Para sa lahat ng nabubuhay sa laman, ang pagbabago ng kanilang disposisyon ay nangangailangan ng mga mithiing hahangarin, at ang pagkilala sa Diyos ay nangangailangan ng pagsaksi sa tunay na mga gawa at tunay na mukha ng Diyos. Matatamo lamang ang dalawang ito ng katawang-tao ng Diyos, at maisasakatuparan lamang ang dalawang ito ng normal at tunay na katawang-tao. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ang pagkakatawang-tao, at kung bakit ito kailangan ng lahat ng tiwaling sangkatauhan. Dahil kinakailangang makilala ng mga tao ang Diyos, kailangang maiwaksi sa kanilang mga puso ang mga larawan ng malabo at higit-sa-karaniwang mga Diyos, at dahil hinihinging alisin nila ang kanilang tiwaling disposisyon, dapat muna nilang malaman ang kanilang tiwaling disposisyon. Kung gagawin lamang ng tao ang gawain para maiwaksi mula sa puso ng mga tao ang mga larawan ng malalabong Diyos, mabibigo siyang makamit ang wastong epekto. Hindi mailalantad, maitatakwil, o ganap na mapapaalis ng mga salita lamang ang mga larawan ng malalabong Diyos sa puso ng mga tao. Sa huli, hindi pa rin posibleng iwaksi sa paggawa nito ang mga bagay na malalim na nakaugat sa mga tao. Makakamit lamang ang angkop na epekto kapag napalitan ng praktikal na Diyos at ng tunay na larawan ng Diyos ang malalabo at di-pangkaraniwang mga bagay na ito, at mahikayat ang mga tao na unti-unting malaman ang mga ito. Kinikilala ng tao na malabo at hindi pangkaraniwan ang Diyos na kanyang hinangad ng mga nakaraang panahon. Ang may kakayahang makapagkamit ng epektong ito ay hindi ang tuwirang pamumuno ng Espiritu, lalong hindi ang mga aral ng isang partikular na indibidwal, kundi ang Diyos na nagkatawang-tao. Nailalantad ang mga kuru-kuro ng tao kapag opisyal na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain, sapagkat ang pagiging normal at ang realidad ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang kabaligtaran ng malabo at di-pangkaraniwang Diyos sa imahinasyon ng tao. Maihahayag lamang ang orihinal na mga kuru-kuro ng tao kapag naihambing sa Diyos na nagkatawang-tao. Kung wala ang paghahambing sa Diyos na nagkatawang-tao, hindi maihahayag ang mga kuru-kuro ng tao; sa madaling salita, kung walang realidad bilang panghambing, hindi maihahayag ang malalabong bagay. Walang may kakayahang gumamit ng mga salita upang gawin ang gawaing ito, at walang sinuman ang may kakayahang magsalita nang maliwanag sa gawaing ito gamit ang mga salita. Tanging ang Diyos Mismo ang makakagawa ng Kanyang sariling gawain, at wala nang iba pa ang makakagawa ng gawaing ito sa ngalan Niya. Gaano man kayaman ang wika ng tao, hindi niya kayang sabihin nang maliwanag ang realidad at pagiging normal ng Diyos. Maaari lamang makilala ng tao ang Diyos nang higit na praktikal, at maaari lamang Siyang makita nang higit na malinaw, kung personal na gagawa ang Diyos sa tao at ganap na ipakikita ang Kanyang larawan at pagiging Diyos. Hindi makakamtan ang epekto na ito ng sinumang tao na nilikha sa laman. Mangyari pa, wala ring kakayahan ang Espiritu ng Diyos na makamit ang epektong ito. Makakayang iligtas ng Diyos ang tiwaling tao mula sa impluwensya ni Satanas, ngunit hindi makakayang tuwirang gawin ng Espiritu ng Diyos ang gawaing ito; sa halip, makakaya lamang itong gawin ng katawang-tao na suot ng Espiritu ng Diyos, ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Tao at Diyos din ang katawang-tao na ito, isang tao na nagtataglay ng normal na pagkatao at Diyos din na nagtataglay ng buong pagkaDiyos. At sa gayon, bagama’t ang katawang-taong ito ay hindi ang Espiritu ng Diyos, at lubos na naiiba sa Espiritu, ito pa rin ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao na nagliligtas sa tao, ang Espiritu at ang katawang-tao rin. Anuman ang tawag sa Kanya, sa huli ay ito pa rin ang Diyos Mismo na nagliligtas sa sangkatauhan. Sapagkat ang Espiritu ng Diyos ay hindi mapaghihiwalay mula sa katawang-tao, at ang gawain ng katawang-tao ay ang gawain din ng Espiritu ng Diyos; nangyari lamang na ang gawaing ito ay hindi ginagawa gamit ang pagkakakilanlan ng Espiritu, bagkus ay ginagawa gamit ang pagkakakilanlan ng katawang-tao. Ang gawain na kailangang tuwirang gawin ng Espiritu ay hindi nangangailangan ng pagkakatawang-tao, at ang gawain na kailangang gawin ng katawang-tao ay hindi maaaring gawin nang tuwiran ng Espiritu, at maaari lamang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao. Ito ang kinakailangan para sa gawaing ito, at ito ang kinakailangan ng tiwaling sangkatauhan. Sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos, isang yugto lamang ang tuwirang isinagawa ng Espiritu, at isinasagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang natitirang dalawang yugto, at hindi tuwiran ng Espiritu. Hindi kabilang ang pagbabago ng tiwaling disposisyon ng tao sa gawain ng Kapanahunan ng Kautusan na ginawa ng Espiritu, at wala rin itong kaugnayan sa kaalaman ng tao sa Diyos. Gayunman, ang gawain ng katawang-tao ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kaharian ay kinapapalooban ng tiwaling disposisyon ng tao at ng kanyang kaalaman tungkol sa Diyos, at isang mahalaga at maselang bahagi ng gawain ng pagliligtas. Samakatuwid, higit na kinakailangan ng tiwaling sangkatauhan ang pagliligtas ng Diyos na nagkatawang-tao, at higit na nangangailangan ng tuwirang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Kinakailangan ng sangkatauhan ang Diyos na nagkatawang-tao upang patnubayan siya, alalayan siya, diligin siya, pakainin siya, hatulan at kastiguhin siya, at nangangailangan siya ng higit na biyaya at lalong higit na pagtubos mula sa Diyos na nagkatawang-tao. Tanging ang Diyos sa katawang-tao ang makakayang maging katiwalang-loob ng tao, ang pastol ng tao, ang laging handang pagsaklolo sa tao, at ang lahat ng ito ay ang pangangailangan ng pagkakatawang-tao ngayon at sa mga lumipas na panahon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao