Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 11

2,370 2020-06-25

Paano Pinagpapasyahan ng Diyos ang Kahihinatnan ng mga Tao at ang mga Pamantayang Ginagamit Niya sa Paggawa Niyon

Bago ka mapanatag sa anumang mga pananaw o konklusyon, dapat mo munang maunawaan ang saloobin ng Diyos sa iyo, at ang Kanyang iniisip, at saka ka magpasya kung tama o hindi ang sarili mong iniisip. Hindi kailanman ginamit ng Diyos ang panahon bilang panukat sa pagpapasya sa kahihinatnan ng isang tao, ni hindi Niya kailanman ibinatay ang gayong pagpapasya sa kung gaano nagdusa ang isang tao. Ano, kung gayon, ang pamantayang ginagamit ng Diyos sa pagpapasya sa kahihinatnan ng isang tao? Ang pagpapasya roon batay sa panahon ang siyang pinakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao. Bukod pa riyan, may mga taong madalas ninyong makita na minsa’y lubhang naging tapat, gumugol nang malaki, nagsakripisyo nang husto, at nagdusa nang matindi. Sila, sa tingin ninyo, ang maaaring iligtas ng Diyos. Lahat ng ipinamamalas at isinasabuhay ng mga taong ito ay tiyak na nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa itinakdang mga pamantayan ng Diyos sa pagpapasya sa kahihinatnan ng isang tao. Anuman ang pinaniniwalaan ninyo, hindi Ko ililistang isa-isa ang mga halimbawang ito. Sa madaling salita, anumang hindi ayon sa pamantayang iniisip mismo ng Diyos ay nagmumula sa imahinasyon ng tao, at lahat ng gayong bagay ay mga kuru-kuro ng tao. Kung pikit-mata mong igigiit ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, ano ang magiging resulta? Medyo malinaw na ang ibubunga nito ay pagtanggi lamang ng Diyos sa iyo. Ito ay dahil lagi mong ipinagyayabang ang iyong mga kwalipikasyon sa harap ng Diyos, nakikipagpaligsahan ka sa Kanya, at nakikipagtalo sa Kanya, at hindi mo talaga sinisikap na unawain ang Kanyang iniisip, ni hindi mo sinisikap na unawain ang kalooban o Kanyang saloobin sa sangkatauhan. Ang pagpapatuloy sa ganitong paraan ay pagpaparangal sa iyong sarili higit sa lahat; hindi nito pinupuri ang Diyos. Naniniwala ka sa iyong sarili; hindi ka naniniwala sa Diyos. Ayaw ng Diyos ang gayong mga tao, ni hindi Niya sila ililigtas. Kung maaari mong kalimutan ang ganitong uri ng pananaw at, bukod pa riyan, maitatama mo ang mga maling pananaw mong iyon noong araw, kung maaari kang magpatuloy ayon sa mga hinihingi ng Diyos, kung maaari mong isagawa ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan mula ngayon, kung maaari mong parangalan ang Diyos bilang Isa na dakila sa lahat ng bagay at magpipigil kang gamitin ang sarili mong personal na mga kagustuhan, pananaw, o paniniwala upang ilarawan ang iyong sarili at ang Diyos, at sa halip ay hahanapin mo ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng aspeto, matatanto at mauunawaan mo ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan, at mapapalugod mo Siya sa pamamagitan ng pagtugon sa Kanyang mga pamantayan, kamangha-mangha iyan! Ipapakita niyan na magsisimula ka na sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan.

Kung hindi ginagamit ng Diyos ang iba-ibang iniisip, ideya, at pananaw ng mga tao bilang mga pamantayan sa pagpapasya sa kanilang kahihinatnan, anong uri ng pamantayan ang ginagamit Niya upang ipasya ang kahihinatnan ng mga tao? Ginagamit Niya ang mga pagsubok upang ipasya ang kanilang kahihinatnan. May dalawang pamantayan sa paggamit ng Diyos ng mga pagsubok upang ipasya ang kahihinatnan ng mga tao: Ang una ay ang dami ng mga pagsubok na pinagdaraanan ng mga tao, at ang pangalawa ay ang mga resulta ng mga pagsubok na ito sa mga tao. Ang dalawang tagapagpahiwatig na ito ang nagtatakda ng kahihinatnan ng isang tao. Ngayon, ipaliwanag natin ang dalawang pamantayang ito.

