Mag-subscribe

Menu

Naniniwala akong mayroong isang Diyos, ngunit ako’y bata pa, kailangan kong magsikap para sa aking pamilya at aking karera, at marami pa ang nais kong gawin. Maliligtas pa rin ba ako kung maghihintay ako hanggang sa pagtanda ko at magkaroon ng oras upang maniwala sa Diyos?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” (Mateo 16:26).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ngayon ang panahon kung kailan ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain, at ang panahon na sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bansang Gentil. Higit pa riyan, ito ang panahon na pinagbubukud-bukod Ko ang lahat ng nilalang, inilalagay ang bawat isa sa kanya-kanyang kaukulang uri, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas mabisa. At kaya nga, ang Aking hinihingi pa rin sa inyo ay ang ialay mo ang iyong buong pagkatao para sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa, na malinaw mong mabatid at tiyakin ang lahat ng gawaing Aking nagawa na sa iyo, at ibuhos ang lahat ng iyong lakas tungo sa Aking gawain nang ito ay maging mas mabisa. Ito ang dapat mong maunawaan. Tigilan ang pakikipaglaban sa isa’t isa, ang paghahanap ng daang pabalik, o paghahabol sa mga kaaliwan ng laman, na makakaantala sa Aking gawain at sa iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na pangalagaan ka, ay magdudulot sa iyo ng kapahamakan. Hindi ba kahangalan ito para sa iyo? Iyang buong pag-iimbot mong kinahuhumalingan ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang sakit na iyong pinagdurusahan ngayon ay ang mismong bagay na nangangalaga sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang maiwasang mabiktima ng mga tukso kung saan mahihirapan kang makawala, at iwasang mangapa sa makapal na hamog at hindi makita ang araw. Kapag nahawi ang makapal na hamog, masusumpungan mo ang iyong sarili na nasa paghatol ng dakilang araw.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Yaong mga namumuhay sa labas ng Aking salita, na tumatakas sa pagdanas ng pagsubok, hindi ba lahat sila ay palutang-lutang sa buong mundo? Katulad sila ng mga dahon sa taglagas na naglalaglagan kung saan-saan, walang mapagpahingahan, lalong wala sila ng Aking mga salita ng pag-aliw. Bagama’t hindi sila sinusundan ng Aking pagkastigo at pagpipino, hindi ba sila mga pulubing palutang-lutang kung saan-saan, pagala-gala sa mga lansangan sa labas ng kaharian ng langit? Talaga bang ang mundo ang iyong pahingahan? Matatamo mo ba talaga, sa pag-iwas sa Aking pagkastigo, ang pinaka-bahagyang ngiti ng pasasalamat mula sa mundo? Magagamit mo ba talaga ang iyong panandaliang kasiyahan upang pagtakpan ang kahungkagan sa iyong puso, kahungkagan na hindi maitatago? Maaari mong lokohin ang sinuman sa iyong pamilya, ngunit hinding-hindi mo Ako maloloko. Dahil napakaliit ng iyong pananampalataya, hanggang sa araw na ito, wala ka pa ring kapangyarihang makasumpong ng anuman sa mga katuwaang handog ng buhay. Hinihimok kita: mas mabuti pang taos-puso mong gugulin ang kalahati ng iyong buong buhay para sa Aking kapakanan kaysa gugulin mo ang iyong buong buhay sa walang kabuluhan at kaabalahan para sa laman, na tinitiis ang lahat ng pagdurusang halos hindi makayanan ng isang tao. Ano ang silbi ng pagpapahalaga nang husto sa iyong sarili at pagtakas mula sa Aking pagkastigo? Ano ang silbi ng itago ang iyong sarili mula sa Aking panandaliang pagkastigo para lamang umani ng walang-hanggang kahihiyan, ng walang-hanggang pagkastigo? Sa katunayan, hindi ko pinasusunod ang sinuman sa Aking kalooban. Kung talagang handa ang isang tao na magpasakop sa lahat ng Aking plano, hindi Ko sila tratratuhin nang masama. Ngunit kinakailangan Ko na ang maniwala sa Akin ang lahat ng tao, tulad ng paniniwala ni Job sa Akin, si Jehova. Kung ang inyong pananampalataya ay higit pa kaysa kay Tomas, matatamo ng inyong pananampalataya ang Aking papuri, sa inyong katapatan matatagpuan ninyo ang Aking kaligayahan, at siguradong matatagpuan ninyo ang Aking kaluwalhatian sa inyong mga araw.

Hinango mula sa “Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Gising, mga lalaking kapatid! Gising, mga babaeng kapatid! Hindi maaantala ang Aking araw; ang oras ay buhay, at ang samantalahin ang panahon ay nakapagliligtas ng buhay! Hindi na malayo ang oras! Kung hindi kayo makapasa sa pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo, maaari kayong mag-aral at kumuha muli ng pagsusulit kahit ilang ulit ninyo naisin. Gayunman, hindi kakayanin ng Aking araw na magkakaroon ng dagdag na pagkaantala. Tandaan! Tandaan! Hinihimok Ko kayo sa pamamagitan ng mabubuting salitang ito. Nagaganap ang katapusan ng mundo sa harap mismo ng inyong mga mata, at matuling nagsisilapit ang malalaking sakuna. Ano ang mas mahalaga: ang buhay ninyo, o ang inyong pagtulog, ang pagkain, inumin, at kasuotan? Dumating na ang oras para timbangin ninyo ang mga bagay na ito. Huwag nang magduda pa at huwag umiwas sa pagiging sigurado!

Kahabag-habag! Napakadukha! Napakabulag! Napakalupit ng sangkatauhan! Talagang nagbibingi-bingihan kayo sa Aking salita—nagsasalita ba Ako sa inyo nang walang saysay? Napakapabaya pa rin ninyo—bakit? Bakit gayon? Hindi ba ninyo ito talaga naisip kailanman? Para kanino Ko sinasabi ang mga bagay na ito? Maniwala sa Akin! Ako ang inyong Tagapagligtas! Ako ang inyong Pinakamakapangyarihan sa Lahat! Magbantay! Magbantay! Ang nasayang na oras ay hindi na maibabalik kailanman—tandaan ito! Walang gamot saan man sa mundo ang naghihilom sa panghihinayang! Kaya paano Ako dapat makipag-usap sa inyo? Hindi ba karapat-dapat ang Aking salita sa inyong maingat at paulit-ulit na pagsasaalang-alang? Napakapabaya ninyo sa Aking mga salita at napakairesponsable sa inyong buhay; papaano Ko matitiis ito? Papaano Ko ito magagawa?

Hinango mula sa “Kabanata 30” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa proseso ng pagkatuto ng tao ng kaalaman, ginagamit ni Satanas ang lahat ng paraan, maging ito man ay pagkukuwento, simpleng pagbibigay sa kanila ng ilang indibidwal na piraso ng kaalaman, o pagpapahintulot sa kanila na masapatan ang kanilang mga kagustuhan o ambisyon. Sa anong daan ka nais akayin ni Satanas? Iniisip ng mga tao na walang mali sa pagkatuto ng kaalaman, na ito ay ganap na natural. Upang ilagay ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtaguyod ng matatayog na mithiin o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng mga hangarin, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Hindi ba mas maluwalhating paraan para sa mga tao na mabuhay kung matatanto nila ang kanilang sariling mga mithiin o matagumpay na makapagtatag ng isang karera sa kanilang buhay? Sa paggawa ng mga bagay na ito, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno bagkus ay maaari ring mag-iwan ng isang tatak sa kasaysayan—hindi ba ito isang mabuting bagay? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Si Satanas ba, gayunpaman, kasama ang masasamang motibo nito, ay dinadala lang ang mga tao sa ganitong uri ng daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man katayog ang mga mithiin ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng ninanais matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay pawang nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng bawa’t tao, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay “katanyagan” at “pakinabang.” Si Satanas ay gumagamit ng isang napakatusong uri ng paraan, isang paraang lubos na kaayon ng mga kuru-kuro ng mga tao, na hindi naman radikal, kung saan ay nagiging sanhi na walang kamalayang tanggapin ng mga tao ang uri ng pamumuhay nito, ang mga patakaran nito upang mabuhay, at magtatatag ng mga layunin sa buhay at kanilang direksyon sa buhay, at sa ganoon nagkakaroon din sila ng mga ambisyon sa buhay nang hindi namamalayan. Gaano man katayog magmistula ang mga mithiing ito sa buhay, ang mga ito ay pawang nauugnay sa “katanyagan” at “pakinabang”. Sinumang dakila o tanyag na tao—lahat ng tao, sa katunayan—anumang bagay na sinusunod nila sa buhay ay nauugnay lamang sa dalawang salitang ito: “katanyagan” at “pakinabang.” Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng katanyagan at pakinabang, maaari na nila kung gayong samantalahin ang mga ito upang tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang masiyahan sa buhay. Iniisip nila na ang katanyagan at pakinabang ay mga uri ng puhunan na maaari nilang gamitin upang magkamit ng isang buhay na mapaghanap-ng-kaluguran at walang-pakundangan sa pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito na iniimbot ng sangkatauhan, ang mga tao ay kusang-loob, hindi man namamalayan, na ibinibigay ang kanilang mga katawan, mga isip, at lahat ng mayroon sila, ang kanilang kinabukasan at kanilang mga tadhana, kay Satanas. Ginagawa nila ito nang wala ni isang sandali ng pag-aatubili, kailanman ay mangmang sa pangangailangan na mabawi ang lahat ng naibigay na nila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling manganlong sila kay Satanas sa ganitong paraan at maging tapat dito? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila rin ay ganap at lubos na nalublob sa isang putikan, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa katanyagan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang maliwanag, ang matuwid, o ang mga bagay na maganda at mabuti. Ito ay dahil sa ang nakatutuksong kapangyarihan na mayroon ang katanyagan at pakinabang sa mga tao ay napakalaki; at ang mga ito ay nagiging mga bagay para hangarin ng mga tao sa buong buhay nila at maging sa walang hanggan nang walang katapusan. Hindi ba ito totoo?

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang naiisip ng mga tao ay pawang katanyagan at pakinabang na lamang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagbabata ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, isinasakripisyo ang lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at gagawa sila ng anumang paghatol o pagpapasiya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Walang kaalam-alam nilang dinadala ang mga kadenang ito at lumalakad nang may matinding paghihirap. Para sa kapakanan ng katanyagan at pakinabang na ito, ang sangkatauhan ay lumalayo sa Diyos at pinagtataksilan Siya at mas lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, nasisira ang sali’t salinlahi sa katanyagan at pakinabang ni Satanas.

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Hinahanap ng Diyos ang mga taong nag-aasam na Siya’y magpakita. Hinahanap Niya sila na may-kakayahang makinig sa Kanyang mga salita, mga hindi nakalimot sa Kanyang tagubilin, at naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya. Hinahanap Niya ang mga kasing masunurin ng mga bata sa Kanyang harapan, at hindi Siya kakalabanin. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, hindi nahahadlangan ng anumang kapangyarihan o puwersa, titingnan ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na humarap sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang tagubilin, at gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamatuwid na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga layunin, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang presidente, isang siyentipiko, isang pastor, o isang nakatatandang pinuno, ngunit gaano pa man kataas ang iyong katungkulan, kung umaasa ka sa iyong kaalaman at kakayahan sa iyong mga ginagawa, ikaw ay palaging magiging bigo, at palaging mawawalan ng pagpapala ng Diyos, sapagkat hindi tinatanggap ng Diyos ang anumang ginagawa mo, at hindi Niya kinikilala na ang iyong ginagawa ay matuwid, o kaya ay tinatanggap na ikaw ay kumikilos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sasabihin Niya na ang lahat ng bagay na ginagawa mo ay para sa paggamit ng kaalaman at lakas ng sangkatauhan upang ilayo sa tao ang pag-iingat ng Diyos, at na ginagawa ito upang itatwa ang mga pagpapala ng Diyos. Sasabihin Niya na dinadala mo ang sangkatauhan patungo sa kadiliman, patungo sa kamatayan, at patungo sa simula ng isang pag-iral na walang limitasyon kung saan hindi matatagpuan ng tao ang Diyos at ang Kanyang pagpapala.

Hinango mula sa “Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Nananangis ang Diyos sa hinaharap ng sangkatauhan, nagdadalamhati sa pagkahulog ng sangkatauhan, at nasasaktan dahil naglalakad ang sangkatauhan, nang dahan-dahan, patungo sa pagkabulok at sa landas na wala nang balikan. Wala pang nakakaisip kung saan ang maaaring patunguhan ng isang sangkatauhan na bumigo sa puso ng Diyos at nagtakwil sa Kanya para hanapin ang diyablo. Ito mismo ang dahilan kung bakit walang nakadarama sa galit ng Diyos, kung bakit walang naghahanap ng paraan para mapalugod Siya o nagsisikap na mapalapit sa Kanya, at bukod pa riyan, kung bakit walang naghahangad na maunawaan ang Kanyang dalamhati at pasakit. Kahit matapos marinig ang tinig ng Diyos, patuloy na tumatahak ang tao sa sarili niyang landas, pilit na lumalayo sa Diyos, umiiwas sa biyaya at kalinga ng Diyos, at lumalayo sa Kanyang katotohanan, mas ginugustong ibenta ang kanyang sarili kay Satanas, ang kaaway ng Diyos. At sino na ang nakapag-isip—dapat bang ipilit ng tao ang katigasan ng kanyang ulo—tungkol sa kung paano kikilos ang Diyos sa sangkatauhang ito na nagpaalis na sa Kanya nang hindi man lang lumilingon? Walang nakakaalam na ang dahilan ng paulit-ulit na mga paalala’t pangaral ng Diyos ay dahil inihanda na Niya sa Kanyang mga kamay ang isang walang-katulad na kalamidad, yaong hindi kakayanin ng katawan at kaluluwa ng tao. Ang kalamidad na ito ay hindi lamang isang kaparusahan sa katawan, kundi pati na rin sa kaluluwa. Kailangan mong malaman ito: Kapag nabigo ang plano ng Diyos, at kapag walang tumugon sa Kanyang mga paalala at pangaral, anong klaseng galit ang Kanyang ipamamalas? Isang bagay ito na hindi pa nararanasan o naririnig ng sinumang nilalang. Kaya sinasabi Ko, ang kalamidad na ito ay walang katulad, at hindi na mauulit kailanman. Sapagkat ang plano ng Diyos ay minsan lamang likhain ang tao, at minsan lamang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang unang pagkakataon, at ito rin ang huli. Samakatuwid, walang makakaunawa sa matitiyagang intensyon at taimtim na pag-asam ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pagkakataong ito.

Hinango mula sa “Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon