Mag-subscribe

Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos | "Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II" | Sipi 49

197 2020-06-08

Sa Araw-araw na Pamumuhay ni Job Makikita Natin ang Kanyang Pagka-perpekto, Pagkamatuwid, Takot sa Diyos at Paglayo sa Kasamaan

Kung tatalakayin natin si Job, dapat magsimula tayo sa pagtatasa sa kanya na galing mismo sa bibig ng Diyos: “sapagka’t walang gaya niya sa lupa, na perpekto at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan.”

Alamin muna natin ang tungkol sa pagka-perpekto at pagkamakatwiran ni Job.

Ano ang inyong pag-unawa ng mga salitang “perpekto” at “matuwid”? Naniniwala ba kayo na si Job ay walang kasiraan, at marangal? Ito, siyempre, ay magiging isang literal na interpretasyon at pag-unawa ng “perpekto” at “matuwid.” Mahalaga sa tunay na pag-unawa kay Job ay ang tunay na buhay—ang mga salita, libro, at teorya lamang ay hindi magbibigay ng anumang sagot. Sisimulan natin sa pamamagitan ng pagtingin sa buhay ni Job sa tahanan, kung ano ang kanyang karaniwang asal sa kanyang buhay. Sasabihin nito sa atin ang tungkol sa kanyang mga prinsipyo at layunin sa buhay, pati na rin ang tungkol sa kanyang personalidad at gawain. Ngayon, basahin natin ang huling mga salita sa Job 1:3: “ang lalaking ito ay siyang pinakadakila sa lahat na mga anak ng silanganan.” Sinasabi ng mga salitang ito na ang estado at katayuan ni Job ay napakataas, at kahit na hindi sa atin sinasabi kung siya ang pinakadakila sa lahat ng tao sa silangan dahil sa kanyang maraming ari-arian, o dahil siya ay perpekto at matuwid, at natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, sa pangkalahatan, alam natin na ang kanyang estado at katayuan ay napakahalaga. Gaya ng nakatala sa Biblia, ang unang tingin ng mga tao kay Job ay perpekto si Job, na siya ay natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, at siya ay nagtataglay ng malaking kayamanan at kagalang-galang na katayuan. Para sa isang pangkaraniwang tao na nakatira sa ganitong kapaligiran at sa ilalim ng naturang mga kondisyon, ang pagkain ni Job, ang kalidad ng kanyang buhay, at ang iba’t ibang aspeto ng kanyang personal na buhay ay ang mga pagtutuunan ng pansin ng karamihan sa mga tao; kaya kailangan nating ipagpatuloy ang pagbabasa ng banal na kasulatan: “At ang kanyang mga anak ay nagsiyaon at nagsidaos ng kapistahan sa bahay ng bawa’t isa sa kanya-kanyang araw; at sila’y nagsugo, at ipinatawag ang kanilang tatlong kapatid na babae upang magsikain at magsiinom na kasalo nila. At nangyari, nang makaraan ang mga araw ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at maagang bumangon kinaumagahan, at nag-alay ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat: sapagka’t sinabi ni Job, Marahil ang aking mga anak na lalaki ay nagkasala, at itinakwil ang Diyos sa kanilang mga puso. Ganito palagi ang ginawa ni Job” (Job 1:4–5). Ang siping ito ay nagsasabi sa atin ng dalawang bagay: Ang una ay ang mga anak na lalaki at babae ni Job ay karaniwang nagpipista, kumakain at umiinom; ang pangalawa ay ang madalas na pag-aalay ni Job ng mga handog na susunugin dahil madalas siyang nag-aalala para sa kanila, natatakot na sila ay nagkakasala, na sa kanilang mga puso ay itinakwil nila ang Diyos. Dito ay inilalarawan ang buhay ng dalawang magkaibang uri ng tao. Ang una, ang mga anak na lalaki at babae ni Job, na madalas na nagpipista dahil sa kanilang yaman, sila ay namuhay nang marangya, sila ay uminom at kumain hanggang nais nila, tinatamasa ang mataas na kalidad ng buhay na dulot ng materyal na kayamanan. Sa ganitong pamumuhay, hindi maiiwasan na madalas silang nagkakasala at nakakasakit sa Diyos—gayunman ’di nila pinabanal ang kanilang mga sarili o nag-aalay ng mga handog na susunugin bilang bunga nito. Nakikita mo, kung gayon, na ang Diyos ay walang lugar sa kanilang mga puso, na hindi nila iniisip ang mga biyaya ng Diyos, at ’di natatakot na magkasala sa Diyos, lalong hindi sila natatakot na itakwil ang Diyos sa kanilang mga puso. Siyempre, ang ating paksa ay hindi ang mga anak ni Job, kundi ang ginawa ni Job kapag nahaharap siya sa mga ganitong bagay; ito ang iba pang bagay na inilarawan sa sipi, at kung saan ay kabilang ang araw-araw na buhay ni Job at ang diwa ng kanyang pagkatao. Kapag inilalarawan ng Biblia ang pagpipista ng mga anak na lalaki at babae ni Job, hindi nababanggit si Job; sinasabi lamang na ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay madalas na kumain at uminom ng magkakasama. Sa ibang salita, hindi siya nagdaos ng kapistahan, at hindi rin siya sumali sa kanyang mga anak na lalaki at babae sa pagkain ng marangya. Kahit mayaman, at nagtataglay ng maraming ari-arian at mga tagapaglingkod, ang buhay ni Job ay hindi maluho. Siya ay hindi nalinlang ng kanyang mapagmalabis na kapaligiran, at hindi niya inabuso ang mga kasiyahan sa laman o kinalimutan na mag-álay ng mga handog na susunugin dahil sa kanyang kayamanan, lalong hindi ito naging sanhi nang unti-unting paglayo ng kanyang puso sa Diyos. Kung gayon, maliwanag na disiplinado si Job sa kanyang uri ng pamumuhay, at hindi sakim o naghahanap ng kasiyahan, at hindi rin nakatuon ang kanyang pansin sa kalidad ng buhay, bilang bunga ng pagpapala sa kanya ng Diyos. Sa halip, siya ay mapagpakumbaba at may mababang-loob, at mapagmasid at maingat sa harap ng Diyos, madalas niyang inisip ang mga biyaya at pagpapala ng Diyos, at patuloy na natatakot sa Diyos. Sa kanyang araw-araw na buhay, madalas na maagang bumangon si Job upang mag-alay ng mga handog na susunugin para sa kanyang mga anak na lalaki at babae. Sa ibang salita, hindi lamang natatakot si Job sa Diyos, ngunit umasa rin siya na ang kanyang mga anak ay gayon din ang magiging takot sa Diyos at hindi magkakasala laban sa Diyos. Walang lugar sa puso ni Job ang materyal na kayamanan, at hindi nito napalitan ang posisyon na hawak ng Diyos; maging para sa kapakanan ng sarili niya o ng kanyang mga anak, ang araw-araw na pagkilos ni Job ay may kinalaman sa pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Ang kanyang takot sa Diyos na Jehova ay hindi tumigil sa kanyang bibig, kundi isinakatuparan, at nasasalamin sa bawat bahagi ng kanyang pang-araw-araw na buhay. Ang tunay na asal na ito ni Job ay nagpapakita sa atin na siya ay tapat, at nagtataglay ng diwa na nagmahal sa katarungan at mga bagay na positibo. Na si Job ay madalas na nagsugo at pinapagbanal ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay nangangahulugan na hindi niya pinahintulutan o sinang-ayunan ang asal ng kanyang mga anak; sa halip, sa kanyang puso siya ay pagod na sa kanilang pag-uugali, at hinatulan sila. Napagpasyahan niya na ang pag-uugali ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay hindi kalugud-lugod sa Diyos na Jehova, kaya naman madalas niya silang pinagsabihan na pumunta sa harap ng Diyos na Jehova at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan. Ipinapakita sa atin ng mga kilos ni Job ang isa pang bahagi ng kanyang pagkatao: isa na kung saan ay hindi siya kailanman lumakad kasama ang mga taong madalas na nagkakasala at ginagalit ang Diyos, ngunit sa halip ay nilayuan at iniwasan sila. Kahit na ang mga taong ito ay ang kanyang mga anak na lalaki’t babae, hindi niya tinalikuran ang kanyang sariling mga prinsipyo dahil sila ay kanyang sariling mga kamag-anak, at hindi niya pinagbigyan ang kanilang mga kasalanan dahil sa kanyang sariling mga damdamin. Sa halip, hinimok niya silang magkumpisal at magtamo ng patawad ng Diyos na Jehova, at nagbabala siya sa kanila na huwag talikdan ang Diyos para sa kapakanan ng kanilang mga sariling sakim na kasiyahan. Ang mga prinsipyo kung paano pinakitunguhan ni Job ang iba ay hindi maihihiwalay mula sa mga prinsipyo ng kanyang takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Inibig niya yaong tinatanggap ng Diyos, at kinapootan yaong inaayawan ng Diyos, at inibig niya ang mga taong natatakot sa Diyos sa kanilang mga puso, at kinapootan niya ang mga gumagawa ng kasamaan o nagkakasala laban sa Diyos. Ang gayong pag-ibig at pagkamuhi ay ipinamalas sa kanyang pang-araw-araw na buhay, at ang tunay na pagkamatuwid ni Job na nakita ng mga mata ng Diyos. Natural, ito rin ang pagpapahayag at pagsasabuhay ng tunay na pagkatao ni Job sa kanyang mga kaugnayan sa iba sa kanyang pang-araw-araw na buhay na dapat nating matutuhan.

Hinango mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon