Ano ang ibig sabihin ng manindigan ang isang tao sa kanyang patotoo? Sinasabi ng ilang tao na sumusunod lamang sila na kagaya ng ginagawa nila ngayon at hindi sila nag-aalala kung kaya nilang magtamo ng buhay; hindi nila hinahangad ang buhay, ngunit hindi rin naman sila tumatalikod. Kinikilala lamang nila na ang yugtong ito ng gawain ay isinasagawa ng Diyos. Hindi ba ito kabiguan sa kanilang patotoo? Ni hindi nagpapatotoo ang gayong mga tao na nalupig na sila. Yaong mga nalupig na ay sumusunod sa kabila ng lahat at nagagawang hangarin ang buhay. Hindi lamang sila naniniwala sa praktikal na Diyos, kundi alam din nila kung paano sundin ang lahat ng plano ng Diyos. Gayon yaong mga nagpapatotoo. Yaong mga hindi nagpapatotoo ay hindi kailanman hinangad ang buhay at patuloy pa ring sumusunod nang magulo. Maaaring sumusunod ka, ngunit hindi ito nangangahulugan na nalupig ka na, sapagkat hindi mo nauunawaan ang gawain ng Diyos ngayon. Kailangang matugunan ang ilang kundisyon para malupig. Hindi lahat ng sumusunod ay nalupig na, sapagkat sa puso mo ay hindi mo nauunawaan kung bakit kailangan mong sundin ang Diyos sa ngayon, hindi mo rin alam kung paano ka nakaraos hanggang ngayon, kung sino ang sumuporta sa iyo hanggang ngayon. Ang pagsampalataya ng ilang tao sa Diyos ay palaging magulo at lito; sa gayon, ang pagsunod ay hindi nangangahulugan na mayroon kang patotoo. Ano ba talaga ang tunay na patotoo? Ang patotoong binabanggit dito ay may dalawang bahagi: Ang isa ay patotoo ng pagkalupig, at ang isa pa ay patotoo na nagawa na siyang perpekto (na, natural, ay magiging patotoo kasunod ng malalaking pagsubok at kapighatian sa hinaharap). Sa madaling salita, kung kaya mong manindigan sa oras ng mga kapighatian at pagsubok, napagtiisan mo na ang pangalawang hakbang ng patotoo. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang unang hakbang ng patotoo: magawang manindigan sa bawat pagkakataon ng mga pagsubok ng pagkastigo at paghatol. Ito ang patotoo na nalupig na ang isang tao. Iyon ay dahil ngayon ang panahon ng paglupig. (Dapat mong malaman na ngayon ang panahon ng gawain ng Diyos sa lupa; ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa una sa lahat ay lupigin ang grupo ng mga taong ito sa lupa na sumusunod sa Kanya kahit sa paghatol at pagkastigo.) Kung may kakayahan ka o wala na magpatotoo na nalupig ka na ay nakasalalay hindi lamang sa kung nakakasunod ka hanggang sa pinakahuli, kundi, ang mas mahalaga, kung kaya mo, habang dinaranas mo ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos, na tunay na maunawaan ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at kung tunay mong nahihiwatigan ang lahat ng gawaing ito. Hindi ka makakalusot sa pagsunod lamang hanggang sa huli. Kailangan ay handa kang sumuko sa panahon ng bawat pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, may kakayahan kang tunay na maunawaan ang bawat hakbang ng gawaing nararanasan mo, at kailangan mong magtamo ng kaalaman, at pagsunod sa disposisyon ng Diyos. Ito ang huling patotoo na nalupig ka na, na ipinababahagi sa iyo. Ang patotoo na nalupig ka na ay tumutukoy una sa lahat sa iyong kaalaman tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang mahalaga, ang hakbang na ito ng patotoo ay sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Hindi mahalaga kung ano ang iyong ginagawa o sinasabi sa harap ng mga tao sa mundo o yaong mga may kapangyarihan; ang pinakamahalaga sa lahat ay kung nagagawa mong sundin ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos at lahat ng Kanyang gawain. Kung gayon, ang hakbang na ito ng patotoo ay patungkol kay Satanas at sa lahat ng kaaway ng Diyos—ang mga demonyo at palaaway na hindi naniniwala na ang Diyos ay magkakatawang-tao sa ikalawang pagkakataon at darating upang gumawa ng mas dakilang gawain, at bukod pa roon, hindi naniniwala sa katotohanan ng pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Sa madaling salita, patungkol ito sa lahat ng anticristo—lahat ng kaaway na hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos.
Hindi pinatutunayan ng pag-iisip at pananabik sa Diyos na nilupig ka na ng Diyos; nakasalalay iyon sa kung naniniwala ka na Siya ang Salita na nagkatawang-tao, kung naniniwala ka na ang Salita ay nagkatawang-tao, at kung naniniwala ka na ang Espiritu ay naging Salita, at ang Salita ay nagpakita sa katawang-tao. Ito ang pinakamahalagang patotoo. Hindi mahalaga kung paano ka sumusunod, ni kung paano mo ginugugol ang iyong sarili; ang pinakamahalaga ay kung nagagawa mong matuklasan mula sa normal na pagkataong ito na ang Salita ay nagkatawang-tao at ang Espiritu ng katotohanan ay nagkatotoo sa katawang-tao—na lahat ng katotohanan, ng daan, at ng buhay, ay naparito na sa katawang-tao, at ang Espiritu ng Diyos ay talagang dumating na sa lupa at ang Espiritu ay naparito na sa katawang-tao. Bagama’t, sa tingin, mukhang naiiba ito mula sa paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa gawaing ito nagagawa mong makita nang malinaw na ang Espiritu ay naisakatuparan na sa katawang-tao, at, bukod pa rito, ang Salita ay nagkatawang-tao na at ang Salita ay nagpakita na sa katawang-tao. Nagagawa mong maunawaan ang tunay na kahulugan ng mga salitang: “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.” Bukod pa rito, kailangan mong maunawaan na ang Salita sa ngayon ay ang Diyos, at masdan na ang Salita ay naging tao. Ito ang pinakamagandang patotoong maibabahagi mo. Pinatutunayan nito na taglay mo ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos na naging tao—hindi mo lamang nagagawang makilala Siya, kundi nababatid mo rin na ang landas na iyong tinatahak sa ngayon ay ang landas ng buhay, at ang landas ng katotohanan. Tinupad lamang ng yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus ang diwa ng “ang Verbo ay sumasa Dios”: Ang katotohanan ng Diyos ay sumasa Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay nasa katawang-tao at hindi maihihiwalay mula sa katawang-taong iyon. Ibig sabihin, ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay sumasa Espiritu ng Diyos, na mas malaking katunayan na si Jesus na nagkatawang-tao ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang yugtong ito ng gawain mismo ang tumutupad sa kahulugan sa loob ng “ang Salita ay naging tao,” nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa “ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios,” at tinutulutan ka na matibay na paniwalaan ang mga salitang “Nang pasimula siya ang Verbo.” Na ibig sabihin, sa panahon ng paglikha ay may taglay na mga salita ang Diyos, ang Kanyang mga salita ay sumasa Kanya at hindi maihihiwalay sa Kanya, at sa huling kapanahunan, lalo pa Niyang nililinaw ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang mga salita, at tinutulutan ang tao na makita ang lahat ng Kanyang paraan—na marinig ang lahat ng Kanyang salita. Gayon ang gawain ng huling kapanahunan. Kailangan mong maunawaan ang mga bagay na ito nang lubus-lubusan. Hindi ito tungkol sa pagkilala sa katawang-tao, kundi kung ano ang pagkaunawa mo sa katawang-tao at sa Salita. Ito ang patotoo na kailangan mong ibahagi, yaong kailangang malaman ng lahat. Dahil ito ang gawain ng ikalawang pagkakatawang-tao—at ang huling pagkakataon na magkakatawang-tao ang Diyos—lubos nitong kinukumpleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao, lubus-lubusang isinasakatuparan at inilalabas ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, at winawakasan ang panahon ng Diyos na nasa katawang-tao. Sa gayon, kailangan mong malaman ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Hindi mahalaga kung gaano ka naglilibot, o gaano kahusay mo isinasakatuparan ang iba pang mga bagay na walang kinalaman sa iyo; ang mahalaga ay kung nagagawa mong tunay na magpasakop sa harap ng Diyos na nagkatawang-tao at ilaan ang iyong buong pagkatao sa Diyos, at sundin ang lahat ng salitang nagmumula sa Kanyang bibig. Ito ang dapat mong gawin, at dapat mong sundin.
Ang huling hakbang ng patotoo ay ang patotoo kung nagawa kang perpekto o hindi—na ang ibig sabihin, dahil naunawaan mo na ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao, nag-aangkin ka ng kaalaman tungkol sa Diyos at nakatitiyak ka tungkol sa Kanya, isinasabuhay mo ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos, at nagagawa ang mga kundisyong hinihiling sa iyo ng Diyos—ang estilo ni Pedro at pananampalataya ni Job—kaya nakakasunod ka hanggang kamatayan, naibibigay mo nang lubusan ang iyong sarili sa Kanya, at sa huli ay nakakamtan ang larawan ng isang taong tumutugon sa pamantayan, na ibig sabihin ay ang larawan ng isang taong nalupig na at nagawang perpekto matapos danasin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ito ang pangwakas na patotoo—ito ang patotoong dapat ibahagi ng isang taong nagawang perpekto sa huli. Ito ang dalawang hakbang ng patotoo na dapat mong ibahagi, at magkaugnay ang mga ito, bawat isa ay kailangang-kailangan. Ngunit may isang bagay na kailangan mong malaman: Ang patotoong kinakailangan ko sa iyo ngayon ay hindi patungkol sa mga tao sa mundo, ni hindi sa sinumang indibiduwal, kundi tungkol sa hinihiling Ko sa iyo. Nasusukat ito sa kung napapalugod mo Ako, at kung nagagawa mong lubos na tugunan ang mga pamantayan ng Aking mga hinihiling sa bawat isa sa inyo. Ito ang dapat ninyong maunawaan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 4