Paano Ginagamit ni Satanas ang mga Kalakarang Panlipunan Upang Gawing Tiwali ang Tao
Ginagawang tiwali ni Satanas ang tao sa pamamagitan ng kalakarang panlipunan. Kabilang sa “mga kalakarang panlipunan” na ito ang maraming bagay. Sinasabi ng ilang tao na: “Nangangahulugan ba ito ng mga pinakabagong uso, mga pampaganda, mga istilo ng buhok, at masasarap na pagkain?” Ang mga ito ba’y itinuturing na kalakarang panlipunan? Ang mga ito ay isang bahagi ng mga kalakarang panlipunan, subali’t hindi natin pag-uusapan ang mga ito dito. Nais lamang nating pag-usapan ang tungkol sa mga ideyang idinudulot ng mga kalakarang panlipunan sa mga tao, kung paano ang mga ito nagiging sanhi sa paggawi ng mga tao sa mundo, at ang mga layunin sa buhay at pananaw na idinudulot ng mga ito sa mga tao. Ang mga ito ay napakahalaga; makokontrol at maiimpluwensyahan ng mga ito ang kalagayan ng pag-iisip ng isang tao. Ang mga kalakarang ito ay lumilitaw isa-isa, at lahat ng mga ito ay nagdadala ng isang masamang impluwensya na patuloy na nagpapababa sa sangkatauhan, na nagiging sanhi upang mawalan ang mga tao ng konsensya, pagkatao at katinuan, na lalo pang nagpapahina ng kanilang mga moral at kanilang kalidad ng karakter, hanggang sa masasabi nating karamihan ng mga tao ngayon ay walang integridad, walang pagkatao, ni anumang konsensya, at lalo’t higit ng anumang katinuan. Kaya ano ang mga kalakarang ito? Ito ang mga kalakarang hindi mo makikita gamit ang karaniwang mata lamang. Kapag ang isang bagong kalakaran ay lumalaganap sa mundo, marahil maliit na bilang lamang ng mga tao ang nangunguna, gumaganap bilang mga tagapagpauso. Nagsisimula sila sa paggawa ng ilang bagong bagay, pagkatapos ay tinatanggap ang ilang uri ng ideya o ilang uri ng pananaw. Ang karamihan sa mga tao, gayunpaman, sa gitna ng kanilang kawalan ng kamalayan, ay patuloy pa ring mahahawa, magiging bahagi at maaakit ng ganitong uri ng kalakaran, hanggang sa tatanggapin nilang lahat ito nang hindi namamalayan at nang walang kusa at maging lubog dito at kontrolado nito. Isa-isa, ang mga kalakarang iyon ay nagiging sanhi upang ang mga tao, na wala sa matinong pangangatawan at pag-iisip, hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, at hindi nakikilala ang kaibahan sa pagitan ng positibo at negatibong mga bagay, na tanggapin nang maluwag sa kalooban ang mga kalakarang ito pati na rin ang mga pananaw sa buhay at ang mga pagpapahalaga na nanggagaling kay Satanas. Tinatanggap nila kung ano ang sinasabi sa kanila ni Satanas kung paano pakitunguhan ang buhay at ang paraan ng pamumuhay na “ipinagkakaloob” sa kanila ni Satanas, at wala silang taglay na lakas, ni kakayahan, lalo na ang kamalayan, upang lumaban. Kaya ano ba talaga ang mga kalakarang ito? Nakapili Ako ng isang simpleng halimbawa na maaaring maunawaan ninyo nang unti-unti. Halimbawa, pinatatakbo ng mga tao noong una ang kanilang mga negosyo sa paraang hindi nandadaya ninuman; at ibinebenta ang mga bagay sa parehong presyo maging sinuman ang bumibili. Hindi ba nito ipinapakita ang ilang elemento ng konsensya at pagkatao? Kapag nagsasagawa ang mga tao ng kanilang negosyo gaya nito, nang walang masamang hangarin, makikita rito na mayroon pa rin silang kaunting konsensya at kaunting pagkatao sa panahong iyon. Ngunit dahil sa palaki nang palaking pangangailangan ng tao para sa pera, walang kamalay-malay na natutunan ng mga tao na lalo pang ibigin ang salapi, pakinabang at kasiyahan. Sa madaling salita, tiningnan ng mga tao ang salapi bilang mas mahalaga pa kaysa sa dati. Kapag tinatanaw ng mga tao ang salapi bilang mas mahalaga, walang malay nilang napapabayaan ang kanilang reputasyon, kanilang katanyagan, kanilang karangalan, at kanilang katapatan, hindi ba? Kapag ikaw ay nagnenegosyo, nakikita mo ang ibang gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan upang dayain ang mga tao at maging mayaman. Bagaman ang salaping kinita ay nakaw, sila ay payaman nang payaman. Bagama’t kapareho ng negosyo nila ang sa iyo, ngunit ang kanilang buong pamilya ay nasisiyahan sa buhay nang mas higit kaysa sa iyo, at masama ang loob mo, na sinasabi sa sarili mong: “Bakit hindi ko gawin ang gayon? Bakit hindi ako dapat kumita ng kasinglaki ng sa kanila? Dapat akong makaisip ng paraan upang magkaroon ng mas maraming salapi, upang gawing masagana ang aking negosyo.” Sa gayon pag-iisipan mo kung paano kumita ng malaking pera. Ayon sa karaniwang paraan ng pagkita ng salapi—pagbebenta sa kaparehong presyo para sa lahat—anumang perang kinikita mo ay ayon sa mabuting konsensya. Subalit hindi ka agad mapapayaman nito. Gayunpaman, sa ilalim ng udyok na magkaroon ng tubo, ang iyong pag-iisip ay sasailalim sa isang dahan-dahang pagbabago. Sa panahon ng pagbabagong ito, ang mga prinsipyo mo ay nagsisimula ring magbago. Nang unang pagkakataong nandaya ka ng isang tao, mayroon ka pang mga pag-aatubili, na sinasabing, “Ito na ang huling pagkakataon na dadayain ko ang isang tao. Hindi ko na ito uulitin. Hindi ako maaaring mandaya ng mga tao. Ang pandaraya ng mga tao ay may masasamang kahihinatnan. Magdadala ito ng kapahamakan sa akin!” Nang unang nandaya ka ng isang tao, ang iyong puso ay nagkaroon ng ilang pag-aatubili; ito ang gawain ng konsensya ng tao—ang magkaroon ng pag-aatubili at sisihin ka, kaya hindi natural na mandaya ka ng tao. Subalit matapos mong matagumpay na dayain ang isang tao, nakikita mo na ngayon ay mas marami kang pera kaysa dati, at iniisip mo na ang paraang ito ay maaaring maging mas kapaki-pakinabang para sa iyo. Sa kabila ng kaunting kirot sa iyong puso, nais mo pa ring batiin ang sarili mo sa iyong tagumpay, at nasisiyahan ka nang kaunti sa iyong sarili. Sa unang pagkakataon, sinasang-ayunan mo ang iyong sariling pagkilos, sarili mong mapandayang pamamaraan. Pagkatapos, sa sandaling mahawahan ang tao ng ganitong uri ng pandaraya, kagaya lang ito sa isang tao na nasangkot sa pagsusugal at pagkatapos ay naging isang sugarol. Sa iyong kawalang kamalayan, sinasang-ayunan mo ang iyong mapandayang gawain at tinatanggap ito. Sa iyong kawalang kamalayan, iniisip mo na ang pandaraya ay isang lehitimong gawain sa negosyo, at pinakakapaki-pakinabang na paraan para sa kaligtasan ng iyong buhay at kabuhayan; iniisip mo na sa paggawa nito maaari kang yumaman nang mabilis. Sa simula ng prosesong ito, hindi matatanggap ng mga tao ang ganitong uri ng pag-uugali, mababa ang tingin nila sa ganitong pag-uugali. Pagkatapos personal nilang sinusubukan ang ganitong pag-uugali, at sinusubukan ito sa kanilang sariling paraan, at ang kanilang mga puso ay dahan-dahang nagbabago. Ano’ng uri ng pagbabago ito? Ito ay pagsang-ayon at pagtanggap sa kalakarang ito, sa kaisipan na ikinintal sa iyo ng kalakarang panlipunan. Hindi mo namamalayan, nadarama mo na kapag hindi ka nandaya sa negosyo malulugi ka, na kapag hindi ka nandaya mawawalan ka. Hindi mo namamalayan, ang ganitong pandaraya ang nagiging pinaka-kaluluwa mo na, ang pangunahing sandigan mo, at isang uri ng pag-uugali na lubos na kailangan na naging prinsipyo na sa iyong buhay. Matapos tanggapin ng tao ang ganitong pag-uugali at pag-iisip, hindi ba ito nagdala ng pagbabago sa kanyang puso? Ang iyong puso ay nagbago, ang karangalan mo ba ay nagbago na rin? Ang pagkatao mo ba ay nagbago? Ang konsensya mo ba ay nagbago? (Oo.) Oo, ang kabuuan ng taong ito ay sumasailalim sa isang pagbabago ng kalidad, mula sa kanilang puso hanggang sa kanilang mga pag-iisip, hanggang sa puntong sila ay nababago mula sa loob palabas. Ang pagbabagong ito ang lalong mas nagpapalayo sa iyo sa Diyos, at ikaw ay lalong mas nagiging kaayon ni Satanas, lalong mas nagiging kapareho nito.
Sa pagtingin sa mga kalakarang panlipunan na ito, masasabi ba ninyo na mayroon silang malaking impluwensya sa mga tao? Ang mga ito ba’y may matinding nakapipinsalang epekto sa mga tao? (Oo.) Mayroon nga silang napakatinding nakapipinsalang epekto sa mga tao. Aling aspeto ng pagkatao ang ginagawang tiwali ni Satanas na ginagamitan ng mga magkakasunod na kalakarang panlipunan? (Konsensya, katwiran, pagkatao, moralidad at pananaw sa buhay.) Nagiging sanhi ang mga ito ng unti-unting pagkabulok sa mga tao, hindi ba? Ginagamit ni Satanas ang mga kalakarang panlipunan na ito upang dahan-dahang akitin ang mga tao sa pugad ng mga diablo, sa gayon ang mga taong naipit sa mga kalakarang panlipunan ay walang kamalayang nanghihikayat sa pagnanasa para sa salapi at materyal, at sa kasamaan at karahasan. Sa sandaling ang mga bagay na ito ay makapasok sa puso ng tao, nagiging ano kung gayon ang tao? Ang tao ay nagiging ang diablong si Satanas! Bakit? Ito ay dahil sa anong sikolohikal na pagkahilig sa puso ng tao? Ano ang itinataguyod ng tao? Nagsisimulang magustuhan ng tao ang kasamaan at karahasan, na hindi nagpapakita ng anumang pagmamahal sa kagandahan at kabutihan, lalo na sa kapayapaan. Hindi nakahandang isakabuhayan ng tao ang simpleng buhay ng normal na pagkatao, sa halip nais na tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, ang magpakasaya sa mga pagnanasa ng laman, na hindi nag-aatubiling bigyang-kasiyahan ang sarili nilang laman, nang walang mga paghihigpit, walang mga gapos na pipigil sa kanila; sa madaling salita, ginagawa ang anumang naisin nila. Kaya kapag ang tao ay nalubog sa ganitong mga uri ng mga kalakaran, makatutulong ba ang kaalaman na natutuhan mo upang palayain mo ang iyong sarili? Makatutulong ba sa iyo ang iyong pagkaunawa sa mga tradisyunal na kultura at mga pamahiin upang makatakas sa kakila-kilabot na kalagayang ito? Makatutulong ba sa kanila ang tradisyunal na moralidad at tradisyunal na seremonya na nauunawaan ng tao na magsanay ng pagpipigil? Kunin nating halimbawa ang Tatlong Klasikong Karakter. Matutulungan ba nito ang mga tao na hilahing palabas ang kanilang mga paa mula sa putikan ng mga kalakarang ito? (Hindi, hindi maaari.) Sa ganitong paraan, ang tao ay nagiging higit na mas masama, mayabang, mapagmataas, makasarili, at malisyoso. Wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga tao, wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya, wala nang anumang pagkakaunawaan sa mga magkakamag-anak at magkakaibigan; ang mga ugnayang pantao ay puno ng karahasan. Nais gamitin ng bawat isang tao ang mararahas na pamamaraan upang mabuhay sa gitna ng kanilang kapwa tao; sinasamsam nila ang sarili nilang kabuhayan gamit ang karahasan; nakakamit nila ang kanilang mga posisyon at ang kanilang mga kita gamit ang karahasan, at ginagawa nila ang anumang naisin nila gamit ang mararahas at masasamang paraan. Hindi ba nakakatakot ang ganitong sangkatauhan? (Oo.) Pagkarinig sa lahat ng bagay na ito na kasasabi Ko lamang, hindi ba ninyo naisip na nakakatakot na mamuhay sa kapaligirang ito, sa mundong ito, at sa gitna ng mga ganitong uri ng mga tao, kung saan ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan? (Oo.) Kaya naramdaman na ba ninyo kailanman na kahabag-habag ang inyong mga sarili? Nararamdaman na dapat ninyo ito ngayon nang bahagya, hindi ba? (Oo.) Kung didinggin ang inyong tono, tila iniisip ninyo na “ginagamit ni Satanas ang napakaraming iba’t ibang paraan upang gawing tiwali ang tao. Sinusunggaban nito ang bawat pagkakataon at nasa lahat ng dako na ating binabalingan. Makaliligtas pa ba ang tao?” Makaliligtas pa ba ang tao? Maililigtas ba ng tao ang kanilang sarili? (Hindi.) Maililigtas ba ni Emperador Jade ang tao? Maililigtas ba ni Confucious ang tao? Maililigtas ba ni Guanyin Bodhisattva ang tao? (Hindi.) Kaya sino ang makakapagligtas sa tao? (Ang Diyos.) Ang ilang tao, gayunpaman, ay itataas sa kanilang puso ang mga tanong na gaya ng: “Pinipinsala tayo ni Satanas nang napakarahas, sa paraang napakabangis, na wala na tayong pag-asang mabuhay, ni anumang pagtitiwalang maaari tayong mabuhay. Tayong lahat ay nabubuhay sa gitna ng katiwalian at lumalaban ang bawat isang tao sa Diyos, at ang ating mga puso ay nanlamig nang husto ngayon. Kaya habang tayo ay ginagawang tiwali ni Satanas, nasaan ang Diyos? Ano ang ginagawa ng Diyos? Anuman ang ginagawa ng Diyos para sa atin hindi natin nararamdaman ito!” Hindi maiiwasang manlumo ng ilang tao, at panghinaan ng loob, tama ba? Sa inyo, ang pakiramdam na ito ay napakatindi sapagkat ang lahat ng Aking sinasabi ay upang unti-unting ipaunawa sa mga tao, upang lalo pang mas maramdaman na sila ay walang pag-asa, upang lalo pang mas maramdaman na sila ay tinalikdan ng Diyos. Subalit huwag mag-alala. Ang paksa ng ating pagbabahagi para sa araw na ito, “ang kasamaan ni Satanas,” ay hindi siyang ating totoong tema. Upang pag-usapan ang tungkol sa diwa ng kabanalan ng Diyos, dapat muna nating pag-usapan kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang tao at ang kasamaan ni Satanas upang mas maging malinaw sa mga tao kung anong uri ng kondisyon ang kinaroroonan ng tao ngayon. Ang isang layunin ng pag-uusap tungkol dito ay upang ipaalam sa mga tao ang kasamaan ni Satanas, habang ang isa pa ay upang ipaunawa nang husto sa mga tao kung ano ang tunay na kabanalan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI