Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 532

143 2020-09-29

Sinundan ni Pedro si Jesus nang ilang taon at maraming nakita sa Kanya na wala sa ibang tao. Matapos Siyang sundan nang isang taon, pinili ni Jesus si Pedro mula sa labindalawang alagad. (Siyempre, hindi ito sinabi nang malakas ni Jesus, at ni hindi iyon alam ng iba.) Sa buhay, sinukat ni Pedro ang kanyang sarili ayon sa lahat ng ginawa ni Jesus. Higit sa lahat, ang mga mensaheng ipinangaral ni Jesus ay nakaukit sa kanyang puso. Lubos siyang naging dedikado at tapat kay Jesus, at hindi siya kailanman nagsabi ng anumang mga hinaing laban sa Kanya. Dahil doon, naging tapat na kasama siya ni Jesus saanman Siya nagpunta. Inobserbahan ni Pedro ang mga turo ni Jesus, ang mahinahon Niyang mga salita, kung ano ang kinakain Niya, ang Kanyang pananamit, ang Kanyang tirahan, at kung paano Siya maglakbay. Tinularan niya si Jesus sa lahat ng aspeto. Hindi siya kailanman naging mapagmagaling, kundi iwinaksi niya ang lahat ng lipas na, na sinusunod ang halimbawa ni Jesus kapwa sa salita at gawa. Noon nadama ni Pedro na ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat at na, dahil dito, wala siyang pansariling pasiya. Natutuhan din ni Pedro ang lahat ng tungkol kay Jesus at ginamit iyon bilang halimbawa. Ipinapakita ng buhay ni Jesus na hindi Siya mapagmagaling sa Kanyang ginagawa; sa halip na ipagmalaki ang Kanyang sarili, pinukaw Niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagmamahal. Ipinakita ng iba’t-ibang bagay kung ano si Jesus, at dahil dito, tinularan ni Pedro ang lahat ng tungkol sa Kanya. Dahil sa kanyang mga karanasan, nagkaroon si Pedro ng nag-iibayong pagkaunawa sa pagiging kaibig-ibig ni Jesus, at nagsabi ng mga bagay na tulad ng, “Hinanap ko ang Makapangyarihan sa lahat sa buong sansinukob, at namalas ko ang mga kababalaghan ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at sa gayon ay nagkaroon ako ng malalim na pagkaunawa sa pagiging kaibig-ibig ng Makapangyarihan sa lahat. Gayunman, hindi ako nagkaroon kailanman ng tunay na pagmamahal sa aking sariling puso, at hindi pa kailanman nakita ng sarili kong mga mata ang pagiging kaibig-ibig ng Makapangyarihan sa lahat. Ngayon, sa paningin ng Makapangyarihan sa lahat, ako ay kinaluguran Niya, at sa wakas ay nadama ko na ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Sa wakas ay natuklasan ko na hindi minamahal ng sangkatauhan ang Diyos dahil lang nilikha Niya ang lahat ng bagay; sa aking pang-araw-araw na buhay, natagpuan ko ang Kanyang walang-hanggang pagiging kaibig-ibig. Paano iyon magiging limitado sa kung ano ang nakikita ngayon?” Sa paglipas ng panahon, marami ring kaibig-ibig na bagay ang nakita kay Pedro. Naging napakamasunurin niya kay Jesus, at siyempre, nagdanas din siya ng ilang problema. Kapag isinasama siya ni Jesus para mangaral sa iba’t-ibang lugar, laging nagpapakumbaba si Pedro at nakikinig sa mga sermon ni Jesus. Hindi siya kailanman naging mapagmataas dahil sa maraming taon ng pagsunod niya kay Jesus. Matapos sabihan ni Jesus na kaya Siya naparito ay upang ipako sa krus nang sa gayon ay matapos Niya ang Kanyang gawain, madalas makaramdam si Pedro ng pighati sa kanyang puso at lihim na iiyak nang mag-isa. Gayunpaman, dumating na sa wakas ang “malungkot” na araw na iyon. Matapos maaresto si Jesus, mag-isang umiyak si Pedro sa kanyang bangkang pangisda at umusal ng maraming dalangin para rito. Ngunit sa kanyang puso, alam niyang ito ang kalooban ng Diyos Ama, at na walang sinumang makapagpapabago roon. Nanatili siyang malungkot at naluluha dahil lamang sa kanyang pagmamahal. Isa itong kahinaan ng tao, siyempre. Sa gayon, nang malaman niyang ipapako si Jesus sa krus, tinanong niya si Jesus, “Sa Iyong pag-alis, babalik Ka ba sa aming piling at babantayan kami? Makikita Ka pa ba namin?” Bagama’t walang kamuwang-muwang ang mga salitang ito at puno ng mga pagkaintindi ng tao, alam ni Jesus ang pait ng pagdurusa ni Pedro, kaya sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal ay isinaalang-alang Niya ang kahinaan ni Pedro: “Pedro, minahal kita. Alam mo ba iyon? Bagama’t walang katwiran ang iyong sinasabi, nangako ang Ama na pagkatapos ng Aking pagkabuhay na mag-uli, magpapakita ako sa mga tao sa loob ng 40 araw. Hindi ka ba naniniwala na malimit na magkakaloob ng biyaya ang Aking Espiritu sa inyong lahat?” Kahit na bahagyang napayapa nito si Pedro, pakiramdam niya ay may isang bagay pa rin na nawawala, kaya nga, matapos mabuhay na mag-uli, hayagang nagpakita si Jesus sa kanya sa unang pagkakataon. Gayunman, para mapigilan si Pedro na patuloy na kumapit sa kanyang mga pagkaintindi, tinanggihan ni Jesus ang labis-labis na pagkaing inihanda ni Pedro para sa Kanya, at naglaho sa isang kisapmata. Mula sa sandaling iyon, sa wakas ay nagkaroon na si Pedro ng mas malalim na pagkaunawa sa Panginoong Jesus at lalo pa Siyang minahal. Pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli, malimit na nagpakita si Jesus kay Pedro. Tatlong beses pa Siyang nagpakita kay Pedro makalipas ang apatnapung araw at umakyat na Siya sa langit. Bawat pagpapakita ay mismong sa sandaling matatapos na ang gawain ng Banal na Espiritu at magsisimula na ang bagong gawain.

