Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 39

466 2021-01-08

Ang Kapanahunan ng Biyaya ay nagsimula sa pangalan ni Jesus. Nang nagsimula si Jesus na gampanan ang Kanyang ministeryo, ang Banal na Espiritu ay nagsimulang magpatotoo sa pangalan ni Jesus, at ang pangalan ni Jehova ay hindi na binanggit; sa halip, pangunahing ginawa ng Banal na Espiritu ang bagong gawain sa pangalan ni Jesus. Ang patotoo ng mga naniwala sa Kanya ay inilahad para kay Jesucristo, at ang gawain na kanilang ginawa ay para rin kay Jesucristo. Ang konklusyon ng Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan ay nangahulugan na ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova ay natapos na. Simula nito, ang pangalan ng Diyos ay hindi na Jehova; sa halip Siya ay tinawag na Jesus, at magmula noon ay pangunahing sinimulan ng Banal na Espiritu ang gawain sa pangalan ni Jesus. Kaya, sa mga taong sa kasalukuyan ay kumakain at umiinom pa rin ng mga salita ni Jehova, at ginagawa pa rin ang lahat ayon sa gawain ng Kapanahunan ng Kautusan—hindi mo ba bulag na sinusunod ang mga patakaran? Hindi ka ba nananatili sa nakaraan? Batid na ninyo ngayon na ang mga huling araw ay dumating na. Maaari kaya na sa pagdating ni Jesus, Siya ay tatawagin pa ring Jesus? Sinabi ni Jehova sa mga mamamayan ng Israel na darating ang isang Mesiyas, ngunit nang Siya ay dumating, hindi Siya tinawag na Mesiyas kundi Jesus. Sinabi ni Jesus na Siya ay muling darating, at ang Kanyang pagdating ay tulad ng Kanyang pag-alis. Ito ang mga salita ni Jesus, ngunit nakita mo ba kung paano umalis si Jesus? Si Jesus ay umalis sakay ng isang puting ulap ngunit maaari kayang personal Siyang babalik sa mga tao nang nasa ibabaw ng isang puting ulap? Kung magkagayon, hindi ba Siya tatawagin pa ring Jesus? Sa muling pagdating ni Jesus, nagbago na rin ang kapanahunan, dahil dito, maaari pa rin ba Siyang tawagin na Jesus? Maaari lang bang makilala ang Diyos sa pangalan na Jesus? Hindi ba Siya maaaring tawagin sa bagong pangalan sa isang bagong kapanahunan? Maaari bang kumatawan sa Diyos, sa Kanyang kabuuan, ang larawan ng isang tao at ang isang partikular na pangalan? Sa bawat kapanahunan, gumagawa ang Diyos ng bagong gawain at Siya ay tinatawag sa bagong pangalan; paano Niya gagawin ang parehong gawain sa magkaibang kapanahunan? Paano Siya mananatili sa dati? Ang pangalan na Jesus ay ginamit para sa gawain ng pagtubos, kaya tatawagin pa rin ba Siya sa parehong pangalan pagbalik Niya sa mga huling araw? Gagawin pa rin ba Niya ang gawain ng pagtubos? Bakit iisa lamang si Jehova at si Jesus, subalit Sila ay tinatawag sa magkaibang pangalan sa magkaibang kapanahunan? Hindi ba’t ito ay sa kadahilanang magkaiba ang mga kapanahunan ng Kanilang gawain? Maaari bang kumatawan sa Diyos, sa Kanyang kabuuan, ang iisang pangalan lamang? Dahil dito, nararapat na tawagin ang Diyos sa ibang pangalan sa ibang kapanahunan, at nararapat Niyang gamitin ang pangalang ito upang baguhin ang kapanahunan at katawanin ang kapanahunan. Dahil walang anumang pangalan ang maaaring ganap na kumatawan sa Diyos Mismo, at ang bawat pangalan ay maaari lamang kumatawan sa pansamantalang aspeto ng disposisyon ng Diyos sa isang tiyak na kapanahunan; ang kailangan lang nitong gawin ay kumatawan sa Kanyang gawain. Samakatuwid, maaaring mamili ang Diyos ng anumang pangalan na angkop sa Kanyang disposisyon upang kumatawan sa buong kapanahunan. Ito man ay kapanahunan ni Jehova, o kapanahunan ni Jesus, ang bawat kapanahunan ay kinakatawan ng isang pangalan. Sa pagtatapos ng Kapanahunan ng Biyaya, ang huling kapanahunan ay dumating na, at pumarito na si Jesus. Paano pa rin Siya matatawag na Jesus? Paano pa rin Niya maipakikita ang anyo ni Jesus sa gitna ng mga tao? Nakalimutan mo na ba na si Jesus ay isa lamang larawan ng isang Nazareno? Nakalimutan mo na ba na si Jesus ay ang Manunubos lamang ng sangkatauhan? Paano Niya aakuin ang gawain ng panlulupig at gagawing perpekto ang tao sa mga huling araw? Si Jesus ay umalis sakay ng isang puting ulap—ito ay katotohanan—ngunit paano Siya makababalik sakay ng isang puting ulap sa gitna ng tao at tatawagin pa ring Jesus? Kung Siya ay talagang dumating sakay ng isang ulap, paano Siya hindi makikilala ng tao? Hindi ba Siya makikilala ng mga tao sa buong mundo? Kung magkagayon, hindi ba magiging Diyos si Jesus nang mag-isa? Kung magkagayon, ang magiging larawan ng Diyos ay nasa kaanyuan ng isang Judio at bukod pa rito ay mananatiling gayon magpakailanman. Sinabi ni Jesus na Siya ay darating kung paano Siya umalis, ngunit nalalaman mo ba ang tunay na kahulugan ng Kanyang mga salita? Maaari kayang nasabi Niya sa pangkat ninyong ito? Nalalaman mo lamang na Siya ay darating kung paano Siya umalis, nakasakay sa isang ulap, ngunit nalalaman mo ba kung paano talaga ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain? Kung talaga ngang nakikita mo, paano maipaliliwanag ang mga salitang binigkas ni Jesus? Sinabi Niya: Kung kailanman darating ang Anak ng tao sa mga huling araw, Siya Mismo ay hindi makakaalam, hindi malalaman ng mga anghel, hindi malalaman ng mga sugo sa langit, at hindi malalaman ng buong sangkatauhan. Tanging ang Ama ang makakaalam, ibig sabihin, ang Espiritu lamang ang makakaalam. Maging ang Anak ng tao Mismo ay hindi nakaaalam, ngunit ikaw ay nakakikita at nakaaalam? Kung may kakayahan kang makaalam at makakita gamit ang iyong sariling mga mata, hindi ba’t ang pagbigkas ng mga salitang ito ay mawawalan ng kabuluhan? At ano ang sinabi ni Jesus nang panahong iyon? “Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon walang taong makaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Aking Ama lamang. At tulad noong panahon ni Noe, magiging ganito rin ang pagparito ng Anak ng tao. … Kaya nga kayo’y magsihanda rin; sapagkat darating ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo naiisip.” Kapag dumating na ang araw na iyon, Mismong ang Anak ng tao ay hindi ito malalaman. Ang Anak ng tao ay tumutukoy sa nagkatawang-taong anyo ng Diyos, na isang normal at karaniwang tao. Maging ang Anak ng tao Mismo ay hindi alam, kaya paano mo malalaman? Sinabi ni Jesus na Siya ay darating kung paano Siya umalis. Kung kailan Siya darating, maging Siya Mismo ay hindi nakaaalam, kaya maaari ba Niyang ipaalam sa iyo nang mas maaga? Nakikita mo ba ang Kanyang pagdating? Hindi ba iyon isang biro?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Mag-iwan ng Tugon