Matapos gawin ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, ginawa ang Lumang Tipan, at noon nagsimulang magbasa ng Biblia ang mga tao. Matapos dumating si Jesus, ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at isinulat ng Kanyang mga apostol ang Bagong Tipan. Sa gayon ay nagawa ang Luma at Bagong Tipan ng Biblia, at kahit hanggang ngayon, lahat ng naniniwala sa Diyos ay nagbabasa na ng Biblia. Ang Biblia ay isang aklat ng kasaysayan. Siyempre, ito rin ay naglalaman ng ilan sa mga hula ng mga propeta, at siyempre, ang mga hulang ito ay hindi nangangahulugan na kasaysayan. Napapaloob sa Biblia ang ilang bahagi—hindi lamang propesiya, o gawain lang ni Jehova, ni mayroon lamang mga sulat ni Pablo. Kailangan mong malaman kung gaano karaming mga bahagi ang napapaloob sa Biblia; ang Lumang Tipan ay naglalaman ng Genesis, Exodo…, at mayroon ding mga aklat ng propesiya na isinulat ng mga propeta. Sa katapusan, ang Lumang Tipan ay nagtatapos sa Aklat ni Malakias. Itinatala nito ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, na siyang pinamunuan ni Jehova; mula sa Genesis hanggang Aklat ni Malakias, ito ay komprehensibong tala ng lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Na ibig sabihin ay, ang Lumang Tipan ay tala ng lahat ng karanasan ng tao na ginabayan ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na ibinangon ni Jehova ay nagsalita ng hula para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at inihula ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang mga taong ito na itinindig ay lahat nabigyan ng Espiritu ng propesiya ni Jehova: Kanilang nakita ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig ang Kanyang boses, at kaya sila’y nabigyang-inspirasyon Niya at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay ang pahayag ng tinig ni Jehova, ang pagpapahayag ng propesiya ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon ay basta lamang gabayan ang mga tao gamit ang Espiritu; hindi Siya naging katawang-tao, at walang nakita ang mga tao sa Kanyang mukha. Kaya, itinindig Niya ang maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at lahi ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila’y isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang maipakita sa iba. Itinindig ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang hulaan ang gawain ng hinaharap o ang gawain na dapat pang matapos sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagkanakakamangha at karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay sadyang naiiba sa ibang mga aklat ng Biblia; ang mga ito ay mga salita na binigkas o isinulat ng mga nabigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nagkamit ng mga pangitain o boses mula kay Jehova. Bukod sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay mga talaan na gawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi panghalili sa mga hulang sinabi ng mga propeta na itinindig ni Jehova, katulad ng Genesis at Exodo na hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago naisagawa ang gawain; ang ibang aklat, samantala, ay isinulat pagkatapos nito, na siya namang kaya ng mga tao. Ang mga propeta nang panahong iyon ay nabigyang-inspirasyon ni Jehova at nagwika ng ilang propesiya, maraming salita ang kanilang winika, at ipinropesiya nila ang mga bagay ng Kapanahunan ng Biyaya, pati na rin ang pagkawasak ng mundo sa huling mga araw—ang gawain na plinanong gawin ni Jehova. Itinala ng lahat ng mga natitirang aklat ang ginawa ni Jehova sa Israel. Kaya, kapag binasa mo ang Biblia, pangunahin mong binabasa kung ano ang ginawa ni Jehova sa Israel; ang Lumang Tipan ng Biblia ay pangunahing nagtala ng gawain ni Jehova sa paggabay sa Israel, ang paggamit Niya kay Moises upang gabayan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, na nag-alis sa kanila ng mga kadena ng Faraon, at dinala sila sa ilang, matapos noon ay pumasok sila sa Canaan at ang lahat ng sumusunod dito ay ang kanilang buhay sa Canaan. Ang lahat bukod dito ay mga tala ng gawain ni Jehova sa buong Israel. Lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, ito’y gawain ni Jehova sa lupa kung saan nilikha Niya sina Adan at Eba. Mula nang opisyal na sinimulan ng Diyos na pamunuan ang mga tao sa daigdig pagkaraan ni Noe, ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain sa Israel. At bakit walang nakatala na kahit anong gawaing lampas sa Israel? Dahil ang lupain ng Israel ay ang duyan ng sangkatauhan. Sa pasimula, walang ibang bansa maliban sa Israel, at si Jehova ay di gumawa sa iba pang lugar. Sa paraang ito, kung ano ang nakasulat sa Lumang Tipan ng Biblia ay pulos gawain ng Diyos sa Israel nang panahong iyon. Ang mga salitang winika ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … ipinropropesiya ng kanilang mga salita ang Kanyang ibang gawain sa daigdig, ipinropropesiya nila ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, lahat ng iba ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova nang panahong iyon.
Ang gawain ng paglikha ay nangyari bago ang sangkatauhan, ngunit dumating lamang ang Aklat ng Genesis matapos magkaroon ng sangkatauhan; ito ay isang aklat na isinulat ni Moises noong Kapanahunan ng Kautusan. Ito ay tulad ng mga bagay na nangyayari sa inyo ngayon: Pagkatapos nilang mangyari, isinusulat ninyo ang mga ito para ipakita sa mga tao sa hinaharap, at para sa mga tao sa hinaharap, ang inyong mga naitala ay bagay na nangyari noong nakalipas na panahon—ito’y wala nang iba pa kundi isang kasaysayan. Ang mga bagay na naitala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, at yaong nakatala sa Bagong Tipan ay gawain ni Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya; itinala ng mga ito ang gawain na tinapos ng Diyos sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan, at kaya ang Lumang Tipan ay makasaysayang libro, habang ang Bagong Tipan ay bunga ng gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Nang magsimula ang bagong gawain, nawala rin sa uso ang Lumang Tipan—at kaya, ang Bagong Tipan ay isa ring pangkasaysayang libro. Siyempre, ang Bagong Tipan ay hindi kasing-sistematiko tulad ng Lumang Tipan, ni nagtatala ng kasindaming mga bagay. Ang lahat ng maraming salita na winika ni Jehova ay nakatala sa Lumang Tipan ng Biblia, samantala ilan lamang sa mga salita ni Jesus ang nakatala sa Apat na Ebanghelyo. Siyempre, marami ring ginawa si Jesus, ngunit hindi ito naitala nang detalyado. Na mas kakaunti ang naitala sa Bagong Tipan ay dahil sa kung gaano karami ang nagawa ni Jesus; ang dami ng Kanyang gawain sa loob ng tatlo-at-kalahating taon sa daigdig at yaong ginawa ng mga apostol ay higit na kakaunti kaysa sa gawain ni Jehova. At sa gayon, mas kaunti ang mga aklat sa Bagong Tipan kaysa sa Lumang Tipan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1