Mag-subscribe

Menu

Ano ang pagkakatawang-tao at diwa nito

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios” (Juan 1:1).

“At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan” (Juan 1:14).

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya’y inyong mangakikilala, at siya’y inyong nakita” (Juan 14:6–7).

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako’y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa. Magsisampalataya kayo sa akin na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya’y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin” (Juan 14:9–11).

“Ako at ang Ama ay iisa” (Juan 10:30).

Ano ang pagkakatawang-tao

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ay na ang Diyos ay nagpapakita sa katawang-tao, at Siya’y napaparito upang gumawa sa gitna ng mga tao na Kanyang nilikha sa larawan ng isang katawang-tao. Kaya, para magkatawang-tao ang Diyos, kailangan muna Siyang magkaroon ng katawan, katawang-tao na may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, ang Diyos sa Kanyang tunay na diwa ay nagkakaroon ng katawan, nagiging isang tao.

Hinango mula sa “Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging isang katawang-tao, iyon ay, ang Diyos ay nagiging tao; ang gawain na ginagawa Niya sa katawang-tao ay ang gawain ng Espiritu, na naging tunay sa katawang-tao, ipinahayag sa pamamagitan ng katawang-tao. Walang sinuman maliban sa katawang-tao ng Diyos ang maaaring tumupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos; iyon ay, ang nagkatawang-taong Diyos lamang, itong karaniwang katauhan—at walang sinumang iba pa—ang makakapagpahayag ng maka-Diyos na gawain. Kung, noong una Siyang pumarito, ang Diyos ay hindi nagkaroon ng normal na katauhan bago Siya nag-dalawampu’t siyam na taong gulang—kung noong ipanganak Siya ay agad Siyang nakagawa ng mga himala, kung noong matuto Siyang magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung noong una Siyang tumapak sa lupa ay naunawaan na Niya kaagad ang lahat ng makamundong mga bagay, na nahihiwatigan ang iniisip at mga intensyon ng bawat tao—hindi maaaring tawagin ang taong iyon na isang normal na tao, at hindi maaaring tawagin ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung ito ang nangyari kay Cristo, nawalan sana ng kabuluhan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang pagtataglay Niya ng normal na katauhan ay nagpapatunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao; ang katotohanan na Siya ay sumasailalim sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapakita na Siya ay may normal na katawan; at bukod doon, ang Kanyang gawain ay sapat na patunay na Siya ang Salita ng Diyos, Espiritu ng Diyos, na naging tao.

Hinango mula sa “Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ay dapat nagtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ay dapat nagtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Yamang ang Diyos ay naging katawang-tao, ilalahad Niya ang gawaing dapat Niyang gawin, at yamang ang Diyos ay naging katawang-tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at nagagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ng buhay ang tao, at ipakita sa tao ang daan. Ang katawan na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Para masiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan itong matukoy ng tao mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy mula sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy[a] kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay bigyang-pansin ang Kanyang diwa (Kanyang gawa, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang iba), sa halip na ang panlabas na anyo. Kung ang nakikita lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi napapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan ang kamangmangan at kawalang-muwang ng tao.

Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at kaya ang Cristo na kayang magbigay ng katotohanan sa tao ay tinatawag na Diyos. Walang kalabisan tungkol dito, sapagka’t Siya ay may taglay ng diwa ng Diyos, at may taglay ng disposisyon ng Diyos, at may karunungan sa Kanyang gawain, na hindi kayang abutin ng tao. Yaong mga Cristo ang tinatawag sa mga sarili nila, subalit hindi kayang gawin ang gawain ng Diyos, ay mga manlilinlang. Hindi lamang pagpapakita ng Diyos sa lupa si Cristo, kundi pati na rin ang partikular na katawang-taong tinaglay ng Diyos habang ginagawa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain kasama ng tao. Hindi maaaring palitan ang katawang-taong ito ng kahit sinumang tao, kundi isang katawang-taong sapat na makakayanan ang gawain ng Diyos sa lupa, at ipahayag ang disposisyon ng Diyos, at katawanin nang mahusay ang Diyos, at makapagbigay ng buhay sa tao.

