Bagama’t naganap ang likas na mga paghahayag nang magsimula nang sundan ni Pedro si Jesus, sa simula pa lamang, isa na siyang tao na likas na handang magpasakop sa Banal na Espiritu at maghanap kay Cristo. Ang kanyang pagsunod sa Banal na Espiritu ay dalisay: Hindi siya naghangad ng katanyagan at yaman, kundi sa halip ay naganyak siya ng pagsunod sa katotohanan. Bagama’t tatlong beses ikinaila ni Pedro na kilala niya si Cristo, at bagama’t tinukso niya ang Panginoong Jesus, ang gayong maliit na kahinaan ng tao ay walang kinalaman sa kanyang likas na pagkatao, at hindi ito nakaapekto sa kanyang pinagsikapang matamo sa hinaharap, at hindi nito mapatunayan nang sapat na ang kanyang panunukso ay gawa ng isang anticristo. Ang normal na kahinaan ng tao ay isang bagay na karaniwan sa lahat ng tao sa mundo—inaasahan mo ba na maiiba si Pedro kahit paano? Hindi ba may ilang pananaw ang mga tao tungkol kay Pedro dahil gumawa siya ng ilang hangal na pagkakamali? At hindi ba labis na hinahangaan ng mga tao si Pablo dahil sa lahat ng gawaing kanyang ginawa, at lahat ng liham na kanyang isinulat? Paano makakaya ng tao na matukoy ang diwa ng tao? Siguro naman ang mga totoong matitino ay may nakikitang isang bagay na gayon kawalang-halaga? Bagama’t hindi nakatala sa Biblia ang maraming taon ng masasakit na karanasan ni Pedro, hindi nito pinatutunayan na hindi nagkaroon ng mga tunay na karanasan si Pedro, o na hindi ginawang perpekto si Pedro. Paano lubos na maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Ang mga nakatala sa Biblia ay hindi personal na pinili ni Jesus, kundi pinagsama-sama ng mga sumunod na henerasyon. Dahil doon, hindi ba pinili ang lahat ng nakatala sa Biblia ayon sa mga ideya ng tao? Bukod pa riyan, ang mga kinahinatnan nina Pedro at Pablo ay hindi lubos na nakalahad sa mga liham, kaya hinuhusgahan ng tao sina Pedro at Pablo ayon sa kanyang sariling mga pananaw, at ayon sa kanyang sariling mga kagustuhan. At dahil napakaraming gawaing ginawa si Pablo, dahil napakarami ng kanyang mga “ambag,” nakuha niya ang tiwala ng masa. Hindi ba nagtutuon lamang ang tao sa mga kababawan? Paano makakayang matukoy ng tao ang diwa ng tao? Bukod pa riyan, dahil inidolo si Pablo nang ilang libong taon, sino ang mangangahas na padalus-dalos na tanggihan ang kanyang gawain? Si Pedro ay isa lamang mangingisda, kaya paano magiging kasindakila ng kay Pablo ang kanyang ambag? Pagdating sa mga ambag na ginawa nila, dapat ay unang ginantimpalaan si Pablo bago si Pedro, at siya dapat ang higit na karapat-dapat na magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Sino ang makakaisip na, sa Kanyang pagtrato kay Pablo, pinagawa lamang siya ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga talento, samantalang ginawang perpekto ng Diyos si Pedro. Hindi nangyari na nakagawa ang Panginoong Jesus ng mga plano para kina Pedro at Pablo sa simula pa lamang: Sila, sa halip, ay ginawang perpekto o pinagawa ayon sa kanilang likas na pagkatao. Kaya nga, ang nakikita ng mga tao ay panlabas lamang na mga ambag ng tao, samantalang ang nakikita ng Diyos ay ang diwa ng tao, gayundin ang landas na tinatahak ng tao sa simula pa lamang, at ang pangganyak sa likod ng pinagsisikapang matamo ng tao. Sinusukat ng mga tao ang isang tao ayon sa kanilang mga kuru-kuro, at ayon sa sarili nilang pang-unawa, subalit ang huling kahihinatnan ng isang tao ay hindi natutukoy ayon sa kanyang mga panlabas na katangian. Kaya nga sinasabi Ko na kung ang landas na iyong tinatahak sa simula pa lamang ay ang landas ng tagumpay, at ang iyong pananaw tungo sa pagsisikap ay yaong tama sa simula pa lamang, katulad ka ni Pedro; kung ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan, anuman ang halagang iyong binabayaran, ang iyong katapusan ay magiging katulad pa rin ng kay Pablo. Ano’t anuman, ang iyong patutunguhan, at magtagumpay ka man o mabigo, ay kapwa natutukoy sa kung ang landas na iyong hinahangad ay yaong tama o hindi, sa halip na ang iyong debosyon, o ang halaga na iyong binabayaran. Ang mga kakanyahan nina Pedro at Pablo, at ang mga layuning kanilang pinagsisikapang matupad, ay magkaiba; hindi kaya ng tao na tuklasin ang mga bagay na ito, at ang Diyos lamang ang maaaring makaalam sa kabuuan ng mga iyon. Sapagkat ang nakikita ng Diyos ay ang diwa ng tao, samantalang walang alam ang tao tungkol sa sarili niyang kakanyahan. Walang kakayahan ang tao na mamasdan ang kakanyahan ng kalooban ng tao o ng kanyang totoong tayog, at sa gayon ay wala siyang kakayahang tukuyin ang mga dahilan ng kabiguan at tagumpay nina Pablo at Pedro. Ang dahilan kaya sinasamba ng karamihan ng tao si Pablo at hindi si Pedro ay dahil kinasangkapan si Pablo para sa gawaing pampubliko, at nahihiwatigan ng tao ang gawaing ito, kaya nga kinikilala ng tao ang “mga tagumpay” ni Pablo. Ang mga karanasan ni Pedro, samantala, ay hindi nakikita ng tao, at yaong kanyang hinangad ay hindi kayang matamo ng tao, kaya nga walang interes ang tao kay Pedro.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao