Mag-subscribe

Menu

Ang Sermon sa Bundok, Ang mga Talinghaga ng Panginoong Jesus at Ang mga Utos

6. Ang Sermon sa Bundok

Ang mga Pinagpala (Mateo 5:3–12)

Asin at ang Ilaw (Mateo 5:13–16)

Kautusan (Mateo 5:17–20)

Galit (Mateo 5:21–26)

Pangangalunya (Mateo 5:27–30)

Diborsiyo (Mateo 5:31–32)

Mga Pangako (Mateo 5:33–37)

Mata sa Mata (Mateo 5:38–42)

Mahalin Mo ang Iyong mga Kaaway (Mateo 5:43–48)

Ang Tagubilin Tungkol sa Pag-aabuloy (Mateo 6:1–4)

Panalangin (Mateo 6:5–8)

7. Ang mga Talinghaga ng Panginoong Jesus

Ang Talinghaga Ukol sa Manghahasik (Mateo 13:1–9)

Ang Talinghaga Ukol sa mga Panirang Damo (Mateo 13:24–30)

Ang Talinghaga Ukol sa Binhi ng Mustasa (Mateo 13:31–32)

Ang Talinghaga Ukol sa Lebadura (Mateo 13:33)

Ang Talinghaga Ukol sa Mga Panirang Damo Ipinaliwanag (Mateo 13:36–43)

Ang Talinghaga Ukol sa Kayamanan (Mateo 13:44)

Ang Talinghaga Ukol sa Perlas (Mateo 13:45–46)

Ang Talinghaga Ukol sa Lambat (Mateo 13:47–50)

8. Ang mga Utos

Mateo 22:37–39 At sinabi sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pang-unang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.

Ang Sermon sa Bundok Ang mga Talinghaga ng Panginoong Jesus Ang mga Utos

Tingnan muna natin ang bawa’t isa sa iba’t ibang bahagi ng “Ang Sermon sa Bundok.” Ano ang tinatalakay ng lahat ng magkakaibang bahaging ito? Masasabi, nang may katiyakan, na ang mga nilalaman ng iba’t ibang bahaging ito ay lahat mas mataas, mas kongkreto, at mas malapit sa mga buhay ng mga tao kaysa sa mga alituntunin ng Kapanahunan ng Kautusan. Kung sasabihin sa makabagong mga pananalita, mas nauugnay ang mga bagay na ito sa aktuwal na pagsasagawa ng mga tao.

Basahin natin ang sumusunod na partikular na nilalaman: Paano mo dapat unawain ang mga pinagpala? Ano ang dapat mong malaman tungkol sa kautusan? Paano dapat bigyang-kahulugan ang galit? Paano dapat pakitunguhan ang mga mapangalunya? Paano dapat na pag-usapan ang diborsiyo, at anong uri ng mga patakaran mayroon tungkol dito? Sino ang makapagdidiborsiyo at sino ang hindi makapagdidiborsiyo? Paano naman ang mga panata, mata sa mata, pag-ibig sa mga kaaway, at pagiging mapagkawanggawa? At iba pa. Nauugnay ang lahat ng bagay na ito sa bawa’t aspeto ng pagsasagawa sa paniniwala ng sangkatauhan sa Diyos, at ng kanilang pagsunod sa Diyos. Naaangkop pa rin ngayon ang ilan sa mga pagsasagawang ito, bagaman mas mababaw ang mga ito kaysa sa kasalukuyang mga hinihingi sa mga tao—ang mga ito ay bahagyang panimulang mga katotohanan na nakahaharap ng mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos. Mula sa panahon na nagsimulang gumawa ang Panginoong Jesus, nagsisimula na Siyang isakatuparan ang gawain sa disposisyon ng buhay ng mga tao, subali’t ang mga aspetong ito ng Kanyang gawain ay batay sa saligan ng mga kautusan. May anumang kinalaman ba sa katotohanan ang mga patakaran at mga paraan ng pagsasalita tungkol sa mga paksang ito? Mangyari pang mayroon! Ang lahat ng nakaraang mga alituntunin at mga prinsipyo, gayundin ang mga sermong ito sa Kapanahunan ng Biyaya, ay nauugnay sa disposisyon ng Diyos at sa kung anong mayroon at kung ano Siya, at mangyari pa, sa katotohanan. Anuman ang ipinahahayag ng Diyos, at anumang pamamaraan ng pagpapahayag o wika ang ginagamit Niya, ang mga bagay na Kanyang ipinahahayag ay lahat may saligan, pinagmulan, at pasimulang nakabatay sa mga prinsipyo ng Kanyang disposisyon at ng kung anong mayroon at kung ano Siya. Ito ay ganap na totoo. Kaya kahit tila medyo mababaw ngayon ang mga bagay na ito na Kanyang sinabi, hindi pa rin masasabi na hindi sila ang katotohanan, sapagka’t ang mga ito ay mga bagay na hindi maaaring mawala sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya upang mapasiyahan ang kalooban ng Diyos at upang matamo ang isang pagbabago sa kanilang disposisyon ng buhay. Masasabi mo ba na ang alinman sa mga sermong ito ay hindi nakaayon sa katotohanan? Hindi, hindi masasabi! Ang bawa’t isa sa mga ito ay ang katotohanan sapagka’t ang lahat ng ito ay mga hinihingi ng Diyos para sa sangkatauhan; ang lahat ng ito ay mga prinsipyo at isang saklaw na ibinigay ng Diyos, ipinapakita kung paano dapat gumawi ang isang tao, at kinakatawan ng mga ito ang disposisyon ng Diyos. Gayunpaman, batay sa antas ng kanilang paglago sa buhay sa panahong iyon, ang mga ito lang ang tanging nagawa nilang tanggapin at maintindihan. Sapagka’t hindi pa nalulutas ang kasalanan ng sangkatauhan, ang mga ito ang tanging mga salita na maipalalabas ng Panginoong Jesus, at magagamit lang Niya ang simpleng mga aral na napapaloob sa ganitong uri ng saklaw upang ilahad sa mga tao sa panahong iyon kung paano sila dapat kumilos, ano ang dapat nilang gawin, sa loob ng anong mga prinsipyo at saklaw nila dapat gawin ang mga bagay, at kung paano sila dapat maniwala sa Diyos at matugunan ang Kanyang mga hinihingi. Natukoy ang lahat ng ito batay sa tayog ng sangkatauhan sa panahong iyon. Hindi madali para sa mga taong nabubuhay sa ilalim ng kautusan na tanggapin ang mga aral na ito, kaya kung ano ang itinuro ng Panginoong Jesus ay kinailangang manatili sa loob ng saklaw na ito.

Pagkatapos, tingnan natin ang iba’t ibang nilalaman ng “Ang mga Talinghaga ng Panginoong Jesus.”

Ang una ay ang talinghaga ukol sa manghahasik. Isa itong tunay na kawili-wiling talinghaga; ang paghahasik ng mga binhi ay isang karaniwang pangyayari sa mga buhay ng mga tao. Ang ikalawa ay ang talinghaga ukol sa mga panirang damo. Sinumang nakapagtanim na ng mga pananim, at tiyak na ang lahat ng matatanda, ay makaaalam kung ano ang “mga panirang damo”. Ang ikatlo ay ang talinghaga ukol sa binhi ng mustasa. Alam ninyong lahat kung ano ang mustasa, hindi ba? Kung hindi alam, maaaring tingnan sa Biblia. Ang ikaapat ay ang talinghaga ukol sa lebadura. Ngayon, alam ng karamihan sa mga tao na ginagamit ang lebadura para sa pagbuburo, at iyon ay isang bagay na ginagamit ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Ang susunod pang mga talinghaga, kabilang na ang ikaanim, ang talinghaga ukol sa kayamanan; ang ikapito, ang talinghaga ukol sa perlas; at ang ikawalo, ang talinghaga ukol sa lambat, ay lahat hinango at nagmula sa tunay na mga buhay ng mga tao. Anong uri ng larawan ang ipinipinta ng mga talinghagang ito? Isa itong larawan ng Diyos na nagiging isang normal na tao at namumuhay kasama ng sangkatauhan, ginagamit ang wika ng buhay, wikang pantao, upang magbigay-alam sa mga tao at upang ibigay sa kanila kung ano ang kanilang kailangan. Nang nagkatawang-tao ang Diyos at namuhay kasama ng sangkatauhan sa mahabang panahon, matapos Niyang maranasan at masaksihan ang iba’t ibang paraan ng pamumuhay ng mga tao, ang mga karanasang ito ang naging kagamitan Niya sa pagtuturo na sa pamamagitan nito ay binago Niya ang Kanyang wikang pang-Diyos tungo sa wikang pantao. Mangyari pa, ang mga bagay na ito na nakita at narinig Niya sa buhay ay nagpayaman din sa karanasang pantao ng Anak ng tao. Kapag nais Niya noon na maunawaan ng mga tao ang ilang katotohanan, na maunawaan ang ilan sa kalooban ng Diyos, magagamit Niya ang mga talinghagang gaya ng mga nasa itaas upang sabihin sa mga tao ang tungkol sa kalooban ng Diyos at sa mga hinihingi Niya sa sangkatauhan. May kaugnayang lahat ang mga talinghagang ito sa mga buhay ng mga tao; wala ni isa man ang walang kaugnayan sa mga buhay ng tao. Nang namuhay ang Panginoong Jesus kasama ng sangkatauhan, nakita Niya ang mga magsasaka na inaalagaan ang kanilang mga bukirin, at nalaman Niya kung ano ang mga panirang damo at kung ano ang pagpapaalsa; naunawaan Niya na ibig ng mga tao ang kayamanan, kaya ginamit Niya pareho ang mga metapora ng kayamanan at ng perlas. Sa buhay, malimit Niyang makita ang mga mangingisda na naghahagis ng kanilang mga lambat; nakita ito ng Panginoong Jesus at ang iba pang mga aktibidad na nauugnay sa buhay ng tao, at naranasan din Niya ang gayong uri ng buhay. Gaya ng bawa’t iba pang normal na tao, naranasan Niya ang pang-araw-araw na mga gawaing pantao at ang kanilang pagkain nang tatlong beses sa isang araw. Personal Niyang naranasan ang buhay ng isang karaniwang tao, at namasdan ang mga buhay ng iba. Nang namasdan at personal Niyang naranasan ang lahat ng ito, ang inisip Niya ay hindi kung paano magkaroon ng magandang buhay o kung paano Siya makapamumuhay nang mas malaya at mas maginhawa. Sa halip, mula sa Kanyang mga karanasan ng tunay na buhay ng tao, nakita ng Panginoong Jesus ang paghihirap sa mga buhay ng mga tao. Nakita Niya ang paghihirap, ang kaabahan, at ang kalungkutan ng mga taong namumuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at namumuhay sa kasalanan sa ilalim ng katiwalian ni Satanas. Habang personal Niyang nararanasan ang buhay ng tao, naranasan din Niya kung gaano kahina ang mga taong namumuhay sa gitna ng katiwalian, at nakita at naranasan Niya ang miserableng mga kalagayan ng mga taong namuhay sa kasalanan, na nangaligaw sa gitna ng pagpapahirap na kung saan sila’y ipinasailalim ni Satanas at ng kasamaan. Nang nakita ng Panginoong Jesus ang mga bagay na ito, nakita ba Niya ang mga ito gamit ang Kanyang pagka-Diyos o ang Kanyang pagkatao? Tunay na umiral ang Kanyang pagkatao at buhay na buhay; mararanasan at makikita Niya ang lahat ng ito. Subali’t mangyari pa, nakita rin Niya ang mga bagay na ito sa Kanyang diwa, na siyang pagka-Diyos Niya. Ibig sabihin, si Cristo Mismo, ang Panginoong Jesus na tao noon, ay nakita ito, at ang lahat ng nakita Niya ay nakapagpadama sa Kanya ng kahalagahan at pangangailangan sa gawain na isinabalikat Niya sa panahong ito na namuhay Siya sa katawang-tao. Bagaman alam Niya Mismo na ang pananagutan na kailangan Niyang isabalikat sa katawang-tao ay napakalaki, at alam Niya kung gaano magiging malupit ang kirot na haharapin Niya, nang nakita Niya na ang sangkatauhan ay mahina sa kasalanan, nang nakita Niya ang kaabahan ng kanilang mga buhay at ang kanilang mahihinang pagpupunyagi sa ilalim ng kautusan, mas lalo pa Siyang nagdalamhati, at mas lalo pang nabalisa na mailigtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Anumang uri ng mga paghihirap ang Kanyang haharapin o anumang uri ng kirot ang Kanyang daranasin, mas lalo pa Siyang naging determinado na tubusin ang sangkatauhan, na namumuhay sa kasalanan. Sa panahon ng prosesong ito, masasabing nagsimulang maunawaan ng Panginoong Jesus nang mas lalo pang malinaw ang gawain na kinailangan Niyang gawin at na siyang ipinagkatiwala sa Kanya. Mas lalo rin Siyang naging sabik na tapusin ang gawain na Kanyang isasabalikat—na akuin ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan, na magbayad-sala para sa sangkatauhan upang hindi na sila mamuhay sa kasalanan, at kasabay nito, mapatatawad ng Diyos ang mga kasalanan ng tao dahil sa handog para sa kasalanan, nagpapahintulot sa Kanya na patuloy na isulong ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Masasabi na sa puso ng Panginoong Jesus, nakahanda Siya na ialay ang Kanyang sarili para sa sangkatauhan, na isakripisyo ang Kanyang sarili. Nakahanda rin Siya na magsilbi bilang handog para sa kasalanan, na mapako sa krus, at tunay na sabik Siyang matapos ang gawaing ito. Nang nakita Niya ang miserableng mga kalagayan ng buhay ng tao, mas lalo pa Niyang ninais na matupad ang Kanyang misyon sa lalong madaling panahon, nang walang pagkaantala kahit isang minuto o maging isang segundo. Habang nadarama ang gayong pangangailangan, hindi na Niya inisip kung gaano magiging matindi ang Kanyang sariling kirot, ni nagkimkim man ng anumang karagdagang pangamba tungkol sa kung gaano kalaking kahihiyan ang kakailanganin Niyang tiisin. Pinanghawakan Niya lang ang isang pananalig sa Kanyang puso: Hangga’t ialay Niya ang Kanyang sarili, hangga’t ipako Siya sa krus bilang isang handog para sa kasalanan, ang kalooban ng Diyos ay maisasakatuparan at magagawa ng Diyos na makapagpasimula ng panibagong gawain. Ang buhay ng sangkatauhan at ang kanilang kalagayan ng pag-iral sa kasalanan ay ganap na mababago. Ang Kanyang pananalig at kung ano ang pinagpasiyahan Niyang gawin ay may kaugnayan sa pagliligtas sa tao, at mayroon lang Siyang isang layunin, na gawin ang kalooban ng Diyos nang sa gayon ay matagumpay na maumpisahan ng Diyos ang susunod na yugto ng Kanyang gawain. Ito ang kung ano ang nasa isip ng Panginoong Jesus sa panahong iyon.

Habang namumuhay sa katawang-tao, nagtaglay ng normal na pagkatao ang Diyos na nagkatawang-tao; taglay Niya ang mga emosyon at ang pagkamakatuwiran ng isang normal na tao. Alam Niya kung ano ang kasiyahan, kung ano ang kirot, at nang nakita Niya ang sangkatauhan na namumuhay nang ganito, lubos Niyang nadama na ang pagbibigay lang sa mga tao ng ilang aral, ang pagtutustos sa kanila ng kung ano o ang pagtuturo sa kanila ng kung ano, ay hindi sasapat upang maakay silang palabas mula sa kasalanan. Ni ang mapasunod lang sila sa mga utos ay makatutubos sa kanila mula sa kasalanan—matatamo lang Niya bilang kapalit ang kalayaan ng sangkatauhan at ang kapatawaran ng Diyos para sa sangkatauhan kapag inako Niya ang kasalanan ng sangkatauhan at naging kawangis ng makasalanang laman. Kaya pagkatapos maranasan at masaksihan ng Panginoong Jesus ang mga buhay ng mga tao sa kasalanan, isang matinding pagnanais ang nahayag sa Kanyang puso—na tulutan ang mga tao na palayain ang kanilang mga sarili mula sa kanilang mga buhay ng pakikibaka sa kasalanan. Ang pagnanais na ito ang mas lalong nagpadama sa Kanya na dapat Siyang mapunta sa krus at akuin ang mga kasalanan ng sangkatauhan kaagad-agad at sa lalong madaling panahon. Ito ang mga kaisipan ng Panginoong Jesus sa panahong iyon, matapos Siyang mamuhay kasama ng mga tao at makita, marinig, at maramdaman ang paghihirap ng kanilang mga buhay sa kasalanan. Na makapagtataglay ang Diyos na nagkatawang-tao ng ganitong uri ng kalooban para sa sangkatauhan, na maipahahayag at maibubunyag Niya ang ganitong uri ng disposisyon—ito ba ay isang bagay na magagawang taglayin ng isang karaniwang tao? Ano ang makikita ng isang karaniwang tao, na namumuhay sa ganitong uri ng kapaligiran? Ano ang kanilang iisipin? Kung makaharap ng isang karaniwang tao ang lahat ng ito, titingnan ba nila ang mga suliranin mula sa isang mataas na pananaw? Siguradong hindi! Bagaman ang panlabas na kaanyuan ng Diyos na nagkatawang-tao ay parehong-pareho ng sa tao, at bagaman natututuhan Niya ang kaalamang pantao at nagsasalita ng wikang pantao, at minsan pa nga ay ipinapahayag Niya ang Kanyang mga ideya sa pamamagitan ng sariling mga pamamaraan o mga paraan ng pagsasalita ng sangkatauhan, gayunpaman, ang paraan kung paano Niya nakikita ang mga tao at ang diwa ng mga bagay-bagay ay lubos na hindi katulad ng kung paano nakikita ng mga tiwaling tao ang sangkatauhan at ang diwa ng mga bagay-bagay. Ang Kanyang pananaw at ang taas kung saan Siya nakatindig ay isang bagay na di- matatamo para sa isang tiwaling tao. Sapagka’t ang Diyos ay katotohanan, sapagka’t ang katawang-tao na suot Niya ay nagtataglay rin ng diwa ng Diyos, at ang Kanyang mga kaisipan at yaong ipinapahayag ng Kanyang pagkatao ay katotohanan din. Para sa mga tiwaling tao, ang Kanyang ipinapahayag sa katawang-tao ay mga pagtustos ng katotohanan, at ng buhay. Hindi lamang para sa isang tao ang mga pagtustos na ito, kundi para sa buong sangkatauhan. Sa puso ng sinumang tiwaling tao, mayroon lang mangilan-ngilang tao na nauugnay sa kanila. Iniingatan at pinagmamalasakitan lang nila ang iilang taong ito. Kapag abot-tanaw ang sakuna, una nilang iniisip ang sarili nilang mga anak, asawa, o mga magulang. Sa pinakamarami, ang isang mas mahabaging tao ay bahagyang mag-iisip para sa ilang kamag-anak o mabuting kaibigan, subali’t ang mga kaisipan ba ng maging gayong kamahabaging tao ay umaabot nang higit pa kaysa roon? Hindi, hindi kailanman! Sapagka’t ang mga tao, matapos ang lahat, ay mga tao, at matitingnan lang nila ang lahat mula sa taas at pananaw ng isang tao. Gayunpaman, lubos na naiiba sa isang taong tiwali ang Diyos na nagkatawang-tao. Kahit gaano man kaordinaryo, gaano man kanormal, gaano man kababa ang katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao, o kahit gaano man Siya hinahamak ng mga tao, ang Kanyang mga kaisipan at ang Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan ay mga bagay na hindi kayang taglayin ng sinumang tao, na walang sinumang tao ang makagagaya. Palagi Niyang pagmamasdan ang sangkatauhan mula sa pananaw ng pagka-Diyos, mula sa taas ng Kanyang posisyon bilang ang Lumikha. Palagi Niyang makikita ang sangkatauhan sa pamamagitan ng diwa at ng pag-iisip ng Diyos. Tiyak na hindi Niya makikita ang sangkatauhan mula sa baba ng isang karaniwang tao, o mula sa pananaw ng isang taong tiwali. Kapag tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan, ginagawa nila iyon gamit ang paninging pantao, at ginagamit nila ang mga bagay-bagay na gaya ng kaalamang pantao at mga patakaran at mga teoryang pantao bilang panukat. Nasa loob ito ng saklaw ng kung ano ang makikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata at ng saklaw na makakamtan ng mga taong tiwali. Kapag tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, tumitingin Siya gamit ang paninging pang-Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya bilang panukat. Kasama sa saklaw na ito ang mga bagay na hindi nakikita ng mga tao, at dito ganap na nagkakaiba ang Diyos na nagkatawang-tao at ang mga taong tiwali. Natutukoy ang pagkakaibang ito sa pamamagitan ng magkaibang mga diwa ng mga tao at ng Diyos—ang magkaibang mga diwang ito ang tumutukoy sa kanilang mga pagkakakilanlan at mga posisyon gayundin ang pananaw at ang taas mula sa kung saan nila nakikita ang mga bagay-bagay. Nakikita ba ninyo ang pagpapahayag at pagbubunyag ng Diyos Mismo sa Panginoong Jesus? Masasabi na kung ano ang ginawa at sinabi ng Panginoong Jesus ay may kinalaman sa Kanyang ministeryo at sa sariling gawaing pamamahala ng Diyos, na ang lahat ng ito ay pagpapahayag at pagbubunyag ng diwa ng Diyos. Bagaman nagkaroon Siya ng pantaong paghahayag, hindi maitatanggi ang Kanyang diwang pang-Diyos at ang pagbubunyag ng Kanyang pagka-Diyos. Ang pantaong paghahayag ba na ito ay talagang paghahayag ng pagkatao? Ang Kanyang pantaong paghahayag, sa pinakadiwa nito, ay lubos na naiiba sa pantaong paghahayag ng mga taong tiwali. Ang Panginoong Jesus ay Diyos na nagkatawang-tao. Kung talagang naging isa Siya sa karaniwan, tiwaling mga tao, makikita kaya Niya ang buhay ng sangkatauhan sa kasalanan mula sa pang-Diyos na pananaw? Siguradong hindi! Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng Anak ng tao at ng karaniwang mga tao. Namumuhay sa kasalanan ang lahat ng taong tiwali, at kapag nakakikita ng kasalanan ang sinuman, wala silang anumang partikular na damdamin ukol dito; pare-pareho silang lahat, gaya ng isang baboy na naninirahan sa putik na ni hindi man lang nakadarama ng pagkaasiwa o ng karumihan—sa kabaligtaran, nakakakain ito nang mabuti at nakatutulog nang mahimbing. Kung linisin ng sinuman ang kulungan ng baboy, talagang maasiwa ang baboy, at hindi ito mananatiling malinis. Hindi magtatagal, muli itong magpapagulung-gulong sa putik, na lubos na komportable, sapagka’t isang maruming nilalang ito. Nakikita ng mga tao ang mga baboy bilang marumi, nguni’t kung linisin mo ang mga tirahan ng baboy, hindi gumiginhawa ang pakiramdam nito—kaya walang nag-aalaga ng baboy sa kanilang bahay. Ang pagtingin ng mga tao sa mga baboy ay palaging magiging naiiba sa kung ano ang nararamdaman ng mga baboy mismo, sapagka’t hindi magkauri ang mga tao at ang mga baboy. At dahil hindi kauri ng mga taong tiwali ang nagkatawang-taong Anak ng tao, tanging ang Diyos na nagkatawang-tao ang makatatayo sa isang pang-Diyos na pananaw, sa taas ng Diyos, na kung saan ay nakikita Niya ang sangkatauhan at ang lahat ng bagay.

Ano naman kaya ang tungkol sa pagdurusa na nararanasan ng Diyos nang nagkakatawang-tao Siya at namumuhay kasama ng sangkatauhan? Ano ang pagdurusang ito? Nauunawaan ba talaga ng sinuman? Sinasabi ng ilang tao na ang Diyos ay nagdurusa nang husto, na bagaman Siya ang Diyos Mismo, hindi nauunawaan ng mga tao ang Kanyang diwa, bagkus ay waring palagi Siyang itinuturing na gaya ng isang tao, na nagpapadama sa Kanya na naagrabyado at nagawan ng mali—sinasabi nila na, sa mga kadahilanang ito, talagang matindi ang pagdurusa ng Diyos. Ang ibang mga tao naman ay nagsasabi na ang Diyos ay inosente at walang sala, subali’t nagdurusa Siyang gaya ng sangkatauhan, na dumaranas Siya ng pag-uusig, paninirang-puri, at mga pang-iinsulto sa piling ng sangkatauhan; sinasabi nilang tinitiis din Niya ang maling mga pagkaunawa at ang pagsuway ng Kanyang mga tagasunod—kaya, sinasabi nila na talagang hindi masusukat ang pagdurusa ng Diyos. Ngayon, tila ba hindi ninyo talaga nauunawaan ang Diyos. Sa katunayan, ang pagdurusang ito na inyong sinasabi ay hindi ibinibilang na tunay na pagdurusa para sa Diyos, sapagka’t may mas malaking pagdurusa kaysa rito. Kung gayon ay ano ang tunay na pagdurusa para sa Diyos Mismo? Ano ang tunay na pagdurusa para sa katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao? Para sa Diyos, hindi ibinibilang na pagdurusa ang hindi pagkaunawa sa Kanya ng sangkatauhan, at hindi rin ibinibilang na pagdurusa ang pagkakaroon ng mga tao ng ilang maling pagkaunawa sa Diyos at ang hindi pagtingin sa Kanya bilang Diyos. Gayunpaman, madalas na nadarama ng mga tao na ang Diyos ay tiyak na dumanas ng napakalaking kawalang-katarungan, na sa panahong nasa katawang-tao ang Diyos, hindi Niya maipakikita ang Kanyang persona sa sangkatauhan at tulutan ang mga tao na makita ang Kanyang kadakilaan, at na ang Diyos ay buong kababaang-loob na nagtatago sa isang walang halagang laman, at na tiyak na napakatinding pagpapahirap ito para sa Kanya. Isinasapuso ng mga tao kung ano ang nauunawaan nila at kung ano ang nakikita nila sa pagdurusa ng Diyos, at nagpapakita ng lahat ng uri ng simpatiya sa Diyos at madalas mag-aalay pa nga ng kaunting papuri para sa Kanyang pagdurusa. Sa realidad, mayroong pagkakaiba; mayroong agwat sa pagitan ng kung ano ang nauunawaan ng mga tao sa pagdurusa ng Diyos at ng kung ano ang Kanyang tunay na nararamdaman. Sinasabi Ko sa inyo ang katotohanan—para sa Diyos, maging ito man ang Espiritu ng Diyos o ang katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi tunay na pagdurusa ang pagdurusang isinalarawan sa itaas. Kung gayon ay ano ba ang tunay na dinaranas ng Diyos? Pag-usapan natin ang tungkol sa pagdurusa ng Diyos mula lamang sa pananaw ng Diyos na nagkatawang-tao.

Nang nagkakatawang-tao ang Diyos, nagiging isang karaniwan, normal na tao, namumuhay kapiling ng mga taong kabilang sa sangkatauhan, hindi ba Niya makikita at mararamdaman ang mga pamamaraan, mga kautusan, at mga pilosopiya ng mga tao para mabuhay? Ano ang ipinadarama sa Kanya ng mga pamamaraan at mga kautusang ito para mabuhay? Nakadarama ba Siya ng pagkasuklam sa Kanyang puso? Bakit Siya masusuklam? Anu-ano ba ang mga pamamaraan at mga kautusan ng sangkatauhan para mabuhay? Sa anong mga prinsipyo ba ang mga ito nag-uugat? Ano ang batayan ng mga ito? Ang mga pamamaraan, mga kautusan, at ang iba pa ng sangkatauhan na yamang nauugnay sa paraan para mabuhay—ang lahat ng ito ay nilikha batay sa lohika, kaalaman, at pilosopiya ni Satanas. Ang mga taong nabubuhay sa ilalim ng ganitong uri ng mga kautusan ay walang pagkatao, walang katotohanan—sinasalungat nilang lahat ang katotohanan at mga laban sa Diyos. Kung titingnan natin ang diwa ng Diyos, makikita natin na ang Kanyang diwa ay ang eksaktong kabaligtaran ng lohika, kaalaman, at pilosopiya ni Satanas. Ang Kanyang diwa ay puno ng katuwiran, katotohanan, at kabanalan, at iba pang mga realidad ng lahat ng positibong bagay. Ano ang nararamdaman ng Diyos, na taglay ang diwang ito at namumuhay kasama ng gayong sangkatauhan? Ano ang nararamdaman Niya sa Kanyang puso? Hindi ba ito puno ng kirot? Nasasaktan ang Kanyang puso, isang kirot na walang sinumang tao ang makauunawa o makararanas. Sapagka’t ang lahat ng Kanyang kinakaharap, nasasagupa, naririnig, nakikita, at nararanasan ay lahat katiwalian, kasamaan ng sangkatauhan, at ang kanilang pagsuway at paglaban sa katotohanan. Ang lahat ng nanggagaling sa mga tao ay ang pinagmumulan ng Kanyang pagdurusa. Ibig sabihin, sapagka’t ang Kanyang diwa ay hindi katulad ng mga taong tiwali, ang katiwalian ng mga tao ang nagiging sanhi ng Kanyang pinakamalaking pagdurusa. Nang nagiging tao ang Diyos, nagagawa ba Niyang makahanap ng isang tao na may wikang tulad ng sa Kanya? Hindi masusumpungan ang gayong tao sa sangkatauhan. Walang masusumpungan na kayang makipagtalastasan o kayang magkaroon ng ganitong pakikipagpalitan sa Diyos—anong uri ng damdamin ang masasabi mong mayroon ang Diyos ukol dito? Ang mga bagay-bagay na tinatalakay ng mga tao, iniibig, hinahangad at inaasam-asam ay lahat may kinalaman sa kasalanan at masasamang hilig. Kapag kinakaharap ng Diyos ang lahat ng ito, hindi ba ito parang isang patalim sa Kanyang puso? Yamang nahaharap sa ganitong mga bagay, magagawa ba Niyang magkaroon ng kagalakan sa Kanyang puso? Makasusumpong ba Siya ng kaaliwan? Yaong namumuhay kasama Niya ay mga taong puno ng pagiging-mapanghimagsik at kasamaan—paanong hindi magdurusa ang Kanyang puso? Gaano ba talaga kalaki ang pagdurusang ito, at sino ang may pakialam dito? Sino ang nagbibigay-pansin? At sino ang makapagpapahalaga rito? Walang paraan upang maunawaan ng mga tao ang puso ng Diyos. Ang Kanyang pagdurusa ay isang bagay na partikular na hindi magagawang pahalagahan ng mga tao, at ang pagiging-malamig at manhid ng sangkatauhan ang lalo pang nagpapasidhi ng pagdurusa ng Diyos.

Mayroong ilang tao na madalas nakikisimpatiya sa kalagayan ni Cristo sapagka’t may isang talata sa Biblia na nagsasabing: “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang Kaniyang ulo.” Kapag naririnig ito ng mga tao, isinasapuso nila ito at naniniwala na ito ang pinakamalaking pagdurusa na tinitiis ng Diyos, at ang pinakamalaking pagdurusa na tinitiis ni Cristo. Ngayon, kung titingnan ito mula sa pananaw ng mga katunayan, ganoon nga ba? Hindi; hindi naniniwala ang Diyos na ang mga paghihirap na ito ay pagdurusa. Hindi Siya kailanman nagsumigaw laban sa kawalang-katarungan dahil sa Kanyang mga paghihirap sa katawang-tao, at hindi Niya kailanman hiningi sa mga tao na magbayad o gantimpalaan Siya ng anumang bagay. Gayunpaman, nang Kanyang nasasaksihan ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan at ang tiwaling mga buhay at ang kasamaan ng mga taong tiwali, nang Kanyang nasasaksihan na ang sangkatauhan ay nasa hawak ni Satanas at ibinilanggo ni Satanas at hindi makatatakas, na ang mga taong namumuhay sa kasalanan ay hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, hindi Niya kayang kunsintihin ang lahat ng kasalanang ito. Ang Kanyang pagkasuklam sa mga tao ay nadaragdagan araw-araw, nguni’t kailangan Niyang tiisin ang lahat ng ito. Ito ang matinding pagdurusa ng Diyos. Hindi lubusang maipahahayag ng Diyos kahit na ang tinig ng Kanyang puso o ang Kanyang mga emosyon sa Kanyang mga tagasunod, at walang sinuman sa Kanyang mga tagasunod ang tunay na nakakaunawa sa Kanyang pagdurusa. Walang sinuman ang nagtatangka man lamang na unawain o aliwin ang Kanyang puso, na tinitiis ang pagdurusang ito araw-araw, taun-taon, at nang paulit-ulit. Ano ang inyong nakikita sa lahat ng ito? Hindi humihingi ang Diyos sa mga tao ng anumang kapalit para sa kung ano ang Kanyang naibigay na, nguni’t dahil sa diwa ng Diyos, tiyak na hindi Niya magagawang kunsintihin ang kasamaan, katiwalian, at kasalanan ng sangkatauhan, bagkus ay nakararamdam ng ibayong pagkasuklam at pagkamuhi, na nagdudulot sa puso ng Diyos at sa Kanyang katawang-tao ng pagtitiis sa walang katapusang pagdurusa. Nakita na ba ninyo ito? Malamang, walang nakakikita sa inyo nito, sapagka’t walang sinuman sa inyo ang tunay na nakauunawa sa Diyos. Sa paglipas ng panahon, dapat na unti-unting maranasan ninyo mismo ito.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Inirerekomenda para sa iyo:

Mag-iwan ng Tugon