Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Pagkakatawang-tao | Sipi 103

805 2020-08-23

Kung sa yugtong ito ay nagtitiis ng hirap o nagsasagawa ng Kanyang ministeryo ang Diyos na nagkatawang-tao, ginagawa Niya ito upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao, sapagkat ito ang huling pagkakatawang-tao ng Diyos. Dalawang beses lamang maaaring magkatawang-tao ang Diyos. Hindi maaaring magkaroon ng pangatlo. Ang unang pagkakatawang-tao ay lalaki, ang pangalawa ay babae, kaya nga ang larawan ng katawang-tao ng Diyos ay kinukumpleto sa isipan ng tao; bukod doon, natapos na ng dalawang pagkakatawang-tao ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang unang pagkakataon, nagtaglay ang Diyos na nagkatawang-tao ng normal na pagkatao upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Sa pagkakataong ito ay nagtataglay rin Siya ng normal na pagkatao, ngunit iba ang kahulugan ng pagkakatawang-taong ito: Ito ay mas malalim, at ang Kanyang gawain ay may mas malalim na kabuluhan. Minsan pang naging tao ang Diyos upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Kapag lubos na nawakasan ng Diyos ang yugtong ito ng Kanyang gawain, ang buong kahulugan ng pagkakatawang-tao, ibig sabihin, ang gawain ng Diyos sa katawang-tao, ay makukumpleto, at wala nang gawaing gagawin sa katawang-tao. Ibig sabihin, mula ngayon ay hindi na muling magkakatawang-tao ang Diyos kailanman upang gawin ang Kanyang gawain. Ginagawa lamang ng Diyos ang gawain ng pagkakatawang-tao upang iligtas at gawing perpekto ang sangkatauhan. Sa madaling salita, hindi karaniwan para sa Diyos ang pagkakatawang-tao, maliban kung para sa kapakanan ng gawain. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao upang gumawa, ipinapakita Niya kay Satanas na ang Diyos ay isang tao, isang normal na tao, isang ordinaryong tao—subalit maaaring maghari Siya nang matagumpay sa buong mundo, talunin Niya si Satanas, tubusin ang sangkatauhan, lupigin ang sangkatauhan! Binibitag ni Satanas ang tao sa walang-hanggang kalaliman, samantalang sinasagip siya ng Diyos mula rito. Ginagawa ni Satanas na sambahin ito ng lahat ng tao, samantalang isinasailalim sila ng Diyos sa Kanyang kapamahalaan, sapagkat Siya ang Diyos ng paglikha. Lahat ng gawaing ito ay nagagawa sa pamamagitan ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos. Sa totoo lang, ang Kanyang katawang-tao ay ang pagsasama ng pagkatao at pagka-Diyos, at nagtataglay ng normal na pagkatao. Kaya kung wala ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, hindi maaaring makamit ng Diyos ang mga resulta ng pagliligtas sa sangkatauhan, at kung walang normal na pagkatao ang Kanyang katawang-tao, hindi pa rin maaaring makamit ng Kanyang gawain sa katawang-tao ang mga resulta. Ang diwa ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na kailangan Siyang magtaglay ng normal na pagkatao; sapagkat kung hindi ay sasalungat ito sa orihinal na pakay ng Diyos sa pagkakatawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Mag-iwan ng Tugon