Menu

Napakaliwanag at Napakaaliwalas ng Langit sa Araw na Iyon (Unang Bahagi)

Dati akong mananampalataya sa Three-Self Church sa China. Nang una akong magsimulang sumali sa mga pagtitipon, madalas sabihin sa amin ng mga pastor na, “Mga kapatid, nakatala sa Biblia na, ‘Sapagka’t ang tao’y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas’ (Roma 10:10). Napawalang-sala na tayo dahil sa ating pananampalataya, at dahil naniniwala tayo kay Jesus, tayo ay naligtas na. Kung naniwala tayo sa iba pang bagay, hindi tayo maliligtas….” Palagi kong isinasaisip ang mga salitang ito na sinambit ng mga pastor. Inudyukan ako ng mga ito nang masigasig akong nagsikap at aktibong dumalo sa mga pagtitipon, na naghihintay na dumating ang Panginoon at tanggapin ako sa kaharian ng langit. Nang maglaon, sunud-sunod na paglabag sa batas ang nagawa sa iglesia, at dahil dito ay nagsimula akong magsawa sa mga pagtitipon doon. Hindi lamang watak-watak ang mga pastor, na bawat isa ay sinusubukang mangibabaw sa iba at magtatag ng sarili nilang lupain, kundi maging ang mga sermon na ibinigay ng mga pastor ay napilitang umayon sa mga patakaran ng United Front Work Department (UFWD). Hindi tinulutan ng UFWD ang aming mga pastor na mangaral mula sa Aklat ng Pahayag dahil sa takot na “mag-udyok ito ng kaguluhan sa mga tao,” kaya nga, hindi sila nangaral mula sa Aklat ng Pahayag. Madalas mangaral ang mga pastor tungkol sa mga donasyon, na sinasabing kapag mas maraming ibinigay na donasyon ang isang tao, mas maraming pagpapala ang matatanggap nila mula sa Diyos. Nang makita ko ang iglesia sa ganitong kalagayan, nalito ako: Paano nagkaganito ang iglesia? Hindi ba nanalig ang mga pastor sa Panginoon? Bakit hindi nila sinunod ang salita ng Panginoon? Bakit wala sila ni katiting na pagpipitagan sa Panginoon? Mula noon, hindi ko na ginustong magpunta sa mga pagtitipon sa Three-Self Church dahil naramdaman ko na hindi sila totoong nanalig sa Diyos, at na sila ay mga bulaang pastol na nagkunwang nananalig sa Diyos upang makuha ang perang pinaghirapang kitain ng mga kapatid.

Noong huling bahagi ng 1995, walang-pag-aalinlangang tumalikod ako sa iglesia at sumapi sa isang bahay-iglesia (ang Sola Fide Church). Noong una, akala ko ay hindi sakop ng mga paghihigpit ng pamahalaan ng bansa ang kanilang mga sermon, at isinama pa nila ang Aklat ng Pahayag sa kanilang mga sermon at tinalakay ang mga huling araw, ang pagbabalik ng Panginoon, at kung anu-ano pa. Kaya inakala ko na mas maganda ang kanilang pangangaral kaysa sa mga pastor sa Three-Self Church, at na mas masayang dumalo sa mga pagtitipon dito kumpara sa mga pagtitipon sa Three-Self Church kaya masayang-masaya ako. Ngunit makalipas ang kaunting panahon, natuklasan ko na sa mga kapwa-manggagawa rito, mayroon ding ilang nag-away-away dahil sa inggit at lumikha ng mga grupu-grupo. Wala ni isa sa mga kapatid ang sumusunod noon sa mga ipinagagawa ng Panginoon, at hindi sila mapagmahal na katulad noon…. Nang makita ko na wala talagang ipinagkaiba ang iglesiang ito sa Three-Self Church, lungkot na lungkot ako, ngunit hindi ko rin alam kung saan ako maaaring makatagpo ng isang iglesia na may gawain ng Banal na Espiritu. Sa kawalan ng mas mainam na pagpipilian, ang tangi ko lang magagawa noon ay manatiling kaanib ng Sola Fide Church, kaya nga patuloy akong dumalo sa kanilang mga pagtitipon. Sinabi ng lahat ng pastor at mangangaral na “kapag naligtas nang minsan, naligtas nang palagian” at “hangga’t nagtitiis ka hanggang wakas, nagpapagod at gumagawa para sa Panginoon at patuloy na tumatahak sa landas ng Panginoon, magagawa mong pumasok sa kaharian ng langit.” Kaya naisip ko sa sarili ko noon: “Anuman ang mangyari sa ibang mga tao, basta’t masigasig akong sumasampalataya sa Panginoong Jesus at hindi ako lumilihis mula sa landas ng Panginoon, kapag bumalik ang Panginoon magkakaroon ako ng pagkakataon na madala sa kaharian ng langit.”

