Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 372

1,824 2021-11-03

Naranasan na ng mga tao ang Aking kagiliwan, taimtim na Akong pinaglingkuran ng tao, at taimtim nang nagpasakop ang tao sa Aking harapan, na ginagawa ang lahat para sa Akin sa Aking presensya. Subalit hindi ito magawa ng mga tao ngayon; wala silang ginagawa kundi manangis sa kanilang espiritu na para bang naagaw sila ng isang gutom na lobo, at nakakatingin lamang sila sa Akin na walang magawa, na walang-tigil na nananawagan sa Akin. Ngunit sa huli, hindi nila matakasan ang kanilang masamang kalagayan. Naaalala Ko kung paano nangako ang mga tao noong araw sa Aking presensya, na sumusumpa sa langit at lupa sa Aking presensya upang suklian ng kanilang pagmamahal ang Aking kabaitan. Malungkot silang nanangis sa Aking harapan, at ang tunog ng kanilang mga pagtangis ay nakakadurog ng puso, mahirap tiisin. Dahil sa kanilang matibay na pagpapasiya, madalas Kong tulungan ang sangkatauhan. Sa maraming pagkakataon, humarap sa Akin ang mga tao upang magpasakop sa Akin, at mahirap kalimutan ang kanilang kaibig-ibig na paraan. Sa maraming pagkakataon, minahal na nila Ako, na may matibay na katapatan, kahanga-hanga ang kanilang kasigasigan. Sa maraming pagkakataon, minahal na nila Ako hanggang sa punto na isakripisyo nila ang buhay nila mismo, minahal na nila Ako nang higit sa kanilang sarili—at nang makita Ko ang kanilang katapatan, tinanggap Ko na ang kanilang pagmamahal. Sa maraming pagkakataon, inialay na nila ang kanilang sarili sa Aking presensya, alang-alang sa Akin ay hindi sila nabahala sa harap ng kamatayan, at pinalis Ko ang pag-aalala sa kanilang mukha at maingat Kong sinuri ang kanilang kalagayan. Maraming pagkakataon Ko na silang minahal na parang isang natatanging kayamanan, at maraming pagkakataon Ko na silang kinamuhian bilang sarili Kong kaaway. Gayunpaman, hindi pa rin naaarok ng tao ang nasa Aking isipan. Kapag nalulungkot ang mga tao, dumarating Ako upang aliwin sila, at kapag mahina sila, dumarating Ako upang tulungan sila. Kapag naliligaw sila, binibigyan Ko sila ng direksyon. Kapag nananangis sila, pinupunasan Ko ang kanilang mga luha. Ngunit kapag nalulungkot Ako, sino ang makakaaliw sa Akin nang taos-puso? Kapag labis Akong nag-aalala, sino ang nagsasaalang-alang sa Aking damdamin? Kapag nalulungkot Ako, sino ang makakapawi sa sugatan Kong puso? Kapag kailangan Ko ang isang tao, sino ang nagkukusang tumulong sa Akin? Maaari kayang nawala na ang dating saloobin sa Akin ng mga tao, at hindi na ito mabalik kailanman? Bakit wala nang anumang natitira nito sa kanilang alaala? Paano nalimutan ng mga tao ang lahat ng bagay na ito? Hindi kaya lahat ng ito ay dahil ginawang tiwali ng kanyang kaaway ang sangkatauhan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 27

Mag-iwan ng Tugon