Paano Ginagamit ni Satanas ang Kaalaman Upang Gawing Tiwali ang Tao
Ang kaalaman ba ay itinuturing ng lahat na isang positibong bagay? Kahit paano, iniisip ng mga tao na ang salitang “kaalaman” ay nagpapahiwatig ng positibo kaysa negatibo. Kaya bakit natin binabanggit dito na gumagamit si Satanas ng kaalaman upang gawing tiwali ang tao? Ang teorya ng ebolusyon ba ay isang aspeto ng kaalaman? Hindi ba’t ang mga batas ng siyensya ni Newton ay bahagi ng kaalaman? Ang paghila ng grabidad ng daigdig ay bahagi ng kaalaman, hindi ba? (Oo.) Kung gayon, bakit inililista ang kaalaman na kasama sa mga bagay na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang sangkatauhan? Ano ang pananaw ninyo dito? Mayroon bang kahit katiting na katotohanan sa kaalaman? (Wala.) Kung gayon, ano ang diwa ng kaalaman? Sa anong basehan natututuhan ng tao ang lahat ng kaalamang kanyang napag-aaralan? Ito ba ay batay sa teorya ng ebolusyon? Hindi ba’t nakabatay sa ateismo ang kaalaman na natamo ng tao sa pamamagitan ng pagsisiyasat at pagbubuod? Mayroon bang kaugnayan sa Diyos ang alinman sa kaalamang ito? May kaugnayan ba ito sa pagsamba sa Diyos? Ito ba ay konektado sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, paano ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao? Kasasabi Ko lang na walang anuman sa kaalamang ito ang kaugnay ng pagsamba sa Diyos o katotohanan. Ganito ito iniisip ng ilang tao: “Maaaring walang kinalaman sa katotohanan ang kaalaman, ngunit hindi pa rin nito ginagawang tiwali ang mga tao.” Ano ang inyong pananaw rito? Tinuruan ka ba ng kaalaman na ang kaligayahan ng tao ay nakadepende sa malilikha gamit ang kanyang sariling mga kamay? Tinuruan ka ba ng kaalaman na ang kapalaran ng tao ay nasa kanyang sariling mga kamay? (Oo.) Anong uri ng pagsasalita ito? (Ito ay mala-diyablong pagsasalita.) Tumpak na tumpak! Ito ay mala-diyablong pagsasalita! Kumplikadong paksa ang kaalaman kung tatalakayin. Maaari mong ipalagay na ang isang larangan ng kaalaman ay walang iba kundi kaalaman lamang. Iyon ay isang larangan ng kaalaman na natututuhan batay sa hindi pagsamba sa Diyos at kakulangan ng pagkaunawa na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Kapag pinag-aaralan ng mga tao ang ganitong uri ng kaalaman, hindi nila nakikita ang pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; hindi nila nakikita ang Diyos na namumuno o namamahala sa lahat ng bagay. Sa halip, ang tangi nilang ginagawa ay walang humpay na pananaliksik at pagsisiyasat sa larangang iyon ng kaalaman, at paghahanap ng mga kasagutan batay sa kaalaman. Gayunpaman, hindi ba’t kung hindi naniniwala ang mga tao sa Diyos at sa halip ay nagpapatuloy lamang sa pananaliksik, hindi sila kailanman makakahanap ng mga totoong kasagutan? Ang tanging maibibigay sa iyo ng kaalaman ay kabuhayan, trabaho, at kita upang hindi ka magutom; ngunit hindi ka nito kailanman pasasambahin sa Diyos, at hindi ka nito kailanman ilalayo sa kasamaan. Habang lalong pinag-aaralan ng mga tao ang kaalaman, lalo nilang nanaising magrebelde sa Diyos, upang isailalim ang Diyos sa kanilang pagsasaliksik, upang tuksuhin ang Diyos, at kalabanin ang Diyos. Kaya ngayon, ano ang ating nakikita na itinuturo ng kaalaman sa mga tao? Ang lahat ng ito ay pilosopiya ni Satanas. Mayroon bang kaugnayan sa katotohanan ang mga pilosopiya at mga panuntunan para patuloy na mabuhay na ikinakalat ni Satanas sa mga tiwaling tao? Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan at, sa katunayan, ito ay mga kabaligtaran ng katotohanan. Madalas sinasabi ng mga tao na “Ang buhay ay paggalaw” at “Ang tao ay bakal, ang kanin ay bakal, ang tao ay nakakaramdam ng pagkagutom kapag lumalaktaw siya ng pagkain”; ano ang mga kasabihang ito? Ang mga ito ay kasinungalingan, at nakakainis na marinig ang mga ito. Sa tinaguriang kaalaman ng tao, nagpakalat si Satanas ng marami-raming pilosopiya nito sa pamumuhay at sa pag-iisip. At habang ginagawa ito ni Satanas, pinahihintulutan nito ang tao na tanggapin ang pag-iisip, pilosopiya, at pananaw nito upang maaaring itanggi ng tao na mayroong Diyos, itanggi ang kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng tao. Kaya’t habang sumusulong ang pag-aaral ng tao at nagtatamo siya ng mas maraming kaalaman, nararamdaman niyang malabong mayroong Diyos at maaari pang hindi na niya maramdaman na mayroong Diyos. Dahil naikintal ni Satanas ang ilang kaisipan, pananaw, at haka-haka sa tao, kapag naikintal ni Satanas ang lason na ito sa kalooban ng tao, hindi ba niloko at ginawang tiwali ni Satanas ang tao? Kung gayo’y saan sa palagay mo naaayon ang pamumuhay ng tao? Hindi ba sila namumuhay ayon sa kaalaman at mga kaisipang ikinintal ni Satanas? At ang mga bagay na nakatago sa loob ng kaalaman at mga kaisipang ito—hindi ba mga pilosopiya at lason ni Satanas ang mga ito? Ang tao ay namumuhay ayon sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. At ano ang nasa kaibuturan ng pagtitiwali ni Satanas sa tao? Nais ni Satanas na hikayatin ang tao na itatwa, salungatin, at labanan ang Diyos na tulad ng ginagawa nito; ito ang layunin ni Satanas sa pagtitiwali sa tao, at ito rin ang paraan ng pagtiwali ni Satanas sa tao.
Pag-uusapan muna natin ang pinakamababaw na aspeto ng kaalaman. Nagagawa bang tiwali ng gramatika at mga salita sa mga wika ang mga tao? Magagawa bang tiwali ng mga salita ang mga tao? Hindi ginagawang tiwali ng mga salita ang mga tao; ang mga ito ay kasangkapan na ginagamit ng mga tao upang magsalita at kasangkapan din ang mga ito na ginagamit ng mga tao upang makipag-ugnayan sa Diyos, dagdag pa rito na sa kasalukuyan, ang wika at mga salita ay paraan kung paano nakikipag-ugnayan ang Diyos sa mga tao. Ang mga ito ay kasangkapan, at ang mga ito ay pangangailangan. Ang isa kapag dinagdagan ng isa ay dalawa, at ang dalawa kapag minultiplika sa dalawa ay katumbas ng apat; hindi ba ito kaalaman? Ngunit maaari ka ba nitong gawing tiwali? Ito ay kaalamang alam ng marami—ito ay permanenteng tularan—kaya’t hindi nito kayang gawing tiwali ang mga tao. Kung gayon, anong uri ng kaalaman ang gumagawang tiwali sa mga tao? Ang kaalaman na nakakapagpatiwali ay iyong nahaluan ng mga pananaw at kaisipan ni Satanas. Sinisikap ni Satanas na ilagay ang mga pananaw at kaisipang ito sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaalaman. Halimbawa, sa isang artikulo, walang mali sa nakasulat na mga salita. Ang problema ay nasa mga pananaw at layon ng may-akda noong isinulat niya ang artikulo, pati na rin sa nilalaman ng kanyang mga kaisipan. Ang mga ito ay espirituwal na mga bagay at kayang gawing tiwali ang mga tao. Halimbawa, kung nanonood ka ng palabas sa telebisyon, anong mga bagay rito ang kayang makapagpabago ng pananaw ng mga tao? Iyon bang sinabi ng mga nagtanghal, ang mismong mga salita, ay magagawang tiwali ang mga tao? (Hindi.) Anong mga bagay ang magagawang tiwali ang mga tao? Iyon ay ang mga kaibuturang kaisipan at nilalaman ng palabas, na kumakatawan sa mga pananaw ng direktor. Ang impormasyong taglay ng mga pananaw na ito ay kayang baguhin ang mga puso at isip ng mga tao. Hindi ba ganoon iyon? Ngayon ay alam na ninyo kung ano ang Aking tinutukoy sa Aking pagtalakay ng paggamit ni Satanas ng kaalaman upang gawing tiwali ang mga tao. Hindi kayo magkakamali ng pagkaunawa, hindi ba? Kaya sa susunod na magbasa ka ng isang nobela o isang artikulo, magagawa mo bang suriin kung ang mga kaisipang ipinahayag sa nakasulat na mga salita ay ginagawang tiwali ang sangkatauhan o nag-aambag sa sangkatauhan? (Oo, bahagya.) Ito ay isang bagay na kailangang pag-aralan at maranasan nang dahan-dahan, hindi ito bagay na madaling maunawaan kaagad. Halimbawa, kapag nagsasaliksik o pinag-aaralan ang isang larangan ng kaalaman, ang ilang positibong aspeto ng kaalamang iyon ay maaari kang tulungang maintindihan ang ilang pangkalahatang kaalaman tungkol sa larangang iyon, habang tinutulutan ka ring malaman kung ano ang dapat iwasan ng mga tao. Halimbawa, tingnan natin ang “kuryente”—ito ay isang larangan ng kaalaman, hindi ba? Hindi ka ba mangmang kung hindi mo alam na makukuryente at masasaktan ng elektrisidad ang mga tao? Ngunit kapag naunawaan mo na ang larangang ito ng kaalaman, hindi ka na magiging walang-ingat sa paghawak ng anumang bagay na may kuryente, at malalaman mo na kung paano gumamit ng kuryente. Ang mga ito ay parehong positibong mga bagay. Nalinawan ka na ba tungkol sa ating tinatalakay kung paanong ginagawang tiwali ng kaalaman ang mga tao? Maraming uri ng kaalaman ang pinag-aaralan sa mundo, at dapat kayong gumugol ng oras upang makita ninyo mismo ang pagkakaiba ng mga ito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V