Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paghatol sa mga Huling Araw | Sipi 98

833 2020-06-24

Sa kaharian, ang napakaraming bagay na nilikha ay nagsisimulang muling mabuhay at mabawi ang kanilang lakas sa buhay. Dahil sa mga pagbabago sa kalagayan ng daigdig, ang mga hangganan sa pagitan ng isang lupain at ng isa pa ay nagsisimula ring gumalaw. Nagpropesiya na Ako na kapag ang lupain ay nahiwalay sa lupain, at ang lupain ay sumama sa lupain, ito ang panahon na dudurugin Ko ang mga bansa nang pira-piraso. Sa panahong ito, paninibaguhin Ko ang lahat ng nilikha at hahati-hatiing muli ang buong sansinukob, sa gayon ay maisasaayos ang sansinukob at ang luma ay magiging bago—ito ang Aking plano at ito ang Aking mga gawa. Kapag bumalik na lahat ang mga bansa at mga tao sa mundo sa harap ng Aking luklukan, kukunin Ko ang lahat ng kasaganaan ng langit at ibibigay ito sa mundo ng tao, upang, dahil sa Akin, ang mundong iyon ay mapuno ng walang-kapantay na kasaganaan. Ngunit hangga’t patuloy na umiiral ang lumang mundo, ipupukol Ko ang Aking galit sa mga bansa nito, hayagang ipapahayag ang Aking mga atas administratibo sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito:

Kapag ibinabaling Ko ang Aking mukha sa sansinukob upang magsalita, naririnig ng buong sangkatauhan ang Aking tinig, at pagkatapos ay nakikita ang lahat ng Aking nagawa sa buong sansinukob. Yaong mga lumalaban sa Aking kalooban, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin sa mga gawa ng tao, ay sasailalim sa Aking pagkastigo. Kukunin Ko ang napakaraming bituin sa kalangitan at paninibaguhin ang mga ito, at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago—ang kalangitan ay hindi na magiging gaya ng dati at ang napakaraming bagay sa lupa ay mapapanibago. Lahat ay magiging ganap sa pamamagitan ng Aking mga salita. Ang maraming bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at papalitan ng Aking kaharian, kaya ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman at lahat ay magiging isang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, lahat ng nabibilang sa diyablo ay lilipulin, at lahat ng sumasamba kay Satanas ay isasadlak sa Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang maraming tao, yaong mga nasa relihiyosong mundo, sa iba’t ibang lawak, ay babalik sa Aking kaharian, na nalupig ng Aking mga gawa, dahil nakita na nila ang pagdating ng Banal na nakasakay sa isang puting ulap. Lahat ng tao ay paghihiwa-hiwalayin ayon sa sarili nilang uri, at tatanggap ng mga pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos. Lahat ng kumalaban sa Akin ay masasawi; yaon namang mga hindi Ako kasali sa kanilang mga gawa sa lupa, sila, dahil sa paraan ng pagpapawalang-sala nila sa kanilang sarili, ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming tao at sa napakaraming bansa, at sa sarili Kong tinig, maririnig Ako sa ibabaw ng lupa, na ipinapahayag ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain para makita ng buong sangkatauhan sa sarili nilang mga mata.

Habang lumalakas ang Aking tinig, pinagmamasdan Ko rin ang kalagayan ng sansinukob. Sa pamamagitan ng Aking mga salita, nababagong lahat ang napakaraming bagay na nilikha. Ang sangkatauhan ay inilalantad sa orihinal na anyo nito at, dahan-dahan, bawat tao ay nakahiwalay ayon sa kanilang uri, at nahahanap ang kanilang landas nang hindi namamalayan pabalik sa sinapupunan ng kanilang pamilya. Lubha itong makalulugod sa Akin. Malaya Ako sa pagkagambala at, hindi halata, naisasakatuparan ang Aking dakilang gawain, at binabagong lahat ang napakaraming bagay na nilikha. Nang likhain Ko ang mundo, ginawa Ko ang lahat ng bagay ayon sa kanilang uri, na isinasama ang lahat ng bagay na magkakapareho ang anyo sa kauri ng mga ito. Habang nalalapit ang pagtatapos ng Aking plano ng pamamahala, ipanunumbalik Ko ang dating kalagayan ng paglikha; ipanunumbalik Ko ang lahat ng bagay sa orihinal nitong ayos, na gumagawa ng malaking pagbabago sa lahat ng bagay, upang lahat ng bagay ay mabalik sa pinagmulan ng Aking plano. Dumating na ang panahon! Ang huling yugto ng Aking plano ay malapit nang matupad. Ah, maruming lumang mundo! Tiyak na sasailalim ka sa Aking mga salita! Tiyak na mawawalan ka ng halaga ayon sa Aking plano! Ah, ang napakaraming bagay ng paglikha! Magtatamo kayong lahat ng bagong buhay ayon sa Aking mga salita—mapapasainyo ang inyong Panginoong makapangyarihan sa lahat! Ah, dalisay at walang-bahid dungis na bagong mundo! Tiyak na muli kang mabubuhay sa loob ng Aking kaluwalhatian! Ah, Bundok ng Sion! Huwag nang manahimik—nakabalik na Ako nang matagumpay! Mula sa gitna ng paglikha, sinisiyasat Ko ang buong daigdig. Sa lupa, nagsimula na ng bagong buhay at nagkamit na ng bagong pag-asa ang sangkatauhan. Ah, Aking mga tao! Paanong hindi kayo muling mabubuhay sa loob ng Aking liwanag? Paanong hindi kayo magtatalunan sa galak sa ilalim ng Aking patnubay? Nagsisigawan sa saya ang mga lupain, namamaos sa masayang paghalakhak ang katubigan! Ah, ang nabuhay na mag-uling Israel! Paanong hindi ka magmamalaki dahil sa Aking itinakdang hantungan? Sino ang napaiyak? Sino ang napahagulgol? Ang dating Israel ay nawala na, at ang Israel sa ngayon ay nagbangon na, nang tuwid at matayog sa mundo, at nakatayo sa puso ng buong sangkatauhan. Tiyak na matatamo ng Israel ngayon ang pinagmumulan ng pag-iral sa pamamagitan ng Aking mga tao! Ah, kasuklam-suklam na Egipto! Siguro naman ay hindi ka na laban sa Akin? Paano mo nagagawang samantalahin ang Aking awa at sinusubukang takasan ang Aking pagkastigo? Paanong hindi ka makairal sa loob ng Aking pagkastigo? Lahat ng Aking minamahal ay tiyak na mabubuhay nang walang hanggan, at lahat ng laban sa Akin ay tiyak na kakastiguhin Ko nang walang hanggan. Sapagkat Ako ay isang mapanibughuing Diyos at hindi Ko basta patatawarin ang mga tao sa lahat ng kanilang nagawa. Babantayan Ko ang buong daigdig at, habang nagpapakita sa Silangan ng mundo nang may katuwiran, kamahalan, poot, at pagkastigo, ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming hukbo ng sangkatauhan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 26

Mag-iwan ng Tugon