Hinango mula sa “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, ang Diyos sa Kanyang tunay na diwa ay nagkakaroon ng katawan, nagiging isang tao. Ang Kanyang nagkatawang-taong buhay at gawain ay maaaring hatiin sa dalawang yugto. Ang una ay ang buhay na Kanyang isinasabuhay bago gampanan ang Kanyang ministeryo. Namumuhay Siya sa isang ordinaryong pantaong pamilya, sa lubos na karaniwang katauhan, sumusunod sa karaniwang mga asal at batas ng buhay ng tao, na may karaniwang mga pangangailangan ng tao (pagkain, damit, tirahan, tulugan), karaniwang mga kahinaan ng tao, at karaniwang mga damdamin ng tao. Sa ibang salita, noong unang yugto Siya ay namumuhay nang walang pagka-Diyos, nang may ganap na karaniwang katauhan, gumagawa ng lahat ng karaniwang gawain ng tao. Ang pangalawang yugto ay ang buhay na Kanyang isinasabuhay matapos simulang gampanan ang Kanyang ministeryo. Siya ay nananahan pa rin sa karaniwang katauhan na may isang karaniwang anyo ng tao, hindi nagpapakita ng panlabas na palatandaan nang higit sa karaniwan. Ngunit Siya ay namumuhay nang dalisay para sa kapakanan ng Kanyang ministeryo, at sa panahong ito ang Kanyang karaniwang katauhan ay umiiral nang ganap sa paglilingkod sa normal na gawain ng Kanyang pagka-Diyos; sapagka’t sa panahong iyon ang Kanyang karaniwang katauhan ay gumulang na hanggang sa puntong kaya na Niyang gampanan ang Kanyang ministeryo. Kaya ang ikalawang yugto ng Kanyang buhay ay upang gampanan ang Kanyang ministeryo sa Kanyang karaniwang katauhan, ay isang buhay na parehong karaniwang katauhan at ganap na pagka-Diyos. Sa kadahilanang, sa panahon ng unang yugto ng Kanyang buhay, Siya ay nabubuhay sa ganap na karaniwang pagkatao at ang Kanyang katauhan ay hindi pa katumbas ng kabuuan ng maka-Diyos na gawain, ay hindi pa magulang; matapos lamang na ang Kanyang pagiging tao ay gumugulang, nagkakaroon ng kakayahang pasanin ang Kanyang ministeryo, maaari Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo. Dahil Siya, bilang katawang-tao, ay kailangang lumago at gumulang, ang unang yugto ng Kanyang buhay ay karaniwang pagkatao, samantalang sa pangalawang yugto, dahil ang Kanyang pagkatao ay may kakayahang isabalikat ang Kanyang gawain at gampanan ang Kanyang ministeryo, ang buhay na ipinamumuhay ng nagkatawang-taong Diyos sa panahon ng Kanyang ministeryo ay isa na parehong pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Kung mula sa sandali ng Kanyang pagsilang ay masigasig na sinimulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang ministeryo, na nagsasagawa ng kahima-himalang mga tanda at kababalaghan, hindi sana Siya nagkaroon ng pisikal na kakanyahan. Samakatuwid, umiiral ang Kanyang katauhan para sa kapakanan ng Kanyang pisikal na kakanyahan; hindi maaaring magkaroon ng katawan kung walang katauhan, at ang isang taong walang katauhan ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang katauhan ng katawan ng Diyos ay tunay na pagmamay-ari ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing “kapag naging tao ang Diyos Siya ay ganap na banal, hindi talaga tao,” ay isang kalapastanganan, dahil wala talagang ganitong pahayag, na lumalabag sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. Kahit pagkatapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo, nabubuhay pa rin Siya sa Kanyang pagka-Diyos na may katawan ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; ito ay dahil nang panahong iyon, ang Kanyang pagkatao ay para lamang pahintulutan ang Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na katawang-tao. Kaya ang kumakatawan ng gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang katauhan. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang nasa gawain, datapwa’t ito ay isang pagka-Diyos na nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; ang Kanyang gawain sa katunayan ay tinutupad sa pamamagitan ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao. Ngunit ang tagaganap ng gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Maaaring sabihin ng isa na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagka’t ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao, may balat ng tao at diwa ng tao ngunit mayroon ding diwa ng Diyos. Sapagkat Siya ay isang tao na may diwa ng Diyos, nakakataas Siya sa sinuman sa mga taong nilikha, nakakataas sa sinumang taong makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may balat ng taong kagaya Niya, sa lahat ng nagtataglay ng katauhan, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Kahit lahat sila ay may katauhan, katauhan lamang ang mayroon ang mga taong nilikha, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao hindi lamang Siya may katauhan kundi ang mas mahalaga ay mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang katauhan ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawan at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, ngunit ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap matalos. Dahil ang Kanyang pagka-Diyos ay naipapahayag lamang kapag Siya ay may katauhan, at hindi kahima-himalang tulad ng palagay ng mga tao, lubhang mahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon lubos na mahirap para sa mga tao na arukin ang totoong diwa ng nagkatawang-taong Diyos. Kahit pagkatapos Kong magsalita tungkol dito nang ganoon kahaba, inaasahan Ko na ito ay isa pa ring misteryo sa karamihan sa inyo. Sa katunayan, ang isyung ito ay napakasimple: Yamang ang Diyos ay nagiging tao, ang Kanyang diwa ay kumbinasyon ng pagkatao at pagka-Diyos. Ang kumbinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, ang Diyos Mismo sa lupa.

Hinango mula sa “Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Umiiral ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao para mapanatili ang normal na banal na gawain sa katawan; ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao ay sumusuporta sa Kanyang normal na katauhan at sa lahat ng Kanyang normal na pisikal na gawain. Maaaring sabihin ng isang tao na umiiral ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao upang suportahan ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawan. Kung ang katawang ito ay hindi nagtaglay ng isang normal na isipan ng tao, hindi maaaring gumawa ang Diyos sa katawan, at hindi maisasakatuparan kailanman ang kailangan Niyang gawin sa katawan. Kahit ang nagkatawang-taong Diyos ay nagtataglay ng normal na isipan ng tao, ang Kanyang gawain ay hindi nahahaluan ng pantaong kaisipan; isinasabalikat Niya ang gawain sa katauhan na may normal na isipan, sa ilalim ng patiunang-kundisyon na nagtataglay Siya ng pagkatao na may isipan, hindi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng normal na pag-iisip ng tao. Gaano man katayog ang mga kaisipan ng Kanyang katawang-tao, ang Kanyang gawain ay hindi nababahiran ng lohika o pag-iisip. Sa madaling salita, ang Kanyang gawain ay hindi binubuo ng isipan ng Kanyang katawang-tao, kundi direktang pagpapahayag ng maka-Diyos na gawain sa Kanyang pagkatao. Ang lahat ng Kanyang gawain ay ang ministeryo na kailangan Niyang tuparin, at wala rito ang anumang inisip ng Kanyang utak. Halimbawa, ang pagpapagaling sa maysakit, ang pagpapalayas ng mga demonyo, at pagpapako sa krus ay hindi mga produkto ng Kanyang pantaong isipan, hindi matatamo ng kahit sinong tao na may pantaong isipan. Gayundin, ang mapanlupig na gawain ngayon ay ang ministeryo na dapat magawa ng nagkatawang-taong Diyos, ngunit hindi ito ang gawain ng kagustuhan ng tao, ito ang gawain na dapat gawin ng Kanyang pagka-Diyos, gawain na walang kahit sinong tao ang may kaya. Kaya ang Diyos na nagkatawang-tao ay dapat magtaglay ng isang normal na isipan ng tao, dapat magtaglay ng karaniwang pagkatao, dahil dapat Niyang gampanan ang Kanyang gawain sa katauhan na may normal na isipan. Ito ang diwa ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ang pinakadiwa ng Diyos na nagkatawang-tao.

Bago ginampanan ni Jesus ang gawain, Siya’y namuhay lamang sa Kanyang karaniwang pagkatao. Walang sinuman ang makakapagsabi na Siya ay Diyos, walang sinuman ang nakaalam na Siya ay nagkatawang-taong Diyos; kilala lamang Siya ng mga tao bilang isang ganap na ordinaryong tao. Ang Kanyang lubos na payak, normal na pagkatao ay patunay na ang Diyos ay nagkatawang-tao sa laman, at na ang Kapanahunan ng Biyaya ay ang kapanahunan ng paggawa ng nagkatawang-taong Diyos, hindi ang kapanahunan ng paggawa ng Espiritu. Ito ay patunay na ang Espiritu ng Diyos ay ganap na naging totoo sa katawang-tao, na sa kapanahunan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ang Kanyang katawang-tao ay gagawa ng lahat ng gawain ng Espiritu. Ang Cristo na may normal na katauhan ay isang katawan kung saan ang Espiritu ay naging totoo, nagtataglay ng normal na katauhan, normal na diwa, at pag-iisip ng tao. Ang ibig sabihin ng “maging totoo” ay nagiging tao ang Diyos, ang Espiritu ay nagiging katawang-tao; upang palinawin ito, ito’y kapag ang Diyos Mismo ay nananahan sa isang katawang may normal na katauhan, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang banal na gawain—ito ang ibig sabihin ng maging totoo, o magkatawang-tao.

Hinango mula sa “Ang Diwa ng Katawang-tao na Tinatahanan ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa yugto ng panahon na ang Panginoong Jesus ay gumagawa, makikita ng mga tao na ang Diyos ay nagkaroon ng maraming pantaong pagpapahayag. Halimbawa, maaari Siyang sumayaw, maaari Siyang makadalo sa mga kasalan, maaari Siyang makipagniig sa mga tao, makipag-usap sa kanila, at tumalakay ng mga bagay sa kanila. Bilang karagdagan doon, ang Panginoong Jesus ay nakabuo rin ng napakaraming gawain na sumasagisag sa Kanyang pagka-Diyos, at mangyari pa ang lahat ng gawaing ito ay isang pagpapahayag at isang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Sa panahong ito, nang ang pagka-Diyos ng Diyos ay napagtanto sa isang karaniwang katawang-tao na maaaring makita at mahipo ng mga tao, hindi na nila naramdaman na Siya ay aandap-andap, na hindi nila magagawang makalapit sa Kanya. Sa halip, maaari nilang subukang unawain ang kalooban ng Diyos o intindihin ang Kanyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng bawat pagkilos, ng mga salita, at ng gawain ng Anak ng tao. Inihayag ng nagkatawang-tao na Anak ng tao ang pagka-Diyos ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao at ipinarating ang kalooban ng Diyos sa sangkatauhan. At sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kalooban at disposisyon ng Diyos, Kanya ring ibinunyag sa mga tao ang Diyos na hindi makikita o mahihipo sa espirituwal na dako. Ang nakita ng mga tao ay ang Diyos Mismo, nahihipo at may laman at mga buto. Kaya ang nagkatawang-tao na Anak ng tao ay gumawa ng mga bagay gaya ng sariling pagkakakilanlan, katayuan, larawan, disposisyon ng Diyos, at ang kung anong mayroon at kung ano Siya ay kongkreto at makatao. Bagama’t ang panlabas na kaanyuan ng Anak ng tao ay mayroong ilang limitasyon na may kinalaman sa larawan ng Diyos, ang Kanyang diwa at ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay lubos na kinakatawan ang sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos—mayroon lamang ilang pagkakaiba sa anyo ng pagpapahayag. Hindi alintana kung ito man ay ang pagkatao ng Anak ng tao o ang Kanyang pagka-Diyos, hindi natin maitatanggi na kinakatawan Niya ang sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa panahong ito, gayunman, gumawa ang Diyos sa katawang-tao, nagsalita mula sa pananaw ng katawang-tao, at tumayo sa harapan ng sangkatauhan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Anak ng tao, at ito ang nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na masagupa at maranasan ang tunay na mga salita at gawain ng Diyos sa gitna ng sangkatauhan. Ito ay nagtulot din sa mga tao ng kaunawaan sa Kanyang pagka-Diyos at sa Kanyang kadakilaan sa gitna ng pagpapakumbaba, gayundin upang magkamit ng isang paunang pagkaunawa at paunang pakahulugan sa pagiging tunay at realidad ng Diyos. Bagama’t ang gawain na nakumpleto ng Panginoong Jesus, ang Kanyang mga paraan sa paggawa, at ang pananaw kung paano Siya nagsasalita ay kaiba mula sa totoong persona ng Diyos sa espirituwal na dako, ang lahat ng bagay tungkol sa Kanya ay talagang kumakatawan sa Diyos Mismo na hindi pa kailanman nakita ng mga tao noon—hindi ito maitatanggi! Na ang ibig sabihin, kahit na sa anumang anyo nagpapakita ang Diyos, kahit na sa alinmang pananaw Siya nagsasalita, o sa anumang larawan Siya humaharap sa sangkatauhan, walang kinakatawan ang Diyos kundi ang Diyos Mismo. Hindi Niya maaaring katawanin ang sinumang tao—hindi Niya maaaring katawanin ang sinumang tiwaling tao. Ang Diyos ay Diyos Mismo, at ito ay hindi maitatanggi.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Bagama’t ang kaanyuan ng Diyos na nagkatawang-tao ay eksaktong kagaya ng sa tao, natututuhan Niya ang kaalamang pantao at nagsasalita sa wika ng tao, at minsan ay ipinapahayag pa Niya ang Kanyang mga ideya sa pamamagitan ng mga pamamaraan o pagpapahayag ng sangkatauhan, ang paraan kung paano Niya nakikita ang mga tao, ang diwa ng mga bagay-bagay, at kung paano nakikita ng mga tiwaling tao ang sangkatauhan at ang diwa ng mga bagay-bagay ay lubos na hindi magkapareho. Ang Kanyang pananaw at ang taas kung saan Siya nakatindig ay isang bagay na hindi matatamo para sa isang tiwaling tao. Ito ay dahil sa ang Diyos ay katotohanan, ang katawang-tao na Kanyang isinusuot ay nagtataglay din ng diwa ng Diyos, at ang Kanyang mga saloobin at yaong inihahayag ng Kanyang pagkatao ay katotohanan din. Para sa mga tiwaling tao, ang Kanyang ipinapahayag sa katawang-tao ay mga panustos ng katotohanan, at ng buhay. Ang mga panustos na ito ay hindi lamang para sa isang tao, kundi para sa buong sangkatauhan. Para sa sinumang tiwaling tao, sa kanyang puso ay mayroon lamang mangilan-ngilang tao na nakakasama niya. Mayroon lamang iilang tao ang pinahahalagahan niya, na pinagmamalasakitan niya. Kapag ang sakuna ay abot-tanaw na una niyang iniisip ang sarili niyang mga anak, asawa, o mga magulang, at ang isang higit na mapagkawanggawang tao ay mag-iisip lamang ng ilan sa mga kamag-anak o isang mabuting kaibigan; nag-iisip pa ba siya ng iba? Hindi kailanman! Sapagkat ang mga tao ay, kung tutuusin, mga tao, at makatitingin lamang sila sa lahat ng bagay mula sa pananaw at mula sa kinatatayuan ng isang tao. Gayunman, ang Diyos na nagkatawang-tao ay lubos na naiiba mula sa isang taong tiwali. Kahit gaano man kaordinaryo, gaano kanormal, gaano man kababa ang uri ng katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, o kahit pa gaano kababa ang tingin sa Kanya ng mga tao, ang Kanyang mga kaisipan at Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan ay mga bagay na hindi matataglay ng sinumang tao, at walang sinumang tao ang makagagaya. Palagi Niyang pagmamasdan ang sangkatauhan mula sa pananaw ng pagka-Diyos, mula sa taas ng Kanyang posisyon bilang ang Lumikha. Palagi Niyang makikita ang sangkatauhan sa pamamagitan ng diwa at ng pag-iisip ng Diyos. Tiyak na hindi Niya makikita ang sangkatauhan mula sa taas ng isang karaniwang tao, at mula sa pananaw ng isang taong tiwali. Kapag tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan, tumitingin sila gamit ang pananaw ng tao, at sila ay gumagamit ng mga bagay-bagay gaya ng kaalaman ng tao at mga patakaran at mga teorya ng tao bilang panukat. Ito ay nasa loob ng saklaw ng kung ano ang makikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata; ito ay nasa loob ng saklaw ng makakamit ng mga taong tiwali. Kapag tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, tumitingin Siya gamit ang isang maka-Diyos na pananaw, at ginagamit Niya ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya bilang panukat. Kasama sa saklaw na ito ang mga bagay na hindi makikita ng mga tao, at ito ay kung saan ang Diyos na nagkatawang-tao at ang mga taong tiwali ay ganap na magkaiba. Ang pagkakaibang ito ay nalalaman sa pamamagitan ng magkaibang mga diwa ng tao at ng Diyos, at itong magkaibang mga diwang ito ang nagtitiyak ng kanilang mga pagkakakilanlan at mga kinatatayuan gayundin ang pananaw at taas mula sa kung saan nila nakikita ang mga bagay-bagay.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at ang Cristo ay ang katawang pinasukan ng Espiritu ng Diyos. Ang katawang ito ay hindi katulad ng sinumang taong may katawan. Ang pagkakaibang ito ay dahil si Cristo ay hindi nagmula sa laman at dugo kundi pagkakatawang-tao ng Espiritu. Siya ay may kapwa normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Ang Kanyang pagka-Diyos ay hindi taglay ng sinumang tao. Ang Kanyang normal na katauhan ang sumusuporta sa lahat ng Kanyang normal na mga gawain sa katawang-tao, samantalang ang Kanyang pagka-Diyos ang nagsasakatuparan ng gawain ng Diyos Mismo. Maging ito man ang Kanyang pagkatao o pagka-Diyos, kapwa itong nagpapasakop sa kalooban ng Amang nasa langit. Ang diwa ni Cristo ay ang Espiritu, iyon ay, ang pagka-Diyos. Samakatuwid, ang Kanyang diwa ay yaong sa Diyos Mismo; ang diwa na ito ay hindi gagambala sa Kanyang sariling gawain, at hindi Siya posibleng makagawa ng anumang bagay na nakasisira sa Kanyang sariling gawain, ni hindi rin Siya bibigkas ng anumang mga salita na sumasalungat sa Kanyang sariling kalooban. Samakatuwid, ang nagkatawang-taong Diyos ay siguradong hindi kailanman gagawa ng kahit anong gawain na nakagagambala sa Kanyang sariling pamamahala. Ito ang dapat maintindihan ng lahat ng tao. Ang diwa ng gawain ng Banal na Espiritu ay upang iligtas ang tao at ito ay para sa kapakanan ng sariling pamamahala ng Diyos. Gayundin, ang gawain ni Cristo ay upang iligtas ang tao at ito ay alang-alang sa kalooban ng Diyos. Sapagka’t ang Diyos ay nagkatawang-tao, Kanyang napapaging-tunay ang Kanyang diwa sa loob ng Kanyang katawang-tao, sa gayon ang Kanyang katawang-tao ay sapat upang isagawa ang Kanyang gawain. Samakatuwid, lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos ay pinapalitan ng gawain ni Cristo sa loob ng panahon ng Kanyang pagkakatawang-tao, at ang kaibuturan ng lahat ng gawain sa buong panahon ng pagkakatawang-tao ay ang gawain ni Cristo. Ito ay hindi maaaring maihalo sa gawain mula sa kahit anong ibang kapanahunan. At mula nang nagkatawang-tao ang Diyos, Siya ay gumagawa sa pagkakakilanlan ng Kanyang katawang-tao; yamang Siya ay nagkatawang-tao, tinatapos din Niya sa katawang-tao ang gawain na dapat Niyang gawin. Maging ito man ay ang Espiritu ng Diyos o ito man ay si Cristo, Sila ay kapwa Diyos Mismo, at ginagawa Niya ang gawain na dapat Niyang gawin at ginagampanan ang ministeryong dapat Niyang gampanan.

Ang diwa ng Diyos mismo ay humahawak ng awtoridad, subali’t Siya ay may kakayahang lubusang magpasakop sa awtoridad na nagmumula sa Kanya. Maging ito man ay gawain ng Espiritu o gawain ng katawang-tao, ang isa ay hindi sumasalungat sa isa. Ang Espiritu ng Diyos ay ang awtoridad sa buong sangnilikha. Ang katawang-taong may diwa ng Diyos ay nagtataglay din ng awtoridad, subali’t ang Diyos sa katawang-tao ay may kakayahang gawin ang lahat ng gawain na sumusunod sa kalooban ng Amang nasa langit. Ito ay hindi maaaring makamtan o maisipan ng kahit sinong tao. Ang Diyos Mismo ay awtoridad, subali’t ang Kanyang katawang-tao ay maaaring magpasakop sa Kanyang awtoridad. Ito ang panloob na kahulugan ng mga salitang: “Si Cristo ay sumusunod sa kalooban ng Diyos Ama.” Ang Diyos ay Espiritu at may kakayahang gawin ang gawain ng pagliligtas, tulad ng kakayahang maging tao ng Diyos. Anupaman, ang Diyos Mismo ang gumagawa ng Kanyang sariling gawain; hindi Siya gumagambala o nakikialam, lalong hindi nagsasakatuparan ng gawaing magkasalungat, sa kadahilanang ang diwa ng gawaing ginawa ng Espiritu at ng katawang-tao ay magkatulad. Maging ito man ay ang Espiritu o ang katawang-tao, magkatulad Silang gumagawa upang matupad ang iisang kalooban at upang pamahalaan ang magkatulad na gawain. Bagaman ang Espiritu at ang katawang-tao ay may dalawang magkaibang katangian, ang Kanilang mga diwa ay magkatulad; kapwa Silang may diwa ng Diyos Mismo, at ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo. Ang Diyos Mismo ay walang mga elemento ng pagsuway; ang Kanyang diwa ay mabuti. Siya ang pagpapahayag ng lahat ng kagandahan at kabutihan, gayundin ng lahat ng pag-ibig. Kahit nasa katawang-tao, ang Diyos ay hindi gumagawa ng anuman na sumusuway sa Diyos Ama. Kahit na sa paggugol ng pagsasakripisyo ng Kanyang buhay, Siya ay buong-pusong papayag at walang ibang pinipili. Ang Diyos ay walang mga elemento ng pagmamagaling at pagpapahalaga sa sarili, o kahit na kapalaluan at pagmamataas; Siya ay walang elemento ng kabuktutan. Lahat ng sumusuway sa Diyos ay nanggagaling kay Satanas; si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Kaya ang tao ay may mga katangian na katulad ng kay Satanas ay dahil sa ang tao ay nagawa nang tiwali at naimpluwensyahan ni Satanas. Si Cristo ay hindi nagawang tiwali ni Satanas, kaya Siya ay mayroon lamang mga katangian ng Diyos at wala niyaong kay Satanas. Kahit gaano kahirap ang gawain o kahina ang katawang-tao, ang Diyos, habang Siya ay nabubuhay sa katawang-tao, ay hindi kailanman gagawa ng anumang bagay na gumagambala sa gawain ng Diyos Mismo, lalo na ang pagpapabaya sa kalooban ng Diyos Ama nang dahil sa pagsuway. Mas pipiliin pa Niyang magdusa ng mga pasakit ng katawang-tao kaysa salungatin ang kalooban ng Diyos Ama; ito ay kagaya ng sinabi ni Jesus sa panalangin, “Ama Ko, kung baga maaari, ay lumampas sa Akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig Ko, kundi ang ayon sa ibig Mo.” Ang tao ay pipili, subali’t si Cristo ay hindi. Bagaman Siya ay may pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, hinahanap pa rin Niya ang kalooban ng Diyos Ama, at tinutupad kung ano ang ipinagkakatiwala sa Kanya ng Diyos Ama, mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ay isang bagay na hindi kayang abutin ng tao. Yaong mga nagmumula kay Satanas ay hindi magkakaroon ng diwa mula sa Diyos, kundi tanging yaong sumusuway at lumalaban sa Diyos. Ito ay walang kakayahang lubos na sumunod sa Diyos, lalo na ang buong-loob na sumunod sa kalooban ng Diyos. Lahat ng taong maliban kay Cristo ay maaaring gawin yaong lumalaban sa Diyos, at wala ni isang tuwirang makagagawa ng gawaing ipinagkatiwala ng Diyos; walang kahit isa ang may kakayahang ituring ang pamamahala ng Diyos bilang kanilang sariling tungkulin na dapat gampanan. Ang pagpapasakop sa kalooban ng Diyos Ama ay ang diwa ni Cristo; ang pagsuway laban sa Diyos ay ang katangian ni Satanas. Ang dalawang katangiang ito ay hindi magkaayon, at kung sino man ang may mga katangian ni Satanas ay hindi matatawag na Cristo. Ang dahilan kung bakit ang tao ay walang kakayahang gawin ang gawain ng Diyos kahalili Niya ay dahil sa ang tao ay wala kahit isang diwa ng Diyos. Ang tao ay gumagawa para sa Diyos para sa pansariling kapakanan ng tao at ng kanyang mga inaasam-asam sa hinaharap, subali’t si Cristo ay gumagawa upang matupad ang kalooban ng Diyos Ama.

Hinango mula sa “Ang Diwa ni Cristo ay Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Kalangitan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos ay ang sariling katawang-tao ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay kataas-taasan; Siya ay makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Gayon din, ang Kanyang katawang-tao ay kataas-taasan din, makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Ang katawang-taong tulad nito ay may kakayahan lamang na gawin yaong matuwid at kapaki-pakinabang sa sangkatauhan, yaong banal, maluwalhati, at makapangyarihan; wala Siyang kakayahang gumawa ng anumang lumalabag sa katotohanan, lumalabag sa moralidad at katarungan, at lalong hindi Niya kayang gumawa ng anumang magkakanulo sa Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay banal, at sa gayon ang Kanyang katawang-tao ay hindi magagawang tiwali ni Satanas; ang Kanyang katawang-tao ay may naiibang diwa kaysa laman ng tao. Sapagkat ang tao, hindi ang Diyos, ang siyang ginagawang tiwali ni Satanas; hindi posibleng magagawang tiwali ni Satanas ang katawang-tao ng Diyos. Kaya, sa kabila ng katunayang ang tao at si Cristo ay nananahan sa parehong espasyo, ang tao lamang ang sinasakop, ginagamit, at binibitag ni Satanas. Sa kabaligtaran, si Cristo ay magpasawalang-hanggang hindi tinatablan ng katiwalian ni Satanas, sapagkat kailanman ay hindi makakayanan ni Satanas na umakyat sa lugar ng kataas-taasan, at hindi kailanman makakalapit sa Diyos. Ngayon, dapat ninyong lahat maunawaan na ang sangkatauhan lamang, na nagawa nang tiwali ni Satanas, ang siyang nagkakanulo sa Akin. Ang pagkakanulo ay hindi kailanman magiging isang isyung may anumang kaugnayan kay Cristo.

Hinango mula sa “Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Talababa:
a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “para sa.”

Mag-iwan ng Tugon