Iniisip ng ilang tao na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugang nakatuon sa pagsisimba tuwing Linggo, pagbibigay ng mga donasyon at pagiging mapagkawanggawa, at regular na pagdalo sa mga gawain sa simbahan. Naniniwala sila na sa paggawa ng mga bagay na ito, maaari silang maligtas. Ang mga ganoong pananaw ba ay nakaayon sa kalooban ng Diyos?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 7:21–23).
“Ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas” (Mateo 11:12).
“Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo'y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit” (Mateo 18:3).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Bagama’t maraming taong naniniwala sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung ano ang kailangan nilang gawin upang makaayon sa kalooban ng Diyos. Ito ay dahil, bagama’t pamilyar ang mga tao sa salitang “Diyos” at sa mga pariralang tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi nila kilala ang Diyos, at lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na lahat ng hindi nakakakilala sa Diyos ay nalilito sa kanilang paniniwala sa Kanya. Hindi sineseryoso ng mga tao ang kanilang paniniwala sa Diyos, at ito ay dahil lamang sa masyado silang hindi pamilyar sa paniniwala sa Diyos, masyado itong kakaiba para sa kanila. Sa ganitong paraan, hindi sila makaabot sa mga hinihiling ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi alam ang Kanyang gawain, hindi sila akmang kasangkapanin ng Diyos, at lalong hindi nila magagawang palugurin ang Kanyang kalooban. Ang “paniniwala sa Diyos” ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto patungkol sa paniniwala sa Diyos. Bukod pa riyan, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na paniniwala sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananampalataya na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa paniniwala na ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, inaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, pinalulugod ang kalooban ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay sa buhay ang matatawag na “pananampalataya sa Diyos.” Subalit madalas ituring ng mga tao ang paniniwala sa Diyos bilang isang simple at walang-kabuluhang bagay. Nawala na sa mga taong naniniwala sa Diyos sa ganitong paraan ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas. Mayroon pa ring mga naniniwala sa Diyos ngayon ayon sa mga titik at sa hungkag na doktrina. Hindi nila alam na wala silang diwa ng paniniwala sa Diyos, at hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagdarasal pa rin sila sa Diyos para mapagpala ng kapayapaan at sapat na biyaya. Huminto tayo, patahimikin natin ang ating puso, at itanong sa ating sarili: Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos talaga ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong naniniwala sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o naniniwala sa Diyos subalit kinakalaban Siya ay napapalugod ang kalooban ng Diyos?
Hinango mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Palaging iniisip ng ilang mga tao: “Hindi ba’t ang paniniwala sa Diyos ay isang bagay lamang ng pagdalo sa mga pagtitipon, pag-awit ng mga kanta, pakikinig sa salita ng Diyos, pananalangin, at pagtupad ng ilang mga tungkulin? Hindi ba iyan lamang lahat ang pinatutungkulan nito?” Gaano man katagal na kayong naniniwala sa Diyos, hindi pa rin kayo nakakatamo ng lubos na pagkaunawa tungkol sa kabuluhan ng paniniwala sa Diyos. Sa katunayan, ang kabuluhan ng paniniwala sa Diyos ay napakalalim kaya hindi ito naaarok ng mga tao. Sa bandang huli, ang mga bagay sa loob ng mga tao na mula kay Satanas at ang mga bagay ukol sa kanilang kalikasan ay dapat mabago at dapat maging kaayon sa mga kinakailangan ng katotohanan; tanging sa paraang ito lamang tunay na nakakamit ng isa ang kaligtasan. Kung, kagaya ng nakasanayan mo noong nasa relihiyon ka, nagsasalita ka lamang ng ilang mga salita ng doktrina o sumisigaw ng mga sawikain, at pagkatapos ay gumagawa ng kaunting mabubuting gawa, nagpapakita ng higit pang mabuting mga paggawi, at umiiwas sa paggawa ng ilang kasalanang halata, hindi pa rin ito nangangahulugan na nakatungtong ka na sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos. Ang kakayanan ba na makasunod sa mga tuntunin ay nagpapahiwatig na lumalakad ka sa tamang landas? Nangangahulugan ba ito na nakapili ka nang tama? Kung ang mga bagay sa loob ng iyong kalikasan ay hindi pa nagbago, at sa bandang huli nilalabanan mo pa rin at pinagkakasalahan ang Diyos, kung gayon ito ang pinakamalaki mong suliranin. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, hindi mo nilulutas ang suliraning ito, maaari ka ba kung gayong ibilang na naligtas na? Ano ang ibig Kong sabihin sa pagsasalita nang ganito? Ibig Kong ipaunawa sa inyong lahat sa inyong mga puso na ang isang paniniwala sa Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa mga salita ng Diyos, mula sa Diyos, o mula sa katotohanan. Dapat mong piliing mabuti ang iyong landas, pagsikapan ang katotohanan, at pagsikapan ang mga salita ng Diyos. Huwag ka lamang magtamo ng ilang hilaw na kaalaman, o magkaroon ng kung papaano mang pagkaunawa, at pagkatapos ay ipapalagay na ayos ka na. Kung niloloko mo ang iyong sarili, sasaktan mo lamang ang iyong sarili. Hindi dapat lumihis ang mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos; sa huli, kung wala sa puso nila ang Diyos at hawak lamang nila ang isang aklat at sinusulyap-sulyapan lamang ito nang mabilis, subalit walang puwang ang Diyos sa puso nila, tapos na sila. Ano ang kahulugan ng mga salitang, “Ang pananalig ng tao sa Diyos ay hindi maihihiwalay sa mga salita ng Diyos”? Nauunawaan ba ninyo? Sinasalungat ba nito ang mga salitang, “Ang pananalig sa Diyos ay hindi maihihiwalay sa Diyos”? Paano mo maaaring isapuso ang Diyos kung wala sa puso mo ang mga salita ng Diyos? Kung nananalig ka sa Diyos, ngunit wala sa puso mo ang Diyos, ni ang Kanyang mga salita, ni ang Kanyang patnubay, talagang tapos ka na.
Hinango mula sa “Yaong mga Nawalan ng Gawain ng Banal na Espiritu ang Pinaka-nasa Panganib” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ang kabuluhan ng pananalig sa Diyos ay upang maligtas, kaya ano ang kahulugan ng maligtas? “Maligtas,” “makakalas mula sa maitim na impluwensya ni Satanas”—madalas pag-usapan ng mga tao ang mga paksang ito, ngunit hindi nila alam kung ano ang kahulugan ng maligtas. Ano ba ang kahulugan ng maligtas? May kaugnayan ito sa kalooban ng Diyos. Sa simpleng pananalita, ang maligtas ay nangangahulugan na maaari kang magpatuloy na mabuhay, at na binuhay kang muli. Kaya bago iyon, ikaw ba ay patay? Nakapagsasalita ka, at nakahihinga ka, kaya paano masasabing patay ka? (Ang espiritu ay patay.) Bakit sinasabing patay ang mga taong patay ang espiritu? Ano ang batayan ng kasabihang ito? Kaninong nasasakupan namumuhay ang mga tao bago sila nagtamo ng kaligtasan? (Sa nasasakupan ni Satanas.) At saan umaasa ang mga tao para mabuhay sa nasasakupan ni Satanas? Umaasa sila sa kanilang satanikong kalikasan at mga tiwaling disposisyon para mabuhay. Kapag ang isang tao ay nabubuhay sa mga ito, ang buong katauhan ba nila—ang kanilang laman, at lahat ng iba pang aspeto katulad ng kanilang kaluluwa at kanilang kaisipan—ay buhay o patay? Mula sa pananaw ng Diyos, sila ay patay. Sa tingin, mukhang humihinga ka at nag-iisip, ngunit lahat ng iniisip mo palagi ay masama; ang iniisip mo ay tungkol sa mga bagay na sumusuway sa Diyos at paghihimagsik laban sa Diyos, mga bagay na kinamumuhian, kinapopootan, at kinokondena ng Diyos. Sa paningin ng Diyos, hindi lamang kabilang sa laman ang lahat ng bagay na ito, kundi lubusang pag-aari ni Satanas at ng mga diyablo ang mga ito. Kaya ano ang mga tao sa paningin ng Diyos? Mga tao ba sila? Hindi, sila ay hindi mga tao. Nakikita sila ng Diyos bilang mga diyablo, bilang mga hayop, at bilang mga Satanas, nabubuhay na mga Satanas! Nabubuhay ang mga tao ayon sa mga bagay at diwa ni Satanas, at sa paningin ng Diyos, sila mismo’y buhay na mga Satanas na may laman ng tao. Tinatawag ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga naglalakad na bangkay, bilang patay na mga tao. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang kasalukuyang gawain ng pagliligtas upang kuhanin ang gayong mga tao—itong mga naglalakad na bangkay na namumuhay sa pamamagitan ng kanilang tiwaling mala-satanas na disposisyon at sa pamamagitan ng kanilang tiwaling diwa—kinukuha Niya ang mga tinatawag na patay na mga tao at ginagawa silang mga buhay. Ito ang ibig sabihin ng maligtas.
Ang punto ng paniniwala sa Diyos ay makamtan ang kaligtasan. Ang kahulugan ng maligtas ay na mula sa isang patay na tao ay nagiging buhay na tao ka. Ipinahihiwatig nito na nanumbalik ang iyong hininga, at buhay ka; nakikilala mo ang Diyos, at kaya nagagawa mong yumukod upang sambahin Siya. Sa puso mo, wala ka nang paglaban pa sa Diyos; hindi mo na Siya sinasalungat, sinasalakay, o naghihimagsik laban sa Kanya. Tanging ang mga taong tulad nito ang tunay na buhay sa paningin ng Diyos. Kung sinasabi lamang ng isang tao na kinikilala niya ang Diyos, siya ba kung gayon ay isa sa mga nabubuhay o hindi? (Hindi.) Kung gayon anong uri ng mga tao ang mga nabubuhay? Anong klase ng realidad ang mayroon sila? Sa pinakamababa, ang mga buhay ay nakapagsasalita ng wikang pantao. Ano iyon? Ang ibig sabihin nito, ang mga salitang kanilang sinasambit ay kinapapalooban ng mga ideya, kaisipan, at pagkakilala. Anu-anong mga bagay ang madalas isipin at gawin ng mga nabubuhay? Kaya nilang lumahok sa mga gawaing pantao at tuparin ang kanilang mga tungkulin. Ano ang katangian ng ginagawa at sinasabi nila? Ito’y na lahat ng ibinubunyag nila, lahat ng iniisip nila, at lahat ng ginagawa nila ay ginagawa nang may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Upang masabi nang mas angkop, bilang isa sa mga nabubuhay, ang bawat gawa at kaisipan mo ay hindi kinokondena ng Diyos o kinamumuhian at tinatanggihan ng Diyos; sa halip, ang mga ito’y sinasang-ayunan at pinupuri ng Diyos. Ito ang ginagawa ng nabubuhay, at siya ring dapat gawin ng nabubuhay.
Hinango mula sa “Tanging ang Pagiging Totoong Masunurin ang Tunay na Paniniwala” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ang isang normal na espirituwal na buhay ay hindi limitado sa mga pagsasagawang tulad ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, paglahok sa buhay-iglesia, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Sa halip, kinapapalooban ito ng pamumuhay ng bago at masiglang espirituwal na buhay. Ang mahalaga ay hindi kung paano kayo nagsasagawa, kundi kung ano ang ibinubunga ng inyong pagsasagawa. Naniniwala ang karamihan sa mga tao na ang isang normal na espirituwal na buhay ay kailangang kapalooban ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos o pagninilay sa Kanyang mga salita, mayroon mang tunay na epekto ang gayong mga pagsasagawa o kaya’y humahantong man ang mga ito sa tunay na pagkaunawa. Nakatuon ang mga taong ito sa pagsunod sa mababaw na mga pamamaraan nang hindi iniisip ang magiging resulta ng mga ito; sila ay mga taong nabubuhay sa mga ritwal ng relihiyon, hindi mga taong nabubuhay sa loob ng iglesia, at lalong hindi sila mga tao ng kaharian. Lahat ng kanilang panalangin, pagkanta ng mga himno, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay puro pagsunod sa panuntunan, na ginagawa dahil napipilitan sila at para makaagapay sa mga kalakaran, hindi dahil sa kahandaan at ni hindi mula sa puso. Gaano man manalangin o kumanta ang mga taong ito, hindi magkakaroon ng bunga ang kanilang mga pagsisikap, sapagkat ang isinasagawa nila ay mga panuntunan at ritwal lamang ng relihiyon; hindi talaga sila nagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Nagtutuon lamang sila sa pagkabahala kung paano sila nagsasagawa, at itinuturing nilang mga panuntunang susundin ang mga salita ng Diyos. Hindi isinasagawa ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos; pinagbibigyan lamang nila ang laman, at gumagawa sila para makita ng ibang mga tao. Lahat ng panuntunan at ritwal na ito ng relihiyon ay tao ang pinagmulan; hindi nagmumula ang mga ito sa Diyos. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga panuntunan, ni hindi Siya sakop ng anumang batas. Sa halip, gumagawa Siya ng mga bagong bagay araw-araw, nagsasakatuparan ng praktikal na gawain. Gaya ng mga tao sa Three-Self Church, na nililimitahan ang kanilang sarili sa mga pagsasagawa tulad ng pagdalo sa pagsamba sa umaga araw-araw, pag-aalay ng mga panalangin sa gabi at panalangin ng pasasalamat bago kumain, at pasasalamat sa lahat ng bagay—gaano man karami ang kanilang ginagawa at gaano man katagal nila iyon ginagawa, hindi mapapasakanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag nabubuhay ang mga tao sa gitna ng mga panuntunan at nakatutok ang kanilang puso sa mga pamamaraan ng pagsasagawa, hindi makakagawa ang Banal na Espiritu, dahil ang kanilang puso ay puno ng mga panuntunan at kuru-kuro ng tao. Sa gayon, hindi nagagawang mamagitan at gumawa ang Diyos sa kanila, at maaari lamang silang patuloy na mabuhay sa ilalim ng kontrol ng mga batas. Ang gayong mga tao ay walang kakayahang tumanggap ng papuri ng Diyos kailanman.
Hinango mula sa “Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Dahil naniniwala ka sa Diyos, kailangan mong kainin at inumin ang Kanyang mga salita, danasin ang Kanyang mga salita, at isabuhay ang Kanyang mga salita. Ito lamang ang matatawag na paniniwala sa Diyos! Kung naniniwala ka sa Diyos sa salita subalit hindi mo naisasagawa ang anuman sa Kanyang mga salita o nakakagawa ng anumang realidad, hindi ito tinatawag na paniniwala sa Diyos. Sa halip, ito ay “paghahanap ng tinapay upang pawiin ang gutom.” Ang pagsasalita lamang ng mga walang-kuwentang patotoo, walang-silbing mga bagay, at paimbabaw na mga bagay, nang wala ni katiting na realidad: hindi bumubuo ang mga ito ng paniniwala sa Diyos, at talagang hindi mo naintindihan ang tamang paraan ng paniniwala sa Diyos. Bakit mo kailangang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos hangga’t maaari? Kung hindi ka kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita kundi naghahangad ka lamang na makaakyat sa langit, paniniwala ba iyon sa Diyos? Ano ang unang hakbang na dapat gawin ng isang naniniwala sa Diyos? Sa anong landas ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Maaari ka bang magawang perpekto nang hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos? Maituturing ka bang isang tao ng kaharian kung hindi nagsisilbing iyong realidad ang mga salita ng Diyos? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng paniniwala sa Diyos? Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat man lamang kumilos nang maayos sa labas; ang pinakamahalaga sa lahat ay ang mag-angkin ng mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari, hindi ka maaaring tumalikod kailanman mula sa Kanyang mga salita. Ang pagkilala sa Diyos at pagtupad sa Kanyang mga layunin ay nakakamit na lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Sa hinaharap, bawat bansa, denominasyon, relihiyon, at sektor ay malulupig sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Magsasalita nang tuwiran ang Diyos, at lahat ng tao ay hahawakan ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga kamay, at sa pamamagitan nito, magagawang perpekto ang sangkatauhan. Sa loob at sa labas, ang mga salita ng Diyos ay lumalaganap saanman: Sasambitin ng bibig ng sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, magsasagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos, at iingatan sa kalooban ang mga salita ng Diyos, na nananatiling babad sa mga salita ng Diyos kapwa sa kilos at kalooban. Sa ganito magagawang perpekto ang sangkatauhan. Yaong mga tumutupad sa mga layunin ng Diyos at nagagawang magpatotoo sa Kanya, ito ang mga taong nagtataglay ng mga salita ng Diyos bilang kanilang realidad.
Hinango mula sa “Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ano ang tunay na paniniwala sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang buhay realidad at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang paniniwala sa Diyos ay upang sumunod ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at gampanan ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos. Dapat mong kamtin ang isang pagkakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos, sa kung gaano karapat-dapat ang Diyos sa paggalang, sa kung paano, sa Kanyang mga nilikha, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas at ginagawa silang perpekto—ito ang mga pinakamahalagang dapat taglayin ng iyong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos sa pangunahin ay ang paglipat mula sa isang pamumuhay ng laman tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos; mula sa pamumuhay na nakapaloob sa katiwalian tungo sa pamumuhay na nakapaloob sa buhay ng mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng sakop ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, ito ay ang nakakayanang makamit ang pagkamasunurin sa Diyos at hindi ang pagkamasunurin sa laman, ito ay pagpapahintulot sa Diyos na makamit ang iyong buong puso, pagpapahintulot sa Diyos na gawin kang perpekto, at pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tiwaling mala-satanas na disposisyon. Pangunahin ang paniniwala sa Diyos upang ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay mangyaring mahayag sa iyo, nang sa gayon maaari mong gawin ang kalooban ng Diyos, at tuparin ang plano ng Diyos, at magawang patotohanan ang Diyos sa harap ni Satanas. Ang paniniwala sa Diyos ay hindi dapat umikot sa pagnanais na makita ang mga tanda at mga kababalaghan, o hindi ito dapat alang-alang sa iyong personal na laman. Tungkol ito dapat sa pagtataguyod sa pagkilala sa Diyos, at kakayahang sumunod sa Diyos, at, tulad ni Pedro, sumunod sa Kanya hanggang kamatayan. Ito ang mga pangunahing layunin ng paniniwala sa Diyos. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay upang makilala ang Diyos at upang ikalugod Niya. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo ng higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkaraan lamang nito makasusunod ka sa Diyos. Tanging kung may pagkakilala ka sa Diyos na magagawa mong ibigin Siya, at ito ang layuning dapat taglayin ng tao sa kanyang paniniwala sa Diyos. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, palagi mong sinusubukang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, mali kung gayon ang pananaw ng ganitong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang buhay realidad. Makakamit lamang ang layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mula sa Kanyang bibig at pagsasakatuparan ng mga iyon sa iyong sariling kalooban. Sa paniniwala sa Diyos, dapat magpunyagi ang tao na magawang perpekto ng Diyos, ang makayanang magpasakop sa Diyos, at para sa ganap na pagkamasunurin sa Diyos. Kung masusunod mo ang Diyos nang hindi dumaraing, isaisip ang mga ninanais ng Diyos, kamtin ang tayog ni Pedro, at taglayin ang pamamaraan ni Pedro na sinabi ng Diyos, diyan mo matatamo ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos, at ito ang magpapahiwatig na nakamtan ka na ng Diyos.
Hinango mula sa “Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Kailangan mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunus-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga humihingi ng pabor sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, yaong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila yaong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at gampanan ang kanilang tungkulin bilang nilalang ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi mo hinahangad na baguhin ang iyong sariling disposisyon sa buhay, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!
Hinango mula sa “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao