Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 412

1,523 2020-09-22

Kapag lalong tinatanggap ng mga tao ang mga salita ng Diyos, lalo silang naliliwanagan, at lalo silang nagugutom at nauuhaw sa pagsisikap na makilala nila ang Diyos. Tanging ang mga yaong tumatanggap sa mga salita ng Diyos ang may kakayahang magkaroon ng mas mayaman at mas malalim na mga karanasan, at sila lamang yaong ang mga buhay ay maaaring patuloy na lumago na tulad ng mga bulaklak ng linga. Lahat ng naghahangad ng buhay ay dapat itong ituring bilang kanilang full-time na trabaho; dapat nilang maramdaman na “kung walang Diyos, hindi ako mabubuhay; kung walang Diyos, wala akong magagawa; kung walang Diyos, lahat ng mga bagay ay hungkag.” Kaya, dapat din silang magdesisyon na “kung wala ang presensya ng Banal na Espiritu, wala akong gagawin, at kung walang epekto ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, wala akong interes na gawin ang anumang bagay.” Huwag kayong magpakasasa sa inyong mga sarili. Ang mga karanasan sa buhay ay nagmumula sa kaliwanagan at paggabay ng Diyos, at ang mga ito ang nagpapalinaw sa inyong mga pansariling pagsusumikap. Ang dapat ninyong hingin sa inyong sarili ay ito: “Hindi ko matatakasan ang mga karanasan sa buhay.”

Kung minsan, kapag nasa abnormal na mga kondisyon, nawawala sa iyo ang presensya ng Diyos, at hindi mo nadarama ang Diyos kapag nagdarasal ka. Normal ang matakot sa gayong mga pagkakataon. Dapat ay agad-agad kang magsimulang maghanap. Kung hindi, hihiwalay sa iyo ang Diyos, at mawawala sa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu—at, higit pa riyan, ang gawain ng Banal na Espiritu—sa loob ng isang araw, dalawang araw, maging isang buwan o dalawang buwan. Sa mga sitwasyong ito, nagiging napakamanhid mo at muli kang nabibihag ni Satanas, hanggang sa makaya mo nang gawin ang kung anu-ano. Nag-iimbot ka ng kayamanan, nililinlang mo ang iyong mga kapatid, nanonood ka ng mga pelikula at video, naglalaro ka ng madyong, at naninigarilyo at umiinom ka pa ng alak nang walang disiplina. Napalayo na ang iyong puso sa Diyos, lihim kang tumahak sa iyong sariling daan, at walang-habas mong hinusgahan ang gawain ng Diyos. Sa ilang pagkakataon, nagpapakababa ang mga tao kaya wala silang nadaramang hiya o kahihiyan sa paggawa ng mga kasalanang sekswal. Ang ganitong uri ng tao ay itinakwil na ng Banal na Espiritu; sa katunayan, matagal nang wala ang gawain ng Banal na Espiritu sa gayong tao. Nakikita lamang sila na lalong nagiging tiwali habang lalo pa silang nagiging masama. Sa huli, ikinakaila nila na nabubuhay sila sa ganitong paraan, at nabibihag sila ni Satanas habang sila ay nagkakasala. Kapag natuklasan mo na mayroon ka lamang presensya ng Banal na Espiritu, subalit wala sa iyo ang gawain ng Banal na Espiritu, mapanganib nang pumasok sa sitwasyong ito. Kung hindi mo man lang madama ang presensya ng Banal na Espiritu, nasa bingit ka na ng kamatayan. Kung hindi ka magsisisi, lubusan ka nang nakabalik kay Satanas, at mapapabilang ka sa mga inaalis. Kaya, kapag natuklasan mo na ikaw ay nasa isang kalagayan kung saan mayroon lamang presensya ng Banal na Espiritu (hindi ka nagkakasala, pinipigilan mo ang iyong sarili, at wala kang ginagawang lantarang paglaban sa Diyos) ngunit wala sa iyo ang gawain ng Banal na Espiritu (hindi ka naaantig kapag nagdarasal ka, wala kang natatamong malinaw na kaliwanagan o pagpapalinaw kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, wala kang interes sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, kailanma’y walang anumang paglago sa buhay mo, at matagal ka nang nawalan ng matinding pagpapalinaw)—sa gayong mga pagkakataon, kailangan mong maging mas maingat. Hindi ka dapat magpakasasa sa iyong sarili, hindi ka na dapat maging maluwag sa iyong sariling pag-uugali. Maaaring maglaho ang presensya ng Banal na Espiritu anumang oras. Ito ang dahilan kaya lubhang mapanganib ang gayong sitwasyon. Kung masusumpungan mo ang iyong sarili sa ganitong uri ng kalagayan, subukang baligtarin ang sitwasyon sa lalong madaling panahon. Una, dapat kang magdasal ng isang panalangin ng pagsisisi at hilingin mo na minsan ka pang kaawaan ng Diyos. Manalangin nang mas taimtim at payapain ang iyong puso upang higit na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Sa pundasyong ito, dapat kang gumugol ng mas maraming oras sa pananalangin; pag-ibayuhin pa ang iyong mga pagsisikap sa pag-awit, pagdarasal, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at pagganap sa iyong tungkulin. Kapag hinang-hina ka na, napakadaling maangkin ni Satanas ang puso mo. Kapag nangyari iyon, naaagaw ang puso mo mula sa Diyos at bumabalik kay Satanas, kung saan wala sa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu. Sa gayong mga pagkakataon, doble ang hirap na matamong muli ang gawain ng Banal na Espiritu. Mas mainam na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu habang kapiling mo pa Siya, na magpapahintulot sa Diyos na ipagkaloob ang higit pa Niyang kaliwanagan sa iyo at hindi ka Niya pabayaan. Ang pagdarasal, pag-awit ng mga himno, paglilingkod sa iyong tungkulin, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos—lahat ng ito ay ginagawa upang mawalan ng pagkakataon si Satanas na gawin ang gawain nito, upang makagawa ang Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Kung hindi mo matatamong muli ang gawain ng Banal na Espiritu sa ganitong paraan, kung maghihintay ka lamang, ang pagtatamong muli ng gawain ng Banal na Espiritu ay hindi magiging madali kapag naiwala mo na ang presensya ng Banal na Espiritu, maliban kung partikular kang naantig ng Banal na Espiritu, o lalo kang pinagliwanag at niliwanagan. Magkagayunman, hindi lamang inaabot ng isa o dalawang araw para makabawi sa iyong kalagayan; kung minsan maaaring lumipas ang anim na buwan nang hindi ka nakakabawi. Lahat ng ito ay dahil masyadong maluwag ang mga tao sa kanilang sarili, walang kakayahang maranasan ang mga bagay sa isang normal na paraan at sa gayon ay pinababayaan sila ng Banal na Espiritu. Kahit muli mo ngang matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, maaaring hindi pa rin lubhang malinaw sa iyo ang kasalukuyang gawain ng Diyos, sapagkat napag-iwanan ka na sa iyong karanasan sa buhay, na tila ba naiwan ka nang sampung libong milya. Hindi ba ito isang teribleng bagay? Gayunman, sinasabi ko sa gayong mga tao na hindi pa huli ang lahat para magsisi ngayon, subalit may isang kondisyon: Dapat kang mas magpakasipag pa, at hindi magpakasasa sa katamaran. Kung nagdarasal ang ibang mga tao nang limang beses sa isang araw, dapat kang magdasal nang sampung beses; kung kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang ibang mga tao sa loob ng dalawang oras sa isang araw, dapat mong gawin iyon sa loob ng apat o anim na oras; at kung nakikinig ang ibang mga tao sa mga himno sa loob ng dalawang oras, dapat kang makinig sa loob ng kalahating araw man lang. Madalas na pumayapa sa harap ng Diyos at isipin ang pag-ibig ng Diyos, hanggang sa ikaw ay maantig, bumalik ang iyong puso sa Diyos, at hindi ka na mangahas na mapalayo sa Diyos—saka lamang magkakaroon ng bunga ang iyong pagsasagawa; saka mo lamang mababawi ang iyong dati at normal na kalagayan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Pumasok sa Normal na Kalagayan

Mag-iwan ng Tugon