Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Mga Hantungan at mga Kalalabasan | Sipi 584

584 2020-10-27

Nakágáwâ na Ako ng maraming gawain sa kalagitnaan ninyo, at siyempre, nakágáwâ na rin ng ilang mga pagbigkas. Nguni’t hindi Ko mapigilang maramdaman na hindi pa lubusang natutupad ng mga salita at mga gawain Ko ang layunin ng Aking gawain sa mga huling araw. Dahil, sa mga huling araw, ang gawain Ko ay hindi alang-alang sa isang tao o grupo ng mga tao, kundi upang ipakita ang Aking likas na disposisyon. Gayunman, dahil sa hindi mabilang na kadahilanan—marahil sa kakulangan ng oras o masyadong abala sa trabaho—hindi nagawa ng Aking disposisyon na makilala ako ng tao kahit na katiting. Kaya nagpapatuloy ako sa bago Kong plano, tungo sa pangwakas Kong gawain, para magbuklat ng isang bagong pahina sa Aking gawain upang ang lahat ng makakakita sa Akin ay magsisisuntok sa kanilang dibdib at tatangis at mananaghoy nang walang tigil dahil sa Aking pag-iral. Ito ay dahil dinadala ko ang katapusan ng sangkatauhan sa mundo, at mula sa puntong ito, inilalantad Ko ang Aking buong disposisyon sa harap ng sangkatauhan, upang ang lahat ng nakakakilala sa Akin at lahat ng hindi ay magpiyesta ang kanilang mga mata at makita na totoo ngang nakarating ako sa daigdig ng tao, dumating sa lupa kung saan ang lahat ng bagay ay nagpaparami. Ito ang plano Ko, ito ang tangi Kong “pangungumpisal” mula nang likhain Ko ang sangkatauhan. Ninanais Ko na maibigay sana ninyo ang buo ninyong pansin sa bawa’t galaw Ko, dahil minsan pang lumalapit ang Aking pamalo sa sangkatauhan, sa lahat ng sumasalungat sa Akin.

Kasama ang mga kalangitan, sinisimulan ko ang gawain na dapat kong gawin. Kaya dumadaan Ako sa gitna ng agos ng mga tao at kumikilos sa pagitan ng langit at lupa, nang walang sinuman kahit kailan ang nakakaramdam ng mga galaw Ko o nakakapansin ng mga salita Ko. Kaya, maayos pa ring sumusulong ang plano ko. Kaya lamang ay naging lubhang manhid ang lahat ng pakiramdam ninyo kaya hindi ninyo alam ni bahagya ang mga hakbang ng gawain Ko. Pero siguradong darating ang araw na matatanto ninyo ang intensyon Ko. Ngayon, naninirahan Akong kasama ninyo at nagdurusang kasama ninyo. Matagal ko nang naunawaan ang saloobin ng tao sa Akin. Hindi ko nais na linawin pa nang higit, lalo na ang magbigay ng higit pang mga pagkakataon ng masakit na paksa para hiyain kayo. Ang tanging nais ko ay panatilihin ninyo ang lahat ng nagawa ninyo sa inyong mga puso upang makapagkuwenta tayo sa araw ng muli nating pagkikita. Hindi ko nais na paratangan nang mali ang sinuman sa inyo, dahil palagi akong kumikilos nang makatarungan, walang kinikilingan, at may dangal. Siyempre, nais Ko ring kayo ay maging bukas at magkaroon ng magandang kalooban at huwag gumawa ng anumang laban sa langit at lupa at sa inyong konsensya. Ito lamang ang bagay na hinihingi Ko sa inyo. Maraming tao ang hindi mapalagay at naiilang dahil nakagawa sila ng mga nakakapangilabot na kamalian, at marami ang nahihiya sa kanilang sarili dahil hindi sila kailanman nakaganap ng isang mabuting gawa. Nguni’t marami rin ang hindi man lamang nahihiya sa kanilang mga kasalanan, palala nang palala, at ganap nang nagtanggal ng maskarang nagtatakip sa kanilang napakapangit na mga katangian—na hindi pa lubusang nalalantad—para subukin ang Aking disposisyon. Hindi ko pinapansin, o binubusisi, ang mga kilos ng sinumang tao. Sa halip, ginagawa Ko ang gawaing dapat kong gawin, iyon man ay pag-iipon ng impormasyon, o paglilibot sa lupain, o paggawa ng isang bagay na gusto Ko. Sa mahahalagang pagkakataon, ipagpapatuloy ko ang gawain Ko sa gitna ng mga tao tulad ng orihinal na nakaplano, hindi nahuhuli o napapaaga ng isa mang segundo, at nang kapwa madali at mabilis. Gayunman, sa bawa’t hakbang ng gawain Ko may ilang taong naiwaksi, dahil kinamumuhian ko ang kanilang mga pambobola at pakunwaring pagsunod. Tiyak na iiwanan ang mga kasuklam-suklam sa Akin, sinasadya man o hindi. Sa madaling salita, gusto Kong malayo sa Akin ang lahat ng kinasusuklaman Ko. Sabihin pa, hindi ko palalampasin ang masasamang natitira sa tahanan Ko. Dahil nalalapit na ang araw ng kaparusahan ng tao, hindi ako nagmamadali na itapon ang lahat ng mga kasuklam-suklam na kaluluwa, sapagka’t may sarili Akong plano.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Mag-iwan ng Tugon