Ang mga pagkakaiba sa pagitan ng daan tungo sa pagsisisi sa Kapanahunan ng Biyaya at ng daan tungo sa buhay na walang hanggan sa mga huling araw
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ipinangaral sa Kapanahunan ng Biyaya ang ebanghelyo ng pagsisisi, at basta’t maniwala ang tao, siya ay maliligtas. Sa kasalukuyan, sa halip na kaligtasan, mayroon lamang pag-uusap tungkol sa paglupig at pagperpekto. Hindi kailanman sinabi na kung nananampalataya ang isang tao, ang kanyang buong pamilya ay pagpapalain, o na kapag nailigtas na ay palagi nang ligtas. Sa kasalukuyan, walang sinuman ang nagsasabi ng mga salitang ito, at ang gayong mga bagay ay lipas na. Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng naniwala sa Kanya ay pinatawad; hangga’t ikaw ay naniniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniniwala sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, ikaw ay pinawalang-sala na sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng pagiging naligtas, at mapawalang-sala ng pananampalataya. Ngunit sa mga naniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapanghimagsik at sumalungat sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan: Basta’t ikaw ay naniniwala, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa. Sa panahong iyon, si Jesus ay gumawa ng maraming gawain na hindi maintindihan ng Kanyang mga disipulo, at nagsabi ng marami na hindi naunawaan ng mga tao. Ito ay dahil, sa panahong iyon, hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Kaya, maraming taon pagkatapos Niyang umalis, nilikha ni Mateo ang Kanyang talaangkanan, at gumawa rin ang iba ng maraming gawain na naaayon sa kalooban ng tao. Hindi pumarito si Jesus upang gawing perpekto at kamtin ang tao, kundi upang magsagawa ng isang yugto ng gawain: ang dalhin ang ebanghelyo ng kaharian ng langit at tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus. At kaya, nang naipako na sa krus si Jesus, ang Kanyang gawain ay lubos nang natapos. Ngunit sa kasalukuyang yugto—ang gawain ng panlulupig—mas maraming salita ang dapat ipahayag, mas maraming gawain ang dapat isagawa, at kailangang magkaroon ng maraming proseso. Kaya dapat ding mabunyag ang mga hiwaga ng gawain nina Jesus at Jehova, nang sa gayon ay maaaring magkaroon ang lahat ng tao ng pang-unawa at kalinawan sa kanilang paniniwala, dahil ito ang gawain sa mga huling araw, at ang mga huling araw ang katapusan ng gawain ng Diyos, ang panahon ng konklusyon ng gawain. Liliwanagin para sa iyo ng yugtong ito ng gawain ang kautusan ni Jehova at ang pagtubos ni Jesus, at ito’y pangunahin upang maunawaan mo ang buong gawain ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at mapahalagahan ang lahat ng kabuluhan at diwa ng anim na libong taong plano ng pamamahala na ito, at maunawaan ang layunin ng lahat ng gawaing isinagawa ni Jesus at ang mga salitang Kanyang sinabi, at maging ang iyong bulag na paniniwala at pagsamba sa Biblia. Tutulutan ka nito na lubos na maunawaan ang lahat ng ito. Magagawa mong maunawaan kapwa ang gawain na ginawa ni Jesus, at ang gawain ng Diyos ngayon; mauunawaan mo at iyong mapagmamasdan ang lahat ng katotohanan, ang buhay, at ang daan. Sa yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus, bakit umalis si Jesus nang hindi ginagawa ang pagtatapos na gawain? Dahil ang yugto ng gawain ni Jesus ay hindi ang gawain ng pagtatapos. Nang Siya ay ipinako sa krus, ang Kanyang mga salita ay natapos din; matapos ang pagpapapako Niya sa krus, ang Kanyang gawain ay ganap nang nagwakas. Ang kasalukuyang yugto ay iba: Tanging pagkatapos bigkasin ang mga salita hanggang sa katapusan at magwakas ang buong gawain ng Diyos ay saka lang matatapos ang Kanyang gawain. Sa yugto ng gawain ni Jesus, maraming salita ang nanatiling hindi naipahayag, o hindi naipahayag nang buong linaw. Ngunit walang pakialam si Jesus sa Kanyang mga sinabi at hindi sinabi, dahil ang Kanyang ministeryo ay hindi ang ministeryo ng mga salita, kaya matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay lumisan. Ang yugtong iyon ng gawain ay pangunahing para sa kapakanan ng pagpapapako sa krus, at hindi katulad ng yugto ngayon. Ang yugtong ito ng gawain ay pangunahing para sa kapakanan ng pagtatapos, paglilinaw, at ng paghahatid ng lahat ng gawain sa isang konklusyon. Kung hindi binigkas ang mga salita hanggang sa kahuli-hulihan, magiging imposibleng matapos ang gawaing ito, dahil sa yugtong ito ng gawain, ang lahat ng gawain ay inihahatid sa isang katapusan at ginagawa sa pamamagitan ng mga salita. Noong panahong iyon, nagsagawa si Jesus ng maraming gawain na hindi maunawaan ng tao. Siya ay tahimik na lumisan, at ngayon marami pa rin na hindi nakauunawa sa Kanyang mga salita, na mali ang pagkaunawa ngunit naniniwala pa rin na ito ay tama, at hindi alam na mali sila. Ang huling yugto ang magdadala ng gawain ng Diyos sa isang ganap na wakas at magbibigay ng konklusyon nito. Magagawang maunawaan at malaman ng lahat ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang mga kuru-kuro sa loob ng tao, ang kanyang mga layunin, ang kanyang mali at katawa-tawang pagkaunawa, ang kanyang mga kuru-kuro sa gawain nina Jehova at Jesus, ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga Gentil, at ang kanyang iba pang mga paglihis at mga kamalian ay itatama. At mauunawaan ng tao ang lahat ng tamang landas ng buhay, at ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at ang buong katotohanan. Kapag nangyari iyon, ang yugtong ito ng gawain ay matatapos na.
Hinango mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Bagama’t si Jesus sa Kanyang pagkakatawang-tao ay lubos na walang damdamin, lagi Niyang pinanatag ang Kanyang mga disipulo, tinustusan sila, tinulungan sila, at sinuportahan sila. Gaano man karaming gawain ang Kanyang ginawa, o gaano man katindi ang pagdurusang Kanyang tiniis, hindi Siya kailanman humiling nang labis sa mga tao, kundi lagi Siyang mapagpasensya at matiisin sa kanilang mga pagkakasala, kaya Siya magiliw na tinawag ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya na “ang kaibig-ibig na Tagapagligtas na si Jesus.” Sa mga tao noong panahong iyon—sa lahat ng tao—kung ano ang mayroon si Jesus at kung ano Siya noon, ay awa at kagandahang-loob. Hindi Niya kailanman tinandaan ang mga paglabag ng mga tao, at ang Kanyang pakikitungo sa kanila ay hindi kailanman batay sa kanilang mga paglabag. Dahil ibang kapanahunan iyon, kadalasa’y nagkaloob Siya ng saganang pagkain sa mga tao upang sila ay mangabusog. Pinakitunguhan Niya ang lahat ng Kanyang alagad nang may kabaitan, na nagpapagaling ng mga maysakit, nagpapalayas ng mga demonyo, bumubuhay ng mga patay. Upang maniwala sa Kanya ang mga tao at makita nila na lahat ng Kanyang ginawa ay ginawa nang buong sigasig at katapatan, binuhay pa Niya ang isang naaagnas na bangkay, na ipinakikita sa kanila na sa Kanyang mga kamay, kahit ang patay ay muling mabubuhay. Sa paraang ito tahimik Siyang nagtiis at isinagawa Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos sa kanila. Bago pa man Siya ipinako sa krus, pinasan na ni Jesus ang mga kasalanan ng sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng sangkatauhan. Bago pa man Siya ipinako sa krus, nabuksan na Niya ang daan patungo sa krus upang tubusin ang sangkatauhan. At sa huli, ipinako Siya sa krus, na isinasakripisyo ang Kanyang sarili para sa kapakanan ng krus, at ipinagkaloob Niya ang lahat ng Kanyang awa, kagandahang-loob, at kabanalan sa sangkatauhan. Palagi Siyang mapagparaya sa sangkatauhan, hindi kailanman mapaghiganti, kundi pinatawad sila sa kanilang mga kasalanan, pinayuhan silang magsisi, at tinuruan silang magpasensya, magtiis, at magmahal, sumunod sa Kanyang mga yapak at isakripisyo ang kanilang sarili alang-alang sa krus. Ang Kanyang pagmamahal para sa mga kapatid ay humigit pa sa pagmamahal Niya kay Maria. Ginawa Niyang prinsipyo sa gawaing Kanyang ginawa ang pagpapagaling sa mga maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo, lahat para sa kapakanan ng Kanyang pagtubos.
Hinango mula sa “Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa panahong iyon, nagbigay lamang ng sunud-sunod na sermon si Jesus sa Kanyang mga disipulo sa Kapanahunan ng Biyaya tungkol sa mga paksa kung paano magsagawa, paano magtipun-tipon, paano magmakaawa sa panalangin, paano tratuhin ang iba, at iba pa. Ang gawaing Kanyang isinagawa ay yaong sa Kapanahunan ng Biyaya, at ipinaliwanag lamang Niya kung paano nararapat magsagawa ang mga disipulo at yaong mga sumunod sa Kanya. Ginawa lamang Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at wala Siyang ginawa sa gawain ng mga huling araw. Nang itakda ni Jehova ang batas ng Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Kautusan, bakit hindi Niya ginawa noon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Bakit hindi Niya maagang nilinaw ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba ito makakatulong na tanggapin ito ng tao? Ipinropesiya lamang Niya na isisilang ang isang sanggol na lalaki at magiging makapangyarihan, ngunit hindi Niya isinagawa nang maaga ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain ng Diyos sa bawat isang kapanahunan ay may malilinaw na hangganan; ginagawa lamang Niya ang gawain ng kasalukuyang kapanahunan, at hindi Niya isinasakatuparan nang maaga ang sumunod na yugto ng gawain kailanman. Sa ganitong paraan lamang maisusulong ang Kanyang gawaing kumakatawan sa bawat kapanahunan. Nagsalita lamang si Jesus tungkol sa mga tanda ng huling mga araw, paano maging mapagpasensya at paano maligtas, paano magsisi at mangumpisal, at kung paano magpasan ng krus at magtiis ng hirap; hindi Niya kailanman binanggit kung paano dapat pumasok ang tao sa huling mga araw, ni kung paano niya dapat hangaring palugurin ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, hindi ba katawa-tawang saliksikin ang Biblia para sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Ano ang makikita mo sa paghawak lamang nang mahigpit sa Biblia? Isa mang tagapaglahad ng Biblia o isang mangangaral, sino ang makakakita nang maaga sa gawain ngayon?
Hinango mula sa “Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Iba ang mga salita na winika ng Diyos sa kapanahunang ito sa mga winika noong Kapanahunan ng Kautusan, at kaya, gayon din, naiiba ang mga iyon mula sa mga salita na winika noong Kapanahunan ng Biyaya. Sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng salita, kundi isinalarawan lamang ang pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Isinasalarawan lamang ng Biblia kung bakit kailangang ipako sa krus si Jesus, at ang mga pagdurusang dinanas Niya sa krus, at kung paanong dapat maipako sa krus ang tao para sa Diyos. Sa kapanahunang iyon, nakatuon sa pagpapapako sa krus ang lahat ng gawain na ginawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kaharian, nagwiwika ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga salita upang lupigin ang lahat ng naniniwala sa Kanya. Ito ay “ang Salita na nagpapakita sa katawang-tao”; dumating ang Diyos sa panahon ng mga huling araw upang gawin ang gawaing ito, na ang ibig sabihin, naparito Siya upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Nagwiwika lamang Siya ng mga salita, at bihirang may pagdating ng mga katunayan. Ito ang pinakadiwa ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at kapag nagwiwika ng Kanyang mga salita ang Diyos na nagkatawang-tao, ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, at ang Salita na nagiging katawang-tao. “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Diyos, at ang Verbo ay Diyos, at nagkatawang-tao ang Verbo.” Ito (ang gawain ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao) ay ang gawain na tutuparin ng Diyos sa mga huling araw, at ang huling kabanata ng Kanyang buong plano ng pamamahala, at naparito nga ang Diyos sa lupa at naghayag ng Kanyang mga salita sa katawang-tao. Yaong ginagawa ngayon, yaong gagawin sa hinaharap, yaong tutuparin ng Diyos, ang huling hantungan ng tao, yaong mga maliligtas, yaong mga mawawasak, at iba pa—maliwanag nang nakasaad ang lahat ng gawaing ito na dapat makamit sa katapusan, at ang lahat ay upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Ang mga atas administratibo at saligang-batas na dati nang nailabas, yaong mga mawawasak, yaong mga mamamahinga—dapat na matupad ang lahat ng salitang ito. Ito ang gawaing pangunahing natupad ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng mga huling araw. Pinangyayari Niya ang mga tao na maunawaan kung saan nabibilang yaong mga itinadhana ng Diyos at kung saan nabibilang yaong mga hindi itinadhana ng Diyos, kung paano mapapagbukud-bukod ang Kanyang mga tao at mga anak, ano ang mangyayari sa Israel, ano ang mangyayari sa Egipto—sa hinaharap, matutupad ang bawat isa sa mga salitang ito. Bumibilis ang mga hakbang ng gawain ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang salita bilang paraan upang ihayag sa tao kung ano ang gagawin sa bawat kapanahunan, kung ano ang gagawin sa mga huling araw ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang ministeryo na Kanyang gagampanan, at lahat ng salitang ito ay upang isakatuparan ang aktuwal na kabuluhan ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao.
Hinango mula sa “Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang gawain sa mga huling araw ay naglalantad sa gawain ni Jehova at ni Jesus at sa lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao. Ginagawa ito upang ibunyag ang hantungan at ang katapusan ng sangkatauhan at tapusin ang lahat ng gawain ng pagliligtas sa gitna ng sangkatauhan. Itong yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ay naghahatid sa lahat ng bagay sa katapusan. Lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao ay dapat malantad upang pahintulutan ang tao na masukat ang lalim ng mga ito at magkaroon ng lubos na malinaw na pagkaunawa sa kanilang mga puso. Saka lamang maaaring mahati ang mga tao ayon sa kanilang mga uri. Pagkatapos lamang na maging ganap ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala saka maiintindihan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos, dahil ang Kanyang pamamahala ay doon lamang darating sa pagtatapos. Ngayon na naranasan na ninyo ang gawain ng Diyos sa panghuling kapanahunan, ano ang disposisyon ng Diyos? Mangangahas ka bang magsabi na ang Diyos ay ang Diyos na nagsasabi lamang ng mga salita? Hindi ka mangangahas na bumuo ng gayong konklusyon. Sasabihin ng ilan na ang Diyos ay ang Diyos na nagbubukas ng mga misteryo, na ang Diyos ay ang Cordero at Siya na sumisira sa pitong tatak. Ngunit walang sinuman ang nangangahas na bumuo ng gayong konklusyon. Maaring sabihin ng iba na ang Diyos ay ang nagkatawang-taong laman, ngunit hindi pa rin ito tama. At maaari ding sabihin ng iba na ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagsasabi lamang ng mga salita at hindi gumagawa ng mga tanda at ng mga himala, ngunit lalong hindi ka mangangahas na magsalita sa ganitong paraan, sapagkat si Jesus ay nagkatawang-tao at gumawa ng mga tanda at mga himala, kaya hindi ka mangangahas na basta-bastang bigyang-pakahulugan ang Diyos. Ang lahat ng gawain na ginawa sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay ngayon lamang nagtatapos. Malalaman lamang ng sangkatauhan ang lahat ng disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano ang Diyos matapos maibunyag ang lahat ng gawaing ito sa tao at maisakatuparan sa gitna ng tao. Kapag ang gawain ng yugtong ito ay ganap nang natapos, ang lahat ng hiwaga na hindi naunawaan ng tao ay mabubunyag, ang lahat ng katotohanan na dati’y hindi naintindihan ng tao ay magiging malinaw, at ang sangkatauhan ay masasabihan tungkol sa kanilang hinaharap na landas at hantungan. Ito ang kabuuan ng gawaing gagawin sa kasalukuyang yugto. Bagama’t ang landas na nilalakaran ng tao sa kasalukuyan ay ang landas din ng krus at ng pagdurusa, ang isinasagawa ng tao, kinakain, iniinom, at tinatamasa ngayon ay may malaking pagkakaiba mula roon sa nakamit ng tao sa ilalim ng kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang hinihingi sa tao ngayong araw ay hindi tulad niyaong sa nakalipas at lalong hindi tulad ng hiningi sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan. At ano ang hiningi sa tao sa ilalim ng kautusan noong ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Israel? Walang ibang hiniling sa kanila kundi ang panatilihin ang Sabbath at ang mga kautusan ni Jehova. Walang sinuman ang dapat magtrabaho sa Sabbath o lumabag sa mga kautusan ni Jehova. Ngunit hindi na ganito sa ngayon. Sa araw ng Sabbath, ang tao ay gumagawa, nagtitipon at nananalangin gaya ng dati, at walang mga paghihigpit na ipinapataw sa kanya. Yaong mga nasa Kapanahunan ng Biyaya ay dapat mabautismuhan, at hiningi rin sa kanila na mag-ayuno, magpira-piraso ng tinapay, uminom ng alak, takpan ang kanilang mga ulo, at hugasan ang mga paa ng iba para sa kanila. Ngayon, ang mga patakarang ito ay naiwaksi na ngunit mas malalaki ang hinihingi sa tao, dahil ang gawain ng Diyos ay patuloy na lumalalim at ang pagpasok ng tao ay patuloy na tumataas. Noong nakalipas, ipinatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa tao at nanalangin, ngunit ngayon na ang lahat ng bagay ay nasabi na, ano ang silbi ng pagpapatong ng mga kamay? Ang mga salita lamang ay maaaring makapagkamit ng mga resulta. Noong nakaraan, kapag Siya’y nagpatong ng Kanyang mga kamay sa tao, ito’y para pagpalain at pagalingin ang tao. Ganito gumawa ang Banal na Espiritu noong panahong iyon, ngunit hindi na ganito sa ngayon. Ngayon, ang Banal na Espiritu ay gumagamit ng mga salita upang gumawa at magtamo ng mga bunga. Nilinaw na Niya ang Kanyang mga salita sa inyo, at dapat lamang ninyo itong isagawa gaya ng sinabi sa inyo. Ang Kanyang mga salita ay ang Kanyang kalooban; ang mga ito ang gawain na Kanyang nais gawin. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, mauunawaan mo ang Kanyang kalooban at kung ano ang hinihingi Niyang abutin mo, at maisasagawa mo ang Kanyang mga salita nang direkta nang hindi na kailangan ng pagpapatong ng mga kamay. Maaaring sabihin ng ilan, “Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin! Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin upang matanggap ko ang Iyong pagpapala at makibahagi sa Iyo.” Ang lahat ng ito ay lipas nang mga pagsasagawa na ngayon ay hindi na ginagawa, dahil nagbago na ang kapanahunan. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa alinsunod sa kapanahunan, hindi nang sapalaran o ayon sa nakatakdang mga panuntunan. Nagbago na ang kapanahunan, at ang isang bagong kapanahunan ay tiyak na may dalang bagong gawain. Totoo ito sa bawa’t yugto ng gawain, at kaya ang Kanyang gawain ay hindi kailanman nauulit. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ginawa ni Jesus ang maraming gayong gawain, tulad ng pagpapagaling ng sakit, pagpapalayas ng mga demonyo, pagpapatong ng Kanyang mga kamay sa tao upang ipanalangin ang tao, at pagpapala sa tao. Gayunman, ang gawin uli ang gayon ay walang saysay sa kasalukuyan. Ang Banal na Espiritu ay gumawa sa ganoong paraan noong panahong iyon, dahil iyon ang Kapanahunan ng Biyaya, at may sapat na biyaya para tamasahin ng tao. Hindi kinailangang magbayad ang tao ng anumang halaga at tumanggap siya ng biyaya hangga’t siya ay may pananampalataya. Lahat ay tinrato nang may lubhang kagandahang-loob. Ngayon, ang kapanahunan ay nagbago na, at ang gawain ng Diyos ay nakasulong na nang higit pa; sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ang pagiging mapanghimagsik ng tao at ang mga karumihan sa kalooban ng tao ay maaalis. Dahil ito ang yugto ng pagtubos, kinailangang gumawa ang Diyos sa gayong paraan, na nagpapakita ng sapat na biyaya para matamasa ng tao, para matubos ang tao mula sa kasalanan, at, sa pamamagitan ng biyaya, mapatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan. Ang kasalukuyang yugto ay upang ilantad ang di-pagkamatuwid sa kalooban ng tao sa pamamagitan ng pagkastigo, paghatol, paghampas gamit ang mga salita, pati na rin ng pagdisiplina at pagbubunyag ng mga salita, upang pagkatapos ay mailigtas ang sangkatauhan. Ito ay gawaing mas malalim kaysa pagtubos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang tao ay nagtamasa ng sapat na biyaya; ngayong nakaranas na ng biyayang ito ang tao, hindi na ito matatamasa ng tao. Ang gayong gawain ay lipas na ngayon at hindi na gagawin. Ngayon, ang tao ay ililigtas sa pamamagitan ng paghatol ng salita. Pagkatapos hatulan, kastiguhin at pinuhin ang tao, ang kanyang disposisyon ay nababago. Hindi ba’t ito ay dahil sa mga salitang Aking sinambit? Ang bawa’t yugto ng gawain ay ginagawa ayon sa pag-unlad ng buong sangkatauhan at kasabay ng kapanahunan. Lahat ng gawain ay may kabuluhan; lahat ng ito ay ginagawa para sa pangwakas na pagliligtas, para ang sangkatauhan ay magkaroon ng isang magandang hantungan sa hinaharap, at para ang tao ay mahati ayon sa kanilang mga uri sa katapusan.
Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
Hinango mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa huling yugtong ito ng gawain, ang mga resulta ay nakakamit sa pamamagitan ng salita. Sa pamamagitan ng salita, dumarating ang tao sa pagkaunawa sa maraming hiwaga at sa gawaing nagawa ng Diyos sa nakaraang mga henerasyon; sa pamamagitan ng salita, naliliwanagan ang tao ng Banal na Espiritu; sa pamamagitan ng salita, dumarating ang tao sa pagkaunawa sa mga hiwaga na kailanman ay hindi pa nailantad ng mga nagdaang henerasyon, pati na rin sa gawain ng mga propeta at mga apostol ng mga nakaraang panahon, at ang mga prinsipyo kung paano sila ay gumawa; sa pamamagitan ng salita, dumarating din ang tao sa pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos Mismo, pati na rin sa pagiging mapanghimagsik at paglaban ng tao, at dumarating sa pagkaalam ng kanyang sariling diwa. Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ng gawain at lahat ng salitang winika, dumarating ang tao sa pagkakilala sa gawain ng Espiritu, sa gawain ng nagkatawang-taong Diyos, at lalo na, sa Kanyang buong disposisyon. Ang iyong kaalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos sa loob ng anim na libong taon ay nakamit din sa pamamagitan ng salita. Hindi ba’t ang iyong kaalaman tungkol sa iyong dating mga kuru-kuro at tagumpay sa pagsasantabi sa mga ito ay nakamit din sa pamamagitan ng salita? Sa naunang yugto, ginawa ni Jesus ang mga tanda at mga kababalaghan, ngunit walang mga tanda at mga kababalaghan sa yugtong ito. Hindi ba’t ang iyong pagkaunawa kung bakit hindi Niya ginagawa ang mga tanda at mga kababalaghan ay nakamit din sa pamamagitan ng salita? Samakatuwid, ang mga salita na ipinahayag sa yugtong ito ay lampas sa gawain na ginawa ng mga apostol at propeta ng mga henerasyong nagdaan. Kahit na ang mga propesiya na sinabi ng mga propeta ay hindi magagawang magkamit ng resultang ito. Ang mga propeta ay naghayag lamang ng mga propesiya, ng kung ano ang mangyayari sa hinaharap, ngunit hindi ng gawain na nais gawin ng Diyos sa panahong iyon. Hindi rin sila nagsalita upang gabayan ang tao sa kanilang mga buhay, o upang magkaloob ng mga katotohanan sa sangkatauhan o upang magbunyag sa tao ng mga hiwaga, at lalo nang hindi upang magkaloob ng buhay. Sa mga salitang winika sa yugtong ito, mayroong propesiya at katotohanan, ngunit ang mga ito ay pangunahing naglilingkod upang magkaloob ng buhay sa tao.
Hinango mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Yaong mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno yaong mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung sinusubukan mo lamang na hawakan ang nakaraan, sinusubukan lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka nila maaakay para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Napagyayaman lamang ng mga banal na kasulatang binabasa mo ang dila mo at hindi ng mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi sa mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo ng pagmumuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba pinagtatanto ka nito sa mga hiwagang sumasaloob? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi kailanman makakamit ang buhay.
Hinango mula sa “Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao