Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao
Bawat yugto ng gawaing ginawa ng Diyos ay may sariling praktikal na kabuluhan. Noon, nang pumarito si Jesus, dumating Siya sa anyong lalaki, at nang dumating ang Diyos sa pagkakataong ito, ang anyo Niya ay babae. Mula rito, makikita mo na ang paglikha ng Diyos sa kapwa lalaki at babae ay magagamit sa Kanyang gawain, at para sa Kanya ay walang pagkakaiba ng kasarian. Kapag dumarating ang Kanyang Espiritu, maaari Siyang magbihis ng anumang katawang-taong gusto Niya, at maaari Siyang katawanin ng katawang-taong iyon; lalaki man o babae, maaari nitong katawanin ang Diyos basta’t ito ang Kanyang nagkatawang-taong laman. Kung nagpakita si Jesus bilang isang babae nang Siya ay dumating, sa madaling salita, kung isang sanggol na babae, at hindi isang lalaki, naipaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, makukumpleto pa rin ang yugtong iyon ng gawain. Kung nagkagayon, kakailanganing kumpletuhin ng isang lalaki ang kasalukuyang yugto ng gawain, ngunit makukumpleto pa rin ang gawain. Ang gawaing ginagawa sa bawat yugto ay mayroong sarili nitong kabuluhan; hindi naulit ang alinmang yugto ng gawain, ni hindi ito magkasalungat. Sa panahong iyon, si Jesus, sa paggawa ng Kanyang gawain, ay tinawag na bugtong na Anak, at ang “Anak” ay nagpapahiwatig ng kasariang lalaki. Bakit hindi binanggit ang bugtong na Anak sa kasalukuyang yugtong ito? Dahil ang mga kinakailangan ng gawain ay nangailangan ng pagbabago ng kasarian na naiiba sa kay Jesus. Para sa Diyos walang pagkakaiba ang kasarian. Ginagawa Niya ang Kanyang gawain ayon sa Kanyang kagustuhan, at sa paggawa ng Kanyang gawain ay hindi Siya sumasailalim sa anumang mga paghihigpit, kundi malayang-malaya. Subalit bawat yugto ng gawain ay may sariling praktikal na kabuluhan. Dalawang beses na naging tao ang Diyos, at maliwanag na ang Kanyang pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang huling pagkakataon. Naparito Siya upang ipahayag ang lahat ng Kanyang gawa. Kung hindi Siya naging tao sa yugtong ito upang personal na gumawa para masaksihan ng tao, kumapit sana ang tao magpakailanman sa kuru-kuro na ang Diyos ay lalaki lamang, hindi babae. Bago ito, naniwala ang buong sangkatauhan na maaari lamang maging lalaki ang Diyos at hindi maaaring tawaging Diyos ang isang babae, sapagkat itinuring ng buong sangkatauhan na may awtoridad ang mga lalaki sa mga babae. Naniwala sila na walang babaeng maaaring magkaroon ng awtoridad, mga lalaki lamang. Bukod pa rito, sinabi pa nila na ang lalaki ang pinuno ng babae at na kailangang sundin ng babae ang lalaki at hindi niya maaaring higitan ito. Noong araw, nang sabihin na ang lalaki ang pinuno ng babae, patungkol ito kina Adan at Eba, na nalinlang ng ahas—hindi sa lalaki at babae ayon sa pagkalikha sa kanila ni Jehova sa simula. Siyempre pa, kailangang sundin at mahalin ng isang babae ang kanyang asawa, at kailangang matutuhan ng lalaki na pakainin at suportahan ang kanyang pamilya. Ito ang mga batas at kautusang itinakda ni Jehova na kailangang sundin ng sangkatauhan sa kanilang buhay sa lupa. Sinabi ni Jehova sa babae, “Ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo.” Sinabi lamang Niya iyon upang ang sangkatauhan (ibig sabihin, kapwa ang lalaki at ang babae) ay mabuhay nang normal sa ilalim ng kapamahalaan ni Jehova, at upang ang buhay ng sangkatauhan ay magkaroon ng isang kaayusan, at hindi mawala sa tama nitong pagkakaayos. Samakatuwid, gumawa si Jehova ng angkop na mga panuntunan tungkol sa nararapat na pagkilos ng lalaki at babae, bagama’t patungkol lamang ito sa lahat ng nilalang na nabubuhay sa lupa, at walang kaugnayan sa nagkatawang-taong laman ng Diyos. Paano magiging kapareho ng Diyos ang Kanyang mga nilikha? Ang Kanyang mga salita ay patungkol lamang sa sangkatauhan na Kanyang nilikha; para mabuhay nang normal ang sangkatauhan, itinakda Niya ang mga panuntunan para sa lalaki at babae. Sa simula, nang likhain ni Jehova ang sangkatauhan, gumawa Siya ng dalawang klaseng tao, kapwa lalaki at babae; kaya nga hiwalay ang lalaki at babae sa Kanyang mga nagkatawang-taong laman. Hindi Niya ipinasiya ang Kanyang gawain batay sa mga salitang sinabi Niya kina Adan at Eba. Ang dalawang beses na naging tao Siya ay natukoy nang lubusan ayon sa Kanyang iniisip noong una Niyang likhain ang sangkatauhan; ibig sabihin, nakumpleto Niya ang gawain ng Kanyang dalawang pagkakatawang-tao batay sa lalaki at babae bago sila nagawang tiwali. Kung tinanggap ng sangkatauhan ang mga salitang sinambit ni Jehova kina Adan at Eba, na nalinlang ng ahas, at inangkop ang mga ito sa gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi ba dapat ding mahalin ni Jesus ang Kanyang asawa tulad ng nararapat Niyang gawin? Sa ganitong paraan, magiging Diyos pa rin ba ang Diyos? At dahil dito, makakaya pa rin kaya Niyang kumpletuhin ang Kanyang gawain? Kung mali na maging babae ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, hindi kaya isang napakalaking kamalian din na nalikha ng Diyos ang babae? Kung naniniwala pa rin ang mga tao na maling magkatawang-tao ang Diyos bilang babae, hindi kaya nagkamali rin si Jesus, na hindi nag-asawa at samakatuwid ay hindi nagawang mahalin ang Kanyang asawa, na tulad ng kasalukuyang pagkakatawang-tao? Yamang ginagamit mo ang mga salitang sinambit ni Jehova kay Eba upang sukatin ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa kasalukuyang araw, kailangan mong gamitin ang mga salita ni Jehova kay Adan upang hatulan ang Panginoong Jesus na naging tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Hindi ba magkapareho ang mga ito? Yamang sinusukat mo ang Panginoong Jesus ayon sa lalaking hindi nalinlang ng ahas, hindi mo maaaring hatulan ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ngayon ayon sa babaeng nalinlang ng ahas. Hindi magiging patas ito! Ang pagsukat sa Diyos sa ganitong paraan ay nagpapatunay na wala ka sa katwiran. Nang maging tao si Jehova nang dalawang beses, ang kasarian ng Kanyang katawang-tao ay may kaugnayan sa lalaki at sa babaeng hindi nalinlang ng ahas; alinsunod ito sa lalaki at babaeng hindi nalinlang ng ahas na dalawang beses Siyang naging tao. Huwag mong isipin na ang pagkalalaki ni Jesus ay kapareho ng kay Adan, na nalinlang ng ahas. Ganap na walang kaugnayan ang dalawa, sila ay mga lalaki na dalawang magkaiba ang likas na pagkatao. Tiyak kayang hindi maaari na ang pagkalalaki ni Jesus ay nagpapatunay na Siya ang pinuno ng lahat ng babae ngunit hindi ng lahat ng lalaki? Hindi ba Siya ang Hari ng lahat ng Judio (kasama na kapwa ang mga lalaki at mga babae)? Siya ang Diyos Mismo, hindi lamang ang pinuno ng babae kundi ang pinuno rin ng lalaki. Siya ang Panginoon ng lahat ng nilalang at ang pinuno ng lahat ng nilalang. Paano mo malalaman na ang pagkalalaki ni Jesus ang sagisag ng pinuno ng babae? Hindi ba ito kalapastanganan? Si Jesus ay isang lalaking hindi nagawang tiwali. Siya ang Diyos; Siya ang Cristo; Siya ang Panginoon. Paano Siya magiging isang lalaki na tulad ni Adan na nagawang tiwali? Si Jesus ang katawang-taong ibinihis ng pinakabanal na Espiritu ng Diyos. Paano mo nasabi na Siya ay isang Diyos na nagtataglay ng pagkalalaki ni Adan? Kung magkagayon, hindi kaya mali ang buong gawain ng Diyos? Isasama kaya ni Jehova sa loob ni Jesus ang pagkalalaki ni Adan na nalinlang ng ahas? Hindi ba ang pagkakatawang-tao ng kasalukuyang panahon ay isa pang halimbawa ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, na iba ang kasarian kay Jesus ngunit katulad Niya ang likas na katangian? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na hindi maaaring maging babae ang Diyos na nagkatawang-tao, dahil babae ang unang nalinlang ng ahas? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na, dahil ang babae ang pinakamarumi at ang pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan, hindi posibleng maging tao ang Diyos bilang isang babae? Nangangahas ka bang magpumilit sa pagsasabi na “palaging susundin ng babae ang lalaki at hindi maaaring makita o direktang kumatawan sa Diyos kailanman”? Hindi ka nakaunawa noong araw, ngunit magagawa mo bang patuloy na lapastanganin ngayon ang gawain ng Diyos, lalo na ang nagkatawang-taong laman ng Diyos? Kung hindi ito malinaw sa iyo, mabuti pang ingatan mo ang iyong pananalita, kung hindi ay mahahayag ang iyong kahangalan at kamangmangan at malalantad ang iyong kapangitan. Huwag mong isipin na nauunawaan mo ang lahat. Sinasabi Ko sa iyo na hindi sapat ang lahat ng nakita at naranasan mo para maunawaan mo kahit ang ika-sanlibong bahagi ng Aking plano ng pamamahala. Kung gayon ay bakit napakayabang mong kumilos? Ang katiting na talento at kaunting kaalaman mo ay hindi sapat para gamitin ni Jesus kahit isang segundo lamang ng Kanyang gawain! Gaano ba talaga karami ang karanasan mo? Ang nakita mo at lahat ng narinig mo sa buong buhay mo at ang naisip mo ay maliit kaysa sa gawaing ginagawa Ko sa isang saglit! Ang pinakamabuti ay huwag kang mamintas at maghanap ng mali. Maaari kang magmayabang hangga’t gusto mo, ngunit isa ka lamang nilalang na ni hindi kapantay ng isang langgam! Lahat ng laman ng iyong tiyan ay mas kakaunti kaysa sa laman ng tiyan ng isang langgam! Huwag mong isipin na, komo nagkaroon ka na ng kaunting karanasan at nauna ka sa tungkulin, may karapatan ka nang magkukumpas at magmayabang. Hindi ba ang iyong karanasan at pagkauna sa tungkulin ay bunga ng mga salitang nabigkas Ko? Naniniwala ka ba na kapalit ang mga iyon ng sarili mong pagsisikap at pagpapagod? Ngayon, nakikita mo na Ako ay naging tao, at dahil lamang dito ay napuno ka ng napakaraming konsepto, at ng walang-katapusang mga kuru-kuro mula roon. Kung hindi dahil sa Aking pagkakatawang-tao, kahit may taglay kang mga di-pangkaraniwang talento, hindi ka magkakaroon ng napakaraming konsepto; at hindi ba rito nagmumula ang mga kuru-kuro mo? Kung hindi naging tao si Jesus sa unang pagkakataong iyon, malalaman mo kaya ang tungkol sa pagkakatawang-tao? Hindi ba dahil binigyan ka ng unang pagkakatawang-tao ng kaalaman kaya walang-pakundangan mong sinusubukang husgahan ang ikalawang pagkakatawang-tao? Bakit sa halip na maging isa kang masunuring alagad, pinag-aaralan mo ito? Kapag nakapasok ka na tungo sa daloy na ito at humarap ka sa Diyos na nagkatawang-tao, papayagan ka kaya Niyang magsaliksik tungkol sa Kanya? Maaari kang magsaliksik tungkol sa kasaysayan ng sarili mong pamilya, ngunit kung susubukan mong saliksikin ang “kasaysayan ng pamilya” ng Diyos, papayagan ka kaya ng Diyos ng ngayon na magsagawa ng gayong pag-aaral? Hindi ka ba bulag? Hindi mo ba hinahamak ang iyong sarili?
Kung nagawa lamang sana ang gawain ni Jesus, at hindi dinagdagan ng gawain sa yugtong ito ng mga huling araw, kakapit magpakailanman ang tao sa kuru-kuro na si Jesus lamang ang bugtong na Anak ng Diyos, ibig sabihin, na iisa lamang ang anak ng Diyos, at na sinumang kasunod Niya na iba ang pangalan ay hindi magiging bugtong na Anak ng Diyos, lalo nang hindi ang Diyos Mismo. May kuru-kuro ang tao na sinumang nagsisilbi bilang handog dahil sa kasalanan o naghahawak ng kapangyarihan sa ngalan ng Diyos at tumutubos sa buong sangkatauhan, ay ang bugtong na Anak ng Diyos. May ilang naniniwala na basta’t lalaki Yaong dumarating, maaari Siyang ituring na bugtong na Anak at kinatawan ng Diyos. May mga nagsasabi pa nga na si Jesus ang Anak ni Jehova, ang Kanyang bugtong na Anak. Hindi ba labis-labis ang gayong mga kuru-kuro? Kung ang yugtong ito ng gawain ay hindi ginawa sa huling kapanahunan, ang buong sangkatauhan ay malalambungan ng madilim na anino pagdating sa Diyos. Kung nagkagayon, iisipin ng lalaki na mas mataas siya kaysa sa babae, at hindi makapagtataas-noo ang mga babae kailanman, at pagkatapos ay wala ni isang babaeng maliligtas. Palaging naniniwala ang mga tao na lalaki ang Diyos, at bukod pa riyan ay lagi Niyang hinahamak ang babae at hindi siya pinagkakalooban ng kaligtasan. Kung nagkagayon, hindi ba magiging totoo na lahat ng babae, na nilikha ni Jehova at nagawa ring tiwali, ay hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataong maligtas? Kung gayon ay hindi ba mawawalan ng kabuluhan na likhain ni Jehova ang babae, ibig sabihin, na nalikha si Eba? At hindi ba mapapahamak ang babae magpasawalang-hanggan? Dahil dito, isinasakatuparan ang yugto ng gawain sa mga huling araw upang mailigtas ang buong sangkatauhan, hindi lamang ang babae. Kung iisipin ng sinuman na kung magkakatawang-tao ang Diyos bilang babae, para lamang iyon sa kapakanan ng pagliligtas sa babae, sa gayon ay talagang magiging hangal ang taong iyon!
Naisulong na ng gawain ngayon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, nakasulong na ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon na ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit Ko ba sinasabi nang paulit-ulit na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kautusan? Dahil ang gawain ng panahong ito ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at isang pag-unlad doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay, na bawat kawing sa kadena ay nakarugtong na mabuti sa kasunod. Bakit Ko ba sinasabi rin na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa ginawa ni Jesus? Ipagpalagay nang ang yugtong ito ay hindi batay sa gawaing ginawa ni Jesus, kakailanganing maganap ang isa pang pagpapapako sa krus sa yugtong ito, at ang gawain ng pagtubos ng naunang yugto ay kakailanganing uliting muli. Magiging walang saysay ito. Kaya nga hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas na nang mas mataas kaysa rati. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nakabatay sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at nakasalig sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ng Diyos ay itinatatag nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong simula. Ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain lamang ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ang gawain ng yugtong ito ay ginagawa sa pundasyon ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Kung hindi magkaugnay ang dalawang yugtong ito ng gawain, bakit hindi inulit ang pagpapako sa krus sa yugtong ito? Bakit hindi Ko pasan ang mga kasalanan ng tao, kundi sa halip ay pumarito Ako upang hatulan at kastiguhin nang tuwiran ang tao? Kung ang Aking gawaing hatulan at kastiguhin ang tao ay hindi sumunod sa pagpapako sa krus, at ang Aking pagparito ngayon hindi sa paglilihi ng Banal na Espiritu, hindi sana Ako naging marapat na hatulan at kastiguhin ang tao. Dahil ito mismo sa kaisa Ako ni Jesus kaya Ako pumarito upang tuwirang kastiguhin at hatulan ang tao. Ang gawain sa yugtong ito ay lubos na batay sa gawain sa naunang yugto. Iyan ang dahilan kaya ganitong klaseng gawain lamang ang maaaring maghatid sa tao, sa paisa-isang hakbang, tungo sa kaligtasan. Kami ni Jesus ay nagmumula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming katawang-tao, iisa ang Aming Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng Aming ginagawa at ang gawaing Aming ginagawa ay hindi magkapareho, magkatulad Kami sa diwa; ang Aming katawang-tao ay magkaiba ang anyo, ngunit dahil ito sa pagbabago sa kapanahunan at sa magkakaibang mga kinakailangan ng Aming gawain; hindi magkapareho ang Aming ministeryo, kaya magkaiba rin ang gawaing hatid Namin at ang disposisyong inihahayag Namin sa tao. Kaya nga ang nakikita at nauunawaan ng tao sa araw na ito ay hindi katulad noong araw, na dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Sa lahat ng iyan ay magkaiba Sila sa kasarian at sa anyo ng Kanilang katawang-tao, at hindi Sila isinilang sa iisang pamilya, at lalo nang hindi sa iisang panahon, magkagayunman ay iisa ang Kanilang Espiritu. Sa lahat ng iyan ay hindi magkapareho ang dugo ni ang anumang uri ng pisikal na pagiging magkamag-anak, hindi maikakaila na Sila ay mga nagkatawang-taong laman ng Diyos sa dalawang magkaibang panahon. Hindi mapabubulaanan ang katotohanan na Sila ang mga nagkatawang-taong laman ng Diyos. Subalit, hindi Sila magkadugo at magkaiba ang kanilang wika (ang isa ay lalaki na nagsasalita ng wika ng mga Judio at ang isa naman ay babae na nagsasalita lamang ng Tsino). Ito ang mga dahilan kaya Sila namuhay sa magkaibang bansa upang gawin ang gawaing kinakailangang gawin ng bawat isa, at sa magkaibang panahon din. Sa kabila ng katunayan na Sila ay iisang Espiritu, may magkaparehong diwa, walang ganap na mga pagkakatulad sa panlabas na balat ng Kanilang katawang-tao. Magkatulad lamang Sila sa pagkatao, ngunit pagdating sa panlabas na hitsura ng Kanilang katawang-tao at ang sitwasyon ng Kanilang kapanganakan, hindi Sila magkatulad. Walang epekto ang mga bagay na ito sa kanya-kanyang gawain Nila o sa kaalaman ng tao tungkol sa Kanila, sapagkat, matapos isaalang-alang ang lahat, iisa Silang Espiritu at walang makapaghihiwalay sa Kanila. Bagama’t hindi Sila magkadugo, ang Kanilang buong katauhan ay nasa pamamahala ng Kanilang Espiritu, na naglalaan sa Kanila ng magkaibang gawain sa magkaibang panahon, at ang Kanilang mga katawang-tao ay sa magkaibang linya ng dugo. Ang Espiritu ni Jehova ay hindi ang ama ng Espiritu ni Jesus, at ang Espiritu ni Jesus ay hindi ang anak ng Espiritu ni Jehova: Iisa Sila at pareho ang Espiritu. Gayundin, ang Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon at si Jesus ay hindi magkadugo, ngunit iisa Sila, ito ay dahil iisa ang Kanilang Espiritu. Magagawa ng Diyos ang gawain ng awa at kagandahang-loob, gayundin ang matuwid na paghatol at pagkastigo sa tao, at yaong pagtawag sa mga sumpa sa tao; at sa huli, magagawa Niya ang gawain ng pagwasak sa mundo at pagpaparusa sa masama. Hindi ba ginagawa Niya Mismo ang lahat ng ito? Hindi ba ito ang walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos? Nagawa Niyang parehong magpahayag ng mga batas para sa tao at bigyan siya ng mga kautusan, at nagawa rin Niyang akayin ang mga sinaunang Israelita sa kanilang pamumuhay sa lupa, at gabayan sila sa pagtatayo ng templo at mga altar, habang hawak ang lahat ng Israelita sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Dahil sa Kanyang awtoridad, nabuhay Siya sa lupa sa piling ng mga tao sa Israel sa loob ng dalawang libong taon. Hindi nangahas ang mga Israelita na sumuway sa Kanya; nagpitagan ang lahat kay Jehova at sumunod sa Kanyang mga utos. Gayon ang gawaing ginawa dahil sa Kanyang awtoridad at sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan. Pagkatapos, noong Kapanahunan ng Biyaya, dumating si Jesus upang tubusin ang buong sangkatauhang makasalanan (hindi lamang ang mga Israelita). Nagpakita Siya ng awa at kagandahang-loob sa tao. Ang Jesus na nakita ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay puno ng kagandahang-loob at laging mapagmahal sa tao, sapagkat naparito Siya upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Nagawa Niyang patawarin ang mga tao sa kanilang mga kasalanan hanggang sa ganap na tubusin ng pagpapako sa Kanya sa krus ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Sa panahong ito, nagpakita ang Diyos sa tao na may awa at kagandahang-loob; ibig sabihin, naging isa Siyang handog dahil sa kasalanan para sa tao at ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng tao, upang sila ay mapatawad magpakailanman. Siya ay maawain, mahabagin, matiisin, at mapagmahal. At hinangad din ng lahat ng sumunod kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya na maging matiisin at mapagmahal sa lahat ng bagay. Mahaba ang kanilang pagtitiis, at hindi sila lumaban kailanman kahit sila ay binugbog, isinumpa, o binato. Ngunit sa huling yugto hindi na maaaring maging katulad niyon. Ang gawain nina Jesus at Jehova ay hindi lubos na magkapareho kahit Sila ay iisang Espiritu. Ang gawain ni Jehova ay hindi upang wakasan ang kapanahunan, kundi upang gabayan ang kapanahunan, na sinisimulan ang buhay ng sangkatauhan sa lupa, at ang gawain ng ngayon ay upang lupigin yaong mga nasa bansang Gentil na lubhang nagawang tiwali, at upang akayin hindi lamang ang mga taong hinirang ng Diyos sa Tsina, kundi ang buong sansinukob at buong sangkatauhan. Maaaring sa tingin mo ay sa Tsina lamang ginagawa ang gawaing ito, ngunit sa katunayan ay nagsimula na itong lumaganap sa ibang bansa. Bakit hinahanap ng mga tao sa labas ng Tsina ang tunay na daan, nang paulit-ulit? Dahil nagsimula nang gumawa ang Espiritu, at ang mga salitang sinasambit ngayon ay nakatuon sa mga tao sa buong sansinukob. Dahil dito, kalahati ng gawain ay ginagawa na. Mula sa paglikha ng mundo hanggang sa kasalukuyan, napakilos na ng Espiritu ng Diyos ang dakilang gawaing ito, at bukod dito ay nagawa na ang iba’t ibang gawain sa iba’t ibang kapanahunan at sa iba’t ibang bansa. Nakikita ng mga tao ng bawat kapanahunan ang iba Niyang disposisyon, na likas na nakikita sa pamamagitan ng ibang gawaing Kanyang ginagawa. Siya ang Diyos, puno ng awa at kagandahang-loob; Siya ang handog dahil sa kasalanan para sa tao at ang pastol ng tao; ngunit Siya rin ang paghatol, pagkastigo, at sumpa ng tao. Maaakay Niya ang tao na mabuhay sa lupa sa loob ng dalawang libong taon, at matutubos din Niya ang tiwaling sangkatauhan mula sa kasalanan. Ngayon, nagagawa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, na hindi nakakakilala sa Kanya, at mapagpapatirapa sila sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan, upang lahat ay lubusang magpasakop sa Kanya. Sa huli, susunugin Niya ang lahat ng marumi at di-matuwid sa kalooban ng mga tao sa buong sansinukob, upang ipakita sa kanila na hindi lamang Siya isang maawain at mapagmahal na Diyos, hindi lamang isang Diyos ng karunungan at mga himala, hindi lamang isang banal na Diyos, kundi higit pa rito, isang Diyos na humahatol sa tao. Para sa masasama sa gitna ng sangkatauhan, Siya ay pagsunog, paghatol, at kaparusahan; para sa mga gagawing perpekto, Siya ay kapighatian, pagpipino, at mga pagsubok, isa ring kaaliwan, kabuhayan, pagkakaloob ng mga salita, pakikitungo, at pagtatabas. At para sa mga inaalis, Siya ay kaparusahan at ganti. Sabihin mo sa Akin, hindi ba makapangyarihan sa lahat ang Diyos? Kaya Niya ang anuman at lahat ng gawain, hindi lamang ang pagpapapako sa krus, na tulad ng inaakala mo. Napakaliit ng tingin mo sa Diyos! Naniniwala ka ba na ang tanging magagawa Niya ay tubusin ang buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapako sa Kanya sa krus, at wala nang iba? At pagkatapos niyon, susundan mo Siya sa langit upang makakain ng bunga mula sa puno ng buhay at makainom mula sa ilog ng buhay? … Ganyan kaya kasimple iyon? Sabihin mo sa Akin, ano na ang nagawa mo? Mayroon ka bang buhay na tulad ng buhay ni Jesus? Tunay ngang tinubos ka Niya, ngunit ang maipako sa krus ay ang gawain ni Jesus Mismo. Anong tungkulin ang natupad mo na bilang isang tao? Mukha kang banal, ngunit hindi mo nauunawaan ang Kanyang daan. Ganyan mo ba Siya ipinapakita? Kung hindi mo pa nakamit ang buhay ng Diyos o nakita ang kabuuan ng Kanyang matuwid na disposisyon, hindi mo masasabi na isa kang taong may buhay, at hindi ka nararapat na pumasok sa pasukan ng kaharian ng langit.
Hindi lamang isang Espiritu ang Diyos, maaari din Siyang maging tao. Bukod pa riyan, Siya ay isang katawang may kaluwalhatian. Si Jesus, bagama’t hindi pa ninyo Siya nakita, ay nasaksihan ng mga Israelita—ang mga Judio noon. Noong una ay isa Siyang katawan na may laman, ngunit matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay naging katawang may kaluwalhatian. Siya ang Espiritung sumasaklaw sa lahat at kaya Niyang gumawa sa lahat ng lugar. Maaari Siyang maging si Jehova, o si Jesus, o ang Mesiyas; sa huli, maaari din Siyang maging Makapangyarihang Diyos. Siya ay katuwiran, paghatol, at pagkastigo; Siya ay sumpa at poot; ngunit Siya rin ay awa at kagandahang-loob. Lahat ng gawaing Kanyang nagawa ay kayang kumatawan sa Kanya. Anong klaseng Diyos ba Siya para sa iyo? Hindi mo maipaliwanag. Kung talagang hindi mo maipaliwanag, hindi ka dapat magsalita nang patapos tungkol sa Diyos. Huwag kang magsalita nang patapos na ang Diyos ay isang Diyos na maawain at may kagandahang-loob magpakailanman dahil lamang sa ginawa Niya ang gawain ng pagtubos sa isang yugto. Masisiguro mo ba na isa lamang Siyang maawain at mapagmahal na Diyos? Kung isa lamang Siyang maawain at mapagmahal na Diyos, bakit Niya wawakasan ang kapanahunan sa mga huling araw? Bakit Siya magpapadala ng napakaraming kalamidad? Ayon sa mga kuru-kuro at kaisipan ng mga tao, ang Diyos ay dapat maging maawain at mapagmahal hanggang sa pinakahuli, upang bawat huling miyembro ng sangkatauhan ay mailigtas. Ngunit, sa mga huling araw, bakit Siya nagpapadala ng gayon katitinding kalamidad tulad ng lindol, salot, at pagkagutom upang wasakin ang masamang sangkatauhang ito, na itinuturing ang Diyos na isang kaaway? Bakit Niya hinahayaang danasin ng tao ang mga kalamidad na ito? Tungkol sa kung anong klase Siyang Diyos, walang sinuman sa inyo ang nangangahas na magsabi, at walang makapagpaliwanag. Nangangahas ka bang sabihin na Siya nga ang Espiritu? Nangangahas ka bang sabihin na Siya ay walang iba kundi ang katawang-tao ni Jesus? At nangangahas ka bang sabihin na Siya ay isang Diyos na nakapako sa krus magpakailanman para sa kapakanan ng tao?