Ang Kaligtasan Ba Sa Pamamagitan ng Pananampalataya’y Makapagpapapasok sa Kaharian ng Diyos?
Isang pandemya ang kumakalat nang walang humpay, at nagsimula nang magkaroon ng mga lindol, pagbaha, pananalasa ng mga insekto at taggutom. Maraming tao ang nasa estado ng patuloy na pagkabalisa, at ang mga mananampalataya’y sabik na hinihintay ang pagparito ng Panginoon sakay ng isang ulap para dalhin sila sa himpapawid, upang matakasan nila ang paghihirap sa gitna ng mga sakuna at makaiwas sa kamatayan. Hindi nila alam kung bakit hindi pa rin sila iniaakyat upang salubungin ang Panginoon, buong araw silang nakatitig sa himpapawid nang walang nakikitang kahit anong bagay. Maraming tao ang lubos na miserable, partikular sa nakikitang napakaraming klerikong miyembro ng simbahan ang binawian ng buhay ng dahil sa pandemya. Nababalisa sila, na sila’y isinantabi na ng Panginoon kaya nahulog sa mga sakuna, at hindi tiyak ang kanilang kaligtasan. Nalilito sila’t naliligaw. Ipinropesiya ng Pahayag na ang Panginoong Jesus ay paparito bago ang mga sakuna at dadalhin tayo sa himpapawid para hindi tayo mamatay sa mga ito. Iyan ang ating inaasam. Ang ating pananampalataya’y makatakas sa sakuna at magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ngunit nagsimula nang bumuhos ang mga sakuna, kaya bakit hindi pa pumaparito ang Panginoon sakay ng isang ulap para tanggapin ang mga mananampalataya? Sa pamamagitan ng ating pananampalataya, pinatawad ang ating mga kasalanan, tayo’y biniyayaan ng kaligtasan, at pinagkalooban ng pagiging matuwid. Bakit hindi pa tayo iniaakyat sa kaharian ng langit? Hirap na hirap nating hinintay ang Panginoon nang maraming taon at nagdusa tayo nang labis. Bakit hindi pa Siya pumaparito para sa atin at itinataas tayo upang salubungin Siya para matakasan natin ang mga paghihirap sa mga sakuna? Isinantabi na nga ba talaga Niya tayo? Ito ang mga tanong ng maraming mananampalataya. Buweno, ang kaligtasan ba sa pamamagitan ng pananampalataya’y talagang makapagpapapasok sa atin sa kaharian? Magbabahagi ako nang kaunti kong sariling pang-unawa sa paksang ito.
Ngunit bago magbahagi tungkol dito, linawin muna natin ang isang bagay. Ang ideya ba ng pagbibigay katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya, ng pagpasok sa kaharian sa gano’ng paraan ay suportado talaga ng salita ng Diyos? Sinabi ba talaga kailanman ng Panginoong Jesus na ang pagbibigay katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya at ang biyaya ng kaligtasan lang ang mga kailangan natin para makapasok sa Kanyang kaharian? Hindi Niya kailanman sinabi. Kahit kailan ba’y pinatotohanan ito ng Banal na Espiritu? Hindi. Kaya nakatitiyak tayo na ang ideyang ito ay pawang kuru-kuro ng tao, at hindi tayo makakaasa rito para makapasok tayo sa kaharian. Sa katunayan, napakalinaw ng sinabi ng Panginoong Jesus tungkol sa kung sino ang makapapasok sa kaharian. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha? At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 7:21–23). “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang bawa’t nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailanman: ang anak ang nananahan magpakailanman” (Juan 8:34–35). “Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal” (Levitico 11:45). “Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon” (Mga Hebreo 12:14). Malinaw na sinabi sa atin ng Panginoong Jesus na tanging mga gumagawa lang ng kalooban ng Diyos ang makapapasok sa kaharian ng langit, at ang mga nakatakas lang sa kasalanan at nilinis ang magkakaroon ng lugar sa kaharian. Iyan lang ang pamantayan para makapasok. Ang pagiging tinubos sa kasalanan at nabigyang katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya ba’y nangangahulugan na ginagawa ng isang tao ang kalooban ng Diyos? Nangangahulugan ba ito na hindi na siya nagkakasala o nagrerebelde o lumalaban sa Diyos? Siyempre hindi. Nakikita ng lahat ng mananampalataya sa Panginoon ang katotohanan na bagama’t tayo’y tinubos at binigyang katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya, patuloy tayong nagkakasala, namumuhay sa paulit-ulit na pagkakasala sa araw at pangungumpisal sa gabi. Nabubuhay tayo sa pasakit ng hindi makatakas sa kasalanan—hindi natin mapigilan ang ating sarili. May mga tao sa lahat ng denominasyon na mainggitin at palaaway, nakikipaglaban para sa pangalan at pakinabang, sinisiraan ang isa’t isa. Ito’y napakakaraniwan. At ang pananampalataya ng karamihan ng mga tao’y talagang dahil lang sakim sila sa biyaya ng Diyos, ngunit hindi nila ginagawa ang sinasabi Niya. Nagmamadali silang pumunta sa simbahan kapag nahaharap sa krisis, ngunit sa panahon ng kapayapaan ay sinusunod nila ang mga kalakaran ng mundo. At ang mga simbahan ay nagdaraos lang ng sunud-sunod na party. Walang sinumang nagbabahagi tungkol sa katotohanan o nagbibigay ng personal na patotoo, kundi nagkukumpitensya lang kung sino ang tumatanggap ng pinakamaraming biyaya, ng pinakamalalaking pagpapala. Sa pagdating ng malalaking sakuna at sa pagkakitang hindi pa rin pumaparito ang Panginoon sakay ng isang ulap para i-rapture sila, lumalamig na ang pananampalataya at pag-ibig ng maraming tao, at nagsimula na silang sisihin at hatulan ang Diyos. Ang iba’y itinanggi at pinagtaksilan pa nga Siya. Ipinakikita sa atin ng mga katunayan na ang mapatawad sa mga kasalanan at ang mabiyayaan ng kaligtasan ay maaaring mangahulugan na ang mga tao ay nagpapakabait, pero hindi ito nangangahulugan na lubusan na nilang natakasan ang kasalanan, na hindi sila sumusuway sa Diyos, at lalong hindi na nakamit na nila ang kabanalan at karapat-dapat sila sa kaharian. Pangangarap lang ’yan nang gising. Kaya ngayon nakikita natin ang katotohanang ito at nauunawaan kung bakit sinabi ng Panginoong Jesus na ’yong mga nangaral at nagpalayas ng mga demonyo sa Kanyang pangalan ay manggagawa ng kasamaan, at hindi Niya sila kilala. Ito’y dahil ang mga tao’y palagi pa ring nagkakasala, kahit pinatawad na ang kanilang mga kasalanan, at sinisisi’t hinahatulan nila ang Panginoon. Puro sila reklamo kapag nakikita nilang hindi pa rin pumaparito ang Panginoon, at nagsimula na silang itanggi at pagtaksilan Siya. May mga nagsasabi pa nga na pagsasabihan nila ang Panginoon kapag hindi Niya sila dinala sa kaharian. Ang mga taong ito’y walang pinagkaiba sa mga Fariseong nagpahirap at kumondena sa Panginoong Jesus, o baka nga mas malala pa. Napakalinaw na nakikita ng ibang tao kung paano sila kumikilos, at sa mga mata ng Diyos, walang dudang sila’y manggagawa ng kasamaan. Ang Diyos ay banal at matuwid, kaya pahihintulutan ba ng Diyos ang mga patuloy na nagkakasala, humahatol at lumalaban sa Diyos na pumasok sa langit? Talagang hindi. Kung kaya, ang paniniwala ng mga tao na ang pagiging binigyang katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya ay makapagpapapasok sa kanila sa kaharian ay isang kuru-kuro na sumasalungat sa sariling mga salita ng Panginoon, at sa katotohanan. Ito’y ganap na kuru-kuro at imahinasyon lang ng tao na nagmumula sa ating labis na paghahangad.
Sa puntong ito, maaaring banggitin ng ilan na ang pagkakaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya dahil sa biyaya ay may batayang biblikal: “Sapagka’t sa puso’y nananampalataya ang tao sa ikatutuwid; at ang ginagawang pagpapahayag sa bibig ay sa ikaliligtas” (Roma 10:10). “Sapagka’t sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos” (Efeso 2:8). Kaya kung hindi tayo makakapasok sa kaharian sa gano’ng paraan, ano ba talaga ang ibig sabihin ng “naligtas”? Sinasabi sa atin ng Makapangyarihang Diyos ang tungkol sa misteryong ito ng katotohanan. Tingnan natin ang sinasabi sa Kanyang mga salita. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng naniwala sa Kanya ay pinatawad; hangga’t ikaw ay naniniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniniwala sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, ikaw ay pinawalang-sala na sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng pagiging naligtas, at mapawalang-sala ng pananampalataya. Ngunit sa mga naniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapanghimagsik at sumalungat sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin” (“Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Ang tao ay … pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi pa nagawa. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. … Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao” (“Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Makikita natin mula rito na ang Panginoong Jesus ay ipinako sa krus bilang handog para sa kasalanan ng sangkatauhan, tinutubos tayo mula sa kasalanan. Ang kailangan lang nating gawin ay magtapat at magsisi sa Panginoon upang mapatawad ang ating mga kasalanan. Hindi na tayo hahatulan at papatayin sa ilalim ng batas. Hindi na tayo nakikita ng Panginoon bilang mga makasalanan at hindi na tayo maaakusahan ni Satanas. Pinahihintulutan tayong lumapit sa Panginoon sa panalangin at tamasahin ang kapayapaan at kagalakan na Kanyang ipinagkakaloob, kasama ng Kanyang masaganang biyaya at mga pagpapala. Ito ang ibig sabihin dito ng pagiging “iniligtas”. Ang pagiging niligtas dahil sa pananampalataya ay nangangahulugan lang ng pagiging pinatawad sa kasalanan, at hindi hinatulan sa ilalim ng batas. Hindi ito tulad ng inaakala ng mga tao, na kapag naligtas na, lagi na silang ligtas at magiging karapat-dapat na sa pagpasok sa kaharian. Ang pagbanggit ng Biblia sa pagiging “naligtas” ay kung paano ito inilarawan ni Pablo, ngunit hindi ito kailanman sinabi ng Panginoong Jesus o ng Banal na Espiritu. Hindi natin magagamit ang mga pahayag ng tao na nakatala sa Biblia bilang ating batayan, tanging mga salita lang ng Panginoong Jesus. Maaaring itanong ng ilan na dahil pinatawad na ng Panginoon ang ating mga kasalanan, hindi na tayo nakikita ng Diyos bilang makasalanan kundi tinawag na tayong matuwid, kaya bakit hindi tayo madadala sa kaharian? Totoong tinawag tayong matuwid ng Diyos, ngunit hindi Niya sinabi na ang pagpapatawad ng ating mga kasalanan ay ginawa tayong karapat-dapat sa kaharian, o na dahil pinatawad na tayo, maaari pa rin tayong gumawa ng anumang uri ng kasalanan at manatiling banal pa rin. Dapat nating maunawaan na ang disposisyon ng Diyos ay banal at matuwid, at hindi Niya kailanman tatawaging banal ang sinumang patuloy na nagkakasala, o tawaging walang kasalanan ang isang taong makasalanan pa rin. Kahit ang isang mananampalataya na pinatawad ang mga kasalanan ay maaaring isumpa kung lalabanan at lalapastanganin niya ang Diyos. Gaya ng sinasabi ng Biblia, “Sapagka’t kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan” (Mga Hebreo 10:26). Ang mga Fariseo ay isinumpa ng Panginoong Jesus dahil sa paghatol, pagkondena at paglaban sa Kanya. Hindi ba totoo yan? Alam ng lahat ng mananampalataya na walang paglabag na kukunsintihin ang disposisyon ng Diyos, at sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang bawa’t kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa’t ang kapusungang laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad. At ang sinumang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kanya; datapuwa’t ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating” (Mateo 12:31–32). Ang kapatawaran ng mga kasalanan ay tunay na biyaya ng Diyos, ngunit kung patuloy na lalabagin ng mga tao ang disposisyon ng Diyos matapos silang patawarin, maaari pa rin silang isumpa at parusahan ng Diyos. Kung muli’t muli nating ipinapako sa krus ang Diyos, malupit ang magiging kahihinatnan. Ngunit ang Diyos ay pag-ibig at awa, kaya gusto Niyang iligtas tayo sa kasalanan at kasamaan, para tayo’y maging banal. Kaya nangako ang Panginoong Jesus na Siya’y muling paparito matapos ang Kanyang gawain ng pagtubos. Bakit Siya babalik? Upang lubos na iligtas ang sangkatauhan sa kasalanan at mga puwersa ni Satanas, para maaari tayong bumaling sa Diyos at makamit Niya. Tanging ang mananampalataya na tatanggap sa pagbabalik ng Panginoon ang may anumang pag-asa na makapasok sa kaharian ng langit. Sa puntong ito, maaaring isipin ng ilang tao, na gayong napatawad na ang ating mga kasalanan, paano natin tunay na matatakasan ang kasalanan at magiging banal, at makakamit ang pagpasok sa kaharian? Dadalhin tayo nito sa pangunahing punto. Ang pagtanggap lang sa pagpapatawad ng Panginoong Jesus ay hindi sapat. Dapat din nating tanggapin ang pagparito ng Panginoon at tanggapin ang Kanyang susunod na hakbang ng gawain upang matakasan ang kasalanan, ganap na maligtas ng Diyos, at sa gayo’y maging karapat-dapat sa kaharian. Gaya ng ipinropesiya ng Panginoong Jesus, “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan” (Juan 16:12–13). “At kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagka’t hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Ang nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48). “Sapagka’t ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob Niya sa Anak ang buong paghatol. … At binigyan Niya Siya ng kapamahalaang makahatol, sapagka’t Siya’y Anak ng tao” (Juan 5:22, 27). At “Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos” (1 Pedro 4:17). Kung pag-iisipan natin itong mabuti, makikita natin na ang Panginoong Jesus ay babalik sa mga huling araw bilang ang Anak ng tao, nagpapahayag ng mga katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol, gumagabay sa atin na pumasok sa lahat ng katotohanan, upang tayo’y ganap na mapalaya sa kasalanan, mula sa mga puwersa ni Satanas, at magkamit ng ganap na kaligtasan. Kaya ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw, at ang paglilinis sa ating katiwalian ay ang tanging landas natin patungo sa kaharian ng langit. Tingnan natin ang ilan pang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos” (“Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay” (Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Hindi ba ginagawang mas malinaw ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang lahat? Ginawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya, na patawarin ang mga kasalanan ng tao at tubusin tayo mula sa mga ito—totoo ’yan. Ngunit ang makasalanang kalikasan ng mga tao’y hindi pa nalulutas at patuloy nating nilalabanan ang Diyos, kaya hindi iyon mabibilang na ganap na pagkaligtas. Ang Makapangyarihang Diyos ay pumarito sa mga huling araw, nagpapahayag ng napakaraming katotohanan, at ginagawa ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos sa pundasyon ng pagtubos ng Panginoong Jesus. Naparito Siya upang lubos na dalisayin at iligtas ang sangkatauhan, upang dalhin tayo sa kaharian ng Diyos. Ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay ang Kanyang pinakasusi at pinakapangunahing gawain para sa pagliligtas sa tao, at ito ang tanging landas para tayo’y madalisay at ganap na maligtas. Ito’y isang ginintuang pagkakataon at ang tanging pagkakataon nating makapasok sa kaharian ng langit. Masasabi natin na ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos ay ang gawain ng pagdadala sa mga mananampalataya. Sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, malilinis ang ating katiwalian, at pagkatapos ay mapoprotektahan tayo sa gitna ng malalaking sakuna at makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ito talaga ang pagiging narapture. Kung hindi tayo magpapatuloy sa gawaing ito, gaano man katagal ang ating pananampalataya, gaano man tayo nagdusa at nagbayad ng halaga, magiging walang kabuluhan ang lahat. Iyon ay pagsuko sa kalagitnaan, at lahat ng nauna nating pagsisikap ay masasayang. Mahuhulog lang tayo sa sakuna na tumatangis at nagngangalit ang ating mga ngipin. Hindi kailanman magdadala ang Diyos ng isang taong maaari pa ring magrebelde laban sa Kanya sa Kanyang kaharian. Iya’y tinutukoy ng Kanyang matuwid na disposisyon.
Maaaring itanong ng ilan kung paano ginagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawaing ito ng paghatol upang linisin at iligtas ang sangkatauhan. Tingnan natin kung ano ang sinasabi Niya tungkol d’yan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos” (“Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Ang Makapangyarihang Diyos ay nagpahayag ng milyun-milyong salita sa mga huling araw, sinasabi sa atin ang lahat ng katotohanang kailangan natin para sa paglilinis ng ating katiwalian at para sa ating kaligtasan. Hinahatulan at inilalantad Niya ang ating makasalanan at laban sa Diyos na satanikong kalikasan at lahat ng aspeto ng ating mga tiwaling disposisyon, at inilalantad Niya ang lahat ng ating pinakamalalim, pinakatago at kasuklam-suklam na mga motibo at kuru-kuro. Habang lalo nating binabasa ang mga salita ng Diyos, lalo nating nararanasan ang paghatol na iyon, at makikita natin kung gaano kalalim tayong ginawang tiwali ni Satanas, kung gaano tayo kamapagmataas at tumatangging sumuko sa iba. Napakatuso, makasarili at sakim natin, at namumuhay tayo ayon sa mga satanikong pilosopiya at batas sa lahat ng bagay, laging pinroprotektahan ang mga pansarili nating interes. Maging ang ating pananampalataya at gawain para sa iglesia ay para sa mga gantimpala at pagpasok sa kaharian. Wala tayong budhi o katwiran, kundi lubos na isinasabuhay ang wangis ni Satanas. Sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, makikita natin sa wakas ang Kanyang pagiging matuwid na walang kinukunsinting paglabag. Tunay na nakikita ng Diyos ang ating mga puso’t isipan, at kahit hindi natin sabihin, ipapakita ng Diyos kung ano ang iniisip natin, ang katiwaliang naninirahan sa kaibuturan ng ating mga puso. Nang walang mapagtaguan, hiyang-hiya tayo, at nagkaroon tayo ng takot sa Diyos. Maaari tayong manalangin tungkol sa kung ano ang nasa ’ting mga puso, at magsabi nang tapat tungkol sa ating mga maling kaisipan at ideya, at magkaroon ng budhi at katwiran. Kung magsisinungaling tayo, ibubunyag natin ito kaagad, at gagawa ng pagbabago. Kapag nararanasan ang mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, ang tiwali nating mga disposisyon ay unti-unting nalilinis at nababago, at maaari nating isabuhay ang wangis ng isang tao. Sa pamamagitan ng paghatol at paglilinis ng Makapangyarihang Diyos, malalim nating madarama kung gaano kapraktikal ang gawain ng Diyos na iligtas ang tao! Kung wala ito, hindi natin kailanman makikita ang aktwal nating katiwalian at hinding-hindi tayo tunay na magsisisi o magbabago. Makikita natin na ang pagtakas sa kasamaan ay hindi magagawa sa pamamagitan ng sarili nating pagsusumikap at pagpipigil sa sarili, kundi kailangang tayo’y hatulan, kastiguhin at subukin ng Diyos. Dapat din tayong tabasan, iwasto at disiplinahin. Iyan lang ang paraan para talagang mabago ang mga disposisyon natin sa buhay at para tayo’y tunay na magpasakop at matakot sa Diyos. Kaya kung ang meron lang tayo’y ang pagtubos ng Panginoong Jesus sa ating pananampalataya, pinatawad ang ating mga kasalanan at tayo’y binigyang katwiran sa pamamagitan ng pananampalataya, ngunit hindi tayo karapat-dapat sa kaharian. Kailangan pa rin nating salubungin ang pagbabalik ng Panginoon at tanggapin ang paghatol ng Makapangyarihang Diyos upang maiwaksi natin ang katiwalian at lubusang malutas ang ating makasalanang kalikasan. Kung kaya, ang Makapangyarihang Diyos ay ang Panginoong Jesus na nagbalik, ginagawa ang gawain ng paghatol. Siya ang Tagapagligtas na bumaba upang personal na gumawa para ganap na iligtas ang sangkatauhan Maraming mananampalataya mula sa lahat ng denominasyon ang nakakarinig sa tinig ng Diyos at tinatanggap ang Makapangyarihang Diyos. Sila ang matatalinong dalaga na dumadalo sa piging ng kasal ng Cordero. Ngunit ang mga tumatanggi sa Makapangyarihang Diyos ay nagiging mga hangal na dalaga na mahuhulog sa mga sakuna, na tumatangis. Ngayon nakikita na dapat natin kung bakit hindi nakita ng mundo ng relihiyon ang Panginoong Jesus na bumaba sakay ng isang ulap. Nagmamatigas silang nakakapit sa literal na Kasulatan, natitiyak na paparito ang Panginoon sakay ng isang ulap upang dalhin sila, batay sa sarili nilang mga ideya. Ngunit sa realidad, dumating na nang palihim ang Panginoon upang gumawa. Ang Makapangyarihang Diyos ay nagpahayag ng napakaraming katotohanan na ayaw nilang hanapin. Nakakarinig sila ngunit hindi nakikinig, nakakakita ngunit hindi nakakaunawa. Bulag nilang nilalabanan at kinokondena ang Makapangyarihang Diyos. Patuloy silang tumititig sa himpapawid, hinihintay ang Tagapagligtas na si Jesus na bumaba sakay ng isang ulap. Ito ang magdadala sa kanila sa mga sakuna. Sino ang dapat sisihin?
Ngayon, nakumpleto na ng Makapangyarihang Diyos ang isang grupo ng mananagumpay sa pamamagitan ng Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Nagsimula na ang mga sakuna at ang hinirang na mga tao ng Diyos ay itinatalaga ang kanilang sarili sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos, nagpapatotoo sa pagpapakita at gawain ng Diyos. Parami nang parami ang nagsisiyasat at tinatanggap ang tunay na daan, at ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay itinatatag sa parami nang paraming mga bansa. Ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ipinalalaganap at pinatototohanan sa buong mundo. Yaong mga nauuhaw sa katotohanan at hinahanap ang pagpapakita ng Diyos ay lumalapit sa harap ng Kanyang trono, isa-isa. Hindi ito mapipigilan! Tinutupad nito ang propesiya sa Biblia: “At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon” (Isaias 2:2). Ngunit ang mga anticristong puwersa sa mundo ng relihiyon na sumasalungat sa Makapangyarihang Diyos, at ang mga tinatawag na mananampalataya na inililigaw at kinokontrol nila ay bumagsak na sa mga sakuna, nawalan ng kanilang pagkakataong marapture. Sila’y tumatangis at nagngangalit ng kanilang mga ngipin. Ito’y talagang isang trahedya. Manood tayo ng isang video ng pagbasa ng mga salita ng Diyos bilang pagtatapos sa araw na ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Yaong mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno yaong mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung sinusubukan mo lamang na hawakan ang nakaraan, sinusubukan lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka nila maaakay para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Napagyayaman lamang ng mga banal na kasulatang binabasa mo ang dila mo at hindi ng mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi sa mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo ng pagmumuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba pinagtatanto ka nito sa mga hiwagang sumasaloob? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi kailanman makakamit ang buhay” (“Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao).