Menu

Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Hindi ninyo pinahahalagahan ang panalangin sa inyong pang-araw-araw na buhay. Kinaliligtaan ng tao ang pagdarasal. Dati-rati ay wala sa loob ang mga pagdarasal, at basta matapos na lang iyon ng tao sa harap ng Diyos. Walang taong lubos na naghandog ng kanyang puso sa harap ng Diyos at tunay na nanalangin sa Diyos. Nananalangin lamang ang tao sa Diyos kapag may dumarating na problema. Sa buong panahong ito, nakapagdasal ka na ba nang tunay sa Diyos? Nagkaroon na ba ng pagkakataong lumuha ka dahil sa sakit sa harap ng Diyos? Nagkaroon na ba ng pagkakataon na nakilala mo ang iyong sarili sa Kanyang harapan? Nakapagdasal ka na ba nang tapatan sa Diyos? Ang panalangin ay dumarating sa pamamagitan ng pagsasanay: Kung hindi ka karaniwang nagdarasal sa bahay, hindi ka posibleng makapagdasal sa iglesia, at kung hindi ka karaniwang nagdarasal sa maliliit na pagtitipon, hindi mo makakayang manalangin sa malalaking pagtitipon. Kung hindi ka karaniwang lumalapit sa Diyos o nagninilay tungkol sa mga salita ng Diyos, wala kang masasabi kapag oras na para manalangin, at kahit manalangin ka, puro salita lang iyon; hindi iyon tunay na panalangin.

Ano ang tunay na panalangin? Ito ay pagsasabi ng nasa puso mo sa Diyos, pakikipagniig sa Diyos habang inuunawa mo ang Kanyang kalooban, pakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, pagkadama na talagang malapit ka sa Diyos, pagkadama na Siya ay kaharap mo, at paniniwala na mayroon kang sasabihin sa Kanya. Ramdam mong puno ng liwanag ang puso mo at ramdam mo kung gaano kaibig-ibig ang Diyos. Nadarama mo na mas inspirado ka, at nasisiyahan ang iyong mga kapatid na makinig sa iyo. Madarama nila na ang mga salitang binibigkas mo ay ang mga salitang nasa kaibuturan ng kanilang puso, mga salitang nais nilang sabihin, na para bang ang iyong mga salita ang kahalili ng sa kanila. Ito ang tunay na panalangin. Matapos kang tunay na manalangin, mapapayapa at masisiyahan ang puso mo. Maaaring mag-ibayo ang lakas na mahalin ang Diyos, at madarama mo na wala nang mas mahalaga o makabuluhan sa buhay kaysa mahalin ang Diyos. Pinatutunayan ng lahat ng ito na naging mabisa ang iyong mga dalangin. Nakapagdasal ka na ba sa gayong paraan?

At ano naman ang nilalaman ng panalangin? Dapat kang manalangin nang paisa-isang hakbang, alinsunod sa tunay na kalagayan ng puso mo at sa gawain ng Banal na Espiritu; nakakaniig mo ang Diyos alinsunod sa Kanyang kalooban at sa mga hinihingi Niya sa tao. Kapag nagsimula kang manalangin, ibigay mo muna ang puso mo sa Diyos. Huwag kang magtangkang unawain ang kalooban ng Diyos—subukan mo lamang sabihin sa Diyos ang nasa puso mo. Kapag humarap ka sa Diyos, ganito ang sabihin mo: “Diyos ko, ngayong araw ko lamang napagtanto na dati akong sumusuway sa Iyo. Totoong ako ay tiwali at kasuklam-suklam. Sinasayang ko lang ang buhay ko. Mula sa araw na ito mabubuhay ako para sa Iyo. Mamumuhay ako nang makabuluhan at palulugurin ko ang Iyong kalooban. Nawa’y gumawa palagi sa akin ang Iyong Espiritu, patuloy akong liwanagan at tanglawan. Hayaan akong matibay at matunog na magpatotoo sa Iyong harapan. Hayaang makita ni Satanas sa amin ang Iyong kaluwalhatian, ang Iyong patotoo, at ang katibayan ng Iyong tagumpay.” Kapag nanalangin ka sa ganitong paraan, ganap na mapapalaya ang puso mo. Sa pagdarasal sa ganitong paraan, mas mapapalapit ang puso mo sa Diyos, at kung madalas kang makapagdarasal sa ganitong paraan, tiyak na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Kung palagi kang tatawag sa Diyos sa ganitong paraan, at magpapasya ka sa Kanyang harapan, darating ang araw na magiging katanggap-tanggap ang iyong pagpapasya sa harap ng Diyos, na matatamo ng Diyos ang iyong puso at buong pagkatao, at sa bandang huli ay gagawin ka Niyang perpekto. Para sa inyo, napakahalaga ng panalangin. Kapag nanalangin ka at tinanggap mo ang gawain ng Banal na Espiritu, aantigin ng Diyos ang puso mo, at lalakas ang loob mo na mahalin ang Diyos. Kung hindi ka magdarasal nang taos sa puso mo, kung hindi mo bubuksan ang puso mo para makipagniig sa Diyos, mawawalan ng paraan ang Diyos na gumawa sa iyo. Pagkatapos mong manalangin at masabi ang nasa puso mo, kung hindi pa nasimulan ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawain, at wala kang natanggap na inspirasyon, ipinapakita nito na hindi tapat ang puso mo, hindi totoo ang sinasabi mo, at hindi pa rin dalisay. Pagkatapos mong manalangin, kung nakadama ka ng kasiyahan, naging katanggap-tanggap sa Diyos ang iyong mga panalangin at gumagawa sa iyo ang Espiritu ng Diyos. Bilang isang taong naglilingkod sa harap ng Diyos, hindi maaaring hindi ka manalangin. Kung tunay mong itinuturing na makabuluhan at mahalaga ang pakikipagniig sa Diyos, maaari mo bang talikdan ang panalangin? Walang sinumang maaaring mabuhay na walang pakikipagniig sa Diyos. Kung walang panalangin, nabubuhay ka sa laman, sa pagkaalipin kay Satanas; kung walang tunay na panalangin, nabubuhay ka sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman. Umaasa Ako na nagagawa ninyo, mga kapatid, na tunay na manalangin sa bawat araw. Hindi ito tungkol sa pagsunod sa mga panuntunan, kundi tungkol sa pagtatamo ng tiyak na resulta. Handa ka bang isakripisyo ang kaunting tulog at kasiyahan upang bumangon nang maaga para sa mga panalangin sa umaga at masiyahan sa mga salita ng Diyos? Kung nagdarasal ka na may dalisay na puso at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang gaya nito, lalo kang magiging katanggap-tanggap sa Kanya. Kung ginagawa mo ito tuwing umaga, kung araw-araw mong isinasagawa na ibigay ang puso mo sa Diyos, makipagniig at makipag-usap sa Kanya, siguradong madaragdagan ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, at mas mauunawaan mo ang kalooban ng Diyos. Sinasabi mo: “Diyos ko! Handa akong gampanan ang aking tungkulin. Sa Iyo ko lamang sa Iyo ko lamang kayang ilaan ang aking buong pagkatao, upang Ikaw ay magtamo ng kaluwalhatian sa amin, upang matamasa Mo ang patotoong ibinabahagi ng grupo naming ito. Isinasamo ko na gumawa Ka sa amin, upang magawa kong tunay Kang mahalin at palugurin Ka at hanapin Ka bilang aking layunin.” Habang tinatanggap mo ang pasaning ito, tiyak na gagawin kang perpekto ng Diyos. Hindi ka dapat manalangin para lamang sa iyong sariling kapakanan, kundi dapat ka ring manalangin para masunod ang kalooban ng Diyos at para mahalin Siya. Ito ang pinakatunay na uri ng panalangin. Nagdarasal ka ba para masunod ang kalooban ng Diyos?

Noong araw, hindi ninyo alam kung paano manalangin, at kinaligtaan ninyo ang pagdarasal. Ngayon, kailangan ninyong gawin ang inyong makakaya para sanayin ang sarili ninyo na manalangin. Kung hindi mo kayang magkaroon ng lakas ng loob na mahalin ang Diyos, paano ka nagdarasal? Sinasabi mo: “Diyos ko, walang kakayahan ang puso ko na tunay Kang mahalin. Nais kong mahalin Ka, ngunit wala akong lakas. Ano ang dapat kong gawin? Nawa’y buksan Mo ang aking espirituwal na mga mata at nawa’y antigin ng Iyong Espiritu ang puso ko. Nawa’y loobin Mo, sa pagharap ko sa Iyo, na maitapon ko ang lahat ng negatibo, huwag na akong papigil sa sinumang tao, pangyayari, o bagay, at lubos kong ilantad ang puso ko sa Iyong harapan, at loobin Mo na maihandog ko ang aking buong pagkatao sa Iyong harapan. Paano Mo man ako subukin, handa ako. Ngayon, hindi ko isinasaalang-alang ang aking mga inaasahan sa hinaharap, ni wala ako sa ilalim ng pagkaalipin ng kamatayan. Sa puso kong nagmamahal sa Iyo, nais kong hanapin ang daan ng buhay. Lahat ng bagay, lahat—ay pawang nasa Iyong mga kamay; ang aking kapalaran ay nasa Iyong mga kamay at hawak Mo ang buhay ko mismo sa Iyong mga kamay. Ngayon, hangad kong mahalin Ka, at hayaan Mo man akong mahalin Ka o hindi, paano man manghimasok si Satanas, determinado akong mahalin Ka.” Kapag nakasagupa mo ang isyung ito, manalangin ka nang ganito. Kung magdarasal ka nang ganito araw-araw, unti-unting mag-iibayo ang lakas mong mahalin ang Diyos.

Paano pumapasok ang isang tao sa tunay na panalangin?

Habang nagdarasal, kailangan ay tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at kailangan kang magkaroon ng pusong tapat. Tunay kang nakikipagniig at nagdarasal sa Diyos—hindi mo dapat subukang linlangin ang Diyos gamit ang mga salitang magandang pakinggan. Dapat ay nakasentro ang panalangin doon sa nais isakatuparan ng Diyos ngayon mismo. Hilingin mo sa Diyos na pagkalooban ka ng higit na kaliwanagan at pagpapalinaw, dalhin ang tunay na mga kalagayan at suliranin mo sa Kanyang presensya kapag nagdarasal ka, pati na ang pagpapasyang ginawa mo sa harap ng Diyos. Ang panalangin ay hindi tungkol sa pagsunod sa pamamaraan; tungkol ito sa paghahanap sa Diyos nang taos-puso. Hilingin mo sa Diyos na protektahan ang puso mo, upang madalas itong maging tahimik sa Kanyang harapan; na sa kapaligiran kung saan ka Niya inilagay, makilala mo ang iyong sarili, kamumuhian mo ang iyong sarili, at tatalikdan mo ang iyong sarili, sa gayon ay magkaroon ka ng normal na ugnayan sa Diyos at tunay na maging isang tao kang nagmamahal sa Diyos.

Ano ang kabuluhan ng panalangin?

Ang panalangin ay isa sa mga paraan kung saan nakikipagtulungan ang tao sa Diyos, ito ay isang paraan ng pagtawag ng tao sa Diyos, at ito ang proseso kung saan inaantig ng Espiritu ng Diyos ang tao. Masasabi na yaong mga hindi nagdarasal ay mga patay na walang espiritu, na nagpapatunay na wala silang kakayahan na maantig ng Diyos. Kung walang panalangin, imposibleng magkaroon ng normal na espirituwal na buhay, lalong hindi nila masusundan ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang hindi pagdarasal ay pagputol ng ugnayan sa Diyos, at magiging imposibleng makamtan ang papuri ng Diyos. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, habang lalong nagdarasal ang isang tao, habang lalo siyang inaantig ng Diyos, lalo siyang mapupuno ng kapasyahan at lalo siyang makatatanggap ng bagong kaliwanagan mula sa Diyos. Dahil dito, ang ganitong klaseng taong ay maaaring gawing perpekto ng Banal na Espiritu nang napakabilis.

Ano ang epektong inaasahang makamtan ng panalangin?

Maaaring naisasagawa ng mga tao ang pagdarasal at nauunawaan ang kabuluhan ng panalangin, ngunit ang pagiging mabisa ng panalangin ay hindi isang simpleng bagay. Ang panalangin ay hindi lamang basta makatapos ka, o masunod ang pamamaraan, o mabigkas ang mga salita ng Diyos. Ibig sabihin, ang pagdarasal ay hindi pag-uulit ng ilang salita at paggaya sa iba. Sa panalangin, kailangang marating ng isang tao ang kalagayan kung saan maibibigay niya ang kanyang puso sa Diyos, na binubuksan ang puso niya para maantig ito ng Diyos. Para maging mabisa ang panalangin, dapat itong ibatay sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagdarasal mula sa mga salita ng Diyos magagawa ng isang tao na tumanggap ng higit na kaliwanagan at pagpapalinaw. Ang mga palatandaan ng isang tunay na panalangin ay: Pagkakaroon ng pusong nasasabik sa lahat ng hinihiling ng Diyos, at bukod pa riyan ay naghahangad na isakatuparan ang Kanyang mga hinihingi; pagkasuklam sa kinasusuklaman ng Diyos at pagkatapos, mula sa pundasyong ito, pagtatamo ng kaunting pagkaunawa tungkol dito, at pagkakaroon ng kaunting kaalaman at kalinawan tungkol sa mga katotohanang ipinaliliwanag ng Diyos. Kapag nagkaroon ng pagpapasya, pananampalataya, kaalaman, at isang landas ng pagsasagawa kasunod ng panalangin, saka lamang ito matatawag na tunay na pananalangin, at ang ganitong uri ng panalangin lamang ang maaaring maging mabisa. Subalit kailangang itatag ang panalangin sa pagtatamasa sa mga salita ng Diyos, kailangan itong itatag sa pundasyon ng pakikipagniig sa Diyos sa Kanyang mga salita, at kailangang magawa ng puso na hanapin ang Diyos at maging tahimik sa Kanyang harapan. Ang ganitong uri ng panalangin ay nakapasok na sa yugto ng tunay na pakikipagniig sa Diyos.

Ang pinakamahalagang kaalaman tungkol sa panalangin:

1. Huwag pikit-matang sabihin ang anumang pumasok sa isipan. Kailangan ay may pasanin sa puso mo, ibig sabihin, kailangan ay mayroon kang layunin kapag nagdarasal ka.

2. Ang panalangin ay kailangang maglaman ng mga salita ng Diyos; kailangan ay nakasalig ito sa mga salita ng Diyos.

3. Kapag nagdarasal, hindi mo kailangang ulit-ulitin ang lipas nang mga isyu. Dapat mong iugnay ang iyong mga panalangin sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at kapag nagdarasal ka, sabihin mo sa Diyos ang nasasaloob mo.

4. Ang panalangin ng grupo ay kailangang may isang bagay na pinagtutuunan, na kinakailangan ay ang kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu.

5. Kailangang matutuhan ng lahat ng tao ang panalangin ng pamamagitan. Isang paraan din ito ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos.

Ang buhay ng panalangin ng indibiduwal ay batay sa pagkaunawa sa kabuluhan ng panalangin at sa pangunahing kaalaman tungkol sa panalangin. Sa pang-araw-araw na buhay, kailangang madalas na ipagdasal ang sarili mong mga pagkukulang, ipagdasal na magkaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, at magdasal batay sa iyong kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos. Dapat magtatag ang bawat tao ng kanilang sariling buhay ng panalangin, dapat silang manalangin para malaman ang mga salita ng Diyos, at dapat silang manalangin upang maghangad ng kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos. Ihayag ang iyong personal na sitwasyon sa harap ng Diyos at magpakatotoo nang hindi nababahala sa paraan ng iyong pagdarasal, at ang pinakamahalaga ay magtamo ng tunay na pagkaunawa, at magtamo ng tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos. Ang isang taong nagsisikap na makapasok sa espirituwal na buhay ay kailangang manalangin sa maraming iba’t ibang paraan. Tahimik na panalangin, pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos, pag-alam sa gawain ng Diyos—lahat ng ito ay mga halimbawa ng makabuluhang gawain ng espirituwal na pakikibahagi para makapasok sa normal na espirituwal na buhay, na laging nagpapainam sa mga kalagayan ng isang tao sa harap ng Diyos at nagtutulak sa kanya na mas umunlad sa buhay. Sa madaling salita, lahat ng ginagawa mo, kumakain at umiinom ka man ng mga salita ng Diyos, o tahimik na nagdarasal, o nagpapahayag nang malakas, ay para malinaw mong makita ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang gawain, at ang nais Niyang matamo sa iyo. Ang mas mahalaga, lahat ng ginagawa mo ay ginagawa para maabot ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos at mas bumuti ang buhay mo. Ang pinakamaliit na hinihiling ng Diyos sa tao ay na magawa niyang buksan ang kanyang puso sa Kanya. Kung ibibigay ng tao ang kanyang tunay na puso sa Diyos at sasabihin sa Diyos ang tunay na nilalaman ng puso niya, handa ang Diyos na gumawa sa kanya. Ang gusto ng Diyos ay hindi ang baluktot na puso ng tao, kundi ang isang dalisay at tapat na puso. Kung hindi magsasalita ang tao sa Diyos mula sa kanyang puso, hindi aantigin ng Diyos ang kanyang puso o gagawa sa kanya. Kaya naman, ang pinakabuod ng panalangin ay ang kausapin ang Diyos mula sa iyong puso, na sinasabi sa Kanya ang iyong mga pagkukulang o ang tungkol sa iyong mapanghimagsik na disposisyon, ganap na ihinahayag ang iyong sarili sa Kanyang harapan; saka lamang magiging interesado ang Diyos sa iyong mga dalangin, kung hindi, itatago Niya ang Kanyang mukha mula sa iyo. Ang pinakamababang saligan para sa panalangin ay kailangan mong mapanatiling tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at hindi ito dapat lumayo mula sa Diyos. Maaaring sa panahong ito ay hindi ka nagtatamo ng mas bago o mas mataas na kabatiran, ngunit sa gayon ay kailangan mong manalangin upang mapanatili ang iyong katayuan—hindi ka dapat bumalik sa dati. Ito ang pinakamababang kailangan mong makamtan. Kung kahit ito ay hindi mo kayang isakatuparan, pinatutunayan nito na ang iyong espirituwal na buhay ay wala sa tamang landas. Dahil dito, hindi mo magagawang kapitan ang una mong pananaw, mawawalan ka ng pananampalataya sa Diyos, at sa bandang huli ay mapapawi ang iyong kapasyahan. Ang isang tanda kung nakapasok ka na sa espirituwal na buhay o hindi pa ay ang tingnan kung ang iyong mga panalangin ay nasa tamang landas. Kailangang tanggapin ng lahat ng tao ang realidad na ito; kailangan nilang lahat na sadyang sanayin ang kanilang sarili sa pagdarasal, hindi sa paghihintay nang walang kibo, kundi sadyang hangarin na maantig ng Banal na Espiritu. Saka lamang sila magiging mga tao na tunay na naghahanap sa Diyos.

Kapag nagsimula kang manalangin, huwag kang magmalabis at umasang makamit ang lahat nang sabay-sabay. Hindi ka maaaring humiling nang sobra-sobra, na umaasa na sa sandaling ibuka mo ang iyong bibig ay aantigin ka ng Banal na Espiritu, o na tatanggap ka ng kaliwanagan at pagpapalinaw, o na pagkakalooban ka ng Diyos ng biyaya. Hindi mangyayari iyan; hindi gumagawa ang Diyos ng mga bagay na mahimala. Ipinagkakaloob ng Diyos ang mga panalangin ng mga tao sa Kanyang sariling panahon, at kung minsan ay sinusubok Niya ang iyong pananampalataya upang makita kung ikaw ay tapat sa Kanyang harapan. Kapag nagdarasal ka kailangan ay mayroon kang pananampalataya, pagtitiyaga, at pagpapasya. Karamihan sa mga tao, kapag nagsisimula pa lamang silang magsanay, ay pinanghihinaan ng loob dahil hindi sila naaantig ng Banal na Espiritu. Hindi ito maaari! Kailangan kang magtiyaga; kailangan kang magtuon sa pagdama sa pag-antig ng Banal na Espiritu at sa paghahanap at pagsasaliksik. Kung minsan, ang landas ng iyong gawain ay hindi tama, at kung minsan, ang iyong personal na mga motibo at kuru-kuro ay hindi mo mapanindigan sa harap ng Diyos, kaya hindi ka naaantig ng Espiritu ng Diyos. Sa ibang mga pagkakataon, tinitingnan ng Diyos kung ikaw ay tapat o hindi. Sa madaling salita, sa pagsasanay, dapat kang maglaan ng higit na pagsisikap. Kung matuklasan mo na lumilihis ka ng landas sa iyong gawain, maaari mong baguhin ang paraan ng iyong pagdarasal. Hangga’t taos-puso kang naghahangad at nasasabik na tumanggap, tiyak na dadalhin ka ng Banal na Espiritu sa ganitong realidad. Kung minsan nagdarasal ka nang taos-puso ngunit parang hindi mo nadarama na naantig ka talaga. Sa mga panahong kagaya nito kailangan mong umasa sa pananampalataya, na nagtitiwala na nakabantay ang Diyos sa iyong mga dalangin; kailangan mong magtiyaga sa iyong mga panalangin.

Maging matapat ka; manalangin ka sa Diyos na alisin ang panlilinlang sa puso mo. Dalisayin mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng panalangin sa lahat ng oras, maantig ka ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin, at unti-unting magbabago ang iyong disposisyon. Ang tunay na espirituwal na buhay ay isang buhay ng panalangin—ito ay isang buhay na inaantig ng Banal na Espiritu. Ang proseso ng pag-antig ng Banal na Espiritu ay ang proseso ng pagbabago ng disposisyon ng tao. Ang buhay na hindi inaantig ng Banal na Espiritu ay hindi isang espirituwal na buhay, kundi isang buhay lamang ng relihiyosong ritwal. Yaon lamang mga madalas maantig ng Banal na Espiritu, at naliliwanagan at tinatanglawan ng Banal na Espiritu, ang nakapasok na sa espirituwal na buhay. Ang disposisyon ng tao ay patuloy na nagbabago habang siya ay nagdarasal. Kapag lalo siyang inaantig ng Espiritu ng Diyos, lalo siyang nagiging aktibo at masunurin. Kaya unti-unti ring madadalisay ang kanyang puso, at unti-unting magbabago ang kanyang disposisyon. Ganyan ang epekto ng tunay na panalangin.

Mag-iwan ng Tugon