Menu

11 Bible Verses Tungkol sa Katapatan sa Salita at Gawa

Ang matatapat na tao ay nagsasalita ng mga salita nang walang anumang kasinungalingan, pagbabalatkayo, pandaraya, o panlilinlang, at sila ay kasing simple ng mga bata. Lahat ng tao ay gustong makipag-ugnayan sa kanila, at gusto at pinagpapala sila ng Diyos. Ito ay tulad ng sinabi ng Diyos, “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na tapat sa Kanya.” Ngunit sa ating pang-araw-araw na buhay, madalas tayong magsinungaling at manloko nang hindi sinasadya. Kung ang ating sariling kapakanan ay naaapektuhan, tayo ay napupuno ng kasinungalingan, at tayo ay lalong madalas na gumagawa ng hungkag na mga pangako sa Diyos at mayabang na nagsasalita o walang laman upang linlangin ang Diyos. Ang lahat ng ito ay katotohanan. Kaya paano tayo magiging matatapat na tao na pinupuri at pinagpapala ng Diyos? Basahin ang sumusunod na mga talata sa Bibliya tungkol sa katapatan at integridad at mga nauugnay na artikulo at panoorin ang mga nauugnay na video upang mahanap ang landas ng pagsasagawa.

Katapatan at Integridad,Matapat na Kristiyano

Kawikaan 12:22

Mga sinungaling na labi ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang nagsisigawang may katotohanan ay kaniyang kaluguran.

Kawikaan 19:1

Maigi ang dukha na lumalakad sa kaniyang pagtatapat kay sa suwail sa kaniyang mga labi at mangmang.

Mateo 18:3

Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, “Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit”.

Kawikaan 28:18

Ang lumalakad ng matuwid ay maliligtas: nguni't siyang masama sa kaniyang mga lakad ay mabubuwal na bigla.

Mateo 5:37

Datapuwa't ang magiging pananalita ninyo'y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka't ang humigit pa rito ay buhat sa masama.

1 Pedro 3:10

Sapagka't, Ang magnais umibig sa buhay, At makakita ng mabubuting araw, Ay magpigil ng kaniyang dila sa masama, At ang kaniyang mga labi ay huwag magsalita ng daya.

Lucas 8:15

At ang sa mabuting lupa ay ang mga pusong timtiman at mabuti, na iniingatan ang salita pagkarinig, at nangagbubunga may pagtitiis.

Kawikaan 12:19

Ang labi ng katotohanan ay matatatag kailan man. Nguni't ang sinungaling na dila ay sa sangdali lamang.

Lucas 18:17

Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na gaya ng isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.

1 Juan 3:18

Mumunti kong mga anak, huwag tayong magsiibig ng salita, ni ng dila man; kundi ng gawa at katotohanan.

Juan 4:23-24

Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.

Nauugnay na mga Salita ng Diyos

Pangalawa, dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga totoong impormasyon, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang magpalakas sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. … Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang tao, pinaghihirapan nilang maging “maayos ang asal,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong kinasusuklamang isagawa ang katotohanan. Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaalis sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, na gumagawa nang masigasig at matapat nang nakakubli, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap ka lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay ang mga tinutustusan sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian.

Walang kabuktutan o panlilinlang sa mga disposisyon ng normal na mga tao, normal ang relasyon ng mga tao sa isa’t isa, hindi sila nag-iisa, at ang kanilang buhay ay hindi karaniwan ni bulok. Gayundin naman, dinadakila ang Diyos sa lahat; ang Kanyang mga salita ay lumalaganap sa tao, namumuhay ang mga tao nang payapa sa piling ng isa’t isa at sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos, ang lupa ay puspos ng pagkakasundo, na walang panghihimasok ni Satanas, at ang kaluwalhatian ng Diyos ang itinuturing na pinakamahalaga sa tao. Ang gayong mga tao ay parang mga anghel: dalisay, masigla, hindi kailanman nagrereklamo tungkol sa Diyos, at inilalaan ang lahat ng pagsisikap nila para lamang sa kaluwalhatian ng Diyos sa lupa.

Tala ng Patnugot:

Nararamdaman mo ba na ang nilalaman sa itaas ay kapaki-pakinabang para sa iyo na magsagawa ng pagiging isang matapat na tao? Maaari kang magbahagi sa amin ng iyong mga natamo at naunawaan. Kung mayroon kang anumang pagkalito o tanong sa iyong pananampalataya, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa amin anumang oras. Nawa'y tulungan at suportahan natin ang bawat isa sa ilalim ng pag-ibig ng Panginoon!

Mag-iwan ng Tugon