sky-was-especially-clear-and-sunny

Sa isang kisap-mata malapit nang matapos ang 1997, at ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos ay nakarating na sa amin, at nagkagulo sa aming iglesia. Sabi sa amin ng aming pinunong si Li, “Sa panahong ito isang grupo ang lumitaw na nagpapalaganap ng Kidlat ng Silanganan, ninanakaw ang mabubuting tupa mula sa iba’t ibang denominasyon, at sinasabi nila na nagbalik na ang Panginoong Jesus at isinasakatuparan Niya ang isang bagong yugto ng gawain. Ipinako sa krus ang Panginoong Jesus para sa atin, at ipinalit ang Kanyang buhay upang tubusin tayo. Tayo ay naligtas na. Kailangan lang nating magtiis hanggang wakas, at kapag nagbalik ang Panginoon siguradong madadala tayo sa kaharian ng langit. Samakatwid ay kailangan tayong mag-ingat, at talagang hindi natin maaaring tanggapin ang mga taong ito sa Kidlat ng Silanganan. Sinuman ang tumanggap sa kanila ay matitiwalag sa iglesia! Gayundin, kailangan mong tiyakin na hindi ka makinig sa anumang sasabihin nila, at kailangan mong tiyakin na hindi basahin ang kanilang mga aklat….” Mukhang pinag-uusapan ng mga kapwa-manggagawa sa lahat ng antas ang mga bagay na ito sa halos bawat pagtitipon. Pagkatapos marinig ang sinabi nila, hindi sinasadyang nagsimulang lumaban at mag-ingat ang mga kapatid sa Kidlat ng Silanganan. Lalo pa akong naging maingat, dahil natakot akong manakaw ng Kidlat ng Silanganan at sa gayon ay mawala ang pagkakataon kong pumasok sa kaharian ng langit.

Gayunman, kasisimula pa lang ng bagong taon noong 1998, isang araw, hindi ko inasahang makasalubong ang isang tao mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at naging mapalad akong makinig sa paraan ng Kidlat ng Silanganan sa unang pagkakataon. Nang araw na iyon, tinawagan ako ng ate ko at pinapunta ako sa bahay niya. Pinapunta rin niya si Sister Hu mula sa kanyang nayon. Nang makita ako ni Sister Hu ngumiti siya at sinabi, “Naku, mabuti’t dumating ka. Bibisitahin ako ng isang malayo kong kamag-anak na nananalig sa Panginoon. Bakit hindi tayo magtipun-tipon?” Masaya akong sumang-ayon. Hindi nagtagal, bumalik si Sister Hu na kasama ang kanyang kamag-anak. Nang makita kami ng sister na ito, masigla niya kaming binati. Bagama’t noon ko lang siya nakilala, medyo naging malapit ako sa kanya. Sabi niya, “Mayroong malawak na kapanglawan sa iglesia sa panahong ito. Walang maibigay na sariwa o bagong sermon ang mga mangangaral. Sa bawat pagtitipon, kapag hindi sila nagsesermon kung paano labanan ang Kidlat ng Silanganan, puro pakikinig lang sa mga tape at pagkanta ng mga himno. Ito lang ang nangyayari sa mga pagtitipon. Abala ang mga kapwa-manggagawa sa pag-aaway-away dahil sa inggit, nagsasabwatan at nagsasapakatan sila, lubha silang mapagmagaling na lahat at walang nakikinig sa kahit kanino. Negatibo at mahina ang mga kapatid, at nawalan na sila ng pananampalataya at pagmamahal. Marami nang tumalikod sa Panginoon upang balikan ang kamunduhan para kumita ng pera.” Sa aking kalooban gayon din ang pakiramdam ko, at habang tumatango, sinabi ko sa sister: “Ganito rin sa aking iglesia. Dati-rati, mayroon kaming 20 hanggang 30 katao sa bawat lugar ng pulong sa aming mga buwanang pagpupulong, ngunit ngayon may iilang matatanda na lang, at maging ang mga mangangaral ay binalikan na ang kamunduhan upang kumita ng pera! Wala nang kasiyahang makukuha sa mga pagpupulong.” Tumango ang sister at sinabi, “Ang ganitong uri ng sitwasyon ay hindi lang sa ilang iglesia umiiral, kundi isang di-pangkaraniwang bagay na laganap sa buong relihiyosong mundo. Ipinapakita nito na ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi na matatagpuan sa loob ng iglesia, kaya nga maraming ginagawang labag sa batas palagi—tanda ito ng pagbabalik ng Panginoon. Katulad lang ito ng pagwawakas ng Kapanahunan ng Kautusan, nang ang templo ay naging lugar ng bentahan ng mga baka at palitan ng pera. Ito ay dahil tumigil na ang Diyos sa pagsasagawa ng Kanyang gawain sa templo, at sa halip ay nagkatawang-tao bilang Panginoong Jesus upang isagawa ang isang bagong yugto ng gawain sa labas ng templo.” Nakinig akong mabuti, na tumatango paminsan-minsan. Patuloy na nagsalita ang sister, na sinasabi, “Sister, sa Lucas 17:24–26 sinasabi: ‘Sapagka’t gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa kaniyang kaarawan. Datapuwa’t kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito. At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao.’ Paano mo ipinapakahulugan ang mga linyang ito ng Banal na Kasulatan?” Sandali ko itong pinag-isipang mabuti, at pagkatapos ay asiwa akong tumawa at sinabi ko: “Sister, hindi ba ang tinutukoy ng mga linyang ito sa Banal na Kasulatan ay ang pagdating ng Panginoon?” Tumugon ang sister, “Tinatalakay ng mga linyang ito ng Banal na Kasulatan ang pagdating ng Panginoon. Gayunman, hindi ito tumutukoy sa pagdating ng Panginoong Jesus noong araw. Bagkus, tumutukoy ang mga ito sa pagbalik ng Panginoon sa mga huling araw dahil, dito, napakalinaw na ipinopropesiya ng Panginoon kung ano ang mangyayari kapag nagbalik Siya sa mga huling araw. Sister, ngayon mismo nanlamig na ang pananampalataya ng mga mananampalataya sa iglesia, at sila ay negatibo at mahina. Ito ay dahil sa ang Diyos ay muling naging tao upang isagawa ang isang bagong yugto ng gawain. Sumulong na ang gawain ng Diyos, at lahat ng hindi sumusunod sa bagong gawain ng Diyos ay mawawalan ng gawain ng Banal na Espiritu.” Nang marinig kong sinabi ng sister na nagbalik na ang Panginoong Jesus, agad kong nahulaan na kabilang siya sa Kidlat ng Silanganan, at agad nanlumo ang puso ko. Naglaho ang ngiti sa aking mukha nang biglang pumasok sa aking isipan ang mga salita mula sa aking mga pinuno na nagsara ng iglesia: “Ang manalig kay Jesus ay ang maligtas, at kapag naligtas nang minsan, naligtas nang palagian! … Huwag mong tanggapin ang mga iyon mula sa Kidlat ng Silanganan! …” Nang sumaisip ko ang mga salitang ito mula sa aking mga pinuno, ninais kong magmadaling umuwi. Ngunit nang pumasok ang ideyang ito sa aking isipan, niliwanagan ako ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapaalala sa akin ng isang talata mula sa isang himno: “Si Jesus ang ating kanlungan, kapag may problema ka magtago sa piling Niya, kapag magkasama kayo ng Panginoon, ano’ng ikakatakot mo?” Iyon na nga! naisip ko. “Kung nasa tabi ko ang Panginoon, ano ang kailangan kong ikatakot? Ang mga bagay na aking kinatatakutan ay hindi nagmumula sa Diyos, nagmumula ito kay Satanas. Pagkatapos nito, sinabi ng sister, “Kung may tanong ang sinuman, itanong lang ninyo. Kayang lutasin ng salita ng Diyos ang lahat ng problema at paghihirap natin.” Nang marinig kong sabihin ito ng sister, naisip ko sa sarili ko: “Maaaring hindi mo masagot sa mga tanong ko! Kailangan ko ngayong alamin kung ano ba talaga ang ipinapangaral ng Kidlat ng Silanganan, at kung paano nito nagawang nakawin ang napakaraming mabubuting tupa.”

Habang iniisip ko ito, nagdesisyon akong makilahok kaagad at magkusa, at sinabi ko: “Laging sinasabi ng ating mga pinuno na ipinako sa krus ang Panginoong Jesus para sa atin, at na naipalit na Niya ang Kanyang buhay upang tubusin tayo, at sa gayon ay naligtas na tayo. Nakatala sa Banal na Kasulatan: ‘Sapagka’t ang tao’y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas’ (Roma 10:10). Dahil naligtas na tayong minsan naligtas na tayo magpakailanman, at hangga’t nagtitiis tayo hanggang wakas, kapag bumalik ang Panginoon siguradong madadala tayo sa kaharian ng langit. Ito ang pangako ng Panginoon sa atin. Samakatwid ay hindi natin kailangang tanggapin ang anumang bagong gawaing isinasagawa ng Diyos.”

Ngumiti ang sister at sinabi niya sa akin: “Iniisip ng maraming mananampalataya na ipinako sa krus ang Panginoong Jesus para sa atin, at na dahil ipinalit na Niya ang Kanyang buhay para tubusin tayo, naligtas na tayo. Naniniwala ang mga tao na ang maligtas nang minsan ay ang maligtas magpakailanman, na ang kailangan lang nating gawin ay magtiis hanggang wakas, at kapag bumalik ang Panginoon ay siguradong madadala tayo sa kaharian ng langit, at hindi natin kailangang tanggapin ang anumang bagong gawaing isinasagawa ng Diyos. Ngunit tama ba talaga ang paraang ito ng pag-iisip? Talaga bang naaayon ito sa kalooban ng Panginoon? Ang totoo, ang ideyang ito na ‘ang maligtas nang minsan ay ang maligtas magpakailanman, at kapag bumalik ang Panginoon ay madadala tayo sa kaharian ng langit’ ay pagkaintindi at imahinasyon lamang ng tao, at hindi talaga sang-ayon sa sinabi ng Panginoon. Ni minsan ay hindi sinabi ng Panginoong Jesus na yaong mga naligtas ng kanilang pananampalataya ay maaaring pumasok sa kaharian ng langit, kundi bagkus, sinabi Niya, ‘Kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit(Mateo 7:21). Ang maligtas at ang gawin ang kalooban ng Ama na nasa langit ay magkaiba. Kapag ang pinag-uusapan natin ay ang maligtas ng pananampalataya ng isang tao, itong maligtas ay tumutukoy sa pagpapatawad sa iyong mga kasalanan. Ibig sabihin, kung ang isang tao ay nararapat patayin ayon sa batas, ngunit lumapit sila sa Panginoon at nagsisi, at tinanggap nila ang pagliligtas ng Panginoon, patatawarin sila ng Panginoon sa kanilang mga kasalanan, at iwawaksi ng taong iyon ang parusa ng batas, at hindi na papatayin ayon sa batas. Ito ang totoong kahulugan ng maligtas. Ngunit ang maligtas ay hindi nangangahulugan na ang isang tao ay napalaya mula sa kasalanan at nalinis. Malalim ang karanasan nating lahat dito. Bagama’t maraming taon na tayong nananalig sa Panginoon, at madalas nating ikinukumpisal ang ating mga kasalanan sa Panginoon at nagsisisi tayo, at nagagalak at napapayapa rin na mapatawad sa ating mga kasalanan, madalas pa rin tayong nagkakasala nang di-sinasadya, at nakagapos tayo sa ating mga kasalanan. Totoo ito. Halimbawa, ang ating mga tiwaling disposisyon tulad ng kayabangan, panlilinlang, pagkamakasarili, kasakiman, kasamaan at iba pa ay patuloy pa ring umiiral; nawiwili pa rin tayong makisabay sa mga uso sa mundo, at naghahangad ng yaman at kasikatan, at ng mga kaluguran ng laman, at nag-iimbot tayo ng mga makasalanang kasiyahan. Upang maprotektahan ang ating mga personal na interes, kaya rin nating madalas na magsinungaling at manlinlang ng ibang tao. Samakatwid, ang maligtas ay hindi nangangahulugan na natamo na ng isang tao ang ganap na kaligtasan. Totoo ito. Nakatala sa Banal na Kasulatan: ‘kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t ako’y banal(Levitico 11:45). Ang Diyos ay banal, kaya tutulutan ba Niya ang mga madalas magkasala at lumalaban sa Diyos na makapasok sa kaharian ng langit? Kung naniniwala ka na yaong mga naligtas ng kanilang pananampalataya ay maaaring makapasok sa kaharian ng langit, bakit sinasabi ng Panginoong Jesus ang sumusunod na mga salita? ‘Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan(Mateo 7:21-23). Bakit sinabi na kapag bumalik ang Panginoon, ihihiwalay Niya ang mga kambing sa mga tupa at ang mga panirang damo sa trigo? Samakatwid ay hindi makatwirang sabihin na yaong mga naligtas ng kanilang pananampalataya ay maaaring makapasok sa kaharian ng langit! Ganap na salungat ito sa mga salita ng Panginoong Jesus, at sinusuway nito ang mga salita ng Panginoon! Kaya, kung hindi natin tinatanggap at pinaniniwalaan ang salita ng Panginoon, kundi bagkus ay nakakapit tayo sa mga kamaliang ikinalat ng mga pastor at elder, at umaasa tayo sa sarili nating mga pagkaintindi at imahinasyon sa ating pananalig sa Diyos, hindi natin matutugunan kailanman ang hinihiling ng Panginoon, at hindi tayo madadala sa kaharian ng langit kailanman.”

Mag-iwan ng Tugon