Mag-subscribe

Menu

Ang mga kaibahan sa pagitan ng mga salita ng mga taong ginamit ng Diyos na umaayon sa katotohanan, at ng mga salita ng Diyos Mismo

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang salita ng Diyos ay hindi maaaring bigkasin gaya ng salita ng tao, lalong hindi maaaring ang salita ng tao ay mabigkas gaya ng salita ng Diyos. Ang isang tao na ginamit ng Diyos ay hindi ang nagkatawang-taong Diyos, at ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi isang tao na ginamit ng Diyos; dito, may malaking pagkakaiba. Marahil, matapos basahin ang mga salitang ito, hindi mo tinatanggap na ang mga iyon ay mga salita ng Diyos, at tinatanggap lamang ang mga iyon bilang mga salita ng isang tao na naliwanagan. Sa ganoong kaso, ikaw ay binubulag ng kamangmangan. Paanong magiging pareho ang mga salita ng Diyos sa mga salita ng isang tao na naliwanagan? Ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagsisimula ng isang bagong kapanahunan, gumagabay sa buong sangkatauhan, nagbubunyag ng mga hiwaga, at nagpapakita sa tao ng direksyong pasulong sa isang bagong kapanahunan. Ang kaliwanagan na natamo ng tao ay isa lamang simpleng pagsasagawa o kaalaman. Hindi nito magagabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan o maibubunyag ang hiwaga ng Diyos Mismo. Ang Diyos, kunsabagay, ay Diyos, at ang tao ay tao. Ang Diyos ay may diwa ng Diyos, at ang tao ay may diwa ng tao. Kung tinitingnan ng tao ang mga salitang binigkas ng Diyos bilang simpleng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ituturing ang mga salita ng mga apostol at mga propeta bilang mga salita na personal na binigkas ng Diyos, kung gayon ang tao ay mali. Gayunpaman, hindi mo dapat kailanman gawing mali ang tama, o sabihin ang mataas bilang mababa, o sabihin ang malalim bilang mababaw; gayunpaman, hindi mo dapat kailanman kusang pasinungalingan ang alam mo na katotohanan. Ang bawat isa na naniniwala na may isang Diyos ay dapat isaalang-alang ang problemang ito mula sa wastong pananaw, at dapat tanggapin ang Kanyang bagong gawain at mga salita bilang isang nilikha ng Diyos—at kung hindi ay maaalis ng Diyos.

Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

katotohanan-mga-salita-ng-Diyos

Ang katotohanan ay ang pinaka-tunay na talinghaga ng buhay, at ang pinakamataas sa gayong mga talinghaga sa buong sangkatauhan. Dahil hinihiling ito ng Diyos sa tao, at ito ang gawaing personal na ginawa ng Diyos, tinatawag itong talinghaga ng buhay. Hindi ito isang talinghagang binuo mula sa isang bagay, ni isang bantog na kasabihan mula sa isang dakilang personalidad; sa halip, ito ang pagbigkas sa sangkatauhan mula sa Panginoon ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay, at hindi ito ilang salita na binuo lamang ng tao, kundi ang likas na buhay ng Diyos. Kaya nga ito ang tinatawag na pinakamataas sa lahat ng talinghaga ng buhay.

Hinango mula sa “Yaon Lamang mga Nakakakilala sa Diyos at Nakakaalam sa Kanyang Gawain ang Makakapagbigay-kasiyahan sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang katotohanan ay ang buhay ng Diyos Mismo, kumakatawan ito sa Kanyang disposisyon, Kanyang diwa, at lahat-lahat na nasa Kanya. Kung sinasabi mo na ang pagkakaroon ng kaunting karanasan ay nangangahulugan na taglay mo ang katotohanan, kaya mo bang katawanin ang disposisyon ng Diyos? Maaaring may ilang karanasan o liwanag ka tungkol sa isang aspeto o panig ng isang katotohanan, ngunit hindi mo ito maibibigay sa iba magpakailanman, kaya itong liwanag na natamo mo ay hindi katotohanan; isang punto lamang ito na maaaring maabot ng mga tao. Ito lamang ang tamang karanasan at tamang pagkaunawa na dapat taglay ng isang tao: ilang aktuwal na karanasan at kaalaman sa katotohanan. Ang liwanag, kaliwanagan at pagkaunawang ito na batay sa karanasan ay hindi kailanman makakahalili sa katotohanan; kahit pa ganap nang naranasan ng lahat ng tao ang katotohanang ito, at pinagsama-sama ang lahat ng kanilang mga pagkaunawang batay sa karanasan, hindi pa rin nito mapapalitan ang nag-iisang katotohanang iyon. Gaya nang nasabi na sa nakalipas, “Binubuod Ko ito sa isang kasabihan para sa mundo ng tao: Sa gitna ng mga tao, walang sinumang nagmamahal sa Akin.” Ito ay pangungusap ng katotohanan: ito ang totoong diwa ng buhay. Ito ang pinakamalalim sa mga bagay; ito ay sariling pagpapahayag ng Diyos Mismo. Maaaring patuloy mong mararanasan ito at kung mararanasan mo ito sa loob ng tatlong taon magkakaroon ka ng mababaw na pagkaunawa nito; kung mararanasan mo ito sa loob ng pito o walong taon magtatamo ka ng higit pang pagkaunawa nito—nguni’t anumang pagkaunawa na matamo mo ay hindi kailanman makakahalili sa nag-iisang pangungusap ng katotohanang iyan. Ang isa pang tao, matapos maranasan ito sa loob ng dalawang taon ay maaaring magtamo ng kaunting pagkaunawa at pagkatapos ay bahagyang mas malalim na pagkaunawa matapos maranasan ito sa loob ng sampung taon at pagkatapos ay ilang higit pang pagkaunawa matapos maranasan ito sa buong buhay—nguni’t kung pagsasamahin ninyo kapwa ang pagkaunawa na natamo na ninyo, magkagayunman—gaano man kalaking pagkaunawa, gaano karaming karanasan, gaano karaming kaunawaan, gaano kalaking liwanag, o gaano karaming halimbawang kapwa mayroon kayo—lahat ng iyan ay hindi pa rin makakahalili sa nag-iisang pangungusap ng katotohanan na iyan. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Kong sabihin na ang buhay ng tao ay palaging magiging buhay ng tao, at gaano man kaayon sa katotohanan, sa mga intensyon ng Diyos at Kanyang mga kahilingan ang iyong pagkaunawa, hindi nito kailanman makakayang humalili sa katotohanan. Ang sabihing ang katotohanan ay natamo na ng mga tao ay nangangahulugan na mayroon silang kaunting realidad, na may natamo na silang kaunting pagkaunawa sa katotohanan, na naabot na nila ang kaunting tunay na pagpasok sa mga salita ng Diyos, na nagkaroon na sila ng kaunting tunay na karanasan sa mga ito, at na sila ay nasa tamang landasin sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ang isa lamang na pahayag ng Diyos ay sapat na para maranasan ng isang tao habambuhay; kahit maranasan pa ito ng mga tao nang ilang habambuhay o kahit na ilang milenyo, hindi pa rin nila ganap at lubusang mararanasan ang isang katotohanan. …

… Kung mayroon kang ilang karanasan sa isang aspeto ng katotohanan, makakatawan ba nito sa ganang sarili nito ang katotohanan? Talagang hindi. Lubusan mo bang maipapaliwanag ang katotohanan? Matutuklasan mo ba ang disposisyon ng Diyos, at ang Kanyang diwa, mula sa katotohanan? Hindi mo magagawa. Ang lahat ay mayroon lamang karanasan sa isang aspeto at saklaw ng katotohanan. Sa pagdanas nito sa loob ng iyong limitadong saklaw, hindi mo mararanasan ang lahat ng aspeto ng katotohanan. Maisasabuhay ba ng mga tao ang orihinal na kahulugan ng katotohanan? Gaano ang halaga ng iyong bahagyang karanasan? Isang butil ng buhangin sa dalampasigan; isang patak ng tubig sa karagatan. Samakatuwid, gaano man kahalaga ang kaalamang iyon at iyang mga pakiramdam na natamo mo na mula sa iyong mga karanasan, hindi pa rin maibibilang na katotohanan ang mga iyan. Ang pinagmulan ng katotohanan at ang kahulugan ng katotohanan ay may napakalawak na saklaw! Walang makasasalungat dito. Sinasabi rin ng ilang tao, “Hindi ba kailanman masasalungat ang aking karanasan?” Siyempre, paanong masasalungat ang tunay na kalagayang nakamtan mo sa iyong karanasan sa katotohanan? Ang katotohanan ay maaaring maging buhay mo sa anumang kapaligiran, mabibigyan ka nito ng landas, at mapapayagan ka nitong manatiling buhay. Gayunpaman, ang mga bagay na mayroon ang mga tao, ang liwanag na nakukuha ng mga tao, ay angkop lamang para sa kanilang mga sarili o para sa ilan sa loob ng isang tiyak na saklaw, nguni’t hindi magiging angkop sa loob ng isang kaibang saklaw. Napakalimitado ang karanasan ng isang tao gaano man kalalim ito, at ang kanilang karanasan ay hindi kailanman makakaabot sa saklaw ng katotohanan. Ang liwanag ng isang tao, ang pagkaunawa ng isang tao, ay hindi kailanman maihahambing sa katotohanan.

Hinango mula sa “Alam Mo ba Kung Ano Talaga ang Katotohanan?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga isinulat ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga direktang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagawa ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng marami sa gawain ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ang mga ito para sa lahat na kapatid sa Panginoon, upang sundin ng mga kapatid sa iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at sumunod sila sa daan ng pagsisisi ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo sa anumang paraan na, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na isinulat niya, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at nangaral o nagpaalala lang siya sa mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginawa niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at sa gayon ay kailangan niyang tanggapin ang responsabilidad para sa mga iglesia, at kailangan niyang isagawa ang gawain ng mga iglesia, kinailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga sulat para sa lahat ng kapatid na nasa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakapagpatibay at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi nito maaaring katawanin ang Diyos. Napakasamang pagkaunawa, at napakalaking kalapastangan sa Diyos, ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo ’yan lalung-lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga isinulat ay para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal naman, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga sulat para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay isa lang siyang naglilingkod na apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Sa gayon, hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ang mga salita ng Banal na Espiritu, ito ang mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay kapareho ng kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya makakapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paano yuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang mapagwalang-bahalang bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga ideya ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paano hindi mababahiran ang mga ito ng mga ideya ng tao? Isinulat niya ang mga sulat para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sarili niyang kaalaman. Halimbawa, may sulat si Pablo sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng kaiba, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Sa gayon, masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang tayog, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao; hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katapat ng mga talambuhay ng kamakailang espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng kamakailang espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring direktang katawanin ang Diyos.

Hinango mula sa “Tungkol sa Biblia (3)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang mga paraan ng pagsasagawa ng tao at ang kanyang kaalaman tungkol sa katotohanan ay angkop lahat sa isang partikular na saklaw. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ganap na kalooban ng Banal na Espiritu, dahil maaari lamang liwanagan ng Banal na Espiritu ang tao, at hindi maaaring ganap na mapuspos ng Banal na Espiritu. Lahat ng bagay na maaaring maranasan ng tao ay nasa saklaw ng normal na pagkatao at hindi maaaring lumampas sa saklaw ng mga saloobin ng normal na tao. Lahat ng makapagsasabuhay ng realidad ng katotohanan ay dumaranas sa loob ng saklaw na ito. Kapag nararanasan nila ang katotohanan, palagi itong isang karanasan sa normal na buhay ng tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu; hindi ito isang paraan ng pagdanas na lihis sa normal na buhay ng tao. Nararanasan nila ang katotohanang niliwanagan ng Banal na Espiritu sa pundasyon ng kanilang pamumuhay bilang tao. Bukod pa rito, ang ganitong katotohanan ay iba-iba sa bawat tao, at ang lalim nito ay nauugnay sa kalagayan ng tao. Masasabi lamang ng isang tao na ang landas na kanilang tinatahak ay ang normal na buhay ng isang taong naghahanap sa katotohanan, at maaari itong tawaging landas na tinahak ng isang normal na tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu. Hindi niya masasabi na ang landas na kanilang tinatahak ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa normal na karanasan ng tao, dahil hindi pare-pareho ang mga taong naghahanap, hindi rin pare-pareho ang gawain ng Banal na Espiritu. Dagdag pa rito, dahil hindi pare-pareho ang mga sitwasyong nararanasan ng mga tao at ang mga saklaw ng kanilang karanasan, at dahil magkakahalo ang kanilang isipan at mga saloobin, halu-halo ang kanilang karanasan sa iba’t ibang antas. Nauunawaan ng bawat tao ang katotohanan ayon sa kanilang iba’t ibang indibiduwal na kundisyon. Ang pagkaunawa nila sa tunay na kahulugan ng katotohanan ay hindi ganap at iisa o ilang aspeto lamang nito. Ang saklaw ng katotohanang nararanasan ng tao ay nagkakaiba sa bawat tao ayon sa mga kundisyon ng bawat tao. Sa ganitong paraan, ang kaalaman tungkol sa iisang katotohanan, ayon sa ipinahayag ng iba’t ibang tao, ay hindi pare-pareho. Ibig sabihin, ang karanasan ng tao ay laging may mga limitasyon at hindi maaaring lubos na kumatawan sa kalooban ng Banal na Espiritu, ni hindi mahihiwatigan ang gawain ng tao bilang gawain ng Diyos, kahit lubhang nakaayon ang ipinahayag ng tao sa kalooban ng Diyos, at kahit napakalapit ng karanasan ng tao sa pagpeperpektong isinasagawa ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maging lingkod ng Diyos ang tao, na ginagawa ang gawaing ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos. Maaari lamang ipahayag ng tao ang kaalamang niliwanagan ng Banal na Espiritu at ang mga katotohanang natamo mula sa kanyang mga personal na karanasan. Ang tao ay hindi karapat-dapat at hindi tumutugon sa mga kundisyon upang maging daluyan ng Banal na Espiritu. Wala siyang karapatang magsabi na ang kanyang gawain ay gawain ng Diyos.

Hinango mula sa “Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang pagbabahagi ng tao ay naiiba sa salita ng Diyos. Ipinararating ng ibinabahagi ng tao ang kanilang indibiduwal na mga kabatiran at karanasan, ipinapahayag ang kanilang mga kabatiran at karanasan batay sa gawain ng Diyos. Ang kanilang responsibilidad ay alamin, pagkatapos gumawa o magsalita ang Diyos, kung ano ang kailangan nilang isagawa o pasukin, at pagkatapos ay ihatid ito sa mga alagad. Samakatuwid, ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanyang pagpasok at pagsasagawa. Mangyari pa, ang ganitong gawain ay may kahalong mga aral at karanasan ng tao o ilang saloobin ng tao. Paano man gumagawa ang Banal na Espiritu, sa tao man o sa Diyos na nagkatawang-tao, laging ipinapahayag ng mga manggagawa kung ano sila. Kahit ang Banal na Espiritu ang gumagawa, ang gawain ay nakasalig sa kung ano ang likas sa tao, dahil hindi gumagawa ang Banal na Espiritu nang walang pundasyon. Sa madaling salita, ang gawain ay hindi nagmumula sa wala, kundi ginagawa nang naaayon sa aktwal na mga pangyayari at tunay na mga kundisyon. Sa ganitong paraan lamang mababago ang disposisyon ng tao at ang kanyang dating mga palagay at dating saloobin. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang nakikita, nararanasan, at naiisip, at kaya itong abutin ng pag-iisip ng tao, kahit ito ay doktrina o mga palagay. Hindi malalampasan ng gawain ng tao ang saklaw ng karanasan ng tao, ni ng nakikita ng tao, ni ng kayang isipin o akalain ng tao, gaano man kalaki ang gawaing iyon. Lahat ng ipinapahayag ng Diyos ay kung ano Siya Mismo, at hindi ito kayang abutin ng tao—ibig sabihin, hindi ito kayang abutin ng pag-iisip ng tao. Ipinapahayag Niya ang Kanyang gawaing pamunuan ang buong sangkatauhan, at wala itong kaugnayan sa mga detalye ng karanasan ng tao, kundi sa halip ay may kinalaman ito sa Kanyang sariling pamamahala. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang karanasan, samantalang ang ipinapahayag ng Diyos ay ang Kanyang pagkatao, na Kanyang likas na disposisyon, na hindi kayang abutin ng tao. Ang karanasan ng tao ay ang kanyang kabatiran at kaalamang nakamtan batay sa pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang katauhan. Ang ganitong kabatiran at kaalaman ay tinatawag na pagkatao ng tao, at ang batayan ng pagpapahayag ng mga iyon ay ang likas na disposisyon at kakayahan ng tao—kaya nga tinatawag din ang mga iyon na pagkatao ng tao. Nagagawang ibahagi ng tao ang kanyang nararanasan at nakikita. Walang sinumang maaaring magbahagi ng anumang hindi pa nila naranasan, hindi pa nila nakita, o hindi kayang abutin ng kanilang pag-iisip, dahil ang mga bagay na iyon ay wala sa kanilang kalooban. Kung ang ipinapahayag ng tao ay hindi nagmumula sa kanyang karanasan, imahinasyon niya iyon o doktrina. Sa madaling salita, walang realidad sa kanyang mga salita. Kung hindi ka pa kailanman nakipag-ugnayan sa mga bagay ng lipunan, hindi mo magagawang ibahagi nang malinaw ang kumplikadong mga ugnayan ng lipunan. Kung wala kang pamilya, kapag nag-usap-usap ang ibang mga tao tungkol sa mga problema sa pamilya, hindi mo mauunawaan ang karamihan sa sinabi nila. Kaya, ang ibinabahagi ng tao at ang gawaing kanyang ginagawa ay kumakatawan sa kanyang kalooban.

Hinango mula sa “Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon