Ang Utos ng Diyos kay Adan
(Gen 2:15–17) At kinuha ni Jehova ang lalake at inilagay sa halamanan ng Eden, upang kaniyang alagaan at ingatan. At iniutos ni Jehova sa lalake, na sinabi, Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: Datapuwa’t sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.
May nakuha ba kayo na kahit anong bagay mula sa mga bersikulong ito? Ano ang naramdaman ninyo sa bahaging ito ng banal na kasulatan? Bakit hinango mula sa banal na kasulatan ang “Utos ng Diyos kay Adan”? Ang bawat isa na ba sa inyo ay may dagliang larawan ng Diyos at ni Adan sa inyong mga isipan? Maaari ninyong subukin na gunigunihin: Kung kayo yung naroon sa eksenang yun, ano kaya ang magiging anyo ng Diyos sa inyong puso? Ano ang nararamdaman ninyo tungkol sa imaheng ito? Ito ay nakapupukaw at makabagbag-damdaming larawan. Bagamat ang Diyos at ang tao lamang ang narito, ang pagiging malapit nila sa isa’t isa ay lubhang karapat-dapat na kainggitan: Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay walang-kabayarang ipinagkaloob sa tao, bumabalot sa tao; ang tao ay parang bata at inosente, walang kabigatan at walang alalahanin, napakaligayang nabubuhay sa ilalim ng pagtingin ng Diyos; nagpapakita ang Diyos ng malasakit para sa tao, habang ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng pag-iingat at pagpapala ng Diyos; ang bawat isang bagay na ginagawa at sinasabi ng tao ay malapit na naka-ugnay at hindi maihihiwalay sa Diyos.
Maaari ninyong sabihin na ito ang unang utos na ibinigay ng Diyos sa tao simula noong nilikha siya. Ano ang nilalaman ng utos na ito? Taglay nito ang kalooban ng Diyos, ngunit taglay rin nito ang Kanyang mga alalahanin para sa sangkatauhan. Ito ang unang utos ng Diyos, at ito rin ang unang pagkakataon na nag-alala ang Diyos tungkol sa tao. Ang ibig sabihin, mayroong pananagutan ang Diyos para sa tao mula pa noong sandaling nilikha Niya siya. Ano ang Kanyang pananagutan? Kailangan Niyang ingatan ang tao, alagaan ang tao. Umaasa Siyang magtitiwala at susunod ang tao sa Kanyang mga salita. Ito rin ang unang inaasahan ng Diyos mula sa tao. Dahil sa pag-asang ito kaya sinasabi ng Diyos ang mga sumusunod: “Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: Datapuwa’t sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” Ang mga simpleng salitang ito ay kumakatawan sa kalooban ng Diyos. Ibinubunyag din ng mga ito na ang puso ng Diyos ay nagsimula nang magpakita ng malasakit para sa tao. Sa gitna ng lahat ng mga bagay, si Adan lang ang nilikha sa wangis ng Diyos; si Adan lang ang nabuhay na taglay ang hininga ng buhay ng Diyos; maaari siyang lumakad kasama ang Diyos, makipag-usap sa Diyos. Ito ang dahilan kaya siya binigyan ng Diyos ng ganoong utos. Ginawang napakalinaw ng Diyos sa utos na ito kung ano ang maaaring gawin ng tao, at kung ano rin ang hindi niya maaaring gawin.
Sa iilang mga simpleng salita na ito, makikita natin ang puso ng Diyos. Ngunit anong uri ng puso ang makikita natin? May pag-ibig ba sa puso ng Diyos? May malasakit ba doon? Ang pag-ibig at malasakit ng Diyos sa mga bersikulong ito ay hindi lamang napahahalagahan ng mga tao, kundi mainam at totoong madarama rin. Hindi ba ganoon nga? Ngayong nasabi ko na ang mga bagay na ito, sa palagay ba ninyo ay iilang mga simpleng salita lamang ang mga ito? Hindi gaanong simple, di ba? Nakita ba ninyo ito dati? Kung personal na sabihin ng Diyos sa iyo ang iilang mga salita na ito, ano ang mararamdaman mo sa iyong kalooban? Kung ikaw ay isang taong hindi mahabagin, kung ang puso mo ay mala-yelo sa lamig, kung gayon wala kang anumang mararamdaman, hindi mo pahahalagahan ang pag-ibig ng Diyos, at hindi mo sinusubukang maunawaan ang puso ng Diyos. Ngunit kung ikaw ay isang taong may konsensya, may kabaitan, samakatwid iba ang mararamdaman mo. Makararamdam ka ng init, madadama mong ikaw ay nililingap at minamahal, at madadama mo ang kasayahan. Hindi ba tama yan? Kapag nadama mo ang mga bagay na ito, paano ka makikitungo sa Diyos? Madadama mo kayang kaugnay ka ng Diyos? Mamahalin at igagalang mo kaya ang Diyos mula sa kaibuturan ng iyong puso? Mapapalapit kaya ang puso mo sa Diyos? Makikita mo mula rito kung gaano talaga kahalaga para sa tao ang pag-ibig ng Diyos. Ngunit ang lubhang mas mahalaga pa ay ang pagpapahalaga at pagkaunawa ng tao sa pag-ibig ng Diyos. Sa katunayan, hindi ba nagsasabi ang Diyos ng maraming kagaya ng mga bagay na ito sa yugtong ito ng Kanyang gawain? Ngunit pinahahalagahan ba ng mga tao sa panahong ito ang puso ng Diyos? Nauunawaan ba ninyo ang katatalakay ko lang na kalooban ng Diyos? Ni hindi ninyo maaninag ang kalooban ng Diyos kapag ito ay tunay, nahahawakan, at makatotohanan. Kaya ko nasasabing wala kayong totoong kaalaman at pagkaunawa sa Diyos. Hindi ba ito totoo?
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I