Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 27

1,221 2020-12-12

Sa gawain sa mga huling araw, ang salita ay mas makapangyarihan kaysa pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, at ang awtoridad ng salita ay nahihigitan yaong sa mga tanda at mga himala. Inilalantad ng salita ang lahat ng tiwaling disposisyon na malalim na nakabaon sa puso ng tao. Wala kang paraan para kilalanin ang mga ito sa iyong sarili lamang. Kapag ang mga ito ay naibunyag sa iyo sa pamamagitan ng salita, natural na matutuklasan mo ang mga ito; hindi mo maitatanggi ang mga iyon, at lubos kang makukumbinsi. Hindi ba ito ang awtoridad ng salita? Ito ang resultang nakamit ng kasalukuyang gawain ng salita. Samakatuwid, ang tao ay hindi ganap na maililigtas mula sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapagaling ng sakit at pagpapalayas ng mga demonyo, at hindi rin siya magagawang ganap sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Ang awtoridad upang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo ay nagbibigay lamang ng biyaya sa tao, ngunit ang laman ng tao ay nabibilang pa rin kay Satanas at ang tiwaling maka-satanas na disposisyon ay nananatili pa rin sa kalooban ng tao. Sa madaling salita, yaong hindi pa nagawang malinis ay kabilang pa rin sa kasalanan at karumihan. Tanging pagkatapos na magawang malinis ang tao sa pamamagitan ng salita na siya ay makakamit ng Diyos at magiging banal. Noong ang mga demonyo ay napalayas sa tao at siya ay natubos, ito ay nangangahulugan lamang na siya ay naagaw mula sa mga kamay ni Satanas at naibalik sa Diyos. Subalit, dahil hindi siya nalinis o nabago ng Diyos, siya ay nananatiling tiwaling tao. Sa loob ng tao ay umiiral pa rin ang karumihan, pagsalungat at pagiging mapanghimagsik; ang tao ay nakabalik lamang sa Diyos sa pamamagitan ng pagtubos, ngunit wala siya ni katiting na pagkakakilala sa Diyos at may kakayahan pa ring lumaban at magtaksil sa Kanya. Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, na ang lahat ng karumihan, mga pagkaunawa, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaaring ituring lamang bilang hindi pagkaalala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag ng tao. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, na walang-katapusang hinahayag ang kanyang maka-satanas na disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay magpakailanmang mabisa para sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. Bilang halimbawa, nang mapagtanto ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, naghinaing sila, hindi na hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinakikita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng sangkatauhan sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong tiwaling maka-satanas na disposisyon nila? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, ang iyong mga kamay ay nakataas nang mas mataas kaysa iba, maging yaong kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging malapit sa Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Mag-alsa laban sa matandang Satanas! Mag-alsa laban sa malaking pulang dragon! Nawa’y ang malaking pulang dragon ay lubos na bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa’y ang Diyos ay gawin tayong ganap!” Ang iyong mga sigaw ay pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa, ang tiwaling disposisyon ng mga tao ay nabunyag. Magkagayon, tumigil ang kanilang mga sigaw, at wala na silang paninindigan. Ito ang katiwalian ng tao; mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang gayong epekto. Sa gayon lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong iyon. Isinigaw ng tao ang gayon noong nakaraan sapagkat ang tao ay walang pagkaunawa sa kanyang orihinal na tiwaling disposisyon. Ang mga ito ang mga karumihan sa kalooban ng tao. Sa kahabaan ng gayong katagal na panahon ng paghatol at pagkastigo, ang tao ay namuhay sa isang kapaligiran na puno ng pag-aalala. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay natamo sa pamamagitan ng salita? Hindi ba’t sumigaw ka rin nang napakalakas bago ang pagsubok sa mga tagapagsilbi? “Pumasok sa kaharian! Lahat niyaong tumatanggap sa pangalang ito ay papasok sa kaharian! Ang lahat ay makikibahagi sa Diyos!” Nang ang pagsubok sa mga tagapagsilbi ay dumating, hindi ka na sumigaw. Sa pinakasimula, ang lahat ay sumigaw, “O Diyos! Saan Mo man ako ilagay, magpapasakop ako sa Iyong pamamatnubay.” Pagkabasa sa mga salita ng Diyos na “Sino ang Aking magiging Pablo?” ang sabi ng tao, “Ako ay nakahanda!” Pagkatapos ay nakita nila ang mga salitang “At ano naman ang tungkol sa pananampalataya ni Job?” at sinabing, “Nakahanda akong akuin ang pananampalataya ni Job. Diyos ko, pakiusap subukin Mo ako!” Nang dumating ang pagsubok sa mga tagapagsilbi, sila ay kaagad na bumagsak at halos hindi na muling makatayo. Pagkatapos noon, ang mga karumihan sa puso nila ay unti-unting nabawasan. Hindi ba ito natamo sa pamamagitan ng salita? Kaya, ang inyong naranasan sa kasalukuyan ay mga resulta na natamo sa pamamagitan ng salita, na higit pang mas dakila kaysa roon sa natamo sa pamamagitan ng paggawa ng mga tanda at mga himala ni Jesus. Ang kaluwalhatian ng Diyos at awtoridad ng Diyos Mismo na iyong nakikita ay hindi lamang nakikita sa pamamagitan ng pagkakapako sa krus, pagpapagaling ng karamdaman at pagpapalayas ng mga demonyo, kundi lalong higit sa pamamagitan ng paghatol ng Kanyang salita. Ipinakikita nito sa iyo na hindi lamang ang paggawa ng mga tanda, pagpapagaling ng karamdaman at pagpapalayas ng mga demonyo ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, kundi mas mahusay na kinakatawan ng paghatol ng salita ng Diyos ang awtoridad ng Diyos at mas nagbubunyag ito ng Kanyang pagka-makapangyarihan sa lahat.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Mag-iwan ng Tugon