Nilayon ng Diyos na Sirain ang Mundo Gamit ang Isang Baha at Sinabihan si Noe na Gumawa ng Isang Arka
Genesis 6:9–14 Ito ang mga lahi ni Noe: Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya, at si Noe ay lumakad na kasama ng Diyos. At nagkaanak si Noe ng tatlong lalaki, si Sem, si Cham, at si Japhet. Ang lupa ay tiwali rin sa harap ng Diyos, at ang lupa ay napuno ng karahasan. At tiningnan ng Diyos ang lupa, at, narito, ito ay tiwali; sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa. At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa. Gumawa ka ng isang arkang kahoy na gofer; gagawa ka ng mga silid sa arka, at iyong sisiksikan sa loob at sa labas ng sahing.”
Genesis 6:18–22 Datapuwat pagtitibayin Ko ang Aking tipan sa iyo; at ikaw ay lululan sa arka, ikaw, at ang iyong mga anak na lalaki, at ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo. At sa bawat nangabubuhay, sa lahat ng laman ay maglululan ka sa loob ng sasakyan ng dalawa sa bawat uri upang maingatan silang buhay, na kasama mo; lalaki at babae ang kinakailangan. Sa mga ibon ayon sa kani-kanilang uri, at sa mga hayop ayon sa kani-kanilang uri, sa bawat nagsisigapang na bagay sa lupa ayon sa kani-kanilang uri, dalawa sa bawat uri ay isasama mo sa iyo, upang maingatan ang mga itong buhay. At magbaon ka ng lahat na pagkain na kinakain, at imbakin mo sa iyo; at magiging pagkain mo at nila. Gayon ginawa ni Noe; ayon sa lahat na iniutos sa kanya ng Diyos, ay gayon ang ginawa niya.
May pangkalahatang pagkaunawa na ba kayo kung sino si Noe matapos ninyong mabasa ang dalawang talatang ito? Anong uri ng tao si Noe? Ang orihinal na teksto ay: “Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya.” Ayon sa pagkaunawa ng mga modernong tao, anong uri ng tao ang isang “matuwid na tao” noong panahong iyon? Ang isang matuwid na tao ay dapat na isang perpektong tao. Alam ba ninyo kung ang perpektong taong ito ay perpekto sa mata ng tao, o perpekto sa mata ng Diyos? Walang duda, ang perpektong taong ito ay perpekto sa mata ng Diyos, ngunit hindi sa mga mata ng tao. Sigurado iyan! Ito ay dahil bulag ang tao at hindi makakita, at tanging ang Diyos ang tumitingin sa buong mundo at sa bawat isang tao, at tanging ang Diyos ang nakaaalam na si Noe ay perpektong tao. Kaya ang balak ng Diyos na sirain ang mundo gamit ang isang baha ay nagsimula sa sandaling tinawag Niya si Noe.
Sa panahong iyon, nilayon ng Diyos na tawagin si Noe upang gawin ang isang napakahalagang bagay. Bakit pa Niya kailangang gawin iyon? Dahil may balak ang Diyos sa Kanyang puso sa sandaling iyon. Ang balak Niya ay sirain ang mundo gamit ang isang baha. Bakit Niya sisirain ang mundo? Gaya ng sabi rito: “Ang lupa ay tiwali rin sa harap ng Diyos, at ang lupa ay napuno ng karahasan.” Ano ang napupulot ninyo mula sa pariralang “ang lupa ay napuno ng karahasan”? Ito ay isang di-pangkaraniwang bagay sa lupa nang ang mundo at ang mga tao nito ay tiwali hanggang kasukdulan, kaya, “ang lupa ay napuno ng karahasan.” Sa kasalukuyang wika, ang ibig sabihin ng “napuno ng karahasan” ay nasa kaguluhan ang lahat ng bagay. Para sa tao, ang ibig sabihin nito ay nawalan ng kaayusan ang lahat ng aspeto sa buhay, at ang lahat ng bagay ay naging magulo at mahirap pamahalaan. Sa mata ng Diyos, ang ibig sabihin ay masyadong naging tiwali ang mga tao sa mundo. Pero gaano katiwali? Tiwali hanggang sa antas na hindi na matiis ng Diyos na makita pa at hindi na mapagpasensyahan pa sila. Tiwali hanggang sa antas na nilayon na ng Diyos na wasakin sila. Noong nagpasya ang Diyos na sirain ang mundo, nagplano Siyang maghanap ng taong gagawa ng isang arka. Pinili ng Diyos si Noe na gawin ang bagay na ito; na ang ibig sabihin ay pinagawa Niya si Noe ng arka. Bakit Niya pinili si Noe? Sa mata ng Diyos, si Noe ay isang matuwid na tao; kahit anong ipagawa ng Diyos sa kanya ay ginagawa ito ni Noe. Ang ibig sabihin ay handa si Noe na gawin ang anumang sabihin ng Diyos na gawin niya. Nais ng Diyos na makakita ng isang katulad nito upang makatrabaho Niya, upang tapusin ang Kanyang ipinagkatiwala—na tapusin ang Kanyang gawain sa lupa. Noong panahong iyon, may iba pa bang tao bukod kay Noe na makatatapos ng ganoong gawain? Tiyak na wala! Si Noe lang ang tanging kandidato, ang nag-iisang taong maaaring tumapos sa ipinagkatiwala ng Diyos, kaya pinili siya ng Diyos. Ngunit ang mga limitasyon at pamantayan ba ng Diyos sa pagliligtas ng mga tao noon ay katulad rin ng sa ngayon? Ang sagot ay walang pasubaling may pagkakaiba! At bakit Ko ito itinatanong? Si Noe lamang ang tanging matuwid na tao sa mata ng Diyos noong panahong iyon, na ang ibig sabihin ay hindi matuwid ang kanyang asawa at mga anak at mga manugang na babae, ngunit iniligtas pa rin ng Diyos ang mga taong ito dahil kay Noe. Hindi humingi ang Diyos sa kanila ng tulad ng paghingi Niya sa mga tao ngayon, at sa halip ay pinanatiling buhay ang lahat ng walong miyembro ng pamilya ni Noe. Natanggap nila ang pagpapala ng Diyos dahil sa pagkamatuwid ni Noe. Kung wala si Noe, wala sana sa kanila ang nakatapos sa ipinagkatiwala ng Diyos. Samakatuwid, si Noe lamang sana ang taong dapat na nakaligtas mula sa pagkasira ng mundo, at ang iba ay mga nakinabang lamang. Ipinakikita nito na sa panahon bago opisyal na sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawaing pamamahala, ang mga panuntunan at pamantayang ginamit Niya sa mga tao at hiningi mula sa kanila ay medyo maluwag. Para sa mga tao sa kasalukuyan, ang paraan kung paano pinakitunguhan ng Diyos ang pamilya ni Noe na walong katao ay para bang hindi “makatarungan.” Ngunit kung ihahambing sa dami ng ginagawa Niya ngayon sa mga tao at sa dami ng Kanyang salitang ipinahahayag Niya ngayon, ang pagtrato ng Diyos sa pamilya ni Noe na may walong kasapi ay pawang panuntunan lamang ng gawain dahil sa kalagayan sa likod ng Kanyang gawain sa panahong iyon. Kung paghahambingin, mas marami bang natanggap ang pamilya ni Noe na walong katao mula sa Diyos, o ang mga tao sa kasalukuyan?
Ang pagtawag kay Noe ay isang simpleng bagay, ngunit ang pangunahing punto ng ating pinag-uusapan—ang disposisyon ng Diyos, ang Kanyang kalooban, at ang Kanyang diwa sa naitalang ito—ay hindi ganoon kasimple. Upang maunawaan ang ilang aspetong ito ng Diyos, dapat muna nating maunawaan ang uri ng taong nais tawagin ng Diyos, at sa pamamagitan nito, maunawaan ang Kanyang disposisyon, kalooban, at diwa. Napakahalaga nito. Kaya sa mata ng Diyos, ano kayang uri ng tao itong tao na tinatawag Niya? Ang taong ito ay dapat na nakikinig sa Kanyang mga salita at nakasusunod sa Kanyang mga tagubilin. Kasabay nito, dapat ang taong ito ay may pagpapahalaga rin sa pananagutan, isang tao na isasagawa ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagturing dito bilang pananagutan at tungkulin na nakatalagang tuparin nila. Kung ganoon, ang taong ito ba ay kinakailangang nakakakilala sa Diyos? Hindi. Noong panahong iyon, wala pang gaanong narinig si Noe tungkol sa mga turo ng Diyos o naranasan ang kahit ano sa gawain ng Diyos. Samakatuwid, si Noe ay may napakaliit na kaalaman tungkol sa Diyos. Bagama’t nakatala rito na si Noe ay nabuhay nang kasama ang Diyos, nakita ba niya kailanman ang persona ng Diyos? Ang sagot ay tiyak na hindi! Dahil sa mga panahong iyon, ang mga sugo lamang ng Diyos ang pumupunta sa mga tao. Habang maaari nilang katawanin ang Diyos sa pagsasabi at paggawa ng mga bagay, ipinaaabot lamang nila ang kalooban ng Diyos at ang Kanyang mga layunin. Hindi ipinahayag sa tao nang harapan ang persona ng Diyos. Sa bahaging ito ng banal na kasulatan, ang tanging nakikita natin ay kung ano ang kailangang gawin ni Noe at kung ano ang mga tagubilin ng Diyos sa kanya. Kaya ano ang diwang ipinahayag ng Diyos dito? Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay naplano nang may katiyakan. Kapag nakakakita Siya ng isang bagay o sitwasyong nagaganap, sa Kanyang mga mata ay mayroong pamantayang magagamit na panukatan nito, at ang pamantayang ito ang magsasabi kung magsasagawa Siya ng isang plano sa pagharap nito o kung anong pamamaraan ang gagamitin sa pagharap sa bagay at sitwasyong ito. Hindi Siya walang pakialam o walang nararamdaman sa lahat ng bagay. Ang totoo ay lubos na kabaligtaran nito. May bersikulo rito na nagpapahayag ng sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap Ko; sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa.” Nang sinabi ito ng Diyos, ang ibig ba Niyang sabihin ay mga tao lamang ang lilipulin Niya? Hindi! Ang sabi ng Diyos ay lilipulin Niya ang lahat ng nabubuhay na laman. Bakit gusto ng Diyos ang panlilipol? May isa pang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos dito; sa mata ng Diyos, may hangganan ang Kanyang pasensiya sa katiwalian ng tao, sa karumihan, karahasan, at pagsuway ng lahat ng laman. Ano ang Kanyang hangganan? Tulad ng sinabi ng Diyos: “At tiningnan ng Diyos ang lupa, at, narito, ito ay tiwali; sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.” Ano ang ibig sabihin ng pariralang “sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa”? Ito ay nangangahulugan na anumang nabubuhay, kasama na ang mga sumusunod sa Diyos, ang mga tumatawag sa pangalan ng Diyos, ang mga minsan ay naghandog ng mga sinunog na alay sa Diyos, ang mga nagsalita ng pagkilala sa Diyos at nagpuri pa sa Diyos—sa sandaling ang kanilang mga asal ay mapuno ng katiwalian at makaabot sa mga mata ng Diyos, kailangan Niyang lipulin sila. Iyan ang hangganan ng Diyos. Kaya nanatiling gaano kahaba ang pasensya ng Diyos sa tao at sa katiwalian ng lahat ng laman? Hanggang sa lahat ng tao, maging mga sumusunod sa Diyos o hindi mananampalataya, ay hindi lumalakad sa tamang landas. Hanggang sa ang tao ay hindi lang tiwali ang moralidad at puno ng kasamaan, ngunit wala na ring naniniwalang may Diyos, lalo nang wala ang naniniwala na ang mundo ay pinaghaharian ng Diyos at makapagdadala ang Diyos ng liwanag at ng tamang landas. Hanggang sa ang tao ay nasuklam sa pag-iral ng Diyos at hindi pinayagang umiral ang Diyos. Sa sandaling umabot sa puntong ito ang katiwalian ng tao, hindi na ito matagalan ng Diyos. Ano ang papalit rito? Ang pagdating ng poot ng Diyos at kaparusahan ng Diyos. Hindi ba isang bahagi iyon ng pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos? Sa kasalukuyang panahon, mayroon pa bang matuwid na tao sa mata ng Diyos? Mayroon pa bang perpektong tao sa mga mata ng Diyos? Ito ba ay panahon kung saan ang asal ng lahat ng laman sa lupa ay tiwali sa mata ng Diyos? Sa araw at panahong ito—bukod doon sa mga gustong gawing ganap ng Diyos, at sa mga makakasunod sa Diyos at makakatanggap ng Kanyang pagliligtas—hindi ba hinahamon ng lahat ng taong laman ang hangganan ng pasensiya ng Diyos? Hindi ba puno ng karahasan ang lahat ng nangyayari sa tabi ninyo, ang mga nakikita ng mga mata ninyo, at naririnig ng mga tainga ninyo, at personal na nararanasan ninyo sa araw-araw sa mundong ito? Sa mata ng Diyos, hindi ba dapat na wakasan ang ganitong uri ng mundo, ang ganitong uri ng panahon? Bagama’t ang kalagayan sa kasalukuyang panahon ay ibang-iba sa kalagayan noong panahon ni Noe, ang mga damdamin at poot ng Diyos para sa katiwalian ng tao ay lubos na nananatiling ganoon pa rin. Nagagawang maging mapagpasensiya ang Diyos dahil sa Kanyang gawain, ngunit alinsunod sa lahat ng uri ng mga kalagayan at mga kondisyon, sa mata ng Diyos ay matagal na sanang ginunaw ang mundong ito. Ang mga sitwasyon ay malayo at lampas na sa kung ano ang mundo noong ginunaw ito sa pamamagitan ng baha. Ngunit ano ang pagkakaiba? Ito rin ang bagay na pinakanagpapalungkot sa puso ng Diyos, at marahil isang bagay na wala sa inyo ang makapagpapahalaga.
Noong ginugunaw Niya ang mundo sa pamamagitan ng baha, nagawa ng Diyos na tawagin si Noe upang gumawa ng arka at gawin ang ilang paghahandang gawain. Maaaring tawagin ng Diyos ang isang tao—si Noe—upang gawin ang mga serye ng mga bagay na ito para sa Kanya. Ngunit sa kasalukuyang panahon, walang sinuman ang maaaring tawagin ng Diyos. Bakit ganoon? Ang bawat isang tao na nakaupo rito marahil ay ganap na naiintindihan at nalalaman ang dahilan. Kailangan pa ba ninyong isa-isahin Ko ito? Kung sasabihin Ko nang malakas, baka mapahiya kayo at maiinis ang lahat. Baka sabihin ng ilang tao: “Bagama’t hindi tayo mga matuwid na tao at hindi tayo mga perpektong tao sa mata ng Diyos, kapag may ipinagawa sa atin ang Diyos, makakaya pa rin nating gawin ito. Noon, nang sinabi Niyang may parating na malalang sakuna, nagsimula tayong maghanda ng pagkain at mga bagay-bagay na kakailanganin para sa sakuna. Hindi ba lahat ng ito ay ginawa alinsunod sa mga ipinagagawa ng Diyos? Hindi ba talaga tayo nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos? Hindi ba maaaring maihambing itong mga ginawa natin sa ginawa ni Noe? Hindi ba tunay na pagsunod iyong paggawa sa ginawa natin? Hindi ba natin sinusunod iyong mga tagubilin ng Diyos? Hindi ba natin ginawa ang sinabi ng Diyos dahil may pananampalataya tayo sa mga salita ng Diyos? Kung ganoon bakit malungkot pa rin ang Diyos? Bakit sinasabi ng Diyos na wala Siyang matawag?” May pagkakaiba ba ang mga ginawa ninyo at ang ginawa ni Noe? Ano ang pagkakaiba? (Ang paghahanda ng pagkain ngayon para sa sakuna ay sarili nating layunin.) (Ang mga gawa natin ay hindi umaabot sa “pagkamatuwid,” samantalang si Noe ay isang matuwid na tao sa mata ng Diyos.) Ang sinabi ninyo ay hindi gaanong malayo. Malaki ang pagkakaiba ng ginawa ni Noe sa ginagawa ng mga tao ngayon. Noong gumawa si Noe ayon sa tagubilin ng Diyos, hindi niya alam kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi niya alam kung ano ang gustong maisakatuparan ng Diyos. Binigyan lang siya ng Diyos ng kautusan at binilinan siyang gumawa ng isang bagay, at nang walang gaanong paliwanag, tumuloy si Noe at ginawa ito. Hindi niya sinubukang alamin ang mga layunin ng Diyos nang palihim, ni hindi siya lumaban sa Diyos o nagpakita nang kawalang-katapatan. Humayo lamang siya at ginawa ito nang may malinis at simpleng puso. Anuman ang ipinagawa ng Diyos ay ginawa niya, at ang pagsunod at pakikinig sa salita ng Diyos ang nagpalakas ng kanyang paniniwala sa kanyang ginawa. Ganito katapat at kasimple ang pagharap niya sa ipinagkatiwala ng Diyos. Ang kanyang diwa—ang diwa ng kanyang mga paggawa ay pagsunod, hindi pagdadalawang-isip, hindi paglaban, at higit pa rito, hindi pag-iisip ng mga pansarili niyang kapakanan o pakinabang at kawalan. At noon pang sinabi ng Diyos na gugunawin Niya ang mundo sa pamamagitan ng isang baha, hindi tinanong ni Noe kung kailan o kung anong mangyayari sa mga bagay-bagay, at tiyak na hindi niya tinanong ang Diyos kung paano Niya gugunawin ang mundo. Gumawa lang siya ayon sa tagubilin ng Diyos. Sa paano mang paraan nais ng Diyos na gawin ito at kung sa ano gawa ito, ginawa niya mismo ang hiningi ng Diyos at kaagad na sinimulan ang paggawa. Kumilos siya alinsunod sa mga tagubilin ng Diyos nang may saloobing nagnanais na magbigay-kasiyahan sa Diyos. Ginagawa ba niya ito upang matulungan ang sarili niya na makaiwas sa sakuna? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos kung gaano pa katagal bago gunawin ang mundo? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos o alam ba niya kung gaano katagal gawin ang arka? Hindi rin niya alam iyon. Sumunod lamang siya, nakinig, at ginawa ang ipinag-uutos. Ang mga tao ngayon ay hindi tulad nito: Sa sandaling may kapirasong impormasyon ang nabunyag sa pamamagitan ng salita ng Diyos, sa sandaling nakadama ang mga tao ng pagkaliskis ng mga dahon dahil sa ihip ng hangin, agad silang kumilos, ano pa man at anuman ang dapat bayaran, upang maihanda ang kanilang kakainin, iinumin, at gagamitin matapos ang sakuna, pinaplano kahit ang dadaanan sa pagtakas kapag dumating ang sakuna. Ang mas kapansin-pansin pa ay, sa mahalagang sandaling ito, ang mga utak ng tao ay napakahusay sa “pagtapos ng gawain.” Sa mga kalagayang hindi nagbigay ang Diyos ng anumang mga tagubilin, kayang magplano ng tao para sa lahat sa napakaangkop na paraan. Maaari ninyong gamitin ang salitang “perpekto” para ilarawan ang ganitong mga plano. Tungkol naman sa kung ano ang sinabi ng Diyos, ano ang mga layunin ng Diyos, o ano ang mga gusto ng Diyos, walang may pakialam, at walang sumubok na pahalagahan ito. Hindi ba iyan ang pinakamalaking pagkakaiba sa mga tao ngayon at kay Noe?
