Mag-subscribe

Menu

Ang Maraming Di-Pagkakaunawa ng mga Tao Tungkol kay Job

Ang paghihirap na naranasan ni Job ay hindi gawain ng mga sugong ipinadala ng Diyos, at hindi rin ito dahil sa kamay ng Diyos. Sa halip, ito ay dulot mismo ni Satanas, ang kaaway ng Diyos. Bilang resulta, malalim ang antas ng paghihirap na naranasan ni Job. Ngunit sa sandaling ito, walang pagpipigil na ipinakita ni Job ang araw-araw niyang kaalaman sa Diyos sa kanyang puso, ang mga prinsipyo ng kanyang araw-araw na mga gawain, at ang kanyang mga saloobin sa Diyos—at ito ang katotohanan. Kung si Job ay hindi natukso, kung ang Diyos ay hindi nagdala ng pagsubok kay Job, noong sinabi ni Job, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” sasabihin mo na mapagkunwari si Job. Binigyan siya ng Diyos ng maraming ari-arian, kung kaya’t nararapat lamang na basbasan niya ang pangalan ni Jehova. Kung, bago sumailalim sa mga pagsubok, sinabi ni Job na, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” sasabihin mo na may kalabisan ang sinasabi ni Job, at na hindi niya itatakwil ang pangalan ng Diyos dahil madalas siyang pinagpapala ng kamay ng Diyos. Sasabihin mo na kung nagdala ang Diyos ng sakuna sa kanya, siguradong itatakwil niya ang pangalan ng Diyos. Ngunit nang matagpuan ni Job ang kanyang sarili sa mga kalagayang hindi nanaisin ninuman, o nanaising makita, mga kalagayan na walang sinumang magnanais na maranasan, na katatakutan nilang maranasan, mga kalagayan na hindi kayang pagmasdan maging ng Diyos, nagawa pa rin ni Job na panghawakan ang kanyang katapatan: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” at “tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Sa kanilang pagharap sa asal ni Job noong mga oras na ito, ang mga mahilig magsabi ng matatayog na mga salita, at ang mga nagsasalita ng mga titik at doktrina ay natatahimik. Ang mga pumupuri sa pangalan ng Diyos sa salita lamang, ngunit hindi pa kailanman tinanggap ang mga pagsubok ng Diyos, ay hinatulan ng katapatan na matibay na pinanghawakan ni Job, at ang mga hindi kailanman naniwala na kayang manindigan ng tao sa daan ng Diyos ay hinatulan ng patotoo ni Job. Nahaharap sa pag-uugali ni Job sa panahong ito ng mga pagsubok at sa mga salita na kanyang binigkas, may mga taong malilito, may mga maiinggit, at may magdududa, at may iba na magmumukhang hindi interesado, hindi maniniwala sa patotoo ni Job dahil hindi lang nila nakikita ang paghihirap na naranasan ni Job sa panahon ng kanyang mga pagsubok, at nababasa ang mga salitang binigkas ni Job, kundi nakikita rin nila ang “kahinaan” ng tao na pinagtaksilan ni Job nang dumating ang mga pagsubok sa kanya. Pinaniniwalaan nila na ang “kahinaan” na ito ay isang kasiraan sa pagiging perpekto ni Job, ang dungis sa isang tao na perpekto sa paningin ng Diyos. Ibig sabihin, pinaniniwalaang ang mga perpekto ay walang kamalian, walang dungis o mantsa, wala silang mga kahinaan, walang nalalaman sa pasakit, hindi sila kailanman nakaramdam ng lungkot o lumbay, at wala silang galit o anumang malubhang asal. Bunga nito, maraming hindi naniniwalang tunay na perpekto si Job. Hindi sumasang-ayon ang mga tao sa karamihan ng kanyang inasal noong panahon ng kanyang mga pagsubok. Halimbawa, noong mawala kay Job ang kanyang mga ari-arian at mga anak, hindi siya umiyak, na inaasahan ng mga tao na gagawin niya. Dahil sa kanyang “paglabag sa kagandahang-asal” inisip ng mga tao na malamig ang kanyang puso, dahil hindi siya umiyak, o nagpakita ng pagmamahal para sa kanyang pamilya. Ito ang masamang impresyon na unang nakikita ng tao kay Job. Mas nakakagulo sa isip nila ang asal niya matapos nito: “Hinapak ang kaniyang balabal” ay ipinaliwanag ng mga tao bilang kawalan niya ng galang sa Diyos, at ang “inahitan ang kaniyang ulo” ay pinaniniwalaang paglapastangan at paglaban niya sa Diyos. Bukod sa mga salita ni Job na “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” hindi nakita ng mga tao ang pagkamatuwid ni Job na pinuri ng Diyos, at sa gayon, ang pagsusuri kay Job ng karamihan sa kanila ay puro kawalan ng pagkakaunawa, maling pagkakaintindi, pag-aalinlangan, paghahatol, at pagsang-ayon sa teorya lamang. Wala sa kanila ang tunay na nakakaintindi at nakakapagpahalaga sa mga salita ng Diyos na si Jehova na si Job ay isang perpekto at matuwid na tao, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa masama.

Batay sa mga nabanggit sa itaas na impresyon nila kay Job, mas lalong pinagdududahan ng mga tao ang pagkamatuwid ni Job, dahil ang mga ikinilos at asal ni Job na nakasaad sa kasulatan ay hindi nakaaantig nang husto gaya ng iniisip ng mga tao. Hindi lamang siya walang naisagawa na anumang dakilang gawa, kumuha pa siya ng isang basag na palayok upang ipangkayod sa kanyang sarili habang siya ay nakaupo sa mga abo. Dahil din sa gawaing ito, nagugulat ang mga tao at pinagdududahan nila—at itinatanggi pa—ang pagkamatuwid ni Job, dahil habang kinakayod niya ang kanyang sarili, hindi siya nagdasal o nangako sa Diyos; at higit pa rito, hindi rin siya nakitang umiyak sa sakit. Sa oras na ito, nakikita lamang ng mga tao ang kahinaan ni Job at wala nang iba, at dahil dito, kahit na narinig nila si Job na nagsabing “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” talagang hindi sila natitinag, o hindi nagbabago ang kanilang paniniwala, at hindi pa rin nila maintindihan ang pagkamatuwid ni Job ayon sa kanyang mga salita. Ang pangunahing impresyon na ibinibigay ni Job sa mga tao sa panahon ng kanyang paghihirap sa mga pagsubok ay ang hindi siya natakot o nagyabang. Hindi nakikita ng mga tao ang mga kuwento sa likod ng kanyang pag-uugali na nagmula sa kaibuturan ng kanyang puso, at hindi rin nila nakikita ang takot sa Diyos sa loob ng kanyang puso o ang pagsunod sa prinsipyo ng daan ng pag-iwas sa kasamaan. Ang kanyang kahinahunan ang dahilan kung bakit iniisip ng mga tao na ang kanyang pagiging perpekto at matuwid ay mga walang saysay na salita lamang, na ang kanyang takot sa Diyos ay sabi-sabi lamang; samantala, ang “kahinaan” na ipinakita niya ay nag-iiwan ng malalim na impresyon sa kanila, nagbibigay sa kanila ng “bagong pananaw” at “bagong pagkaunawa” sa taong inilalarawan ng Diyos bilang perpekto at matuwid. Napatunayan ang ganitong “bagong pananaw” at “bagong pag-unawa” noong buksan ni Job ang kanyang bibig at isumpa ang araw na ipinanganak siya.

Bagama’t hindi mailarawan at hindi kayang unawain ng sinumang tao ang antas ng paghihirap na pinagdaanan niya, wala siyang sinabi na anumang maling pananampalataya na salita, kundi binawasan lamang niya ang sakit na kanyang nararamdaman sa pamamagitan ng sarili niyang pamamaraan. Gaya ng nakatala sa Kasulatan, sinabi niya: “Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi” (Job 3:3). Marahil, hindi itinuring ng sinuman na mahalaga ang mga salitang ito, at marahil may mga taong nagbigay-pansin sa mga ito. Sa inyong pananaw, ang ibig ba nilang sabihin ay nilabanan ni Job ang Diyos? Mga reklamo ba ang mga ito laban sa Diyos? Alam kong marami sa inyo ang may ilang ideya tungkol sa mga salitang ito na sinabi ni Job at naniniwalang kung perpekto at matuwid si Job, hindi dapat siya nagpakita ng anumang kahinaan o pagdadalamhati, at sa halip ay hinarap ang anumang pagsubok mula kay Satanas sa positibong paraan, at may ngiti pa sa harap ng mga panunukso ni Satanas. Hindi dapat siya nagpakita ng anumang reaksyon sa anumang paghihirap na idinulot ni Satanas sa katawan niya, at hindi siya dapat nagpakita ng kahit anong damdamin mula sa kanyang puso. Dapat nga’y hiningi pa niya sa Diyos na gawing mas malupit ang mga pagsubok na ito. Ito ang dapat na ipinapakita at tinataglay ng isang taong matibay at tunay na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Sa gitna ng ganitong matinding paghihirap ng kalooban, isinumpa ni Job ang araw ng kanyang kapanganakan. Hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos, at lalong hindi siya nagbalak na kalabanin ang Diyos. Mas madali itong sabihin kaysa gawin, dahil mula pa sa sinaunang panahon hanggang ngayon, wala pang sinuman na nakaranas ng ganoong mga tukso o nagdusa gaya ng pinagdaanan ni Job. At bakit wala pang sinuman ang napasailalim sa tuksong katulad ng dumating kay Job? Dahil, ayon sa nakikita ng Diyos, walang sinuman ang may kakayahang magpasan ng ganitong pananagutan o tagubilin, walang makakagawa sa ginawa ni Job, at, higit pa rito, walang sinuman, bukod sa pagsumpa sa araw ng kanilang kapanganakan, ang may kakayahang hindi talikuran ang pangalan ng Diyos at patuloy na purihin ang pangalan ng Diyos na si Jehova, kagaya ng ginawa ni Job noong dumanas siya ng ganoong paghihirap. Mayroon bang kayang gumawa nito? Kapag sinasabi natin ito tungkol kay Job, pinupuri ba natin ang kanyang pag-uugali? Siya ay isang lalaking matuwid, at kayang magpatotoo nang ganoon sa Diyos, at kayang palayasin si Satanas nang hawak sa mga kamay nito ang sariling ulo, kung kaya’t hindi na ito muling lumapit sa harap ng Diyos upang akusahan siya—kaya ano ang mali sa pagpuri sa kanya? Maaari bang mas mataas ang mga pamantayan ninyo kaysa sa Diyos? Dahil ba magiging mas mahusay kayo kaysa kay Job kapag dumating ang mga pagsubok sa inyo? Si Job ay pinuri ng Diyos—anong pagtutol ang mayroon kayo?

Isinusumpa ni Job ang Araw ng Kanyang Kapanganakan Dahil Hindi Niya Gustong Masaktan ang Diyos nang Dahil sa Kanya

Madalas kong sabihin na tumitingin ang Diyos sa puso ng mga tao, habang ang mga tao ay tumitingin sa panlabas na anyo ng mga tao. Dahil ang Diyos ay tumitingin sa puso ng mga tao, nauunawaan Niya ang kanilang diwa, samantalang inilalarawan ng mga tao ang diwa ng ibang tao batay sa kanilang panlabas na anyo. Noong binuksan ni Job ang kanyang bibig at isumpa ang araw ng kanyang kapanganakan, ginulat nito ang lahat ng mga espirituwal na pinuno, kabilang na ang tatlong kaibigan ni Job. Ang tao ay nanggaling sa Diyos, at dapat na nagpapasalamat para sa buhay at laman, pati na rin sa araw ng kanyang kapanganakan, na ibinigay sa kanya ng Diyos, at hindi niya dapat isumpa ang mga ito. Nauunawaan at naiisip ito ng ordinaryong tao. Para sa sinumang sumusunod sa Diyos, ang pang-unawang ito ay banal at hindi dapat nilalabag, at ito ay isang katotohanan na hindi kailanman magbabago. Sa kabilang banda, nilabag ni Job ang mga patakaran: Isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan. Isa itong gawain na itinuturing ng mga karaniwang tao na pagtawid sa ipinagbabawal na lupain. Si Job ay hindi karapat-dapat sa pang-unawa at simpatiya ng mga tao, at hindi rin siya karapat-dapat sa kapatawaran ng Diyos. Kasabay nito, mas marami pang tao ang nagduda sa pagkamatuwid ni Job, dahil tila naging mapagpalayaw siya as sarili bunga ng kabutihan ng Diyos sa kanya. Dahil dito, siya ay naging sobrang mapangahas at walang ingat kung kaya’t hindi na nga siya nagpasalamat sa Diyos sa mga biyaya at pag-aalaga ng Diyos sa kanya sa buong buhay niya, at isinumpa pa niya ang araw ng kanyang kapanganakan sa punto ng pagkawasak. Kung hindi ito paglaban sa Diyos, ano ito? Ang mga ganitong kababawan ay nagbibigay sa mga tao ng patunay upang kondenahin ang ginawang ito ni Job, ngunit sino ang makakaalam ng tunay na iniisip ni Job sa oras na iyon? At sino ang makakaalam kung bakit kumilos si Job nang ganoon? Tanging ang Diyos at si Job lamang ang may alam ng tunay na kuwento at ng mga dahilan dito.

Noong iniunat ni Satanas ang kamay nito upang saktan ang mga buto ni Job, nahulog si Job sa mga kamay nito, nang walang paraan upang makatakas o lakas upang makalaban. Nagdusa ang kanyang katawan at kaluluwa ng napakatinding sakit, at dahil dito, nagkaroon siya ng malalim na kamalayan sa kawalang-saysay, kahinaan, at kawalan ng kapangyarihan ng taong namumuhay sa laman. Kasabay nito, nagkaroon din siya ng malalim na pagpapahalaga at pag-unawa kung bakit inaalagaan at iniingatan ng Diyos ang sangkatauhan. Sa mga kamay ni Satanas, naunawaan ni Job na ang tao, na may laman at dugo, ay talagang walang kapangyarihan at mahina. Nang lumuhod siya at nanalangin sa Diyos, nadama niya na tila ba tinatakpan ng Diyos ang Kanyang mukha, at nagtatago, sapagkat ganap siyang inilagay ng Diyos sa mga kamay ni Satanas. Kasabay nito, umiyak din ang Diyos para sa kanya, at, higit pa rito, ay nasaktan para sa kanya; ang Diyos ay nasaktan dahil sa naramdaman niyang sakit, at nasugatan dahil sa kanyang mga sugat…. Nadama ni Job ang sakit na naramdaman ng Diyos, at kung gaano ito kahirap para sa Diyos…. Ayaw na ni Job na magdulot ng karagdagang pighati sa Diyos, at hindi niya nais na umiyak ang Diyos para sa kanya, at lalong hindi niya nais na makitang nasasaktan ang Diyos dahil sa kanya. Sa mga sandaling ito, ang nais lamang ni Job ay ang ihiwalay ang sarili niya sa kanyang laman upang hindi na niya kailangang tiisin ang sakit na dala sa kanya ng laman na ito, dahil ito ang makakapigil sa paghihirap ng Diyos dahil sa kanyang sakit—ngunit hindi niya kaya, at kinailangan niyang tiisin hindi lamang ang sakit ng laman, kundi pati ang paghihirap na dala ng kanyang pagnanais na huwag mag-alala ang Diyos. Ang dalawang sakit na ito—isa mula sa laman, at isa mula sa espiritu—ay nagdala ng makabagbag-damdamin at makapanginig-laman na sakit kay Job, at nagparamdam sa kanya kung paanong ang limitasyon ng tao, na may dugo at laman, ay maaaring maging dahilan upang ang tao ay makaramdam ng kabiguan at kahinaan. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, naging mas matindi ang kanyang pananabik para sa Diyos, at naging mas matindi ang kanyang pagkamuhi kay Satanas. Sa panahong ito, mas gugustuhin pa ni Job ang hindi siya ipinanganak sa mundo ng tao, mas gugustuhin pa niya ang hindi umiiral, kaysa makita ang Diyos na lumuluha o nasasaktan dahil sa kanyang kapakanan. Nagsimula siyang kasuklaman nang husto ang kanyang laman, mapagod sa kanyang sarili at sa araw ng kanyang kapanganakan, at maging sa lahat ng nagkaroon ng kinalaman sa kanya. Ayaw na niyang makarinig ng tungkol sa kanyang araw ng kapanganakan o anumang bagay na may kinalaman dito, kaya binuksan niya ang kanyang bibig at isinumpa ang kanyang kaarawan: “Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi. Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Diyos mula sa itaas, ni sinagan man ng liwanag” (Job 3:3–4). Dala ng mga salita ni Job ang pagkasuklam niya sa kanyang sarili, “Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi,” pati na rin ang kanyang pagsisi sa kanyang sarili at pakiramdam na siya ay may pagkakautang dahil naging sanhi siya ng pasakit sa Diyos, “Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Diyos mula sa itaas, ni sinagan man ng liwanag.” Ang dalawang siping ito ay ang pangunahing pagpapahayag sa nadarama ni Job noon, at ganap na nagpakita ng kanyang pagiging perpekto at matuwid sa lahat. Kasabay nito, gaya ng ninais ni Job, tunay ngang umangat ang kanyang pananampalataya at pagsunod sa Diyos, pati na rin ang kanyang takot sa Diyos. May katiyakan na ang pagtataas na ito mismo ang resultang inaasahan ng Diyos.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon