Ang pagliligtas ng Diyos sa tao ay hindi direktang ginagawa sa pamamagitan ng paraan ng Espiritu o pagkakakilanlan ng Espiritu, sapagkat ang Kanyang Espiritu ay hindi maaaring mahawakan o makita ng tao, at hindi maaaring malapitan ng tao. Kung sinubukan Niyang direktang iligtas ang tao sa paraan ng Espiritu, hindi magagawa ng tao na tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Kung hindi isinuot ng Diyos ang panlabas na anyo ng isang nilalang na tao, hindi magkakaroon ang tao ng paraan para tanggapin ang kaligtasang ito. Sapagkat walang paraan ang tao upang makalapit sa Kanya, katulad ng walang nakalapit sa ulap ni Jehova. Tanging sa pamamagitan ng pagiging isang nilikhang tao, ibig sabihin, ang paglalagay ng Kanyang salita sa Kanyang magiging katawang-tao, na personal Niyang magagawa ang salita sa lahat ng sumusunod sa Kanya. Saka lamang maaaring personal na makita at marinig ng tao ang Kanyang salita, at taglayin ang Kanyang salita, at sa gayon ay lubusang mailigtas. Kung ang Diyos ay hindi naging katawang-tao, walang nagtataglay ng laman at dugo ang makakatanggap ng gayon kadakilang kaligtasan, at wala rin kahit isang tao ang maliligtas. Kung ang Espiritu ng Diyos ay gumawa nang direkta sa gitna ng sangkatauhan, ang buong sangkatauhan ay pababagsakin o ganap na mabibihag ni Satanas dahil hindi kaya ng tao na makaugnay ang Diyos. Ang unang pagkakatawang-tao ay upang tubusin ang tao mula sa kasalanan sa pamamagitan ng katawang-tao ni Jesus, iyon ay, iniligtas Niya ang tao mula sa krus, ngunit ang tiwaling maka-satanas na disposisyon ng tao ay nanatili pa rin sa loob ng tao. Ang ikalawang pagkakatawang-tao ay hindi na upang magsilbing handog para sa kasalanan kundi upang lubos na iligtas yaong mga taong tinubos mula sa kasalanan. Ito ay ginagawa upang ang mga pinatawad ay mapalaya mula sa kanilang mga kasalanan at magawang ganap na malinis, at sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon, sa gayon ay makawala sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas at makabalik sa harap ng trono ng Diyos. Tanging sa paraang ito maaaring lubos na mapabanal ang tao. Sinimulan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa Kapanahunan ng Biyaya nang matapos na ang Kapanahunan ng Kautusan. Nagpatuloy ito hanggang sa mga huling araw, kung kailan ganap na dadalisayin ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo sa tao para sa kanilang pagiging mapanghimagsik. Saka lamang tatapusin ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas at papasok sa kapahingahan. Samakatuwid, sa tatlong yugto ng gawain, dalawang beses lamang nagkatawang-tao ang Diyos upang isagawa Niya Mismo ang Kanyang gawain sa tao. Iyon ay dahil isa lamang sa tatlong yugto ng gawain ang aakay sa mga tao sa kanilang mga buhay, habang ang dalawa pang iba ay binubuo ng gawain ng pagliligtas. Tanging kapag nagiging katawang-tao ang Diyos saka Siya maaaring mamuhay kasama ng tao, maranasan ang paghihirap ng mundo, at mamuhay sa isang normal na katawang may laman. Sa ganitong paraan lamang Niya maaaring tustusan ang mga tao ng praktikal na daan na kailangan nila bilang mga nilalang. Ang tao ay nakakatanggap ng lubos na kaligtasan mula sa Diyos sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi direkta mula sa langit bilang kasagutan sa kanyang mga panalangin. Sapagkat ang tao ay nilalang na may laman, walang paraan ang tao na makita ang Espiritu ng Diyos at lalong hindi ang lapitan ang Kanyang Espiritu. Ang makakaugnayan lamang ng tao ay ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, at sa pamamagitan lamang nito na nauunawaan ng tao ang lahat ng daan at lahat ng katotohanan at matatanggap ang ganap na kaligtasan. Ang ikalawang pagkakatawang-tao ay sapat upang alisin ang mga kasalanan ng tao at ganap na dalisayin ang tao. Samakatuwid, sa pangalawang pagkakatawang-tao ay dadalhin sa pagtatapos ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao at kukumpletuhin ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Pagkatapos noon, ang gawain ng Diyos sa katawang-tao ay lubos na magtatapos. Pagkatapos ng ikalawang pagkakatawang-tao, hindi na Siya muling magiging katawang-tao sa ikatlong pagkakataon para sa Kanyang gawain. Sapagkat ang Kanyang buong pamamahala ay natapos na. Ang pagkakatawang-tao sa mga huling araw ay ganap nang nakamit ang Kanyang hinirang na bayan, at ang sangkatauhan sa mga huling araw ay napaghiwalay na ayon sa kanilang uri. Hindi na Niya gagawin ang gawain ng pagliligtas, ni babalik sa katawang-tao upang magsakatuparan ng anumang gawain.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4