Magpatawad nang Makapitongpung Pitong Beses at ang Pag-ibig ng Panginoon
Magpatawad nang Makapitongpung Pitong Beses
Mateo 18:21–22 Nang magkagayo’y lumapit si Pedro at sinabi sa Kanya, “Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya’y aking patatawarin? Hanggang sa makapito?” Sinabi sa kanya ni Jesus, “hindi Ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito; kundi hanggang sa makapitongpung pito.”
Ang Pag-ibig ng Panginoon
Mateo 22:37–39 At sinabi sa kanya, “Dapat ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pang-unang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, dapat ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
Sa dalawang talatang ito, nagpapahayag ang isa ng pagpapatawad at nagpapahayag naman ang isa ng pag-ibig. Talagang itinatampok ng dalawang paksang ito ang gawain na ninais isakatuparan ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya.
Nang naging tao ang Diyos, dinala Niyang kasama Niya ang isang yugto ng Kanyang gawain, na siyang partikular na mga gawain at ang disposisyon na ninais Niyang ipahayag sa kapanahunang ito. Sa panahong iyon, umikot ang lahat ng bagay na ginawa ng Anak ng tao sa gawain na ninais isakatuparan ng Diyos sa kapanahunang ito. Hindi Siya gagawa nang labis at nang kulang. Ang bawat isang bagay na Kanyang sinabi at bawat uri ng gawain na Kanyang isinakatuparan ay may kaugnayang lahat sa kapanahunang ito. Kung ipinahayag man Niya ito sa paraan ng tao nang may wika ng tao o sa pamamagitan ng wikang maka-Diyos, at kahit na alinmang paraan, o mula sa alinmang pananaw Niya ginawa iyon, ang Kanyang mithiin ay upang tulungan ang mga tao na maunawaan kung ano ang ninais Niyang gawin, kung ano ang Kanyang kalooban, at kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao noon. Maaari Siyang gumamit ng iba’t ibang mga pamamaraan at magkakaibang mga pananaw upang tulungan ang mga tao na maunawaan at malaman ang Kanyang kalooban, at upang maunawaan ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Kaya sa Kapanahunan ng Biyaya ay makikita natin ang Panginoong Jesus na kadalasang gumagamit ng wika ng tao upang ipahayag ang ninais Niyang ipagbigay-alam sa sangkatauhan. Higit pa rito, nakikita natin Siya mula sa pananaw ng isang karaniwang patnubay na nakikipag-usap sa mga tao, tinutustusan ang kanilang mga pangangailangan, at tinutulungan sila sa kung ano ang kanilang hiniling. Hindi nakita ang paraang ito ng paggawa sa Kapanahunan ng Kautusan na dumating bago ang Kapanahunan ng Biyaya. Naging mas malapit at naging mas mahabagin Siya sa sangkatauhan, gayundin ay mas nagagawang magtamo ng praktikal na mga resulta kapwa sa anyo at sa pamamaraan. Ang metapora tungkol sa pagpapatawad sa mga tao nang makapitongpung pitong beses ay talagang nililinaw ang puntong ito. Ang layon na natamo ng bilang sa metaporang ito ay upang tulutan ang mga tao na maunawaan ang layunin ng Panginoong Jesus sa panahong sinabi Niya ito. Ang Kanyang layunin ay na dapat magpatawad ang mga tao sa iba—hindi isa o dalawang beses, at hindi rin nang pitong beses, kundi makapitongpung pito. Anong uri ng ideya ang nakapaloob sa ideya ng “makapitongpung pito”? Ito ay upang maging sanhi na gawing sariling pananagutan ng mga tao ang pagpapatawad, isang bagay na dapat nilang matutuhan, at isang “landas” na kung saan dapat silang manatili. Bagaman ito ay isa lang metapora, ginamit ito upang itampok ang isang mahalagang punto. Nakatulong ito sa mga tao na lubos na pahalagahan kung ano ang ibig Niyang sabihin at na hanapin ang wastong mga pamamaraan ng pagsasagawa at ang mga prinsipyo at mga pamantayan ng pagsasagawa. Nakatulong ang metaporang ito sa mga tao na malinaw na makaunawa at nagbigay sa kanila ng tamang konsepto—na dapat silang matutong magpatawad at magpatawad nang kahit ilang beses nang walang mga kondisyon, bagkus ay may saloobin ng pagpapaubaya at pag-unawa para sa iba. Nang sinabi ito ng Panginoong Jesus, ano ang nasa puso Niya? Talaga bang iniisip Niya ang bilang na “makapitongpung pito”? Hindi, hindi Niya iniisip. Mayroon bang dami ng beses na magpapatawad ang Diyos sa tao? Maraming tao ang totoong interesado sa “dami ng beses” na nabanggit dito, na nais talagang maunawaan ang pinagmulan at ang kahulugan ng bilang na ito. Nais nilang maunawaan kung bakit lumabas sa bibig ng Panginoong Jesus ang bilang na ito; naniniwala sila na mayroong mas malalim na pakahulugan sa bilang na ito. Subalit sa katunayan, ito ay tayutay lang ng tao na ginamit ng Diyos. Anumang pagpapahiwatig o kahulugan ay dapat na maintindihan kasama ng mga hinihingi ng Panginoong Jesus sa sangkatauhan. Nang hindi pa naging tao ang Diyos, hindi masyadong naunawaan ng mga tao ang Kanyang sinabi, sapagkat nanggaling ang Kanyang mga salita sa ganap na pagka-Diyos. Ang pananaw at ang konteksto ng Kanyang sinabi ay hindi nakikita at hindi naaabot ng sangkatauhan; ipinahayag ito mula sa espirituwal na dako na hindi nakikita ng mga tao. Para sa mga taong nabuhay sa laman, hindi nila kayang bagtasin ang espirituwal na dako. Subalit pagkatapos maging tao ng Diyos, nagsalita Siya sa sangkatauhan mula sa pananaw ng pagkatao, at Siya ay lumabas at hinigitan ang saklaw ng espirituwal na dako. Kaya Niyang ipahayag ang Kanyang maka-Diyos na disposisyon, kalooban, at saloobin sa pamamagitan ng mga bagay na maiisip ng mga tao, mga bagay na kanilang nakita at nakaharap sa kanilang mga buhay, at gamit ang mga pamamaraan na matatanggap ng mga tao, sa wika na kanilang mauunawaan, at nang may kaalaman na kanilang maiintindihan, upang tulutan ang sangkatauhan na maunawaan at makilala ang Diyos, upang maintindihan ang Kanyang layunin at ang Kanyang hinihinging mga pamantayan sa loob ng saklaw ng kanilang kakayahan at sa antas na kanilang makakaya. Ito ang pamamaraan at prinsipyo ng gawain ng Diyos sa pagkatao. Bagaman ang mga pamamaraan ng Diyos at ang Kanyang mga prinsipyo ng paggawa sa katawang-tao ay karamihang nakamit gamit ang o sa pamamagitan ng pagkatao, totoong nakapagtamo ito ng mga resulta na hindi matatamo sa pamamagitan ng tuwirang paggawa sa pagka-Diyos. Ang gawain ng Diyos sa pagkatao ay higit na kongkreto, tunay, at nakatuon, lalong higit na naibabagay ang mga pamamaraan, at hinigitan nito sa anyo ang gawaing isinakatuparan sa Kapanahunan ng Kautusan.
Sunod, pag-usapan natin ang tungkol sa pag-ibig sa Panginoon at pag-ibig sa kapwa gaya ng iyong sarili. Ito ba ay isang bagay na tuwirang ipinahahayag sa pagka-Diyos? Hindi, malinaw na hindi! Lahat ng ito ay mga bagay na sinabi ng Anak ng tao sa pagkatao; mga tao lamang ang magsasabi ng isang bagay gaya ng “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili,” at “Ibigin ang kapwa gaya ng pagtatangi mo sa sarili mong buhay.” Eksklusibo sa tao ang ganitong pamamaraan ng pagsasalita. Hindi kailanman nagsalita sa ganitong paraan ang Diyos. Sa paanuman, hindi taglay ng Diyos ang ganitong uri ng wika sa Kanyang pagka-Diyos sapagkat hindi Niya kailangan ang ganitong uri ng prinsipyo, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili,” upang isaayos ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan ay isang likas na paghahayag ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Kailan pa ninyo narinig na nagsabi ang Diyos ng anumang gaya ng: “Iniibig Ko ang sangkatauhan gaya ng pag-ibig Ko sa Aking Sarili”? Hindi pa ninyo narinig, sapagkat nasa diwa ng Diyos ang pag-ibig at nasa kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan, at ang Kanyang saloobin, at ang paraan ng Kanyang pagtrato sa mga tao ay mga likas na pagpapahayag at pagbubunyag ng Kanyang disposisyon. Hindi Niya kailangang gawin ito nang sadya sa isang partikular na paraan, o sadyang sundin ang isang partikular na pamamaraan o isang pamantayang moral upang matamo ang pag-ibig Niya sa kapwa gaya sa sarili Niya—tinataglay na Niya ang ganitong uri ng diwa. Ano ang nakikita mo rito? Nang gumawa ang Diyos sa pagkatao, marami sa Kanyang mga pamamaraan, mga salita, at mga katotohanan ay ipinahayag sa paraan ng tao. Subalit kasabay nito, ang disposisyon ng Diyos, ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at ang Kanyang kalooban ay ipinahayag upang malaman at maunawaan ng mga tao. Ang kanilang nalaman at naunawaan ay ang Kanya mismong diwa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na kumakatawan sa likas na pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo. Ibig sabihin, ipinahayag ng Anak ng tao sa katawang-tao ang likas na disposisyon at diwa ng Diyos Mismo sa abot ng makakaya at nang tumpak hangga’t maaari. Hindi lang sa hindi isang balakid o isang hadlang ang pagkatao ng Anak ng tao sa komunikasyon at pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos sa langit, bagkus ay ito lang talaga ang paraan at ang tanging tulay para sa sangkatauhan upang makipag-ugnayan sa Panginoon ng paglikha. Ngayon, sa puntong ito, hindi ba ninyo nararamdaman na maraming pagkakatulad sa pagitan ng kalikasan at sa mga pamamaraan ng gawain na ginawa ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya at sa kasalukuyang yugto ng gawain? Gumagamit din ang kasalukuyang yugto ng gawaing ito ng napakaraming wika ng tao upang ipahayag ang disposisyon ng Diyos, at ng napakaraming wika at pamamaraan mula sa pang-araw-araw na buhay ng sangkatauhan at kaalaman ng tao upang ipahayag ang kalooban ng Diyos Mismo. Sa sandaling maging tao ang Diyos, nagsasalita man Siya mula sa pananaw ng isang tao o sa pananaw ng isang Diyos, marami sa Kanyang wika at mga pamamaraan ng pagpapahayag ay nagmumula sa paraan ng wika at mga pamamaraan ng tao. Ibig sabihin, nang maging tao ang Diyos, ito ang pinakamainam na pagkakataon upang makita mo ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos at ang Kanyang karunungan, at upang malaman ang bawat tunay na aspeto ng Diyos. Nang naging tao ang Diyos, habang lumalaki Siya, naunawaan, natutuhan, at naintindihan Niya ang ilan sa mga kaalaman ng sangkatauhan, sentido kumon, wika, at mga pamamaraan ng pagpapahayag sa pagkatao. Tinaglay ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga bagay na ito na nanggaling sa mga tao na Kanyang nilikha. Naging mga kasangkapan ang mga ito ng Diyos na nasa katawang-tao para sa pagpapahayag ng Kanyang disposisyon at ng Kanyang pagka-Diyos, at nagtulot sa Kanya upang gawin ang Kanyang gawain na mas naaangkop, mas tunay, at mas tumpak nang Siya ay gumagawa sa kalagitnaan ng sangkatauhan, mula sa pananaw ng isang tao at gamit ang wika ng tao. Ginawa nito ang Kanyang gawain na mas naaabot at mas madaling nauunawaan ng mga tao, sa gayon ay natatamo ang mga resultang ninais ng Diyos. Hindi ba higit na praktikal para sa Diyos na gumawa sa katawang-tao sa ganitong paraan? Hindi ba ito ang karunungan ng Diyos? Kapag nagkatawang-tao na ang Diyos, kapag naisabalikat na ng katawang-tao ng Diyos ang gawain na ninais Niyang isakatuparan, iyon ay kung kailan Niya praktikal na ipahahayag ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang gawain, at iyon rin ang panahon na maaari na Niyang opisyal na simulan ang Kanyang ministeryo bilang Anak ng tao. Nangangahulugan ito na wala nang “agwat ng salinlahi” sa pagitan ng Diyos at ng tao, na malapit nang itigil ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagbibigay-alam sa pamamagitan ng mga sugo, at na maaaring ipahayag nang personal ng Diyos Mismo ang lahat ng salita at gawain na ninais Niyang ipahayag sa katawang-tao. Nangangahulugan din ito na ang mga taong inililigtas ng Diyos ay naging mas malapit sa Kanya, na ang Kanyang gawain ng pamamahala ay nakapasok sa isang bagong teritoryo, at na malapit nang harapin ng buong sangkatauhan ang isang bagong panahon.
Nalalaman ng lahat ng nakabasa na sa Bibliya na maraming bagay ang nangyari nang ipanganak ang Panginoong Jesus. Ang pinakamatindi sa mga pangyayaring iyon ay nang tinutugis Siya ng hari ng mga diyablo, na isang napakalubhang pangyayari na anupa’t ang lahat ng bata sa bayan na edad dalawang taon pababa ay pinagpapatay. Maliwanag na sinuong ng Diyos ang napakalaking panganib sa pagkakatawang-tao kasama ng mga tao; maliwanag din ang napakalaking halaga na Kanyang binayaran para sa pagtatapos ng Kanyang pamamahala sa pagliligtas sa sangkatauhan. Maliwanag din ang dakilang mga pag-asa na pinanghawakan ng Diyos para sa Kanyang gawain sa gitna ng sangkatauhan sa katawang-tao. Nang magawa ng katawang-tao ng Diyos na gumawa kasama ng sangkatauhan, ano ang Kanyang naramdaman? Dapat na maunawaan ng mga tao iyon kahit papaano, hindi ba? Ano’t anuman, masaya ang Diyos sapagkat maaari na Niyang simulang isakatuparan ang Kanyang bagong gawain sa sangkatauhan. Nang nabautismuhan ang Panginoong Jesus at opisyal na sinimulan ang Kanyang gawain upang tuparin ang Kanyang ministeryo, napuno ng kagalakan ang puso ng Diyos dahil pagkatapos ng napakaraming taon ng paghihintay at paghahanda, maisusuot na Niya sa wakas ang katawang-tao ng isang normal na tao at masisimulan ang Kanyang bagong gawain sa anyo ng isang tao na may laman at dugo, na maaaring makita at mahawakan ng mga tao. Sa wakas ay maaari na Siyang makipag-usap nang harap-harapan at masinsinan sa mga tao sa pamamagitan ng pagkakakilanlan ng isang tao. Sa wakas ay maaari nang humarap ang Diyos nang mukhaan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga paraan ng tao at wika ng tao; maaari na Niyang tustusan ang sangkatauhan, liwanagan sila, at tulungan sila gamit ang wika ng tao; maaari na Siyang kumain sa parehong hapag at mamuhay sa parehong lugar kasama sila. Maaari na rin Niyang makita ang mga tao, makita ang mga bagay, at makita ang lahat gaya ng kung paano nakikita ng mga tao ang mga ito at maging sa pamamagitan ng kanilang sariling mga mata. Para sa Diyos, ito na ang Kanyang unang tagumpay sa Kanyang gawain sa katawang-tao. Masasabi rin na ito ay katuparan ng isang dakilang gawain—ito mangyari pa ang lubos na ikinaliligaya ng Diyos. Simula noon, nadama ng Diyos, sa unang pagkakataon, ang isang uri ng kaaliwan sa Kanyang gawain sa sangkatauhan. Ang lahat ng mga kaganapang nangyari ay totoong praktikal at talagang likas, at ang kaaliwan na naramdaman ng Diyos ay napakatotoo. Para sa sangkatauhan, sa tuwing naisasakatuparan ang isang bagong yugto ng gawain ng Diyos, at sa tuwing nakararamdam ng kasiyahan ang Diyos, ay kung kailan maaaring mas mapalapit ang sangkatauhan sa Diyos at sa kaligtasan. Sa Diyos, ito rin ang paglulunsad ng Kanyang bagong gawain, sumusulong sa Kanyang plano ng pamamahala, at, higit pa rito, ito ang mga pagkakataon kung kailan ang Kanyang mga layunin ay nalalapit sa ganap na katuparan. Para sa sangkatauhan, mapalad ang pagdating ng gayong pagkakataon, at talagang mabuti; para sa lahat ng naghihintay sa pagliligtas ng Diyos, ito ay napakahalaga at nakagagalak na balita. Kapag isinasakatuparan ng Diyos ang isang bagong yugto ng gawain, mayroon Siyang isang bagong pasimula, at kapag inilunsad at ipinakilala ang bagong gawain at bagong pasimulang ito sa sangkatauhan, ito ay kung kailan natiyak na ang kalalabasan ng yugtong ito ng gawain at natapos na at nakita na ng Diyos ang panghuling epekto at bunga. Ito rin ay kung kailan mapalulugod ng mga epektong ito ang Diyos, at, mangyari pa, ito ay kung kailan masaya ang Kanyang puso. Panatag ang Diyos dahil, sa mga mata Niya, nakita at natukoy na Niya ang mga tao na Kanyang hinahanap, at nakamit na ang pangkat na ito ng tao, isang pangkat na magagawang maging matagumpay ang Kanyang gawain at magdudulot sa Kanya ng kaluguran. Kaya naman, isinasantabi Niya ang Kanyang mga pag-aalala, at nakararamdam Siya ng kasiyahan. Sa madaling salita, kapag ang katawang-tao ng Diyos ay makapagsisimula ng bagong gawain kasama ng tao, at sinimulan Niya, nang walang hadlang, na gawin ang gawain na dapat Niyang gawin, at kapag nararamdaman na Niyang natapos na ang lahat, kung gayon ay para sa Kanya, nakikita na Niya ang katapusan. Nasisiyahan Siya dahil dito, at masaya ang Kanyang puso. Paano naipahahayag ang kasiyahan ng Diyos? Naiisip ba ninyo kung ano kaya ang sagot? Maaari bang umiyak ang Diyos? Makaiiyak ba ang Diyos? Maipapalakpak ba ng Diyos ang Kanyang mga kamay? Makasasayaw ba ang Diyos? Makaaawit ba ang Diyos? Kung gayon, ano kayang aawitin Niya? Mangyari pa, makaaawit ang Diyos ng isang maganda, nakaaantig na awit, isang awit na kayang ipahayag ang galak at kasiyahan sa Kanyang puso. Magagawa Niyang awitin ito para sa sangkatauhan, para sa Kanya Mismo, at para sa lahat ng bagay. Maipapahayag sa anumang paraan ang kasiyahan ng Diyos—normal ang lahat ng ito sapagkat may mga kagalakan at mga kalungkutan ang Diyos, at ang Kanyang iba’t ibang damdamin ay maipahahayag sa iba’t ibang paraan. Ito ay Kanyang karapatan, at wala nang ibang mas normal at wasto. Hindi na dapat mag-isip ng anupaman dito ang mga tao. Hindi ninyo dapat subukang gamitin ang “orasyon sa paghihigpit ng benda”[a] sa Diyos, na sinasabi sa Kanya na hindi Niya dapat gawin ang ganito o ganoon, hindi Siya dapat kumilos nang ganito o ganoon, at sa paraang ito ay limitahan ang Kanyang kasiyahan o anumang damdaming maaaring mayroon Siya. Sa puso ng mga tao ang Diyos ay hindi magagawang maging masaya, hindi makaluluha, hindi makatatangis—hindi Niya magagawang magpahayag ng anumang emosyon. Sa pamamagitan ng ipinagbigay-alam na natin sa loob ng dalawang pagbabahaging ito, naniniwala Ako na hindi na ninyo titingnan ang Diyos sa ganitong paraan, bagkus ay hahayaan ang Diyos na magkaroon ng kaunting kalayaan at kaginhawahan. Napakainam na bagay ito. Sa hinaharap kung magagawa ninyong tunay na maramdaman ang kalungkutan ng Diyos kapag narinig ninyong malungkot Siya, at nagagawa ninyong tunay na maramdaman ang Kanyang kasiyahan kapag narinig ninyong masaya Siya, kung gayon kahit papaano ay magagawa ninyong malaman at maunawaan nang malinaw kung ano ang nakapagpapasaya sa Diyos at kung ano ang nakapagpapalungkot sa Kanya. Kapag nalulungkot ka dahil malungkot ang Diyos, at sumasaya dahil masaya ang Diyos, makakamit na Niya nang lubos ang iyong puso at wala nang magiging anumang hadlang sa pagitan mo at sa Kanya. Hindi mo na susubukang limitahan ang Diyos sa mga guni-guni, mga kuru-kuro, at kaalaman ng tao. Sa panahong iyon, ang Diyos ay magiging buhay at masigla sa iyong puso. Siya ang magiging Diyos ng iyong buhay at ang Panginoon ng lahat ng tungkol sa iyo. Mayroon ba kayong ganitong uri ng paghahangad? Nagtitiwala ka ba na matatamo mo ito?
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
Talababa:
a. Ang “orasyon sa paghihigpit ng benda” ay isang orasyon na ginagamit ng mongheng si Tang Sanzang sa nobelang Chinese na Journey to the West. Ginagamit niya ang orasyong ito para pigilan si Sun Wukong sa pamamagitan ng paghihigpit ng isang bendang bakal sa palibot ng ulo ng huli, na nagbibigay rito ng matitinding sakit ng ulo kaya nakokontrol niya ito. Naging isang metapora ito para ilarawan ang isang bagay na gumagapos sa isang tao.