa makalangit na kaharian at makamit ang buhay na walang-hanggan.

Diyos ay Nagkatawang Tao Bible Verse

Quick Navigation
1. Ano ang Ang Diyos ay Nagkatawang Tao?
2. Paano natin uunawain ang nagkatawang tao na si Kristo ay ang Diyos mismo?
3. Paano natin uunawain si Kristo ang katotohanan, daan, at buhay?
4. Ano ang katangian ng problema ng tao na hindi kinikilala ang mga katotohanan na ipinahayag ni Kristo? Ano ang mga kahihinatnan ng tao na hindi tinatrato si Kristo bilang Diyos?

Ano ang Ang Diyos ay nagkatawang tao?

Juan 1:1

Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.

1 Timoteo 3:16

At walang pagtatalo, dakila ang hiwaga ng kabanalan; Yaong nahayag sa laman, Pinapaging-banal sa espiritu, Nakita ng mga anghel, Ipinangaral sa mga bansa, Sinampalatayanan sa sanglibutan, Tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.

Juan 1:14

At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.

Juan 10:30

Ako at ang Ama ay iisa.

Nauugnay na mga Salita ng Diyos

Kaya, para magkatawang-tao ang Diyos, kailangan muna Siyang magkaroon ng katawan, katawang-tao na may normal na pagkatao; ito ang pinakaunang dapat munang mangyari. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, ang Diyos sa Kanyang tunay na diwa ay nagkakaroon ng katawan, nagiging isang tao.

Hinango mula sa “Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos”

Ito ay patunay na ang Espiritu ng Diyos ay ganap na naging totoo sa katawang-tao, na sa kapanahunan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ang Kanyang katawang-tao ay gagawa ng lahat ng gawain ng Espiritu. Ang Cristo na may normal na katauhan ay isang katawan kung saan ang Espiritu ay naging totoo, nagtataglay ng normal na katauhan, normal na diwa, at pag-iisip ng tao. Ang ibig sabihin ng “maging totoo” ay nagiging tao ang Diyos, ang Espiritu ay nagiging katawang-tao; upang palinawin ito, ito’y kapag ang Diyos Mismo ay nananahan sa isang katawang may normal na katauhan, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang banal na gawain—ito ang ibig sabihin ng maging totoo, o magkatawang-tao.

Hinango mula sa “Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos”

Paano natin uunawain ang nagkatawang tao na si Kristo ay ang Diyos mismo?

Juan 14:6-7

Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya'y inyong mangakikilala, at siya'y inyong nakita.

Juan 14:8-11

Sinabi sa kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako'y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama?Hindi ka baga nananampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.Magsisampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya'y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin.

Juan 10:30

Ako at ang Ama ay iisa.

Nauugnay na mga Salita ng Diyos

Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging isang katawang-tao, iyon ay, ang Diyos ay nagiging tao; ang gawain na ginagawa Niya sa katawang-tao ay ang gawain ng Espiritu, na naging tunay sa katawang-tao, ipinahayag sa pamamagitan ng katawang-tao. Walang sinuman maliban sa katawang-tao ng Diyos ang maaaring tumupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos; iyon ay, ang nagkatawang-taong Diyos lamang, itong karaniwang katauhan—at walang sinumang iba pa—ang makakapagpahayag ng maka-Diyos na gawain.

Hinango mula sa “Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos”

Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at ang Cristo na kayang magbigay ng katotohanan sa tao ay tinatawag na Diyos. Walang kalabisan tungkol dito, sapagka’t Siya ay may taglay ng diwa ng Diyos, at may taglay ng disposisyon ng Diyos, at may karunungan sa Kanyang gawain, na hindi kayang abutin ng tao. Sila na itinuturing ang sarili nila bilang Cristo, nguni’t hindi kayang gawin ang gawain ng Diyos ay mga manlilinlang. Ang Cristo ay hindi lang ang pagpapakita ng Diyos sa lupa, kundi ang partikular na katawang-tao ring tinaglay ng Diyos habang ginagawa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain sa tao. Ang katawang-taong ito ay hindi kayang palitan ng kahit na sinong tao lang, kundi ng isang taong sapat na makakayanan ang gawain ng Diyos sa lupa, at makapagpapahayag ng disposisyon ng Diyos, at maaaring katawanin nang husto ang Diyos, at makapagbibigay ng buhay sa tao.

Hinango mula sa “Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Mayroon pa rin yaong mga nagsasabi, “Hindi ba malinaw na sinabi ng Diyos na si Jesus ay ang Kanyang sinisintang Anak?” Si Jesus ang sinisintang Anak ng Diyos, na lubos Niyang kinalulugdan—tiyak na sinabi ito ng Diyos Mismo. Iyon ang Diyos na nagpapatotoo sa Sarili Niya mismo, nguni’t mula lamang sa ibang pananaw, yaong sa Espiritu sa langit na sumasaksi sa Kanyang sariling pagkakatawang-tao. Si Jesus ay ang Kanyang pagkakatawang-tao, hindi ang Kanyang Anak sa langit. Naiintindihan mo ba? Hindi ba ang mga salita ni Jesus na, “Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin,” ay nagpapahiwatig na Sila ay isang Espiritu? At hindi ba dahil sa pagkakatawang-tao kaya Sila ay nagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa? Sa katotohanan, Sila ay iisa pa rin; kahit ano pa, ito ay ang Diyos lamang na sumasaksi sa Sarili Niya.……Nanalangin si Jesus mula sa pananaw ng katawang-tao. Yamang nagbihis Siya ng isang katawang-tao ng gayong normal na pagkatao, ito ay mula sa pananaw ng katawang-tao na Kanyang sinabi: “Ang aking balat ay yaong sa nilikhang tao. Yamang Ako ay nagbihis ng katawang-tao upang makarating dito sa lupa, Ako ngayon ay malayo, malayung-malayo mula sa langit.” Sa kadahilanang ito, makakapanalangin lamang Siya sa Diyos Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ang Kanyang tungkulin, at ito ang dapat maipagkaloob sa nagkatawang-taong Espiritu ng Diyos. Hindi masasabi na hindi Siya Diyos dahil lamang sa nananalangin Siya sa Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Bagama’t tinatawag Siya na sinisintang Anak ng Diyos, Siya pa rin ay Diyos Mismo, sapagka’t Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu, at ang Kanyang sangkap ay ang Espiritu pa rin.

Hinango mula sa “Umiiral ba ang Trinidad?”

Rekomendasyon:

Paano natin uunawain si Kristo ang katotohanan, daan, at buhay?

Juan 1:1-2

Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.Ito rin nang pasimula'y sumasa Dios.

Juan 6:63

Ang espiritu nga ang bumubuhay; sa laman ay walang anomang pinakikinabang: ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay.

Juan 5:39-40

Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito'y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin. At ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo'y magkaroon ng buhay.

Juan 14:6

Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.

Juan 4:14

Datapuwa't ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni't ang tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.

Nauugnay na mga Salita ng Diyos

Ang katotohanan ay nagmumula sa mundo ng tao, ngunit ang katotohanang nasa tao ay ipinamamana ni Cristo. Ito ay nagmumula kay Cristo, ibig sabihin, mula sa Diyos Mismo, at hindi ito isang bagay na kaya ng tao.

Hinango mula sa “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao”

Ang Aking mga salita ay ang di-nagbabagong katotohanan magpakailanman. Ako ang panustos ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan. Ang kahalagahan at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi pinagpapasyahan kung ang mga ito man ay kinikilala at tinatanggap ng sangkatauhan, nguni’t sa pamamagitan ng diwa ng mga salita mismo. Kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang maaaring makatanggap ng Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong nito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatuwid, kapag nahaharap sa maraming tao na nagrerebelde, tumatanggi, o lubos na nilalait ang Aking mga salita, ang Aking paninindigan ay ito lamang: Hayaang Aking maging saksi ang panahon at mga katunayan at ipakita na ang Aking mga salita ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang ipakita ng mga ito na lahat ng Aking nasabi ay tama, at iyon ang dapat ipagkaloob sa tao, at, higit pa rito, ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tanggapin nang lubos ang Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahahanap ng layunin sa Aking mga salita at ang mga hindi kayang tanggapin ang kaligtasan dahil sa Aking mga salita, ay ang mga taong nahusgahan ng Aking mga salita at, bukod dito, nawalan ng Aking pagliligtas, at hindi kailanman nalilihis ang Aking pamalo sa kanila.

Hinango mula sa “Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa”

Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring taglayin ng kahit na sino lang, ni hindi rin ito madaling makamtan ng lahat. Iyon ay dahil maaari lang magmula sa Diyos ang buhay, na ibig sabihin, ang Diyos Mismo lang ang may taglay ng sangkap ng buhay, walang ibang daan ng buhay kung wala ang Diyos Mismo, sa gayon ang Diyos lang ang pinanggagalingan ng buhay, at ang walang hanggang umaagos na bukal ng tubig na nagbibigay-buhay. Simula nang Kanyang likhain ang mundo, marami ang nagawa na ng Diyos ukol sa kasiglahan ng buhay, marami na ang nagawa na nagbibigay ng buhay sa tao, at nagbayad na ng napakalaking halaga upang maaaring makamtan ng tao ang buhay, sapagka’t ang Diyos Mismo ang buhay na walang hanggan, at ang Diyos Mismo ang daan kung saan ang tao ay nabubuhay na mag-uli. Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan na kasama ng tao sa lahat ng panahon. Siya na ang puwersang nagpapatakbo sa buhay ng tao, ang batayan ng pag-iral ng tao, at isang mayamang lagak para sa pag-iral ng tao matapos ang kapanganakan. Siya ang nagsasanhi upang ang tao ay maipanganak na muli, at tinutulungan siyang mabuhay nang may tapang sa kanyang bawat papel na ginagampanan. Salamat sa Kanyang kapangyarihan, at Kanyang di-mapapatay na puwersa ng buhay, nabuhay na ang tao sa salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi, sa buong panahon kung saan ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay naging pangunahing sandigan sa pag-iral ng tao, kung saan nagbayad na ang Diyos sa halagang walang karaniwang tao ang kailanman ay nakapagbayad. Ang puwersa ng buhay ng Diyos ay kayang manaig sa anumang kapangyarihan; bukod dito, nahihigitan nito ang alinmang kapangyarihan. Ang Kanyang buhay ay walang hanggan, ang Kanyang kapangyarihan ay pambihira, at ang puwersa ng Kanyang buhay ay hindi madaling madaig ng kahit na anong nilikhang nilalang o puwersa ng kaaway. Ang puwersa ng buhay ng Diyos ay umiiral, at nagniningning ang makinang na liwanag nito, kahit na saang panahon o dako. Ang buhay ng Diyos ay nananatiling di-nagbabago magpakailanman sa buong panahon ng mga kaguluhan sa langit at lupa. Lahat ng bagay ay lumilipas, nguni’t ang buhay ng Diyos ay nananatili pa rin, sapagka’t ang Diyos ay ang pinagmulan ng pag-iral ng lahat ng bagay, at ang ugat ng kanilang pag-iral. Ang buhay ng tao ay nanggagaling sa Diyos, ang pag-iral ng kalangitan ay dahil sa Diyos, at ang pag-iral ng mundo ay nagmumula sa kapangyarihan ng buhay ng Diyos. Walang bagay na nagtaglay ng kasiglahan ang kayang malampasan ang pagiging-kataas-taasan ng Diyos, at walang bagay na may lakas ang kayang humiwalay sa nasasakupan ng awtoridad ng Diyos.

Hinango mula sa “Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan”

Ano ang katangian ng problema ng tao na hindi kinikilala ang mga katotohanan na ipinahayag ni Kristo? Ano ang mga kahihinatnan ng tao na hindi tinatrato si Kristo bilang Diyos?

Juan 8:44-47

Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito. Nguni't dahil sa sinasabi ko ang katotohanan, ay hindi ninyo ako sinasampalatayanan.Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi ninyo ako sinasampalatayanan?Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios.

1 Juan 4 :2-3

Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa't espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios:At ang bawa't espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Dios: at ito ang sa anticristo, na inyong narinig na darating; at ngayo'y nasa sanglibutan na.

2 Juan 1:7

Sapagka't maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo.

Nauugnay na mga Salita ng Diyos

Sinumang hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao—iyon ay, ang sinumang hindi naniniwala sa gawain at salita ng nakikitang Diyos at hindi naniniwala sa nakikitang Diyos nguni’t sa halip ay sumasamba sa di-nakikitang Diyos sa langit—ay walang Diyos sa kanyang puso. Sila ang mga taong masuwayin sa at nilalabanan ang Diyos. Ang mga taong ito ay may kakulangan sa pagkatao at katwiran, bukod pa sa katotohanan. Para sa mga taong ito, ang nakikita at nahahawakang Diyos ay lalong hindi maaaring paniwalaan, nguni’t ang hindi nakikita at hindi nahahawakang Diyos ay ang pinakakapani-paniwala at ang pinakanakatutuwa rin sa kanilang mga puso. Ang kanilang hinahanap ay hindi ang katotohanan ng realidad, ni hindi rin ito ang tunay na kakanyahan ng buhay, higit na hindi ang mga intensyon ng Diyos; sa halip, itinataguyod nila ang katuwaan. Alinmang mga bagay ang pinaka-may-kakayahang nagpapahintulot na kanilang makamit ang kanilang sariling mga pagnanasa ay, walang duda, ang kanilang mga paniniwala at paghahangad. Sila lang ay naniniwala sa Diyos upang masiyahan ang kanilang sariling mga pagnanasa, hindi upang hanapin ang katotohanan.

Hinango mula sa “Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Kapahingahan”

Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga kayang tumanggap ng katotohanan, nguni’t para sa mga hindi kayang tumanggap ng katotohanan, ito’y tanda ng paghuhusga. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at itakwil ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging isang mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang tapos; bukod pa rito, huwag maging mapagwalang-bahala at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat man lamang ninyong malaman na yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig na sa katotohanan subali’t minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig na sa katotohanan subali’t walang-ingat na nagsasalita nang tapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang kapwa. Kayong lahat ay dapat maging isang taong makatwiran at tumatanggap sa katotohanan.

Hinango mula sa “Sa Sandaling Mamasdan Mo ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa”

Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ay ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, sa gayon, hindi mo kailanman makukuha ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagka’t ikaw ay kapwa sunud-sunuran at bilanggo ng kasaysayan. Silang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at nakagapos sa kasaysayan ay hindi kailanman makakamtan ang buhay, at hindi kailanman makakamtan ang walang hanggang daan ng buhay. Iyan ay dahil ang mayroon lang sila ay malabong tubig kung saan kumapit nang libu-libong taon, sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa luklukan. Silang mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay magpakailanman, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno. Kung gayon, paano nila makikita ang Diyos? Kung sinusubukan mo lang na panghawakan ang nakaraan, sinusubukan lang na panatilihin ang mga bagay na walang pagbabago, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan at itapon ang kasaysayan, sa gayon hindi ka ba magiging laging salungat sa Diyos? Ang mga hakbang sa gawain ng Diyos ay malawak at makapangyarihan, tulad ng rumaragasang mga alon ng dagat at dumadagundong na mga kulog—nguni’t nakaupo at walang imik kang naghihintay ng pagkawasak, nananatili sa iyong kahangalan at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang tao na sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mapatutunayan na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa iyong nanilaw na mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka papatnubayan ng mga ito sa iyong paghahanap ng mga hakbang sa gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa iyong mga kamay ay ang mga titik na magbibigay ng panandaliang ginhawa lang, hindi ang mga katotohanan na kayang magbigay ng buhay. Ang mga kasulatan na iyong nababasa ay ang mga makakapagpayaman lang ng iyong dila, hindi mga salita ng karunungan na makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi ang mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Ang pagkakaiba bang ito ay hindi nagdudulot sa iyo ng pagbubulay-bulay? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwaga na sumasaloob dito? May kakayahan ka ba na dalhin ang iyong sarili sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung hindi dumating ang Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasayahan ng pamilyang kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, sa gayon, na ihinto mo ang pananaginip, at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon, at kung sino ang tumutupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamtan ang katotohanan, at hindi kailanman makakamtan ang buhay.

Silang mga nagnanais na makamtan ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanan na sinambit ni Cristo ay ang mga pinakahibang na tao sa mundo, at silang mga hindi tumatanggap ng daan ng buhay na inihatid ni Cristo ay mga ligaw sa guni-guni. At sa gayon sinasabi Ko na ang mga tao na hindi tumatanggap sa Cristo ng mga huling araw ay magpakailanmang kamumuhian ng Diyos. Si Cristo ay ang daanan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, na walang sinuman ang makakalampas. Walang sinuman ang maaaring gawing perpekto ng Diyos kundi sa pamamagitan ni Cristo lang. Naniniwala ka sa Diyos, at sa gayon dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at sumunod sa Kanyang paraan. Hindi mo dapat isipin lang ang pagtanggap ng mga pagpapala nang hindi tumatanggap ng katotohanan, o tinatanggap ang tustos ng buhay. Dumarating si Cristo sa mga huling araw upang lahat ng tunay na naniniwala sa Kanya ay maaaring mabigyan ng buhay. Ang Kanyang gawain ay para sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at ang pagpasok sa isang bago, at ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kapag wala kang kakayahang kilalanin Siya, at bagkus ay isinusumpa, nilalapastangan, o inuusig pa Siya, kung gayon nakatakda kang masunog magpakailanman, at hindi kailanman makakapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ay ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan na ng Diyos na gumawa sa Kanyang gawain sa lupa. At sa gayon ay sinasabi Ko na kung hindi mo matatanggap ang lahat ng ginagawa ng Cristo ng mga huling araw, kung gayon lumalapastangan ka sa Banal na Espiritu. Ang ganti na dapat pagdusahan ng mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu ay maliwanag sa lahat. Sinasabi Ko rin sa iyo na kapag lumaban ka sa Cristo ng mga huling araw, at ipagkaila Siya, walang sinuman kung gayon ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan para sa iyo. Bukod pa rito, simula sa araw na ito hindi ka magkakaroon ng isa pang pagkakataon upang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukin mo pang tubusin ang iyong sarili, hindi mo kailanman muling makikita ang mukha ng Diyos. Sapagka’t ang iyong kinakalaban ay hindi isang tao, ang iyong itinatakwil ay hindi isang mahinang nilalang, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang iyong ginawa, kundi isang karumal-dumal na krimen. At sa gayon, ipinapayo Ko sa lahat na huwag ilabas ang inyong mga pangil laban sa katotohanan, o gumawa ng bulagsak na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala kundi ang katotohanan ang makapagpapahintulot na maipanganak kang muli at makita ang mukha ng Diyos.

Hinango mula sa “Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan”

Tala ng Patnugot:

Matapos basahin ang nilalaman sa itaas, kung mayroon kang bagong pag-unawa, mangyaring mag-iwan sa amin ng komento sa ibaba upang maibahagi kung ano ang iyong natamo sa amin. At kung mayroon kang anumang mga katanungan tungkol sa katotohanan ng pagkakatawang-tao, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa amin online. Natutuwa kaming i-fellowship at ibahagi ang mga salita ng Diyos sa iyo na uhaw sa katotohanan. Naniniwala kami na maaaring malutas ng mga salita ng Diyos ang lahat ng ating mga pagkalito at problema.

Mag-iwan ng Tugon