Sa naitalang ito na kuwento ni Noe, may nakikita ba kayong bahagi ng disposisyon ng Diyos? May hangganan ang pagpapasensiya ng Diyos para sa katiwalian, karumihan at karahasan ng tao. Kapag umabot Siya sa hangganang iyon, hindi na Siya magiging mapagpasensiya at sa halip ay sisimulan na ang Kanyang bagong pamamahala at bagong plano, sisimulan nang gawin ang dapat Niyang gawin, ibunyag ang Kanyang mga gawa at ang kabilang bahagi ng Kanyang disposisyon. Ang pagkilos Niyang ito ay hindi upang ipakita na hindi Siya dapat saktan kailanman ng tao o ipakita na Siya ay puno ng awtoridad at poot, at hindi upang ipakita na kaya Niyang wasakin ang sangkatauhan. Ito ay dahil ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang banal na diwa ay hindi na makapagpapahintulot o ubos na ang pasensiya na mamuhay ang ganitong uri ng sangkatauhan sa Kanyang harapan, sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Ang ibig sabihin, kapag ang buong sangkatauhan ay laban sa Kanya, kapag wala na Siyang maaaring iligtas sa buong mundo, wala na Siyang pasensiya para sa ganitong uri ng sangkatauhan, at isasagawa nang walang anumang pag-aalinlangan ang Kanyang plano—ang wasakin ang ganitong uri ng sangkatauhan. Ang ganitong kilos ng Diyos ay itinakda ng Kanyang disposisyon. Ito ay isang hindi maiiwasang kahihinatnan, at isang kahihinatnan na dapat tiisin ng bawat nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Hindi ba nito ipinakikita na sa kasalukuyang panahon, hindi na mahintay ng Diyos na makumpleto ang Kanyang plano at iligtas ang mga taong nais Niyang iligtas? Sa ilalim ng mga kalagayang ito, ano ang pinakamahalaga sa Diyos? Hindi kung paanong ang mga lubusang hindi sumusunod sa Kanya o ang mga lumalaban sa Kanya ay tinatrato o nilalabanan Siya, o kung paano manirang-puri ang mga tao laban sa Kanya. Ang mahalaga lamang sa Kanya ay kung ang mga sumusunod sa Kanya, ang mga pakay ng Kanyang kaligtasan sa Kanyang plano ng pamamahala, ay nagawa na Niyang ganap, kung naging marapat sila sa Kanyang kaluguran. Para sa mga tao na bukod sa mga sumusunod sa Kanya, naglalaan lamang Siya paminsan-minsan ng kaunting kaparusahan upang ipahayag ang Kanyang poot. Halimbawa: mga tsunami, mga lindol, at mga pagputok ng bulkan. Kasabay nito, malakas din Niyang ipinagtatanggol at inaalagaan ang mga sumusunod sa Kanya at mga malapit na Niyang iligtas. Ang disposisyon ng Diyos ay ito: Sa isang dako, maaari Niyang bigyan ang mga taong balak Niyang gawing ganap ng kasukdulang pagpapasensiya at pagpaparaya, at hintayin sila hangga’t makakaya Niya; sa kabilang dako, matindi ang galit at kinasusuklaman ng Diyos ang mala-Satanas na uri ng tao na hindi sumusunod sa Kanya at lumalaban sa Kanya. Bagama’t wala Siyang pakialam kung itong mga mala-Satanas na uri ay sumusunod sa Kanya o sumasamba sa Kanya, kinamumuhian Niya pa rin sila habang pinagpapasensiyahan sila ng Kanyang puso, at sa Kanyang pagtatakda ng katapusan nitong mga mala-Satanas na uri, hinihintay rin Niya ang pagdating ng mga hakbang ng Kanyang plano ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I