Una sa lahat, kapag nahaharap ang isang tao sa isang pagsubok mula sa Diyos (tandaan: Posibleng sa tingin mo, hindi mabigat ang pagsubok na ito, hindi na kailangang banggitin), titiyakin ng Diyos na may kamalayan ka na ito ang Kanyang kamay sa iyo, at na Siya ang nagsaayos ng sitwasyong ito para sa iyo. Habang musmos pa ang iyong tayog, magsasaayos ng mga pagsubok ang Diyos upang subukin ka, at ang mga pagsubok na ito ay tutugma sa iyong tayog, kung ano ang kaya mong unawain, at ano ang kaya mong tiisin. Anong bahagi mo ang susubukin? Ang saloobin mo sa Diyos. Napakahalaga ba ng saloobing ito? Siyempre mahalaga iyon! Napakahalaga niyon! Ang saloobing ito ng mga tao ang resultang hangad ng Diyos, para sa Kanya, ito ang pinakamahalagang bagay sa lahat. Kung hindi, hindi gugugulin ng Diyos ang Kanyang mga pagsisikap sa mga tao sa pag-aabala sa gayong gawain. Sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito, nais ng Diyos na makita ang iyong saloobin sa Kanya; nais Niyang makita kung ikaw ay nasa tamang landas o hindi. Nais din Niyang makita kung may takot ka sa Diyos at umiiwas sa kasamaan o hindi. Samakatuwid, marami man o kaunti ang nauunawaan mong katotohanan sa anumang partikular na panahon, mahaharap ka pa rin sa mga pagsubok ng Diyos, at kasunod ng anumang pagdami ng katotohanang iyong nauunawaan, patuloy Siyang magsasaayos ng mga pagsubok na may kaugnayan sa iyo. Kapag minsan ka pang naharap sa isang pagsubok, nanaisin ng Diyos na makita kung ang iyong pananaw, mga ideya, at saloobin sa Kanya ay nagkaroon na ng anumang paglago sa pagitan ng panahong iyan. Iniisip ng ilang tao, “Bakit nais palaging makita ng Diyos ang saloobin ng mga tao? Hindi pa ba Niya nakita kung paano nila isinasagawa ang katotohanan? Bakit nanaisin pa rin Niyang makita ang kanilang saloobin?” Walang kabuluhang kalokohan iyan! Ipagpalagay nang ganito kung gumawa ang Diyos, tiyak na nakapaloob diyan ang Kanyang kalooban. Palaging inoobserbahan ng Diyos ang mga tao sa tabi, minamasdan ang bawat salita at kilos nila, ang bawat gawa at galaw nila; inoobserbahan pa nga Niya ang bawat iniisip at ideya nila. Itinatala ng Diyos ang lahat ng nangyayari sa mga tao—ang kanilang mabubuting gawa, kanilang mga pagkakamali, kanilang mga paglabag, at pati nga ang kanilang mga paghihimagsik at pagkakanulo—bilang katibayan sa pagpapasya sa kanilang kahihinatnan. Sa paisa-isang hakbang, habang lumalaki ang gawain ng Diyos, makakarinig ka ng mas marami pang katotohanan at tatanggap ka ng mas marami pang positibong bagay at impormasyon, at magtatamo ka ng mas marami pang realidad ng katotohanan. Sa buong prosesong ito, madaragdagan din ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo, at kasabay nito, magsasaayos Siya ng mas mabibigat na pagsubok para sa iyo. Samantala, ang Kanyang layon ay suriin kung umunlad na ang iyong saloobin sa Kanya. Siyempre pa, kapag nangyari ito, ang pananaw na hinihingi ng Diyos sa iyo ay aayon sa iyong pagkaunawa sa realidad ng katotohanan.

Habang unti-unting nadaragdagan ang iyong tayog, gayundin ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa iyo. Habang musmos ka pa, magtatakda Siya ng napakababang pamantayan para tugunan mo; kapag medyo mas mataas na ang iyong tayog, medyo tataasan Niya ang iyong pamantayan. Ngunit ano ang gagawin ng Diyos kapag naunawaan mo na ang buong katotohanan? Ihaharap ka Niya sa mas malalaking pagsubok. Sa gitna ng mga pagsubok na ito, ang nais na matamo ng Diyos sa iyo, ang nais Niyang makita sa iyo, ay ang mas malalim na kaalaman tungkol sa Kanya, isang tunay na pagpipitagan sa Kanya. Sa panahong ito, ang Kanyang mga hinihingi sa iyo ay magiging mas mataas at “mas malupit” kaysa noong mas musmos pa ang iyong tayog (tandaan: Maaaring ituring ng mga tao na malupit ang mga ito, ngunit itinuturing talaga ng Diyos na makatwiran ang mga ito). Kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, anong klaseng realidad ang nais Niyang likhain? Palagi Niyang hinihingi na ibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Kanya. Sasabihin ng ilang tao, “Paano ko maibibigay iyan? Nagawa ko na ang aking tungkulin; tinalikuran ko na ang aking tahanan at kabuhayan, at ginugol ko na ang sarili ko. Hindi ba mga halimbawa ang lahat ng ito ng pagbibigay ng aking puso sa Diyos? Maaari kayang hindi talaga mga paraan ito ng pagbibigay ng aking puso sa Kanya? Ano ang partikular na hinihingi ng Diyos?” Napakasimple ng hinihingi. Sa katunayan, may ilang taong nakapagbigay na ng kanilang puso sa Diyos sa iba-ibang antas sa panahon ng iba-ibang yugto ng kanilang mga pagsubok, ngunit hindi kailanman ibinigay ng karamihan sa mga tao ang kanilang puso sa Diyos. Kapag sinusubok ka ng Diyos, nakikita Niya kung ang puso mo ay nasa Kanya, nasa laman, o kay Satanas. Kapag sinusubok ka ng Diyos, nakikita Niya kung lumalaban ka sa Kanya o nakaayon ka sa Kanya, at nakikita rin Niya kung nasa panig Niya ang puso mo. Kapag musmos ka pa at nahaharap sa mga pagsubok, kakaunti ang iyong tiwala, at hindi mo malalaman talaga kung ano ang kailangan mong gawin upang matupad ang mga layunin ng Diyos, sapagkat limitado ang pagkaunawa mo sa katotohanan. Gayunman, kung maaari ka pa ring manalangin sa Diyos nang tunay at taimtim, at kung handa kang ibigay ang iyong puso sa Kanya, gawin mo Siyang pinakamakapangyarihang pinuno mo, at maging handang ialay sa Kanya ang lahat ng bagay na pinaniniwalaan mong pinakamahalaga, sa gayon ay naibigay mo na ang puso mo sa Diyos. Habang nakikinig ka sa mas maraming sermon at mas nauunawaan mo ang katotohanan, unti-unti ring madaragdagan ang iyong tayog. Sa panahong ito, ang pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos ay hindi na katulad noong musmos ka pa; hihingin Niya ang mas mataas na pamantayan sa iyo. Habang unti-unting ibinibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Diyos, dahan-dahang mapapalapit ang kanilang puso sa Diyos; kapag tunay na napapalapit ang mga tao sa Diyos, mas magpipitagan ang kanilang puso sa Kanya. Gayong puso lamang ang nais ng Diyos.

Kapag nais ng Diyos na maangkin ang puso ng isang tao, isasailalim Niya ang taong iyon sa maraming pagsubok. Sa panahon ng mga pagsubok na ito, kung hindi maangkin ng Diyos ang puso ng taong iyon o makita na may anumang saloobin ang taong ito—ibig sabihin, kung hindi nakikita ng Diyos na nagsasagawa o kumikilos ang taong ito sa isang paraan na nagpapakita ng pagpipitagan sa Kanya, at kung hindi rin Niya nakikita sa taong ito ang isang saloobin at matibay na pagpapasya na umiwas sa kasamaan—pagkaraan ng maraming pagsubok, hindi na sila pagpapasensyahan ng Diyos, at hindi na Siya magpaparaya sa kanila. Hindi na Niya susubukin ang taong ito, at hindi na Siya gagawa pa sa kanila. Kaya, ano ang ipinahihiwatig nito sa kahihinatnan ng taong ito? Nangangahulugan ito na wala silang kahihinatnan. Marahil ay wala silang nagawang nakakagambala at hindi sila nagsanhi ng kaguluhan. Marahil ay hindi nila hayagang nilabanan ang Diyos. Gayunman, nananatiling tago ang puso ng taong ito sa Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng malinaw na saloobin at pananaw sa Diyos, at hindi makita nang malinaw ng Diyos kung naibigay nila ang kanilang puso sa Kanya o kung hinahangad nilang magkaroon ng takot sa Kanya at iwasan ang kasamaan. Nauubos ang pasensya ng Diyos sa gayong mga tao, at hindi na Siya magsasakripisyo para sa kanila, maaawa sa kanila, o gagawa sa kanila. Nagwakas na ang pamumuhay ng isang tao nang may pananampalataya sa Diyos. Ito ay dahil, sa lahat ng maraming pagsubok na naibigay ng Diyos sa kanila, hindi natamo ng Diyos ang resultang nais Niya. Sa gayon, may ilang tao na hindi Ko kailanman nakitaan ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Paano ito makikita? Ang mga taong ito ay maaaring naniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, at sa tingin, kumilos sila nang masigla; nakabasa ng maraming aklat, nangasiwa sa maraming gawain, nakapuno ng isang dosena o mas marami pang kuwaderno, at naging dalubhasa sa napakaraming salita at doktrina. Gayunman, kailanman ay walang anumang nakikitang paglago sa kanila, hindi pa rin makita ang kanilang mga pananaw sa Diyos, at malabo pa rin ang kanilang saloobin. Sa madaling salita, hindi makita ang nilalaman ng kanilang puso; laging balot at selyado ang kanilang puso—selyado ang mga ito sa Diyos. Dahil dito, hindi pa Niya nakita ang tunay na nilalaman ng kanilang puso, hindi pa Niya nakita sa mga taong ito ang anumang tunay na pagpipitagan sa Kanya, at, bukod pa riyan, hindi pa Niya nakita kung paano lumalakad ang mga taong ito sa Kanyang daan. Kung hindi pa rin natatamo ng Diyos ang gayong mga tao hanggang ngayon, matatamo ba Niya sila sa hinaharap? Hindi! Ipagpipilitan ba Niya ang mga bagay na hindi matatamo? Hindi! Ano, kung gayon, ang kasalukuyang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao? (Tinatanggihan Niya sila at binabalewala.) Binabalewala Niya sila! Hindi pinakikinggan ng Diyos ang gayong mga tao; tinatanggihan Niya sila. Nakabisado na ninyo ang mga salitang ito nang napakabilis, at napakatumpak. Mukhang naunawaan na ninyo ang inyong narinig!

Ang ilang tao, kapag nagsisimula silang sumunod sa Diyos, ay musmos at mangmang; hindi nila nauunawaan ang Kanyang kalooban, ni hindi nila alam kung ano ang paniniwala sa Kanya. Ginagamit nila ang naisip at maling paraan ng tao sa paniniwala at pagsunod sa Diyos. Kapag nahaharap ang gayong mga tao sa mga pagsubok, hindi nila namamalayan ito; nananatili silang manhid sa patnubay at kaliwanagan ng Diyos. Hindi nila alam ang ibig sabihin ng ibigay ang kanilang puso sa Diyos o ang ibig sabihin ng manindigan sa panahon ng isang pagsubok. Bibigyan ng Diyos ng limitadong oras ang gayong mga tao, at sa panahong ito, ipauunawa Niya sa kanila kung ano ang Kanyang mga pagsubok at kung ano ang Kanyang mga layunin. Pagkatapos, kailangang ipamalas ng mga taong ito ang kanilang pananaw. Para sa mga taong nasa yugtong ito, naghihintay pa rin ang Diyos. Tungkol naman sa mga taong may ilang pananaw subalit nag-aalinlangan pa rin, na nais ibigay ang kanilang puso sa Diyos ngunit hindi kayang gawin ito, at sinusubukan na magtago at sumuko kapag nahaharap sila sa malalaking pagsubok kahit naisagawa na nila ang ilang pangunahing katotohanan—ano ang saloobin ng Diyos sa kanila? Umaasa pa rin Siya nang kaunti sa kanila, at ang resulta ay nakasalalay sa kanilang saloobin at pagganap. Kung hindi aktibo sa pag-unlad ang mga tao, ano ang ginagawa ng Diyos? Isinusuko Niya sila. Ito ay dahil, bago sumuko ang Diyos sa iyo, sumuko ka na sa sarili mo. Kaya, hindi mo masisisi ang Diyos sa paggawa nito. Mali na nagkikimkim ka ng hinaing laban sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Mag-iwan ng Tugon