Sa buong buhay niya, nabuhay si Pedro sa pangingisda ngunit, higit pa roon, nabuhay siya upang mangaral. Sa kanyang katandaan, isinulat niya ang una at pangalawang sulat ni Pedro, pati na rin ang ilang liham sa iglesia ng Philadelphia noong panahong iyon. Ang mga tao sa panahong ito ay lubhang naantig sa kanya. Sa halip na magsermon sa mga tao gamit ang sarili niyang mga kaalaman, binigyan niya sila ng angkop na panustos sa buhay. Hindi niya kailanman nakalimutan ang mga turo ni Jesus bago Siya lumisan, at naging inspirasyon ang mga iyon sa kanyang buong buhay. Habang sinusundan si Jesus, nagpasiya siyang suklian ang pagmamahal ng Panginoon ng kanyang kamatayan at sundan ang Kanyang halimbawa sa lahat ng bagay. Sumang-ayon dito si Jesus, kaya nang si Pedro ay 53 taong gulang (mahigit 20 taon nang nakaalis si Jesus), nagpakita sa kanya si Jesus para tumulong na matupad ang kanyang pangarap. Sa loob ng pitong taong kasunod noon, ginugol ni Pedro ang kanyang buhay sa pagkilala sa kanyang sarili. Isang araw, sa pagtatapos ng pitong taong ito, ipinako siya sa krus nang pabaliktad, sa gayon ay winawakasan ang kanyang pambihirang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Tungkol sa Buhay ni Pedro

Mag-iwan ng Tugon