Mag-subscribe

Menu

Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (2)

Sa panahong si Jesus ay gumawa sa Judea, gumawa Siya nang lantaran, ngunit ngayon, gumagawa at nagsasalita Ako sa inyo nang lihim. Ganap na hindi ito alam ng mga hindi mananampalataya. Ang Aking gawain sa inyo ay sarado sa mga nasa labas. Ang mga salitang ito, ang mga pagkastigo at mga paghatol na ito, ay hayag lamang sa inyo at hindi sa iba pa. Lahat ng gawaing ito ay isinasagawa sa inyo at inihahayag lamang sa inyo; wala sa mga hindi mananampalataya ang nakakaalam nito, dahil hindi pa dumarating ang oras. Malapit nang maging ganap ang mga taong narito matapos na tiisin ang mga pagkastigo, ngunit walang alam ang mga nasa labas tungkol dito. Masyadong nakatago ang gawaing ito! Para sa kanila, natatago ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit sa mga nasa daloy na ito, maaaring sabihin na Siya ay hindi lihim. Bagama’t ang lahat ay bukas sa Diyos, ang lahat ay inihahayag, at ang lahat ay inilalabas, totoo lamang ito sa mga taong naniniwala sa Kanya; kung ang mga nalalabi, ang mga hindi mananampalataya, ang pag-uusapan, walang ipinaaalam sa kanila. Ang gawaing kasalukuyang isinasagawa sa inyo at sa China ay mahigpit na nakasarado, upang hindi nila malaman. Kung malalaman nila ang gawaing ito, paghatol at pag-uusig lamang ang gagawin nila rito. Hindi sila maniniwala rito. Ang gumawa sa bansa ng malaking pulang dragon, ang pinakapaurong sa mga lugar, ay hindi isang madaling gawain. Kung ang gawaing ito ay ihahayag, magiging imposibleng magpatuloy ito. Ang yugtong ito ng gawain ay sadyang hindi maisasagawa sa lugar na ito. Kung ang gawaing ito ay isasagawa nang lantaran, paano nila pahihintulutan itong sumulong? Hindi ba ito magdadala ng mas malaking panganib sa gawain? Kung hindi itinago ang gawaing ito, at sa halip ay isinagawa tulad sa panahon ni Jesus, nang kamangha-mangha Siyang nagpagaling ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, hindi kaya matagal na itong “sinunggaban” ng mga demonyo? Kaya ba nilang tiisin ang pag-iral ng Diyos? Kung papasok Ako ngayon sa mga sinagoga upang mangaral at magbigay ng sermon sa tao, hindi kaya matagal na Akong nagkadurug-durog? At kung nangyari iyon, paano patuloy na maisasagawa ang Aking gawain? Ang dahilan kung bakit ang mga tanda at kababalaghan ay hindi ipinapamalas nang lantaran ay para magkubli. Kaya ang Aking gawain ay hindi maaaring makita, malaman, o matuklasan ng mga hindi mananampalataya. Kung ang yugtong ito ng gawain ay gagawin sa parehong paraan tulad ng kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ito magiging napakatatag gaya ngayon. Kaya, ang gumawa nang patago sa paraang ito ay may benepisyo sa inyo at sa kabuuan ng gawain. Kapag ang gawain ng Diyos sa lupa ay dumating na sa katapusan, ibig sabihin, kapag ang lihim na gawaing ito ay natapos na, ang yugtong ito ng gawain ay mahahayag. Malalaman ng lahat na may isang grupo ng mga mananagumpay sa China; malalaman ng lahat na nasa China ang Diyos na nagkatawang-tao at dumating na sa pagtatapos ang Kanyang gawain. Doon lamang magliliwanag sa tao: Bakit hindi pa nagpapakita ang China ng paghina o pagbagsak? Lumalabas na ang Diyos ay personal na nagsasagawa ng Kanyang gawain sa China at ginawang perpekto ang isang grupo ng tao para maging mga mananagumpay.

Ipinapamalas lamang ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang sarili sa ilang tao na sumusunod sa Kanya sa panahong ito kung kailan personal Niyang isinasagawa ang Kanyang gawain, at hindi sa lahat ng nilalang. Naging tao lamang Siya upang makumpleto ang isang yugto ng Kanyang gawain, hindi upang ipakita sa tao ang Kanyang larawan. Gayunpaman, dapat na tuparin Niya mismo ang Kanyang gawain, kaya kinakailangan Niya itong gawin sa katawang-tao. Kapag natapos na ang gawaing ito, aalis na Siya mula sa daigdig ng mga tao; hindi Siya maaaring manatili nang mahabang panahon sa sangkatauhan dahil sa takot na mahadlangan ang darating na gawain. Ang ipinapamalas Niya sa marami ay ang Kanya lamang matuwid na disposisyon at ang lahat ng Kanyang gawa, at hindi ang larawan nang dalawang beses Siyang nagkatawang-tao, dahil ang larawan ng Diyos ay maaari lamang maipakita sa Kanyang disposisyon, at hindi mapapalitan ng larawan ng Kanyang nagkatawang-taong laman. Ipinapakita lamang sa limitadong bilang ng mga tao ang larawan ng Kanyang katawang-tao, tanging sa mga taong sumusunod sa Kanya habang gumagawa Siya sa katawang-tao. Ito ang dahilan kung bakit ang gawaing ipinapatupad ngayon ay ginagawa nang lihim. Tulad ni Jesus na ipinakita lamang ang Kanyang sarili sa mga Judio noong ginawa Niya ang Kanyang gawain, at hindi kailanman hayagan na ipinakita ang Kanyang sarili sa ibang bansa. Kaya, sa sandaling nakumpleto Niya ang Kanyang gawain, kaagad Niyang nilisan ang mundo ng mga tao at hindi nanatili; pagkatapos, hindi Siya, na larawan ng tao, ang nagpakita ng Kanyang sarili sa tao, kundi ang Banal na Espiritu na direktang nagsakatuparan ng gawain. Kapag ganap nang natapos ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, aalis na Siya mula sa mortal na mundo, at hindi na kailanman muling gagawa ng anumang gawain na katulad ng Kanyang ginawa noong Siya ay nagkatawang-tao. Pagkatapos nito, ang gawain ay direktang ginagawa lahat ng Banal na Espiritu. Sa panahong ito, halos hindi nakikita ng tao ang Kanyang larawan sa katawang-tao; hindi Niya ipinapakita ang Kanyang sarili sa tao sa anumang paraan, at nananatiling nakatago magpakailanman. May limitadong oras para sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Isinasagawa ito sa isang tiyak na kapanahunan, oras, bansa at sa mga partikular na tao. Ang gawaing ito ay kumakatawan lamang sa gawain sa panahong ang Diyos ay nagkatawang-tao; ito ay kumakatawan sa isang kapanahunan, at kumakatawan ito sa gawain ng Espiritu ng Diyos sa isang partikular na kapanahunan, at hindi sa kabuuan ng Kanyang gawain. Samakatuwid, hindi ipapakita sa lahat ng tao ang larawan ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang ipinapakita sa marami ay ang kabuuan ng pagiging matuwid ng Diyos at ng Kanyang disposisyon, sa halip na ang Kanyang larawan nang dalawang beses Siyang naging tao. Ang ipinapakita sa tao ay hindi ang isang larawan, ni ang dalawang larawang pinagsama. Samakatuwid, kinakailangang umalis sa daigdig ang laman ng nagkatawang-taong Diyos kapag nakumpleto na ang gawain na kailangan Niyang gawin, sapagkat dumarating lamang Siya upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin, at hindi upang ipakita sa mga tao ang Kanyang larawan. Kahit na ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay natupad na ng Diyos nang dalawang beses Siyang maging tao, hindi pa rin Niya lantarang ipapamalas ang Kanyang sarili sa anumang bansa na kailanman ay hindi pa Siya nakita. Hindi na kailanman muling ipapakita ni Jesus ang Kanyang Sarili sa mga Judio bilang ang Araw ng katuwiran, ar hindi na rin Siya aakyat sa Bundok ng mga Olibo at magpapakita sa lahat ng tao; ang nakita lamang ng mga Judio ay ang larawan ni Jesus sa Kanyang panahon sa Judea. Ito ay dahil ang gawain ni Jesus na nagkatawang-tao ay natapos na dalawang libong taon na ang nakakaraan; hindi Siya babalik sa Judea sa larawan ng isang Judio, lalo nang hindi Niya ipapakita ang Kanyang sarili sa larawan ng isang Judio sa alinman sa mga bansang Gentil, sapagkat ang larawan ni Jesus na nagkatawang-tao ay ang larawan lamang ng isang Judio, at hindi ang larawan ng Anak ng tao na nakita ni Juan. Bagama’t ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod na Siya ay muling darating, hindi Niya basta ipapakita ang Kanyang Sarili sa larawan ng isang Judio sa lahat ng nasa mga bansang Gentil. Dapat ninyong malaman na ang gawain ng Diyos na naging tao ay ang magbukas ng isang bagong kapanahunan. Ang gawaing ito ay limitado sa iilang taon, at hindi Niya matatapos ang lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos, kapareho ng kung paanong ang larawan ni Jesus bilang isang Judio ay maaari lamang kumatawan sa larawan ng Diyos noong gumawa Siya sa Judea, at ang maaari lamang Niyang gawin ay ang gawain ng pagpapapako sa krus. Noong panahon na si Jesus ay nagkatawang-tao, hindi Niya maaaring gawin ang gawain ng paghahatid ng kapanahunan sa isang katapusan o pagwasak sa sangkatauhan. Samakatuwid, pagkatapos Niyang maipako sa krus at matapos ang Kanyang gawain, umakyat Siya sa kaitaasan at ikinubli ang Kanyang sarili mula sa tao magpakailanman. Mula noon, ang mga tapat na mananampalataya sa mga bansang Gentil ay hindi nakakita ng pagpapamalas ng Panginoong Jesus, at nakita lamang ang larawan Niya na inilagay nila sa mga pader. Ang larawan na ito ay isa lamang guhit ng tao, at hindi ang larawan na ipinakita ng Diyos Mismo sa tao. Hindi lantarang ipapakita ng Diyos ang Kanyang Sarili sa maraming tao sa larawan nang Siya ay dalawang beses na nagkatawang-tao. Ang gawaing ginagawa Niya sa sangkatauhan ay ang tulutan silang maunawaan ang Kanyang disposisyon. Itong lahat ay ipinapakita sa tao sa pamamagitan ng gawain ng iba’t ibang kapanahunan; natutupad ito sa pamamagitan ng disposisyon na ipinaalam Niya at ng gawaing Kanyang isinakatuparan, sa halip na sa pamamagitan ng pagpapakita ni Jesus. Ibig sabihin, ang larawan ng Diyos ay hindi ipinapaalam sa tao sa pamamagitan ng nagkatawang-taong larawan, kundi sa pamamagitan ng gawain na isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao na may kapwa larawan at anyo; at sa pamamagitan ng Kanyang gawain, ang Kanyang larawan ay ipinapakita at ang Kanyang disposisyon ay ipinapaalam. Ito ang kahalagahan ng gawain na nais Niyang gawin sa katawang-tao.

Sa sandaling ang gawain ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay dumating na sa katapusan, magsisimula na Siyang magpakita ng Kanyang matuwid na disposisyon sa lahat ng bansa ng mga hindi mananampalataya, na magtutulot sa maraming tao na makita ang Kanyang larawan. Ipapamalas Niya ang Kanyang disposisyon at sa pamamagitan nito ay gagawing malinaw ang katapusan ng iba’t ibang uri ng tao, sa gayong paraan ay madadala ang lumang kapanahunan sa ganap na katapusan. Ang dahilan kung bakit ang Kanyang gawain sa katawang-tao ay hindi napakalawak (katulad noong gumawa lamang si Jesus sa Judea, at ngayon ay gumagawa lamang Ako sa inyo) ay dahil ang Kanyang gawain sa katawang-tao ay may mga hangganan at limitasyon. Isinasagawa lamang Niya ang isang maikling panahon ng gawain sa larawan ng isang karaniwan at normal na katawang-tao; hindi Niya ginagamit ang laman na ito na nagkatawang-tao para isakatuparan ang gawain ng walang hanggan o ang gawain ng pagpapakita sa mga tao ng mga bansa ng mga hindi mananampalataya. Ang gawain sa katawang-tao ay limitado lamang ang saklaw (gaya ng paggawa lamang sa Judea o sa inyo), at pagkatapos, ang saklaw nito ay maaaring palakihin sa pamamagitan ng gawain na isinasakatuparan sa loob ng mga hangganan na ito. Siyempre, ang gawain ng pagpapalawak ay direktang isasagawa ng Kanyang Espiritu at hindi na magiging gawain ng Kanyang katawang-tao. Sapagkat ang gawain sa katawang-tao ay may mga hangganan at hindi umaabot sa lahat ng sulok ng sansinukob—ito ay hindi nito magagawa. Sa pamamagitan ng gawain sa katawang-tao, isinasakatuparan ng Kanyang Espiritu ang susunod na gawain. Samakatuwid, ang gawain na ginawa sa katawang-tao ay isa sa simulaing isinasakatuparan sa loob ng mga hangganan; pagkatapos nito, ang Kanyang Espiritu ang nagpapatuloy sa gawaing ito, at ginagawa Niya ito sa mas malawak na saklaw.

Dumarating ang Diyos dito sa mundo para gawin lamang ang gawain ng paggabay sa kapanahunan; ang tanging layunin Niya ay ang magbukas ng isang bagong kapanahunan at dalhin ang luma sa katapusan. Hindi Siya naparito upang isabuhay ang buong buhay ng isang tao sa lupa, upang maranasan Niya Mismo ang mga kasiyahan at kalungkutan ng buhay sa mundo ng tao, o upang gawing perpekto ang isang tao sa pamamagitan ng Kanyang kamay o personal na panoorin ang isang partikular na tao habang siya ay lumalaki. Hindi Niya ito gawain; ang Kanyang gawain lamang ay ang simulan ang bagong kapanahunan at tapusin ang luma. Ibig sabihin, personal Siyang magsisimula ng isang kapanahunan, personal na dadalhin ang isa pa sa katapusan, at tatalunin si Satanas sa pamamagitan ng personal na pagsasagawa ng Kanyang gawain. Tuwing tinutupad Niya ang Kanyang gawain nang personal, tila inilalagay Niya ang isa Niyang paa sa lugar ng digmaan. Una, nilulupig Niya ang mundo at nagwawagi laban kay Satanas habang nasa katawang-tao; nagtatamo Siya ng lahat ng kaluwalhatian at sinisimulan ang kabuuan ng gawain ng dalawang libong taon, ito ay upang ang lahat ng tao sa mundo ay magkaroon ng tamang landas na susundin, at isang buhay na payapa at masaya. Gayunman, ang Diyos ay hindi maaaring mamuhay na kasama ng tao sa mundo nang matagal, dahil ang Diyos ay Diyos, at hindi tulad ng tao matapos ang lahat. Hindi Niya maaaring isabuhay ang buong buhay ng isang normal na tao, ibig sabihin, hindi Siya maaaring tumira sa mundo bilang isang taong ordinaryo lamang, dahil mayroon lamang Siyang napakaliit na bahagi ng normal na pagkatao ng isang normal na tao para patuloy Siyang mabuhay bilang tao. Sa madaling salita, paano makakapagsimula ang Diyos ng pamilya, magkakaroon ng karera, at magpapalaki ng mga anak sa mundo? Hindi ba ito magiging isang kahihiyan sa Kanya? Ang pagkakaroon Niya ng normal na pagkatao ay para lamang sa layunin na isakatuparan ang gawain sa normal na paraan, hindi upang bigyan Siya ng kakayahang magkaroon ng isang pamilya at propesyon na tulad ng isang normal na tao. Ang Kanyang normal na katinuan, normal na pag-iisip, at ang normal na pagpapakain at pagdadamit sa Kanyang katawang-tao ay sapat na upang patunayang mayroon Siyang normal na pagkatao; hindi na Niya kailangang magkaroon ng pamilya o karera upang patunayang Siya ay pinagkalooban ng normal na pagkatao. Ito ay ganap na hindi kinakailangan! Ang pagdating ng Diyos sa mundo ay ang pagiging tao ng Salita; pinahihintulutan lamang Niya ang tao na maintindihan ang Kanyang salita at makita ang Kanyang salita, ibig sabihin, pinapahintulutan ang tao na makita ang gawaing isinasagawa ng katawang-tao. Ang Kanyang layunin ay hindi para tratuhin ng mga tao ang Kanyang katawang-tao sa isang partikular na paraan, kundi para lamang ang tao ay maging masunurin hanggang sa katapusan, iyon ay, upang sundin ang lahat ng salita na lumalabas mula sa Kanyang bibig, at para magpasakop sa lahat ng gawain na Kanyang ginagawa. Siya ay gumagawa lamang sa katawang-tao; hindi Siya sadyang humihingi sa tao na purihin ang kadakilaan at kabanalan ng Kanyang katawang-tao, kundi ipinapakita sa tao ang karunungan ng Kanyang gawain at lahat ng awtoridad na Kanyang hawak. Samakatuwid, kahit na Siya ay may katangi-tanging pagkatao, hindi Siya gumagawa ng mga anunsyo, at nakatuon lamang sa gawain na dapat Niyang gawin. Dapat ninyong malaman kung bakit ang Diyos ay naging tao at gayunman ay hindi inilalabas o pinatototohanan ang Kanyang normal na pagkatao, kundi isinasagawa lamang ang gawain na nais Niyang gawin. Kung gayon, ang lahat ng inyong makikita mula sa nagkatawang-taong Diyos ay kung ano ang Kanyang pagka-Diyos; ito ay dahil hindi Niya inihahayag kailanman kung ano ang Kanyang pagkatao upang tularan ng tao. Nagsasalita lamang ang tao kung ano ang pagkatao kapag pinamumunuan niya ang ibang mga tao, upang mas makamit niya ang kanilang paghanga at matibay na paniniwala at nang sa gayon ay mapamunuan ang iba. Kabaligtaran nito, nilulupig ng Diyos ang tao sa pamamagitan lamang ng Kanyang gawain (na ang ibig sabihin ay ang gawaing hindi natatamo ng tao); hindi kailangang hangaan Siya ng tao, o ipagawa Niya sa tao na pakamahalin Siya. Ang ginagawa lamang Niya ay ikintal sa tao ang damdamin ng paggalang sa Kanya o ang pagkaunawa sa Kanyang pagiging di-maarok. Hindi na kailangan ng Diyos na magpahanga sa tao; ang kailangan lang Niya ay ang gumalang ka sa Kanya kapag nasaksihan mo ang Kanyang disposisyon. Ang gawain na ginagawa ng Diyos ay sarili Niya; hindi ito maaaring gawin ng tao bilang kahalili Niya, ni maisasakatuparan ng tao. Tanging ang Diyos Mismo ang makakagawa ng Kanyang sariling gawain at makapaghahatid ng isang bagong kapanahunan upang pangunahan ang tao sa mga bagong pamumuhay. Ang gawain na Kanyang ginagawa ay ang bigyang kakayahan ang tao na magkaroon ng isang bagong buhay at pumasok sa isang bagong kapanahunan. Ang lahat ng iba pang gawain ay ipinapasa sa mga tao na mayroong normal na pagkatao at hinahangaan ng iba. Kung kaya, sa Kapanahunan ng Biyaya, tinapos Niya ang dalawang libong taon na gawain sa loob lamang ng tatlo at kalahating taon ng Kanyang tatlumpu’t tatlong taon na nasa katawang-tao. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa at ipinatutupad ang Kanyang gawain, palagi Niyang tinatapos ang dalawang libong taon na gawain o ang isang buong kapanahunan sa loob lamang ng ilang taon. Hindi Siya nananatili, at hindi Siya nagpapatagal; pinaiikli lamang Niya ang gawain ng maraming taon upang ito ay matapos sa loob lamang ng ilang taon. Ito ay dahil ang gawain na Kanyang personal na ginagawa ay ang magbukas lamang ng isang daan palabas at pamunuan ang isang bagong kapanahunan.

Mag-iwan ng Tugon